top of page
Search

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| August 17, 2020




MAY ilan sa ating may kakilala, kamag-anak o kaibigan na tinamaan ng COVID-19. Ang masaklap, may mga namatayan dahil ‘di kinaya ang bagsik ng hindi nakikitang kalaban. Madalas nating pinag-uusapan kung paano makaiiwas sa naturang sakit, pero ngayon, pag-usapan naman natin kung paano maipakikita ang suporta sa kakilala nating may COVID-19, gayundin ang mga dapat at hindi dapat gawin sa kanila para maipakita ang ating suporta:

  1. ‘WAG KUHANAN NG PHOTO O VIDEO. Sa ospital, ‘Patient #’ ang tawag sa kanila para maprotektahan ang kanilang pagkakakilanlan. Ibig sabihin, kailangan din nating ingatan ang kanilang mga impormasyon. Iwasang ipagsabi sa iba ang kanilang kondisyon, gayundin ang pagpapakalat ng kanilang mga larawan o video.

May mga insidente rin na kumakalat sa community groups ang impormasyon ng pasyente at kanilang pamilya. Very wrong ito, kaya kung may makikita tayong nagkakalat ng litrato o anumang impormasyon ng pasyente, i-call out natin sila at ipaliwanag na mali ito.

  1. ‘WAG I-GUILT TRIP. “Ikaw kasi, labas ka nang labas,” “Oh, labas pa more!” Iwasang magsabi ng mga ganitong salita dahil una sa lahat, wala namang may gustong magkasakit. Kung lumalabas man siya, ‘di natin alam kung ano ang rason niya—siya ba ay bread winner ng pamilya kaya wala siyang choice kundi lumabas at makipagsapalaran?

Mga bes, hindi natin alam kung gaano kabigat o kahirap ang pinagdaraanan nila, kaya kung wala tayong sasabihing maganda, shut up na lang muna. Hindi nila deserve ang panggi-guilt trip.

  1. ‘WAG IPAHIYA. Bukod sa pakikipaglaban sa sakit, isa sa kalaban ng COVID patients ay ang pamamahiya o diskriminasyon. Minsan, parang kriminal ang trato sa kanila, kaya matatandaang may insidente ng pagkandado sa bahay ng isang pamilyang may COVID patient. Sa gitna ng pandemya, maging makatao tayo sa isa’t isa, lalo na sa kanilang mga tinamaan ng sakit.

  1. IPARAMDAM ANG SUPORTA. Hindi naman kailangan ng moral support para masabing sinusuportahan mo siya sa laban na ito. Ang mga simpleng mensahe tulad ng “Magpalakas at magpagaling ka,” “Ipinagdarasal kita,” at “Sana, gumaling ka na,” ay may malaking maitutulong sa pagpapalakas ng loob nila.

Karamihan sa COVID patients ay malayo sa pamilya dahil nasa isolation facility sila, kaya sa pamamagitan ng maliliit na paraan, ipakita at iparamdam nating sila ay may karamay.

  1. IPAGDASAL NA MABILIS GUMALING. Kung nahihiya kang mag-message sa kanya, ipagdasal mo siya. Sabi nga, ito ang isa sa pinakamabisang gamot sa anumang sakit, kaya bago matulog sa gabi, ipagdasal ang kanyang mabilis na paggaling, gayundin ang kaligtasan ng kanyang pamilya. Isama na rin sa panalangin ang iba pang pasyenteng nakikipaglaban sa sakit na ito.

Mga ka-BULGAR, ‘di natin kailangang maging frontliner para makatulog sa mga may sakit. Ang kailangan natin ay maging makatao at pairalin ang pang-unawa nang sa gayun ay maramdaman nila hindi sila nag-iisa sa laban na ito.

Make sure na ibabahagi n’yo ang ilang tips na ito sa inyong mga kapamilya at kaibigan para mas maraming COVID-19 patients ang ating masuportahan. Keri?

 
 

ni Jersy Sanchez - @No Problem| August 16, 2020




Sa panahon ngayon, hindi natin afford magsayang o magtapon ng pagkain. Tipong gamit na gamit ang pagiging kuripot ni nanay pagdating sa pagtitipid ng mga rekado nang sa gayun ay masiguradong walang sentimong nasasayang sa budget. Agree?


Pero minsan, hindi sapat na maging kuripot lang para makatipid dahil ang mga pagkaing binibili natin ay kailangang maitabi nang tama para hindi madaling masira.


Kaya naman para sa mga inay na tag-tipid ngayong may pandemya, narito ang ilang tips para mapahaba ang shelf life ng ating mga pagkain:

1. PRUTAS. Ayon sa mga eksperto, kailangang paghiwalayin ang hinog at hilaw na mga prutas. Ang mga hilaw na prutas ay kailangang manatili sa room temperature hanggang sa mahinog ang mga ito. Gayunman, ang hinog na prutas ay puwede nang ilagay sa chiller para ma-maintain ang sweetness nito.

Halimbawa, kamatis at saging. Kailangang itsek isa-isa ang mga saging at paghiwalayin ang mga hinog at pahinog pa lang. Kapag naisama sa hilaw ang hinog na saging, mabilis na mahihinog ang mga kasama nito hanggang sa mabulok ‘pag hindi agad kinain.

2. GREEN, LEAFY VEGGIES. Kailangan naman itong ibalot sa foil para hindi mahanginan. Sey ng experts, nalalanta lang ang mga gulay ‘pag naka-expose sa chiller. Kaya para maiwasan ang pagkalanta at exposure sa hangin, kailangan itong ibalot sa foil, pero kung wala ka nito, puwedeng i-reuse ang sachet ng coffee packs at creamers dahil mayroong foil lining sa loob ng mga ito.

3. TINAPAY AT PASTRIES. Sa halip na iwanan sa cabinet o lamesa, mas humahaba naman ang shelf life ng tinapay at pastries ‘pag nasa chiller ito. Kadalasan, tumatagal pa ng lima hanggang anim na araw ang shelf life nito.

4. KARNE. Nasanay tayong i-diretso sa freezer ang ating mga nabiling karne kasama ang plastic bag na pinaglagyan nito. Pero ayon sa mga eksperto, kailangang ilagay ito sa tupperware kung itatabi sa freezer. Dahil manipis ang plastic bag, mas madali itong masira o mabutas ‘pag natamaan ng ibang frozen items. Isa pang tip, hindi dapat lumagpas sa isang linggo ang pag-store ng karne at kailangan itong lutuin agad para hindi ma-contaminate.

Ibang-iba sa nakasanayan natin, ‘di ba? Kaya para sa mga nanay d’yan, no more tapon ng grocery items dahil sa ilang tips na ito.


Sa pamamagitan ng tamang diskarte, dehins na kailangang magsayang ng pera dahil alam n’yo na kung paano dapat itabi ang mga pagkaing madalas nating binibili.

Make sure na susundin n’yo ang tips na ito. Okie?

 
 

ni Jersy Sanchez - @No Problem| August 15, 2020




Maraming nawalan ng hanapbuhay, kaya naman marami sa atin ang naging instant online seller ng iba’t ibang mga produkto. Numero-unong ibinebenta ay mga pagkain, mula sa silog meals, meryenda at mga ulam. Kaliwa’t kanan din ang bentahan ng pastries at marami pang iba.


Kaya ang tanong ng online sellers, ano ang epektibong marketing strategy para mapansin at makabenta sa netizens gayung maraming option o kakumpetisyon?

1. MASARAP NA PAGKAIN. Siyempre, mas mabenta ang pagkain kung masarap ito at gumamit ng de-kalidad na produkto dahil dito nakabase ang quality ng iyong lulutuin. Maganda rin kung orihinal mong recipe ang iyong gagamitin o ibebenta dahil malaking puntos ito para sa mga customer na mahilig sumubok ng iba’t ibang pagkain.

2. REASONABLE PRICE POINT. Hindi puwedeng magpresyo ka lang depende sa gusto mo o dahil gusto mo lang tapatan ang presyo ng ibang sellers. Kailangan mong gawin nang tama ang costing depende sa ingredients na ginamit mo.

Tandaan, isa sa mahalagang hakbang ito dahil kailangan mong maipakita na worth it ang iyong produkto base sa presyo nito.

Isa pang tip, humanap ng mapagkakatiwalaang supplier para makakuha ng murang supplies o ingredients na may magandang kalidad.

3. ATTRACTIVE PHOTOS. Dahil mas madaling ma-attract ang tao kapag may visuals, kailangan mo ng actual photos ng iyong mga produkto. Mahalaga na original photos ang iyong gagamitin para madali mo itong ma-edit para sa poster o menu kung may iba ka pang ibinebentang pagkain.

4. FREE SAMPLES. Kung nagsisimula ka palang at gusto mong makilala pa ang iyong mga produkto, okay ding mamigay ng samples. Kanino? Well, puwedeng sa mga kaibigan o kakilala mo. Puwede mong hingin ang kanilang opinyon hinggil sa iyong produkto nang sa gayun ay malaman mo kung ano pa ang puwedeng i-improve nito, gayundin, kung puwede na itong isama sa iyong menu.

Kung may existing ka nang products, puwede ka namang magbigay ng ilang sample sa mga nag-order sa ‘yo para matikman nila ito at maka-order agad kung magugustuhan nila.

Pagdating sa online selling, kailangan talaga nating mag-level up. Dahil maraming kapwa online sellers at potential buyers, dapat tayong maging malikhain at mapamaraan para maging mabenta ang ating produkto.


Kaya kung ikaw ay nagsisimula o nagbabalak sumabak sa online selling ng anumang produkto, sundin lamang ang tips na ito. Okie?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page