top of page
Search

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| September 14, 2020




Sa gitna ng COVID-19 pandemic, hindi maitatangging mas dumami ang nakararanas ng stress, anxiety at depresyon. May mga pagkakataon pa nga na hindi talaga nakakayanan at dahil walang suporta mula sa mga tao sa paligid, tuluyan na silang bumibigay.


Kamakailan, nauso ang Depression Anxiety Stress Scale o DASS test para malaman ang antas ng emosyon ng isang tao. Pero may paalala ang mga eksperto hinggil sa paggamit at pag-unawa sa resulta nito.


Ang self-diagnosis ay proseso ng pag-diagnose sa sarili o kakilala. Gayundin, isa itong proseso para alamin ang ilang sintomas na kapareho ng sintomas dinanas ng kakilala natin. Gayunman, alam n’yo ba na may panganib din ito?

1. NAGPAPALALA NG TAKOT. Madaling mag-research ng mga sintomas at mag-self diagnose, pero hindi maganda ang dulot nito. Halimbawa, ang isa sa iyong mga magulang ay nakararanas ng sakit sa braso, ulo, muscle strain, pagkahilo o panlalabo ng mga mata, puwede mong sabihin na sila ay may mataas na antas ng stress o anxiety. Pero kapag hiningi mo ang opinyon ng propesyunal, maaaring ito pala ay sintomas na ng heart attack.

2. CONFUSING. Ang self-diagnosis ay frustrating dahil hindi mo hawak ang lahat ng impormasyon para ma-diagnose nang tama ang iyong sarili. Para sa iba na nagsasabing sila ay may bipolar disorder nang walang formal diagnosis, hindi lang ito nagreresulta ng stigma kundi maaari kang kumilos na parang meron ka talaga nito kahit walang tamang diagnosis mula sa propersyunal. Ayon sa mga eksperto, ito ay tinatawag na “self-fulfilling prophecy”, kumbaga, ‘pag may nakabanggit tungkol sa bipolar disorder, ikaw ay maaaring kumilos na parang meron ka nito.

3. NAKALILIMUTAN KUNG ANO ANG TALAGANG NANGYAYARI. Habang nakapokus ka sa iyong “symptom checker”, manual, libro, online article o iba pa, walang sapat na espasyo sa iyong utak o internal stamina para mahanap ang impormasyon ng iyong totoong diagnosis. Sa halip na magtungo sa doktor o therapist para matingnan ka nang tama, ang mga totoo mong nararamdaman ay nababalewala na maaaring mauwi sa mas malaking problema o lumala.

4. DAHILAN NG EMOTIONAL DISTRESS. Hindi madaling makakuha ng diagnosis, lalo na kung ang kondisyon ay may kasamang hallucination, delusions, ilang oras na therapy at medication management. Marami sa atin ang mas gustong magtago, mag-isolate at dedmahin ito dahil sa stigma. Pero ang self-diagnosis ay maaaring magresulta sa emotional distress na nauuwi sa depresyon o anxiety.

Ang ating mental health ay lubos na mahalaga, lalo na ngayong may pandemya. Wala namang problema kung aalamin natin ang ating kondisyon o totoong dahilan kaya tayo nakararanas ng mga sintomas, pero mahalaga na gawin ito sa tamang paraan.


‘Ika nga, bawat tayo ay may iba’t ibang hinaharap, medical history at kung anu-ano pa, kaya mahalaga na eksperto mismo ang sumuri sa atin.


Tandaan, sila ay mga propesyunal at mapagkakatiwalaan, gayundin, sundin natin ang kanilang payo dahil alam nila kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin. Gets mo?

 
 

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| September 1, 2020




Sa dami ng nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya, hindi naman natitigil ang mga gastusin. Ang masaklap, nagpapatung-patong pa. Hays!


Kaya naman, maraming mga magulang ang hirap mag-adjust gayung may mga tsikiting silang inaalagaan. Tipong bawas na ang budget, kailangan pa ring ipagluto o bilhin ang gusto nilang pagkain at kahit hirap tayong mag-adjust, hindi natin maipaliwanag sa kanila kung bakit dapat tayong magtipid.


Kaya para sa mga mommies d’yan, narito ang ilang tips para maunawaan ng ating mga anak na kailangan nilang magtipid ngayong may pandemya.

1. ACCEPTANCE. Una, kailangang tanggap ng mga magulang ang totoong sitwasyon. Kung kailangang magtipid at mag-adjust, dapat tanggapin ito dahil kung ikaw mismo ang hindi makakatanggap sa sitwasyon, magiging negatibo ang epekto nito sa bata.

2. MAGING TAPAT. Kung tapos ka na sa first step o acceptance, mahalaga na maging tapat ka kina bagets. Huwag nating itago ang sitwasyon para mas madaling maipaunawa sa kanila kung bakit natin kailangang magtipid. Isa-isang pag-usapan kung paano maaaring magtulungan ang buong pamilya. Halimbawa, hindi puwedeng mamili ng ulam ang mga bata, habang ang mga magulang naman ay bawal gumastos nang sobra sa budget ‘pag namimili sa grocery.

3. TURUANG ‘WAG MAGING MAPILI SA PAGKAIN. Nasanay silang fried chicken o mga karne ang ulam noong wala pang pandemya, pero ngayong na-adjust ang budget, kailangan nilang matuto kumain ng gulay pero ayaw nila nito. Ano na ang gagawin mo? Well, hindi naman natin kailangang ipangalandakan na dapat kumain sila ng gulay dahil nagtitipid tayo at mas healthy ito, pero may ibang paraan para mapakain sila nito. Puwede mong pag-aralan na ihalo ang mga tinadtad na gulay sa iyong homemade chicken nuggets at iba pang ulam.

Kung may kaunti namang budget, oks din namang mag-karne, pero mas maganda kung ngayon pa lang ay sasanayin n’yo na silang kumain ng gulay.

Maganda ring magsanay sa paggawa ng homemade meals. Sa halip na um-order sa labas, mas oks kung ikaw mismo ang maghahanda at magluluto ng kakainin ninyo.

4. ‘WAG MANGAKO. Iwasan nating mangako, lalo na kung hindi natin ito balak tuparin. Halimbawa na lang kapag may gustong ipabili si bagets, madalas nating sinasabi na wala tayong pera, kaya magpa-pramis tayo na sa susunod na lang bibilhin. Pero ayon sa mga eksperto, mas magandang sabihin na, “Anak, wala tayong budget,” dahil mas madali nilang mauunawaan na ang perang mayroon sila ay dapat ilaan sa mas mahahalagang bagay.

‘Ika nga, kapag maiksi ang kumot, matutong mamaluktot. Kung tutuusin, lumang-luma na ang kasabihang ito, pero applicable ito sa panahon ngayon. Agree?

Mga mommies, ‘wag kayong matakot na ipaliwanag at ipaunawa sa mga bata ang totoong sitwasyon natin. Marami sa kanila ang mature enough para makaintindi at makatulong sa atin. Okie?

 
 

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| August 29, 2020




‘Ika nga, ang mga simple act of kindness ay may malaking impact sa atin, gayundin sa ating kapwa. Maaari itong magsilbing inspirasyon para maging mabuting tao at gumawa ng mabubuting bagay.


Malaki o maliit, ang pagtulong sa nangangailangan ay selfless act na nagbibigay-saya sa ibang tao. Anu-ano ang mga ito?

  1. MAGPASALAMAT. “Thank you,” “Salamat,” hindi naman mahirap sabihin, ‘di ba? Kung tutuusin, simpleng mga salita lang ito, pero kung sasabihin natin ito sa taong may nagawang mabuti sa atin, may malaki itong impact sa kanila. Paano? Kapag nakaramdam sila ng fulfillment dahil pinasalamatan sila, puwede silang gumawa ng mabuti o tumulong sa iba pang tao.

  2. MAGBIGAY NG COMPLIMENT. Sabihin kung ano ang nagustuhan mong ugali sa kanila at obserbahan kung paano niya ito maa-appreciate. Minsan, may mga ugali tayong hindi natin gusto, pero ‘pag nagustuhan o na-appreciate ito ng ibang tao, ine-embrace o tinatanggap natin ito. Pero mga besh, paalala lang, ‘wag nating pilitin tanggapin ang ugaling hindi talaga natin gusto o gawin ang mga bagay dahil lang ito ang gusto ng ibang tao.

  3. MAGING MAPAGBIGAY. Maaari natin itong ipakita sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, makihati ng expenses sa grocery kahit paminsan-minsan, ilibre ng meryenda si bunso ‘pag nagkusa sa gawaing-bahay. Ito ay mga simpleng paraan para ipakita ang iyong pasasalamat.

  4. MAG-OFFER NG TULONG. Kung may kakilala o kapamilya kang nangangailangan ng tulong, ‘wag kang magdalawang-isip na mag-offer nito. Sa panahon ngayon, napakalaking bagay na may mahihingan ng tulong, kaya para magkaroon ng mabuting dulot sa kanila, mag-offer ka, lalo na kung alam mong may magagawa ka.

  5. MAG-JOKE. Sabi nila, laughter is the best medicine, kaya para mabago ang bad mood, mag-joke ka o mag-share ng nakakatawang memes o videos na nakita mo sa social media.

  6. MAKINIG. Minsan, nag-o-open sa atin ng problema ang ating mga kaibigan, hindi para manghingi ng advice kundi para mailabas lang ang kanilang nararamdaman. Kung may pinagdaraanan ang iyong BFF at nagkuwento siya, makinig ka lang muna saka mo tanungin kung kailangan niya ng advice.

  7. MAG-DONATE. Ngayong panahon ng pandemya, marami pa ring nagsasagawa ng donation drive sa pamamagitan ng social media. Sa totoo lang, dehins n’yo kailangang mag-donate para makatulong dahil ang simpleng pagbabahagi ng gawaing ito ay may malaki nang magagawa. Halimbawa, i-share sa iyong socmed account ang poster o impormasyon ng donation drive na gusto mong matulungan at hikayatin ang iyong mga kakilala na mag-donate. Kung ikaw naman ang magdo-donate, hindi rin kailangang bongga, ang bawat halaga o bagay na puwede mong maibigay ay may malaking maitutulong sa mga nangangailangan.

Sino bang hindi sasaya ‘pag nagawan ng mabuti? Dahil alam natin kung ano ang pakiramdam na nagawan ng mabuti, puwede rin natin itong gawin sa iba pang tao para mapasaya sila.


‘Ika nga, mayroong chain reaction ang paggawa ng mabuti kaya ano pang hinihintay n’yo? Let’s keep the good vibes going! Copy?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page