top of page
Search

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| April 16, 2021



Halos lahat yata ng tao ay mayroon nang socmed account. Agree?


Ito kasi ang ginagamit natin para manatiling updated sa mga ganap sa ating bansa, paligid at mga mahal sa buhay. Bukod pa rito, nakakaaliw din ang mga features nito kung saan puwede tayong mag-update ng status, mag-post ng pictures at kung anu-ano pa.


Pero mga beshies, alam n’yo ba na gustung-gusto rin ito ng mga kawatan? Bakit? Ito ay dahil madali silang makakukuha ng impormasyon mula sa atin, kaya naman narito ang mga bagay na hindi natin dapat i-post sa ating socmed account:


1. COMPLETE HOME/WORK ADDRESS. Ang personal na impormasyon na ito ay hindi dapat isapubliko gamit ang social media. Ito ay dahil posible kang maging target ng kawatan kung mas madali ka nilang mahahanap.


2. FULL BIRTH DATE. Kapag inilagay mo sa iyong socmed account ang birthdate mo, gayundin ang iba pang miyembro ng iyong pamilya, maaaring malagay sa panganib ang iyong personal at financial security. Bakit? Ito ay dahil parang nagbibigay tayo ng sapat na impormasyon para mabiktima ng identity theft. Bukod pa rito, ang inyong birth date ay puwedeng maging password o PIN, na maaaring gamitin ng mga kawatan para tangkaing buksan ang iyong mga personal accounts. Gayundin, iwasang magpost ng telephone o mobile number.


3. RELATIONSHIP STATUS. Kung “in a relationship” ka man o hindi, oks nang ‘wag itong ipaalam sa publiko. Tandaan, nar’yan lang ang mga stalker at anytime, malalaman nila kung single ka na ulit at posibleng maging daan ito para maisagawa ang anumang masama nilang plano.


4. MOTHER’S MAIDEN NAME. Gulat ka, ‘noh? Well, ito ay “special information” dahil kadalasan itong sagot sa security questions ng napakaraming sites. Gayundin, itinatanong ito ng credit card companies, wireless service provider at iba pa.


5. CURRENT LOCATION. Nakatutuwa ang location-tagging feature ng ilang socmed sites, pero mga bes, dapat nating tandaan na hindi ito safe sa lahat ng oras. Ayon sa mga eksperto, mas mabuti kung ‘wag na lang i-reveal ang current location tuwing magpo-post ng status. Halimbawa, airport o vacation destination dahil puwede itong magbigay ng hint sa mga kawatan na wala ka sa iyong bahay at puwede silang sumalakay.


6. TRAVEL/VACATION DETAILS. Kahit gaano tayo ka-excited sa bakasyon o travel, iwasan nating ianunsiyo ito dahil kung walang maiiwanang tao sa inyong bahay ay alam n’yo na kung ano ang susunod na mangyayari. Alam n’yo ba na ayon sa mga pulis at FBI, isa ang socmed sa ginagamit ng mga kawatan para umatake dahil madali nilang nalalaman kung sino ang kanilang potential victims? Hmmm…


7. PLANE TICKET/BOARDING PASS. Hindi alam ng karamihan na ang pagpo-post ng litrato ng plane ticket o boarding pass ay pagbibigay ng iyong impormasyon sa ibang tao, gayundin upang baguhin o kanselahin ang inyong booking. Ang kailangan lang nila ay pumunta sa website ng airline, i-click ang “Manage Booking”, ilagay ang inyong impormasyon at voila!


8. YOU AND YOUR FRIEND’S KIDS. Bagama’t gustung-gusto ng bawat magulang na mag-share ng pictures ng kanilang mga cute na tsikiting dahil nakakaaliw na balikan ang kanilang paglaki, mga mommies, hindi pa rin natin alam kung sinu-sino ang mga nakakikita nito kahit sigurado tayong naka-private ang ating profile. May ilan din sa ating ginagawang profile picture ang ating mga anak, pero ingat lang dahil posible itong makarating sa masasamang-loob tulad ng pedophiles, na malaking banta sa mga bata. Iwasang mag-post ng partial o totally naked photos ni bagets online, gayundin ang kanilang pangalan. ‘Wag na ring isapubliko ang pangalan at address ng iskul na kanilang pinapasukan.

9. ‘PAG HOME ALONE. Hindi na dapat malaman ng ibang tao na ikaw ay home alone dahil tulad ng nabanggit, hindi natin alam kung sinu-sino ang mga nakakikita nito.


10. INAPPROPRIATE PHOTOS/VIDEOS. Sabihin na nating puwede naman itong i-delete, pero mga besh, hindi natin alam kung sino ang nakapag-save nito at malamang, puwede itong magamit laban sa iyo.


11. COMPLAINTS SA TRABAHO/BOSS. Bagama’t umaabot talaga sa punto na frustrated tayo sa ating trabaho, hindi pa rin tama na mag-post tayo ng reklamo sa ating boss online. Ito ay dahil puwedeng isipin ng ibang tao na “ungrateful” ka sa iyong trabaho, gayundin, hindi ito makatutulong sa boss-employee relationship. Ang mas mabuting gawin ay sarilihin na lang ang ganitong mga rant o kaya naman, mag-share na lang sa iyong mga pinagkakatiwalaang tao sa halip na mag-post sa socmed.

Nasa panahon na tayo na halos lahat ay napakahilig magpost o magbahagi ng kahit ano sa Facebook at iba pang social media sites. Gayundin, totoo na nakatutulong ang socmed para manatiling konektado sa ating mga mahal sa buhay, pero dapat ay gamitin natin ito nang tama.


‘Ika nga, walang masamang magpakatotoo online, pero hindi natin dapat ilagay sa panganib ang ating sarili, gayundin ang privacy ng taong malalapit sa atin. Kuha mo?

 
 

ni Jersy Sanchez - @No Problem | March 21, 2021



Shoutout sa mga dog owners d’yan!


For sure, naransan n’yo nang habang naglalakad kasama ang inyong aso ay bigla siyang kumuha ng basura at kinain ito. Kaasar, ‘di ba?


Well, ang pagkain ng basura ay hindi lang kadiri dahil puwede rin itong maging sanhi ng problema kung may makakain na toxic ang ating alaga.


Gayunman, may solusyon pa para maturuan ang ating pet na ‘wag nang kumain ng basura, at narito ang ilang paraan:

  1. “LEAVE IT” COMMAND. Ayon sa mga eksperto, ang command na ito ay napaka-useful dahil ito ay nagbibigay ng signal sa ating alaga na itigil ang kanilang balak gawin sa basura. Ang pinakamagandang paraan para ituro ito ay ang pagte-train sa bahay kung saan mas kaunti ang distractions.Paano naman ito gagawin? Lagyan siya ng leash o tali kapag maglalakad at maglagay ng anumang gusto niya sa kanyang harapan tulad ng pagkain, treats o laruan. Kapag nilapitan niya ito, sawayin siya at higpitan ang paghawak sa leash para hindi niya ito maabot. Kapag sumunod siya, purihin at bigyan ng treat. Habang itinuturo ang “leave it” command, mahalagang gumamit ng high-value treats tulad ng maliit na piraso ng karne bilang reward dahil matututunan niyang mas rewarding ang pagsunod sa iyo kumpara sa pagkain ng basura.

2. PLANUHIN ANG RUTA. Kadalasan, ang mga kalsada rito sa atin ay may mga basura, kaya naman mas mabuting alamin ang mga daan na mas kaunti ang distraction, lalo na kung hindi pa nama-master ng iyong alaga ang “leave it”. Gayunman, kung medyo nasasanay na siya, oks ding dumaan sa mga kalsada na maraming basura bilang practice. Paalala, gumamit ng matibay at maiksing leash para mas malapit siya sa iyo at mas madali siyang makuha ‘pag nagtangka itong lumapit sa basura.


3. I-CLAIM ANG BASURA. Mas malaki ang tsansa na dedmahin ng aso ang basura ‘pag nagbigay ka ng signal na ang basura ay sa iyo. Ang paraang ito ay halos kapareho ng “leave it” command, pero kailangan mo ng body language para magbigay ng senyas ng iyong dominance. Para gawin ito, kailangan mong angkinin ang basura. Paano? ‘Pag nilapitan ng iyong alaga ang basura, hawakang mabuti ang leash para hindi niya ito maabot. Harangan ang basura gamit ang iyong katawan at ilayo ang aso sa pamamagitan ng “leave it”, saka bigyan ng treat bilang reward.

4. IPOKUS ANG ATENSIYON NG ASO SA IYO. Ang pagkuha ng atensiyon ng aso habang naglalakad ay nakatutulong upang maiwasan ang pagdampot at pagkain ng basura. Ito ay dahil matututunan din niyang mas rewarding ito sa halip na magpa-distract. Para ituro ito, hintaying tingnan ka ng iyong alaga habang naglalakad kayo. Sey ng experts, ‘pag nagbibigay ng atensiyon ang mga aso sa kanilang amo nang hindi sinasabihan, gawin itong big deal at bigyan siya ng reward. Gayundin, the more na binibigyan ng reward ang aso ‘pag binibigyan ka niya ng atensiyon, palagi niya itong gagawin. Halimbawa, habang naglalakad kayo at may nakita kang basura, kuhanin agad ang kanyang atensiyon sa pamamagitan ng pagtawag sa kanyang pangalan o pakitaan ng treat habang dumadaan sa basura.


Talagang challenge ito para sa mga dog owners, kaya naman kailangan n’yo ng mahaba-habang pasensiya para mas ma-train ang inyong furbabies.


Tiyaga lang dahil para rin naman ito sa kanyang ikabubuti para iwas-sakit at dagdag na kalat. Copy?







 
 

ni Jersy Sanchez - @No Problem | March 9, 2021






Sa dinami-rami ng single sa mundo, bakit wala ka pang dyowa? Char! Ha-ha-ha!


Kidding aside, for sure, marami r’yan ang ‘ika nga, dyowang-dyowa dahil siguro, sawa nang maging mag-isa o ‘yung iba naman, gusto lang talaga ng makakasama.


Pero mga besh, hindi sapat na dahilan ang pagiging atat magka-dyowa para pumatol na lang sa kung sino, ha? Siyempre, mahalagang kilala n’yo ang isa’t isa at dapat ay nagkakasundo kayo sa mga bagay-bagay.


Kaya para sa mga ka-BULGAR natin d’yan na sawa na sa single life, narito ang ilang bagay na dapat n’yong tandaan bago mag-dyowa:


  1. GOOD MANNERS. Sino ba namang may ayaw ng good manners, ‘di ba? Kung gusto mong magka-dyowa, kailangan marunong kang rumespeto sa ibang tao mula sa kanyang political at religious beliefs hanggang sa kanyang mga hilig at desisyon. Isa ito sa mga unang hakbang para ma-establish ang iyong imahe sa iyong potential partner.

  2. SIGURADUHING HANDA MAKIPAGRELASYON. Hindi madali ang pagkakaroon ng boyfriend o girlfriend. Siguraduhin mong handa ka sa papasukin mong commitment para iwas-heartbreak. Siguraduhin mong naka-move on ka na sa past relationship mo para makapag-commit ka nang buo sa iyong makakarelasyon. Mahirap kasi ‘yung in love siya sa iyo, pero ikaw ay may feelings pa sa iba. ‘Wag selfish, besh!

  3. MAHALIN ANG SARILI. ‘Ika nga, paano ka magbibigay ng pagmamahal sa iba kung hindi mo mahal ang iyong sarili? Beshy, bago pumasok sa relasyon, make sure na mahal mo ang iyong sarili para alam mo ang iyong “worth”, gayundin ang mga bagay na deserve mo sa isang relasyon.

  4. ‘WAG MARUPOK. Bagama’t nakakatawa ang term na “marupok”, sa true lang, hindi ito magandang maging ugali, lalo na kung tungkol sa pakikipagrelasyon. Tandaan na hindi lahat ng nagpapakita ng motibo ay seryoso. ‘Yung tipong, naging sweet lang sa ‘yo nang isang beses, mahal mo na agad. ‘Wag ganu’n, besh! Kilalaning mabuti ang tao o sinumang lumalapit sa iyo para alam mo kung ano ang pinasok mo.


Mga besh, hindi natin dapat madaliin ang pagkakaroon ng boyfriend o girlfriend. ‘Di ba, sabi nga nila, ang mga bagay na mabilis nating nakukuha o natatanggap ay mabilis ding nawawala? Hmmm… applicable rin kaya ito sa love life?

Well, para iwas-heartbreak at ‘yes’ to strong relationships, ‘wag n’yong kalimutan ang tips na ito sa oras na maging handa kayo sa pakikipagrelasyon. Keri? Good luck!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page