top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 14, 2024



Photo: Coco Martin at Julia Montes sa Spain - FB


Itinuro ni Sen. Lito Lapid ang anak na si Mark Lapid, Chief Operating Officer (COO) ng TIEZA (Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority), para ito ang sumagot sa isyung ikinasal na raw sina Coco Martin at Julia Montes sa Spain.


Kung matatandaan, last June, 2024 ay magkakasamang nagpunta sa Spain sina Coco at Julia at ang mag-amang Lito at Mark Lapid at kumalat nga ang mga pictures nilang kuha sa ilang simbahan doon.


Kaya naman, umugong ang mga bali-balitang ikinasal na sa Spain ang “most secretive” couple na sina Coco at Julia, at duda ng mga netizens ay baka nag-ninong si Sen. Lito na parang ama-amahan na rin kung ituring ni Coco dahil sa closeness nila sa Batang Quiapo.


Paglilinaw ni Mark, “Hindi ho totoo. Nagpunta lang kami sa activity du’n sa simbahan because of the Filipino community. ‘Yun lang, pasyal lang, kain.”

So, hindi pa pala kinukuha nina Coco at Julia si Sen. Lito bilang ninong?


“Maganda na nga sana kay Coco dahil may-edad na rin ‘yan, eh, na lumagay na sa tahimik. Hindi naman natin maikakaila na napakayaman na ni Coco. Sa lahat ng artista, siya ang pinakamayaman. Sa amin lahat, dahil kasi siya, napakasuwerte. Mas mahal siya ng Panginoon,” natatawang pambubuking ni Sen. Lito kay Coco a.k.a. Tanggol ng Batang Quiapo.  


Sabi pa ni Sen. Lito, sa tingin niya ay gusto na ring lumagay sa tahimik ni Coco, pero dahil may career pa raw itong inaalagaan kaya ‘di pa niya maiwan.


Kuwento naman ni Mark, ang pinag-uusapan nila ni Coco ay hindi tungkol sa kasal ng actor kay Julia, kundi kung paano pa makakatulong sa mga walang trabaho sa industriya. Kaya sinasamantala raw ni Coco ang pagkakataon habang sikat pa siya at tinatanggap pa ng mga tao. 


At wish nga raw ng actor na ‘pag siya naman ang umabot sa point na wala na ring trabaho, may tumulong din sa kanya tulad ng ginagawa niyang pagtulong ngayon sa mga kasamahan sa showbiz.


So, ayun, kaya naman pala hindi pa rin magawang magpakasal nina Coco at Julia, kahit ang balita namin ay balak kasi nilang sa Spain na lang tumira kasama ang kanilang mga anak kapag iniwan na nila ang showbiz.


Baka pinaghahandaan pa rin talaga nina Coco at Julia ‘yung pagtira nila sa Spain at sinisiguradong magiging stable ang finances nila ru’n kapag wala na silang trabaho sa ‘Pinas.


Anyway, sa nakaraang Christmas party for the entertainment press ng mag-amang Lito at Mark, ipinapanood sa amin ang ilang action scenes sa BQ. Bibilib ka rin talaga kay Sen. Lito na sa kabila ng kanyang edad ngayon na 69 na, eh, nakikipagsabayan pa rin kay Coco Martin sa suntukan at barilan, ha?


No wonder, malakas pa rin ang dating sa chicks ni Sen. Lito, kahit itanong pa natin kay Ms. LT, hahaha!



DUMALAW kami kamakailan sa bahay ng aming Mareng Tates Gana at ang inabutan naming kasama niya roon ay ang bunsong si Harvey Bautista na sikat na ngayon at isa sa mga tinitiliang heartthrob ng Kapamilya Network.


Naka-pambahay lang si Harvey at abala sa pagluluto ng lunch nila dahil that time raw ay naka-bakasyon ang kanilang mga kasambahay.


Hindi spoiled si Harvey at marunong sa bahay, ha? Sabi nga ni Mareng Tates, bukod sa filmmaking, isa pang hobby ni Harvey ay pagluluto kaya muntik na rin itong mag-culinary.


Pero mas malakas ang kaway sa kanya ng showbiz, at dahil may talent din talaga sa pag-arte kung saan mas lumutang ang lalim at galing ni Harvey (as Wesley Mata) bilang actor sa High Street na pinagbidahan ni Andrea Brillantes, mas pinili nga nitong sundan ang yapak ng kanyang amang si Herbert Bautista bilang actor.


Proud mom siyempre ang aming kumare lalo’t paganda nang paganda ang career ngayon ni Harvey kung saan matapos ang last movie nito na Friendly Fire na about gaming, magbibida na finally si Harvey sa isang digital series titled Drug War.


Makakasama rito ni Harvey ang magagaling na aktor at aktres na sina Ian Veneracion, Romnick Sarmenta at Yayo Aguila.


Hindi pa namin alam kung may love interest dito si Harvey, pero ang sabi ng aming Mareng Tates, timely ang istorya at maraming makaka-relate lalo’t mainit na usapin sa Pilipinas ang isyu ng drug war.


So, sa mga Harvey fans d’yan, abang-abang tayo at baka sa first quarter ng 2025 ay ipalabas na rin ang Drug War.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 12, 2024



Photo: Lito Lapid at Lorna Tolentino - Fana's Love Story Ko music video


Bilib kami kay Sen. Lito Lapid dahil hindi na nagpasikut-sikot pa, diretsahang idineklara sa ginanap na pa-Christmas party niya for the entertainment press kahapon na may asawa pa rin siya, ang nanay ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) COO Mark Lapid na si Mrs. Marissa Tadeo Lapid.


"'Yung sa amin (ni LT), kiliti na lang bilang love team kasi nga may asawa ako, 'di ba?

Nakatali ako, siya, hindi, biyuda siya."


Ayaw kasing tumigil ang tsismis sa pagitan nila ng kanyang ka-love team na aktres sa Batang Quiapo na si Ms. Lorna Tolentino at talagang maraming naniniwala na may something sila lalo't panay din ang sabi ni Manay Lolit Solis, manager ni Ms. LT, sa kanyang mga Instagram posts na feeling niya, pati siya ay nililigawan ng aktor-senador, pero hindi nga siya boto rito dahil may sabit ito.


Kaya sa wakas ay binigyang-linaw na rin ni Sen. Lito ang maugong na tsismis tungkol sa kanila ni LT (mas kilala sila bilang Primanda love team) at sinabing talagang love team lang sila para pampakilig sa mga senior citizens na viewers ng Batang Quiapo serye ni Coco Martin.


At dahil parang duda pa rin ang press sa mga sinasabi ni Sen. Lito, ang anak na niyang si Mark Lapid ang nagsabing para hindi magselos ang nanay niya, siya ang nagpapaliwanag dito na kailangan lang 'yun sa serye, maging ang mga kissing scenes nina Sen. Lito at Ms. Lorna.


Pero nagtawanan ang mga press nang ibuking ni TIEZA COO Mark kung ano ang sinabi ng kanyang ina kay Sen. Lito nang magselos ito.


"Gusto n'yong malaman 'yung exact word na sinabi ng nanay ko sa kanya (Sen. Lito)?

''Yan, kung kelan tumanda 'yang tatay mo, saka lumandi du'n sa TV, nagka-love team,'" ani Mark, kaya sa bahay daw, tawanan din sila nang tawanan.


Ang siste, kaya pala tinablan ng selos ang misis ni Sen. Lito ay dahil naniwala ito sa mga posts ni Manay Lolit sa IG.


Kaya ang pabirong hirit ng senador sa talent manager, "Manay Lolit, 'wag mo nang ulitin 'yun, ang daming naniniwala sa 'yo, eh. Si misis, naaapektuhan sa 'yo, eh. 'Ayaw sa 'yo ni Manay Lolit, pinipilit mo sarili mo,' sabi sa akin," kaya nagkatawanan.


Samantala, kinumpirma ni Sen. Lito na by Feb. 11, 2025, mawawala muna siya sa Batang Quiapo dahil muli nga siyang tatakbong senador sa 2025 midterm elections.


Kahit aminado si Sen. Lito na maraming nanlalait sa kanya dahil wala raw siyang pinag-aralan pero naging senador, proud siyang naka-three terms sa Senado at nakapag-author ng 941 bills and counting, kung saan 99 daw dito ay naging batas na.


Kaya ang payo niya sa mga kapwa artista na gustong pumasok sa pulitika at inspirasyon siya, mag-aral muna para may maipagmalaki at may kaalaman para 'di nilalait-lait ng mga botante.


Dahil sa cheating scandal…

MARIS AT ANTHONY, TINANGGAL NA ENDORSER, FAST FOOD, BINOYKOT NG FANS



Ang dami naming tawa, mga isang libo't isandaan at isa (wahhhahaha!) sa resbak ng mga fans nina Maris Racal at Anthony Jennings sa pagtanggal sa kanila bilang endorser ng fast food chain matapos ngang kumalat ang cheating scandal nila sa social media.


Kung naging mabilis man ang aksiyon ng fast food chain sa paglalabas ng statement na hindi na nila endorser ang controversial couple, ang bilis din ng matatabang utak na netizens-fans sa pagpo-post ng kanilang comment bilang sagot sa naturang kumpanya.

Sample ng mga nabasa naming comments sa socmed:


"Bago n'yo asikasuhin 'yang mga terminate eme-eme n'yo, unahin n'yo muna ayusin 'yung kanin n'yong kung hindi hilaw, sobrang malata."


"Hindi naman sina Maris at Anthony ang nagluluto ng mga manok n'yo, ah? Unahin n'yo 'yung mga chicken inasal n'yo na parang lumiit na, 'yung kanin n'yong malata at 'wag kayong madamot sa chicken oil."


"Unahin n'yo muna bantayan ang kanin n'yo, madalas malata at hilaw. Manok n'yo, kundi sunog, may dugo pa. Minsan wala pa kayong tubig!"


"Bago n'yo palitan ang endorser, kuha kayo ng bagong taga-saing ng kanin, haha!"

Hahaha! Tumbling tayo d'yan! 


Ang ibang fans ng MaThon love team, nagbanta pang boboykotin ang fast food chain na nagtanggal sa kanila bilang endorser.

'Kalokah!




ALL-OUT ang promo na ginagawa ng pamunuan ng MMDA para matulungan ang 10 official entries sa 50th MMFF na mapapanood na sa December 25.

Last Dec. 6, nagkaroon ng grand mediacon-fancon sa Quantum Skyway ng Gateway 2 sa Cubao, QC kung saan dumating ang mga artistang kalahok sa iba't ibang entries sa MMFF 2024.


Wala man ang mga A-listers tulad nina Ms. Vilma Santos, Aga Muhlach at Nadine Lustre (Uninvited), Vic Sotto at Piolo Pascual (The Kingdom), Vice Ganda (And The Breadwinner Is…), Arjo Atayde at Julia Montes (Topakk), dumating naman sina Dennis Trillo (Green Bones), Gladys Reyes and Eugene Domingo (And The Breadwinner Is), Ms. Sylvia Sanchez at Enchong Dee (producer ng Topakk), Sid Lucero (The Kingdom at Topakk), Mylene Dizon & Mentorque producer Bryan Dy (Uninvited), David Ezra, Ricky Lee and Direk Pepe Diokno (Isang Himala), ang young love team na sina Seth Fedelin at Francine Diaz kasama ang Regal Entertainment producer na si Ms. Roselle Monteverde (My Future You) at iba pang celebs na kasali sa festival.


Tama ang ginawang ito ng MMDA sa pamumuno ni Chairman Romando "Don" Artes dahil muling nabuhay ang interes ng mga manonood at ngayon pa lang ay excited na sila kung ano'ng unang papanoorin sa Dec. 25 sa pagbubukas ng mga sinehan para sa 50th MMFF.


 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 11, 2024



Photo: Manay Lolit Solis, Alden at Kathryn - Instagram


Isa pala ang veteran writer-talent manager na si Manay Lolit Solis sa mga naniniwalang pang-"camera" lang ang closeness nina Kathryn Bernardo at Alden Richards at hindi ito mauuwi sa real-life relationship.


Nakatsikahan namin si Manay Lolit kamakailan sa ipinatawag niyang get-together lunch for Buhay Partylist Representative Lito Atienza.


Dahil fresh pa ang box office success ng Hello, Love, Again, nahingi ang opinyon ng writer-talent manager sa namumuong closeness daw nina Kathryn at Alden na nag-skydiving pa nga sa Dubai bago bumalik ng 'Pinas pagkatapos ng promo ng kanilang movie.


Diretsong sagot ni Manay Lolit sa tanong namin kung naniniwala ba siyang pang-'reel' lang ang KathDen at hindi pang-'real', "Oo, kasi parang si Alden naman, 'di ba 'di nanliligaw?"


"So, 'di sila bagay?" dagdag na tanong. 


"Parang hindi, parang si Kathryn, parang maldita, too maldita for Alden," kaswal na opinyon ni Manay Lolit.


At du'n nga niya naikuwento 'yung first encounter niya kay Kathryn sa salon ni Bambbi Fuentes kung saan "dedmabels" at hindi man lang daw bumati ang aktres kahit dinatnan siya roon. 


Ipinagtanggol naman si Kathryn ng mga kausap na reporters ni Manay na baka bata pa kasi siya noon at hindi pa sikat kaya nahihiya pa. 


Dagdag-kuwento naman ni Manay Lolit, tuwing nakikita niya si Kathryn ay may ginagawa itong tumatatak sa kanya. 


Isang insidente nga raw ay nakita niyang todo-bati ito sa mga fans, pero pagtalikod ng aktres ay nag-make face itong parang naiinis.


Although aminado naman ang talent manager na mabait at magalang din si Kathryn sa kanya, "Pero 'di ko nakita 'yung kagaya nu'ng kay Alden. Si Alden, parang sincere ang kabaitan," chika pa ni Manay Lolit.


When asked kung ano'ng gusto niyang sabihin kay Kathryn kapag nagkita silang muli, "Basta consistent ka lang sa ugali mo. Kasi kung kilala kang maldita, eh, di magmaldita ka na all the way. Ganu'n ako, tanggap ko naman na kahit maldita ka, may mga tao kang gusto, may ayaw. So kung talagang nagmamaldita ka, ituluy-tuloy mo na 'yan, 'no, 'wag ka nang magplastik," no sugar coating na mensahe ng veteran writer-talent manager para sa Kapamilya prime actress.




Diretsahan nang sinabi ni Bossing Vic Sotto sa nakaraang grand mediacon ng MMFF entry nila ni Piolo Pascual na The Kingdom na 'wag mag-expect at 'di dapat hanapin ng mga fans niya ang "komedyanteng" Bossing Vic sa pelikulang ito dahil ibang-iba talaga ang kanyang karakter bilang si Lakan Makisig na isang hari at pinuno ng kanyang kaharian.


Bagama't first time gumanap ni Bossing Vic sa ganitong klaseng role, na-challenge raw siya dahil na rin sa request ng kanyang mga anak na gumawa naman siya ng seryosong role para makita ang ibang side niya bilang aktor.


Bukod pa rito, nakita niya ang galing at passion ni Piolo bilang aktor na ang husay daw mag-memorize ng mahahabang lines at kinakarir ang pag-arte kaya nakipagsabayan naman si Bossing Vic kahit bago para sa kanya ang ginawa.


Nang ipalabas ang trailer ng The Kingdom, ang daming na-excite dahil mala-Hollywood daw ang cinematography at visuals ng pelikula at naiintriga ang marami sa 'seryosong' Vic Sotto na mapapanood nila sa movie at kung paano ito nakipagsabayan kay Piolo (magsasaka ang role) na kilalang magaling na dramatic actor.


Sa mga online discussions, sari-sari ang mga reaksiyon ng mga tao, pero halos iisa ang mga sinasabi – impressive ang pelikula, kakaiba ang produksiyon na mukha talagang ginastusan. Magagaling din ang lahat ng artista kung saan kasama sina Cristine Reyes, Sue Ramirez at Sid Lucero sa supporting cast. 


Excited na ang mga fans na mapanood kung paano bibigyang-buhay ng The Kingdom ang alternate reality ng isang Pilipinas na hindi nasakop ng mga dayuhan. For sure, another exciting MMFF ang tatangkilikin ng maraming manonood sa darating na Kapaskuhan, at isa ang The Kingdom sa nakikinitang pipilahan sa takilya mula sa direksiyon ni Mike Tuviera.




HINDI naman pala tuluyang nagpahinga sa pagkanta ang magaling at biriterang singer na si Bituin Escalante, mas nag-focus lang daw siya sa teatro dahil theater person talaga siya more than being a mainstream singer.


Isa sa cast ng MMFF entry na Isang Himala si Bituin at nakausap namin siya matapos ang ginanap na grand mediacon last week.


Happy and thankful si Bituin na napili siyang mapasama sa Isang Himala na isang musical movie na pinagbibidahan ni Aicelle Santos, kung saan mga taga-teatro rin ang bumubuo sa whole cast.


Kuwento ni Bituin, hindi siya nawala sa pagkanta at pag-arte nang magka-dyowa siya at magkaroon ng dalawang magkasunod na anak na babae (year 2011 at 2012).


"We are… grabe, happy family life. I've never imagined," chika ni Bituin.


Inamin niyang hindi pa sila kasal ng ama ng kanyang dalawang anak.


"So, ito na naman 'yung mga little miracles of living in sin but finding joy," sabi ni Bituin na parang may segue pa sa movie nilang Isang Himala na ang kuwento ay umiikot sa paniniwala ng mga tao sa milagro o himala.


Paliwanag niya, walang divorce sa 'Pinas kaya kahit gustuhin man nilang magpakasal ng kanyang dyowa na kasamahan din niya sa teatro ay imposible pa ito sa ngayon.


Kasal sa una ang ama ng dalawang anak ni Bituin, kaya isa siya sa mga umaasa na ma-legalize na ang divorce sa 'Pinas para man lang daw sa mga bata na mas kailangan ito para maging legitimate children sila.


Samantala, gaganap si Bituin bilang si Aling Saling na nanay ni Elsa (played by Aicelle) sa Isang Himala na isa sa official entries sa 50th MMFF mula sa CreaZion Studios, panulat nina Ricky Lee at Vince de Jesus at direksiyon ni Pepe Diokno.


Bukod kina Aicelle at Bituin, kasama rin sa Isang Himala sina David Ezra (ito raw ang first mainstream movie ng anak ng singer na si Dulce), Kakki Teodoro at iba pang theater actors.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page