top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| November 9, 2021





Sey ng experts, ang ‘overtraining’ o labis na pagwo-workout ay maaring makapagpabagal ng fitness progress, gayundin, nakapagpapataas ng tsansa na magka-injury, partikular sa mga baguhan sa pagwo-workout.


Well, akala siguro ng ilan sa atin, the more na nagwo-workout ay mas mabilis ma-a-achieve ang fitness goal, pero besh, kalma lang dahil hindi sa lahat ng pagkakataon, ang sobra-sobrang pag-e-ehersisyo ay may hindi rin magandang dulot. Oh no!


Kaya upang maiwasan ang mga bagay na ito, narito ang ilang warning signs na nagsasabing sumosobra ka na sa pagwo-workout:


  • WALANG LAKAS O MUSCLE GAINS. Ayon sa mga eksperto, isa na sa senyales na sobra ka na sa pag-e-exercise ay ang kawalan ng progress. Ibig sabihin, kahit ilang oras ka nang nasa gym at hindi mo kayang magbuhat nang mas mabigat o wala kang nakikitang improvement, sign ito na hindi nabibigyan ng sapat na pahinga at support ang iyong muscles upang lumakas.


  • HINDI NA MATAPOS ANG WORKOUT. ‘Ika nga, kapag hindi natin pinakinggan ang ating katawan, posibleng mawala ang iyong ‘hard-earned’ strength gains. Ayon sa mga eksperto, maaaring maging sanhi ng fatigue ang overtraining, kung saan masyado ka nang pagod para tapusin pa ang iyong workout routine o kaya naman, kailangang ibaba ang bilang ng sets na kailangan mong tapusin.


  • PANGIT NA SLEEP QUALITY. For sure, nakaka-frustrate talaga ang kawalan ng progress, pero sey ng experts, ang pagiging moody ay senyales ng pagkapagod. Kaya kung umabot na sa puntong hindi ka na nakakatulog dahil masyado kang ‘sore’ para maging komportable, panahon na para magpahinga muna.


  • LIMITADONG PAGGALAW. Isa pang senyales ng pagkapagod o burnout, nalilimitahan ng sakit ng iyong katawan ang mga galaw mo. Halimbawa, hindi ka na maka-squat nang mababa o hindi mo na magawa nang tama ang front rack position.


  • FOAM ROLLING, STRETCHING O MASSAGE. Kapag gumamit ka ng foam roller sa gym, isa na umano itong senyales na nag-o-overtraining ka na. Gayunman, ang stretching at massage ay nakatutulong sa recovery at injury prevention, pero hindi ito kailangan para sa pain-free exercise. Gayundin, ang paghinto sa kalagitnaan ng workout para paginhawahin ang sakit at tension ay hindi dapat regular na gawin.


  • ‘DI GUMAGALING NA INJURY. Ang tuluy-tuloy na pananakit ng ilang parte ng katawan ay maituturing din umanong senyales ng overtraining at ayon sa mga eksperto, hindi ito dapat dedmahin. Gayundin, kung ipagpapatuloy ang pagwo-workout, maaari itong magresulta sa mas malalang injury.


Ang pinakamagandang paraan upang makarekober mula sa sobrang pag-e-ehersisyo ay ang pagbabawas ng workload o pagpapahinga. Gayunman, kung mayroon kang injury o limitado ang iyong pagkilos, inirerekomenda na ihinto ang pagwo-workout. At pagkatapos ng ‘break’, oks namang bumalik nang paunti-unti upang maiwasan na maulit ang injury.


True talaga ang sinasabi na ang lahat ng sobra ay nakasasama. Kaya kung isa ka sa mga may Oplan Balik Alindog 2021, kalmahan mo lang, besh.


Mas oks nang i-achieve ito nang slowly but surely kesa nagmamadali dahil baka sa halip na maging body goals, eh, maudlot pa. Okie?

 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| October 26, 2021





Dahil sa pandemya, marami sa atin ang naghanap ng kani-kanyang diskarte upang patuloy na mairaos ang bawat araw. Isa na sa mga diskarteng nagbigay-daan sa marami nating kababayan ay ang pagtatayo ng negosyo. Mapa-online selling man ‘yan o maliit na tindahan, maraming pumatok.


Habang hataw ang negosyo ng iba, mayroon ding nangangapa dahil walang sapat na kaalaman sa pagnenegosyo. Pero worry no more dahil narito ang ilang tips para sa mga beshy nating nagsisimulang magnegosyo:


1.REALISTIC BUDGET. Ito ang no. 1 na kailangan dahil magsisilbi itong gabay para makagawa ka ng tamang desisyon sa pagbili. Makatutulong ang budget sa pagkakaroon ng kumpiyansa sa paghawak ng pera at higit sa lahat, kailangan nitong maging realistic o makatotohanan. Halimbawa, i-base sa aktuwal na sitwasyon ang budget tulad ng presyo ng bilihin, renta at utilities. Bagama’t kailangang magtipid at sumunod sa budget, tiyaking hindi maisasakripisyo ang mahahalagang bagay tulad ng supplies.


2. LISTA PA MORE. Bawat pumapasok at lumalabas na pera, dapat nakalista. Mula sa ingredients ng paninda mong merienda at kung anu-ano pa, lahat dapat ‘yan ay hindi makalimutang ilista. Tandaan, kapag nakakalimutan ang maliit na bagay, magugulat ka na lang sa laki ng nailabas mong pera. Kung mayroon kang katulong sa negosyo o empleyado, dapat alam din niya kung paano maglista ng gastos at kita.


3. PRIORITIES. Kailangang unahin ang mga bagay na hindi puwedeng i-kompromiso.

Halimbawa, kung may inuupahang puwesto, dapat secured na ang bayad sa renta, utilities at sahod ng empleyado. Habang nagsisimula, sanayin ang sarili na unahing bayaran ang mga ito dahil dito nagsisimula ang magandang negosyo.


4. BAYARAN ANG INUTANG. Halimbawa, kinulang ang iyong paninda kaya kailangan mong tumakbo sa palengke. Kaya naman kukuha ka muna sa kaha at sasabihing ibabalik na lang, pero ang ending, nakalimutan at hindi na naibalik. Tandaan, ang bawat sentimo na nasa kaha ay may pinaglalaanan, kaya ugaliing ibalik ang inutang para mapunta sa dapat paggamitan. Isang paraan para maiwasan ito, sanaying maglista ng hiniram na pera.


5. MAGING FLEXIBLE. Remember, oks lang baguhin ang budget. Ang kagandahan kasi nito, nakikita mo kung saan ka nagkukulang o sumosobra, kumbaga, mas malinaw kung anu-ano ang mga bagay na dapat bigyang-pansin. Kapag nakikita mong lumiliit ang kita o masyadong malaki ang gastos, baguhin mo ang budget.


6. SUKI NA SUPPLIER. Mahalagang magkaroon ng suki na supplier nang sa gayun ay makakuha ka ng sulit na deals o offer nang hindi naisasakripisyo ang kalidad ng iyong mga produkto. Dahil uso na ngayon ang socmed groups o communities para sa partikular na subject, halimbawa ay tungkol sa supplies, for sure na makakahanap ka ng supplier na swak sa ‘yo.


7. EMERGENCY FUND. Yes, besh! Kailangan din ito sa negosyo para hindi ka ma-stress sa kahahanap kung saan kukuha ng pera ‘pag may emergency. Tandaan, depende ang amount nito sa mga risks at industriya mo.


Hindi madaling magtayo at magpatakbo ng negosyo, lalo na kung bago ka sa industriyang ito.


Gayunman, sana’y makatulong ang ilang tips na ito para sa iyong business venture at ‘wag kalimutang ibahagi sa inyong mga kaibigan o kakilala na nagsisimula ring magnegosyo.


Good luck, ka-BULGAR!



 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| October 19, 2021





Mabilis na pagtibok ng puso at tila hindi mapakali ang sikmura ang kadalasang sintomas ng panic attack.


Bagama’t hindi natin kontrolado ang bagay na ito, ang tanong ng marami, paano ba ito lalabanan? For sure, nasubukan n’yo na ang ilang breathing exercises, pero knows n’yo ba na may iba pang paraan upang labanan ito? Yes, besh! At ayon sa mga eksperto, isa na rito ang pagkain ng sour candy o ‘yung maasim na kendi. Oh, ha?!


Ayon kay Micheline Maalouf, isang licensed trauma therapist, ang pagpopokus sa mga pisikal na sintomas ay nakapagpapalala lang ng panic attack. Gayunman, ang ‘sour ting’ ng isang candy ay sapat umano upang ma-distract ang isang tao mula sa pagkaka-panic at maiwasan ang “full-blown” attack nito.


Sa isang TikTok video ng creator na si m3monette o Megan Michelle in real life, sinubukan niya ang naturang hack habang nakararanas ng panic attack. Ipinaliwanag niya sa video na may rate ang kanyang panic mula 1 hanggang 10 at kapag umabot ito sa 7, magsisimula na siyang mag-breakdown.


Sa umpisa ng video, sinabi ng creator na nasa 6 ang rate ng kanyang panic at pagkatapos kumain ng sour candy, nag-make face ito, inihinto sandali ang video, at pagkabalik, sinabi nitong mas mabuti na ang kanyang pakiramdam.


Samantala, inirerekomenda ni Maalouf ang pagkain ng super-sour candy sa oras na maramdamang magkakaroon ng panic attack. Gayundin, magpokus aniya sa ‘tart’ sensation sa halip na bigyang-pansin ang mga sintomas. Paliwanag pa ng eksperto, kadalasang ginagawa ng mga nakararanas ng panic attack ay nagpopokus sa pagpigil sa mga sintomas, pero ang problema aniya, mientras na nilalabanan, lalo itong lumalala.


Gayunman, ang pagkain ng anumang maasim, maanghang o maalat ay nakatutulong umanong makalimot sa shallow breathing o nagpapawis na mga palad. Ayon kay Maalouf, ‘ginugulat’ ng lasa ng sour candy ang ating senses, kaya ang resulta, nagpopokus ang mga ito sa pamamagitan ng paggamit ng sense of taste at nawawala ang pokus sa mga sinotmas o anumang nag-trigger ng panic.


Wow! Akalain n’yong ang maasim na lasa mula sa candy na ito ay may kaya palang gawin?


Kaya kung may mga kakilala kayong inaatake ng panic attack o kung kayo mismo ay nakararanas nito, subukan ang hack na ito.


‘Ika nga, wala namang mawawala kung susubukan, kaya kung effective, eh ‘di maganda. Okie?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page