top of page
Search

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| October 26, 2020




Ibang-iba ang “new normal” ngayong may COVID-19 pandemic. Mula sa paraan ng pagtuturo sa mga bata, work set-up, lahat nasa bahay na. At ngayong marami ang naghahanap ng trabaho dahil nakapag-resign bago ang lockdown, pati ang interview ay via online na rin.


Malaking adjustment ito para sa lahat, kaya ang tanong ng maraming job seekers, anu-ano nga ba ang dapat gawin para maging successful ang remote job interview?

1. INTERNET. Dito sa Pilipinas, ang suwerte mo na kung may malakas kang internet connection dahil walang aberya kung nagtatrabaho ka man o nag-aaral. Pero kung kakailanganin mo ito para makahanap ng trabaho, make sure na mayroon kang stable na koneksiyon. Kung duda kang magloloko ang iyong internet sa oras ng interbyu, magpaload muna ng pang-internet para may back-up ka sakaling mawalan ng koneksiyon.

2. MANAMIT NANG MAAYOS. Yes, besh! Sa interbyu pa lang, patunayan mo nang propesyunal ka sa pamamagitan ng pananamit. Ilagay sa isip na para kang nasa face-to-face interview, kaya kahit nasa bahay, mag-effort na magbihis-propesyunal. Maglagay din ng kaunting makeup para mas presentable.

3. PILIIN ANG ‘PERFECT SPOT’. Tiyaking nasa tahimik na lugar sa oras ng interbyu, kaya naman pakiusapan muna ang mga kasama sa bahay na hinaan ang boses ‘pag nag-uusap, gayundin, ipatay muna ang TV o radyo kung maaari. Bukod pa rito, siguraduhing malinis ang iyong background at walang anumang distraction sa paligid para sa iyo lang nakapokus ang interviewer.

4. ‘WAG MA-LATE. Napakahalaga ng oras ngayong may pandemya, kaya para iwas-late, gumayak nang maaga. Tiyakin ding handa na ang set-up bago ang nakatakdang oras para hindi mataranta sakaling magkaroon ng problema.

5. KUMALMA. Higit sa lahat, ‘wag ipakitang kabado ka. I-maintain ang eye contact at maging confident sa mga sagot sa bawat tanong. Plus point ito dahil sa interbyu pa lang, makikita na ang potensiyal mo sa trabaho.

6. MAGPASALAMAT. Pagkatapos ng interbyu, magpasalamat sa sinumang nakausap at ‘wag mahiyang magtanong kung mayroon kang hindi naunawaan.

Kung kabado ka, praktisin ang mga sagot sa posibleng tanong. Kahit interbyu pa lang, ‘wag kang matakot na ipakita ang iyong kakayahan.


Kakaiba man ang paraan ng pagpasok o paghahanap ng trabaho ngayon, kaunting tiyaga lang dahil for sure, makakahanap din kayo ng bagong trabaho. Good luck, ka-BULGAR!

 
 

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| October 12, 2020




Mula nang tumagal ang lockdown, marami na sa atin ang sumabak sa online selling gamit ang iba’t ibang social media platform tulad ng Facebook at Instagram. Kung noon, pang-stalk lang ito sa ating mga crush, ngayon, parang nalipat na ang online shopping sites sa FB at IG. Agree?


Gayunman, hindi lang nito napadadali ang paraan ng pag-operate ng small businesses kundi pati ang pamimili ng mga kostumer. Pero bilang mamimili, anu-ano nga ba ang iba’t ibang uri ng online sellers?

1. GENEROUS SA DISCOUNT. Sila ‘yung paborito nating sellers dahil tayong mga Pinoy, napakahilig natin sa discount, at minsan pa nga, ‘yung libre. He-he-he! Kidding aside, plus points din ito sa sellers dahil for sure, babalik-balikan sila ng kostumer. Minsan, shipping free ang libre, pero minsan naman, may pa-freebies. Ayos!

2. MASIPAG MAG-UPDATE. Kina-career nila ang business. Mula sa pagbibigay ng deskripsiyon ng kanilang paninda mula sa sizes, kulay at design, madalas, may actual photos pa sila ng mga item. Tipong wala ka nang hahanapin ‘pag oorder ka dahil lahat ng puwedeng itanong ay nasagot na niya sa kanyang post. Wala ka nang ibang gagawin kundi um-order.

3. MABILIS SUMAGOT. Kahit ano’ng tanong ng buyer, mabilis niya itong nasasagot. Sila ‘yung mga sobrang sipag at walang pinalalampas na pagkakataon para makabenta. At siyempre, pabor sa buyer ang mabilis magreply na seller dahil alam mong pinahahalagan niya ang iyong oras.

4. NAKAKATAKAM ANG MGA PAGKAIN. May mga pagkakataong ‘di naman tayo gutom, pero ‘dumaan sa news feed natin ‘yung paninda niya, kaya ang ending, naka-order ka na. Sila rin ‘yung mga seller na nagiging instant photographer pagdating sa paninda. Bukod sa lasa at quality ng pagkain, plus points din ang magandang photo para makaakit ng mga kostumer.

5. MADALING KATRANSAKSIYON. Siyempre, ayaw nating lahat ng magulo at malabong kausap na seller. Kaya ‘pag nakahanap ng seller na madaling kausap at maayos katransaksiyon, sure na magiging suki ka na niya. Kabilang na rin ang mga seller na mabilis magdeliver at maganda ang kalidad ng kanilang mga produkto.

Sino ang paborito n’yo sa kanila? O kung ikaw ay online seller, sino ka sa kanila?


Gayuman, nais nating sabihin na saludo tayo sa ating mga kababayang matiyagang mag-online selling para patuloy na kumita sa gitna ng pandemya. Good luck sa inyo, beshies!

 
 

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| October 7, 2020




Parte na ng ating pamumuhay ang online shopping. Para hindi na lumabas ‘pag may kailangang bilhin, dito na lang bibili. At dahil napaka-convenient nito, marami tayong kababayan na dito na umaasa, kaya naman, dumarami rin ang nabibiktima ng scam.


Kaya para iwas-scam sa pag-o-online shopping, tiyaking safe ang bawat transaksiyon sa pamamagitan ng ilang tips na ito:

1. MAG-RESEARCH SA ONLINE SHOP. Sa dami ng online shops ngayon, malamang, marami rin d’yan ang nagbebenta ng fake item at ‘yung iba naman, scammer. Kaya para maiwasan ang ganitong eksena, bumili sa mga katiwa-tiwalang online shop. Halimbawa, ang official online stores ng mga physical shops na mayroon sa mga mall.

2. ITSEK ANG CUSTOMER REVIEWS. Hindi lang basta para matiyak na legit ang natanggap ng ibang customer ang reviews ng item. Dahil makikita rin dito kung responsive si seller o dumating on time ang item, maaari itong maging gabay ng ibang online shoppers para malaman kung mapagkakatiwalaan ang seller.

3. KATIWA-TIWALANG COURIER. Ito ang inaasahan ng maraming shopper pagdating sa pamimili online. Posible kasing masira o ma-contaminate ang produkto kung hindi nag-iingat ang courier. Gayunman, alamin kung maayos na naha-handle ang parcel o kung may sanitation protocols ang mga rider. Ilan lang ito sa mga kailangang alamin para makatiyak na safe at secured ang online shopping mo. At kapag nakapili ka na ng pagkakatiwalaang courier, puwede mo itong piliin sa check-out section.

4. DOBLE-INGAT SA IMPORMASYON. Kasama sa mga dapat asahan sa ‘new normal’ ang cashless payment, kaya for sure, kakailanganin ang ating impormasyon. Gayunman, ‘wag ito basta-bastang ibigay. Tiyaking katiwa-tiwala ang site at seller bago magbigay ng personal info tulad ng address o card number. Kung posible, magkaroon ng hiwalay na phone number para sa online transactions dahil lahat ng ibibigay na impormasyon online ay maaaring magamit laban sa iyo. Samantala, tiyaking nai-logout ang iyong account pagkatapos mag-check out kahit gamit mo ang sarili mong device. Iwasan ding mag-save ng card details sa shopping site dahil mas madali itong mananakaw ng mga kawatan.

5. BANTAYAN ANG TRANSAKSIYON. Hindi porke naka-checkout ka na, oks na. Siyempre, dapat pa ring bantayan ang transaction history dahil baka hindi mo alam, may iba pang guamagamit ng iyong account. Makikita sa transaction history ang paggamit ng debit o credit card.

Kung tutuusin, napakalaking tulong ng online shopping dahil halos lahat ng ating kailangan, puwede nang mabili online. Ang mas masaya, hindi mo kailangang lumabas at iwas-virus pa.


Gayunman, kapalit ng convenience na ito ang panganib ng anumang scam. Kaya kasabay ng pag-iingat sa COVID-19, mag-ingat din tayo laban sa mga mapanganib na transaksiyon online.


‘Ika nga, hindi biro mawalan ng pera sa panahon ng pademya, kaya dapat ay maging mapagmatyag tayo sa bawat kilos natin. Kuha mo?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page