top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez @Life & Style | December 24, 2022



ree


Paano mo masasabing nagsisinungaling ang isang tao?


Kapag ba hindi siya makatingin nang diretso sa iyo o paiba-iba ang version niya sa tuwing tinatanong mo siya tungkol sa isang bagay?


Knows n’yo ba na ang mga nabanggit ay kabaligtaran ng ilan sa ating mga pinaniniwalaan?


Upang bigyang-linaw, narito ang ilang paraan upang matukoy kung nagsisinungaling ang isang tao:


1. MAIKSING SAGOT. Ayon sa mga eksperto, kapag nagtanong tayo sa isang sinungaling, madalas siyang nagbibigay ng maiksing sagot kumpara sa nagsasabi ng totoo. Sa isang pag-aaral noong 2012, ang mga participants ay sinanay na tukuyin ang kasinungalingan gamit ang assessment criteria indicative of deception o ACID method, kung saan pinaniniwalaan na ang “truthful answers” ay mas mahaba at malinaw kumpara sa kasinungalingan.


Gayunman, binigyang-linaw na hindi sa lahat ng pagkakataon ay ito umano ang basehan para masabing nagsisinungaling ang isang tao. Mahalaga rin umano na kilala natin ang kausap.


2. WALANG DETALYE ANG SAGOT. Madalas umanong umiiwas ang mga sinungaling sa “verifiable details” o ‘yung mga importanteng detalye na maaaring magkumpirma kung nagsasabi siya ng totoo o hindi. Kabilang na rito ang eksaktong oras ng pangyayari, pangalan ng specific location, pangalan ng mga taong na-encounter at maging ang specific words na ginamit nila sa isang pag-uusap.


3. HINDI MALIKOT. Sey ng experts, madalas ay hindi aware ang isang tao kung gaano karaming movements ang kanyang nagagawa. Pero kung ang isang tao ay nagsisinungaling, mas conscious siya sa kanyang galaw at sinusubukang kontrolin ang pagkilos upang maiwasan ang fidgety movements. Gayundin, ‘pag nagsisinungaling, kailangan umano ng konsentrasyon para makaisip ng palusot, at sa ganitong paraan, naiiwasan ang pagiging malikot.


4. HINDI LUMALAYO ANG TINGIN HABANG NAG-IISIP. Naniniwala tayo na hindi kayang makipag-eye contact ng isang taong nagsisinungaling, pero ayon sa mga eksperto, hindi sa lahat ng pagkakataon ay ganito ang nangyayari. Anila, ang mga taong nagsasabi ng totoo ay madalas na malayo ang tingin habang nag-iisip ng sagot dahil paraan ito para makapag-concentrate. Gayunman, ‘pag nagsisinungaling ang isang tao, iniiwasan niyang lumayo ng tingin at nakikipag-eye contact para tingnan ang response ng kanyang kausap at malaman kung nakukumbinsi niya ito o hindi.


5. INUULIT ANG TANONG BAGO SUMAGOT. Marahil ay hindi pa niya alam kung paano sasagutin ang tanong o nag-iisip pa siya ng detalye na isasama sa kanyang palusot. Ayon sa mga eksperto, ang pag-uulit ng tanong ay nakakapagbigay ng oras sa kanila para gumawa ng kapani-paniwalang istorya.


6. SAME EXACT STORY. Kapag pinaulit ang kuwento, ang mga honest na tao ay mayroon umanong “memory enhancement effect” dahil sa additional recall attempt. Ibig sabihin, sa pagre-recall ng istorya, nagkakaroon sila ng dagdag na detalye na hindi nabanggit sa unang kuwento. Pero para sa isang taong nagsisinungaling, naniniwala ito na kailangan niyang maging consistent sa istorya na gusto niyang paniwalaan at ito lang ang palagi niyang ikinukuwento sa kahit kanino.


Sa totoo lang, hindi madaling ma-recognize kung nagsisinungaling ang isang tao, pero makakatulong ang mga espisipikong senyales tulad ng pag-uulit ng istorya upang matukoy kung nagsisinungaling siya o hindi.


Gayunman, tandaan na ang mga nabanggit na senyales ay hindi definitive proof na nagsisinungaling sa iyo ang isang tao.


Mahalaga pa ring mag-fact check upang hindi mag-assume at maiwasan ang misunderstanding.


Gets mo?

 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| December 12, 2022



ree

Nakatanggap na ba ng 13th month pay at Christmas bonus ang lahat? Kung oo, for sure ay nabawasan na ‘yan at naipambili mo ng mga bagong gamit at panregalo.


Ang iba r’yan, nakapag-upgrade na ng cellphone o gadget at kumpleto na ang pamaskong outfit. Pero bago masimot ang laman ng iyong ATM, hindi naman natin sinasabing bawal nang gastusin sa mga materyal na bagay ang natanggap mong 13th month pay at bonus, pero mahalaga ring ilaan ito sa mas makabuluhang bagay.


Kaya naman, anu-ano ang mga bagay na dapat pagkagastusan habang ay 13th month pay at bonus?


1. MAGBAYAD NG UTANG. Kung may existing kang utang, iprayoridad ang pagbabayad nito upang hindi na abutin ng 2023 ang mga natitirang bayarin. Inirerekomenda rin na kung hindi kayang bayaran nang isang bagsakan ang utang, oks din kung uunti-untiin ang pagbabayad nito. Ang importante, mahalagang bagay ang pupuntahan ng iyong 13th month pay at Christmas bonus. Ayaw mo naman sigurong salubungin ang Bagong Taon nang may utang, ‘di ba?


2. MAGNEGOSYO O MAG-INVEST. For sure, minsan ding pumasok sa isip mo na magsimula ng maliit na negosyo, kaya naman ngayong may puhunan ka na, why not gamitin mo ito para matupad ang plano mo? Sabi nga, hindi lamang dapat gastusin ang lahat ng iyong 13th month pay at Christmas bonus dahil puwede mo rin itong paramihin sa pamamagitan ng pagnenegosyo at pag-i-invest.


3. BUMILI NG INSURANCE. Kung may extra money ka pa at wala kang pinagkakautangan, oks ding bumili ng insurance, lalo na kung wala ka pa nito. Ayon sa mga eksperto, magandang paraan ito dahil may mapagkukunan ng pondo kung sakaling may magkasakit o mamatay sa pamilya.


4. EMERGENCY FUND. Dahil importante na may mabubunot kung may emergency, binigyang-diin ng mga eksperto na mahalagang magkaroon muna ng emergency fund bago mag-invest. Inihalimbawa nito ang senaryo na marami tayong kababayan na ipinaprayoridad ang investment kaysa sa emergency fund, kaya ang ending, napipilitang ibenta ang investment para may magastos sa oras ng emergency.


Batid nating hindi lamang tuwing may 13th month pay at Christmas bonus dapat mag-ipon at magpalago ng pera. Kumbaga, dagdag na oportunidad lamang ito para madagdagan ang ating income at savings, kaya kung may matatanggap ka naman ngayong Pasko, why not ilaan ito sa kapaki-pakinabang na bagay, ‘di ba?


Tulad ng nabanggit, hindi natin sinasabing bawal bumili ng mga bagong gamit o panregalo, gayundin ang pag-a-upgrade ng gadget, ipinapaalala lang natin na sa panahon ngayon, kailangan nating maging wais sa paggastos ng pera.


Gets mo?

 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| November 22, 2022



ree

Karaniwang sakit ang leptospirosis tuwing tag-ulan.


Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na nakukuha mula sa ihi ng mga hayop, partikular ang mga daga, aso o mga hayop sa bukid. Ayon sa mga eksperto, bagama’t hindi nagpapakita ng leptospirosis symptoms ang mga ito, posibleng may bakterya sa katawan ang mga hayop na ito.


Bilang paglilinaw, binigyang-diin ng eksperto na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakakamatay ang leptospirosis, ngunit maaaring bumalik ang sakit kahit gumaling na ang taong tinamaan nito.


Samantala, mararamdaman ang unang senyales ng leptospirosis sa loob ng dalawang linggo mula nang magkaroon ng contact sa bakterya. Narito ang iba’t ibang sintomas:

  • Mataas na temperatura ng lagnat hanggang 40 degrees Celsius

  • Sakit sa ulo

  • Sakit sa kalamnan

  • Paninilaw ng balat at mga mata

  • Pagsusuka

  • Pagdudumi

  • Skin rashes

Paano naman gagamutin at maiiwasan ang sakit?


1. ANTIBIOTICS. Maaaring magamot ang leptospirosis sa pamamagitan ng antibiotics. Gayunman, may mga pagkakataong inirereseta ng mga doktor ang ibuprofen para sa lagnat at kirot ng kalamnan. Sa hindi malalang mga kaso, tumatagal ang sakit nang hanggang isang linggo, ngunit kung mas malala ang nararanasang mga sintomas, inirerekomendang kumonsulta sa doktor. Take note, posibleng makaranas ng kidney failure, meningitis o problema sa baga ang taong may malalang impeksyon.


2. IWASAN ANG KONTAMINADONG TUBIG. Huwag basta-bastang uminom ng tubig na galing sa gripo kung hindi siguradong malinis ito. Sey ng experts, maaaring pumasok ang leptospirosis sa body openings, kaya inirerekomenda rin na iwasang lumangoy o lumusong sa maruming tubig, partikular ang baha.


3. LUMAYO SA INFECTED NA HAYOP. Partikular ang mga daga at iba pang uri nito na pangunahing nagdadala ng bakterya. Gayundin, 20% ng mga kuneho sa kanlurang bahagi ng mundo ay posibleng nagdadala rin ng leptospirosis.


4. GUMAMIT NG BOTA ‘PAG LULUSONG SA BAHA. Huwag basta-bastang lumusong sa baha, lalo na kung may sugat sa binti at paa. Kung hindi maiiwasan, inirerekomendang gumamit ng bota dahil sa ganitong paraan, hindi papasok ang bakterya sa katawan, lalo na sa sugat sa binti o paa.


Samantala, dagdag pa ng mga eksperto, ang leptospirosis ay dala ng bacterium na tinatawag na Leptospira interrogans. Ang mga hayop na may dalang sakit ay mayroon ng naturang organism sa kanilang kidney at naipapasa sa pamamagitan ng ihi na napupunta sa tubig o lupa, at pumapasok naman ito sa mga sugat sa katawan. Gayundin, maaari itong maipasa sa ilong o bibig.


Hindi man tag-ulan, kailangan nating mag-ingat upang hindi tamaan ng naturang sakit.

Base sa datos ng Department of Health (DOH), tumaas nang 15% o katumbas ng 1,467 kaso ang naitala mula noong Enero hanggang Agosto 20, ngayong taon.


Kaya naman payo natin sa lahat, bantayan ang mga sintomas at ‘wag isawalang bahala ang anumang nararamdaman.


Gets mo?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page