ni Jeff Tumbado | March 29, 2022

Isang ginang mula sa Maynila ang humingi ng saklolo sa Public Attorneys Office (PAO) kaugnay sa kanyang 19-anyos na anak na lalaki na sinasabing namatay matapos itong magpabakuna kontra Covid 19.
Ito ang ibinulgar ni Atty. Persida Rueda-Acosta, chief ng PAO, patungkol kay Helen Gaa na lumapit at humihiling sa kanila, partikular sa forensic lab division na isailalim sa pag awtopsiya ang labi ng nasawi nitong anak.
Lumiham umano si Gaa sa PAO nitong Marso 25, para humingi ng saklolo na maisailalim sa awtopsiya ang labi ng anak sa posibleng dahilan ng pagkamatay ay bakuna kontra covid 19.
Nabatid sa liham ni Gaa, ang anak na si Miguel Antonio de Castro ay namatay sa Mary Chiles General Hospital dahil sa "septic shock" CAP high-risk at meningo-encephalitis batay na rin sa death certificate nito.
“To my knowledge, my son was in perfect health before it happened,” pahayag ni Acosta. Ayon kay Acosta, nangako siyang tutulungan ang pamilya Gaa sa kanyang hiling sa kabila na sakop ng hurisdiksyon ng Department of Justice (DOJ) ang nabanggit na kaso. Bilang resulta ay agad na nailapit ni Acosta kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang kahilingan ni Gaa na mailagay sa pag susuri ang labi ng binatilyo.
Giit pa ng PAO chief na dapat ay imbestigahan ng DOJ sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI)ang posibleng adverse effect ng Covid 19 sa biktima kaya ito pumanaw.
“We are constrained to refer the matter to you being within your jurisdiction considering Republic Act No. 11525 or the Covid-19 Vaccination Program Act of 2021 stated that the said government vaccination is experimental and may result to serious adverse events, permanent disabilities and deaths,” saad sa liham ni Acosta kay Guevarra.
Bukod kay Guevarra ay hiniling din kay Interior Secretary Eduardo Ano, Health Secretary Fransisco Duque at PNP Chief General Dionardo Carlos ang pagsagawa din ng hiwalay na pag-awtopsiya at imbestigasyon sa kaso.
Bago ang pagkamatay ni Miguel ay nagbigay ito bilang donasyon nang kanyang dugo sa isang kaibigan dahil sa sakit na leukemia nitong February 27, 2022.
Habang kinukuhanan ng dugo ay nakaramdam na si Miguel ng pagkahilo na siya namang inihinto agad ng attending nurse.
Subalit nasa 200 cubic centimeters na ng dugo ang nakuha sa kanya. March 1, nang sabihin ni Miguel sa kanyang ina na hindi maganda ang pakiramdam nito kaya pinainom sya ng paracetamol subalit mas lalo lamang umanong lumala ang kondisyon nito na dahilan para isugod na siya sa ospital noong Marso 15.
Matapos ang apat na araw (Marso 19), ay binawian ng buhay ang binatilyo.
Nabatid na nabakunahan si Miguel ng unang dose nito kontra covid 19 noong September 23, 2021, at October 14 naman para sa ikalawang dose nito.
Hindi na umano nabigyan ng booster shot ang binatilyo matapos na makumpleto ang vaccine dose nito.


