top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 18, 2024



Photo: FranSeth, KathNiel - Instagram - NP


Panalo ang launching film ng FranSeth tandem nina Francine Diaz at Seth Fedelin na My Future You na isa sa official entries sa 50th Metro Manila Film Festival mula sa Regal Entertainment.


Kung akala nating puro pakilig lang ang pelikula tulad ng mga napanood na natin mula sa mga unang sumikat na young love teams, well, ‘wag judgmental, you really have to watch the film on Dec. 25 dahil bukod sa kakaibang story plot at twist, magagandang dialogues, pak na pak na acting nina Francine at Seth at maging ng supporting cast na sina Almira Muhlach, Christian Vasquez, Peewee O’Hara, Bodjie Pascua, Mosang, Vance Larena at Izzy Canillo, may pampamilyang lesson din na hatid ang film na kukurot sa puso natin.


Tamang project ang sinugalan ng mag-inang Ms. Roselle at Keith Monteverde para sa FranSeth dahil kahit launching film pa lang ito ng kanilang tandem, mukhang tatatak na ito sa kanila.


Puro positive feedback ang narinig namin sa mga nanood sa premiere night paglabas ng sinehan at iisa ang sinasabi ng lahat — maganda ang pelikula at tama lang na nakapasok sa 50th MMFF.


Habang pinapanood naman namin ang My Future You, naisip naming dapat na talagang kabahan si Daniel Padilla dahil kering-keri na ni Seth Fedelin na pumalit sa trono niya na dating nagpapakilig at nagpapatili sa mga fans.


Napakaguwapo ni Seth sa big screen at bumagay din sa kanya kahit ‘yung mature look niya towards the end. Pasado rin ang natural na acting niya kahit maraming nagsasabi na parang si Daniel Padilla talaga ang nakikita sa kanyang mga kilos at pati pagsasalita.


Napuri rin ng marami ang acting ni Francine na potential sumunod sa yapak ni Kathryn Bernardo, at ang ganda-ganda niya sa big screen na ‘di nakakasawa ang hitsura.

Medyo nabitin lang ang mga fans sa ilang beses na “muntikan” nang lips-to-lips ng FranSeth kaya grabe ang tilian sa loob ng sinehan.


Well, hindi na kami magtataka kung ngayong nabuwag na ang KathNiel love team ay ang tambalang FranSeth naman ang sugalan ng ABS-CBN at Star Cinema para pumalit sa trono nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.


Kaya tama ring nag-level-up na sina Kathryn at Daniel sa kani-kanilang career dahil ‘di naman puwedeng forever na lang silang magpapakilig. 


Congrats to Francine and Seth, Direk Crisanto Aquino and Regal Entertainment, ngayon pa lang, napi-feel na namin ang pagsugod ng GenZ crowd at mga feeling bagets sa mga sinehan at may tila Valentine feels sa Dec. 25 dahil mapupuno ng pag-ibig at paniniwala sa destiny ang kanilang mga puso.



Kahit ‘di magdyowa… 

MARY JOY AT AKIHIRO, TODO-BIGAY SA HALIKAN 




Isa pang love team na malakas din ang chemistry ay ang kina Mary Joy Apostol at Akihiro Blanco sa pelikulang produced ng Blade Auto Center, ang The Last 12 Days na final installment ng digital series na sinimulan nila bago pa nag-pandemic.


Una nang nagtambal sina Majoy (Mary Joy) at Aki (Akihiro) sa 12 Days to Destiny at The Next 12 Days at Part 3 na nga itong The Last 12 Days na ini-launch sa Viva One nu’ng Dec. 12, 2024 at kasalukuyan nang napapanood. 


Tinukso namin ang dalawa na wala bang na-develop sa kanila sa ilang taon na pala nilang pagsasama para sa series, dahil kitang-kita nga ngayon sa The Last 12 Days na sobrang komportable na sila sa isa’t isa at ang lakas ng chemistry nila.


Pareho ang sagot nina Aki at Majoy, friends lang daw sila at hindi umabot sa ligawan dahil hindi rin naman ‘yun ang priority nila. Happy daw sila na pinagkatiwalaan silang bigyan ng trabaho ng Blade at nakita ang magandang chemistry nila mula sa 12 Days to Destiny hanggang dito sa The Last 12 Days.


Dahil mature at mag-asawa naman ang role nila rito ay may kissing scene sina Majoy at Akihiro kaya ‘yun naman ang nagpakilig sa mga fans nila.


Bukod sa three-part digital series na naging film na nga sa Part 3, nakagawa na rin ang Blade ng pelikulang Dito Lang Ako na unang film na ipinrodyus nila nu’ng 2018 at Good Times Bad na pare-parehong napapanood sa Viva One.


Ang The Last 12 Days ay mula sa direksiyon ni CJ Santos.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 17, 2024



Photo: Sue Ramirez at Dominic Roque - Instagram


After ng Konsiyerto sa Palasyo, na-exclusive interview namin ang isa sa cast ng 50th MMFF entry na The Kingdom na pinagbibidahan nina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual na si Sue Ramirez.


Kuwento ni Sue, second time na niyang nakatrabaho si Bossing Vic. Nu’ng una ay sa movie nito with Dawn Zulueta pero pahapyaw lang daw du’n ang naging role niya, unlike sa The Kingdom kung saan tatay niya ang comedian-turned serious actor.


Pero kahit second time na raw ito, nai-star struck pa rin siya kay Bossing at lagi siyang natataranta ‘pag nasa paligid na ito kaya sinisigurado raw niyang prepared talaga siya at kabisado ang kanyang mga dialogues ‘pag dumarating sa set dahil ayaw niyang mapahiya sa bida nila sa movie.


“Meron talagang presensiya si Bossing na kakaiba. ‘Pag pumasok siya, alam mo agad na nandiyan siya,” kuwento ni Sue.


Si Piolo naman ay first time raw naka-work ni Sue rito sa The Kingdom.


“Si Papa Piiiiiii!” napatiling sabi ni Sue sabay sabing “Nakakalokah! Ang hirap magpigil ng kilig talaga. Ang pogi-pogi ni Papa P.


“Ang saya, ang ganda nu’ng experience. First time kong naka-work si Papa P. Ang ganda ng experience, always a learning process kasi sa industriya na ‘to, palagi kang may napupulot at palagi kang may natututunan sa mga kasama mo, so same as Bossing, ganu’n din, always on my toes kapag si Papa P. ‘yung kaeksena ko kasi siyempre, we know that they’re veterans in the industry for a long time at iba rin ‘yung respeto na ibinibigay ko sa kanila because grabe rin ‘yung respeto na ibinibigay nila sa craft nila,” papuri pa ni Sue kay Piolo.

“Teka, wala kayang nagselos, Sue?” tanong namin sa aktres na super-kilig kay Papa P.


‘Di ba nga, sina Sue at Dominic Roque ang isa sa mga hot items ngayon sa showbiz matapos mag-viral ang kissing nila sa Siargao?


“Wala namang nagselos. Wala pa namang karapatang magselos, I think,” sagot ni Sue, sabay katwiran pang lahat naman ay kinikilig kay Piolo at baka nga raw pati si Dominic ay kasama ru’n, hahaha!


Ang bilib kami rito kay Sue, ‘di siya etchosera tulad ng ibang artista na may pa-deny-deny pa kahit may resibo na. 


Inamin niyang nasa getting-to-know stage sila ngayon ni Dominic at hindi naman daw nagmamadaling magkaroon ng relationship.


Kinlaro rin niya sa amin na before pa ng viral kissing video nila ay nag-uusap na sila ni Dominic, message-message lang daw pero ‘di pa sila nagkikita talaga, hanggang sa umabot sa pagpapadala na ng food ng aktor.


At about that kissing video?


Baklang-baklang sabi ni Sue, “Nakakatawa ‘yung video na ‘yun! Nakakalokah talaga! Ako pa talaga ‘yung kumiss, hahaha!”


Ano’ng naging reaksiyon ni Dominic nang halikan niya?


“Actually, nagulat kaming pareho. Well, ano bang lusot ko, ‘di ba? Mag-e-excuse pa ba ako sa inyo? Wala lang, it’s ah… cute kiss lang, smack, we’re just having fun.”


Pero kahit nauna na ang kiss, nilinaw ni Sue na ‘di pa siya nagye-“yes” kay Dominic, so, wala pa silang relasyon at ‘di raw sila nagmamadali, kaya ‘wag daw natin silang i-pressure.


Klaro na, guys?!


Ang iba pang detalye sa aming panayam kay Sue Ramirez ay mapapanood sa TikTok account ng BULGAR.



After ng cheating scandal…

MARIS AT ANTHONY, NO SHOW PA RIN SA PROMO NG MMFF MOVIE NI VICE 





Mukhang puspusan talaga ang ginagawa ngayon ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para mas mapaingay ang paparating na 50th Metro Manila Film Festival.


Pagkatapos nga kasi ng ginanap na 50th MMFF mediacon-fancon sa Quantum Skyview sa Gateway Mall, Cubao, QC last Dec. 6, nagdaos din ng Konsiyerto sa Palasyo nu’ng Linggo nang gabi bilang pagpapakita ng suporta nina Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Araneta sa gaganaping taunang festival ng mga pelikulang Pilipino.


At parang pansamantalang naisantabi ang usaping pulitika sa pagdalo nina Megastar Sharon Cuneta at dating Sen. Kiko Pangilinan (na mga kilalang Kakampink) sa ginanap na concert sa Kalayaan Grounds ng Malacañang Palace. 


Bukod sa mag-asawa, namataan din namin du’n sina Diamond Star Maricel Soriano, Sen. Robin Padilla, Congw. Lani Mercado, Christopher de Leon, Lorna Tolentino at ang mga artistang may kani-kanyang entries sa festival sa pangunguna nina Vice Ganda at Gladys Reyes (And The Breadwinner Is…), Seth Fedelin and Francine Diaz (My Future You) kasama ang mga producers na sina Ms. Roselle Monteverde at Keith Monteverde, Sue Ramirez at Sid Lucero (The Kingdom), Aicelle Santos at Direk Pepe Diokno (Isang Himala: Musikal), Julia Montes at mag-inang Cong. Arjo Atayde at Sylvia Sanchez (Topakk), Tirso Cruz III (Uninvited), Ruru Madrid (Green Bones), Julia Barretto (Hold Me Close), at Enrique Gil, Rob Gomez at Alexa Miro (Strange Frequencies: Taiwan Killer Hospital).


May mga nag-abang naman kung darating sina Maris Racal at Anthony Jennings na kasama sa movie entry ni Vice, pero no show pa rin ang controversial couple. So, abang-abang tayo kung sa Parade of Stars sa Dec. 21 ay dyo-join na sila sa float.


Anyway, wala pang isang oras ang ginanap na Konsiyerto sa Palasyo na ang mga tanging performers ay sina Gian Magdangal, Jon Joven, Molly Langley, at Dane Mercado.

Buti na lang at sinamahan ng Divine Diva na si Ms. Zsa Zsa Padilla kaya nagkaroon ng big name sa mga performers.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 15, 2024



Photo: Bong Revilla Jr. - FB


Hindi sinasadyang napaamin namin ang paborito naming aktor-senador — na napakasimpatiko pa rin hanggang ngayon — na si Sen. Bong Revilla, Jr. sa pagkakaroon nito ng anak (o “mga anak”) sa ibang babae, sa ginanap na grand mediacon kahapon ng Season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis sa Novotel Hotel, Cubao, QC.


Magbabalik nga kasi sa ere ang mala-pelikulang action-comedy series ni Sen. Bong simula sa Dec. 22, Linggo, kung saan 7 weeks lang daw muna itong mapapanood ng mga Kapuso fans dahil bawal na ngang lumabas si Sen. Bong sa TV kapag nagsimula na ang kampanya sa Feb. 12, 2025.


As we all know, muling tatakbong senador ang mister ni Congw. Lani Mercado sa May, 2025 midterm elections. Pero after that, pramis ng aktor-senador, babalik din siya sa TV at maging sa paggawa ng pelikula.


Sa trailer ng Season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis, ipinakitang isa sa mga bagong makakasama sa cast si Jillian Ward na gaganap na anak daw ni Tolome (Sen. Bong) sa isang babaeng nakarelasyon nito bukod kay Gloria (played by Beauty Gonzales).


Kaya naman sa Q&A segment sa mediacon, natanong namin si Sen. Bong since ang sabi niya ay kuwento ng buhay niya itong Walang Matigas na Pulis… kung in real life ba ay may lumapit at nagpakilalang anak niya at ano ang naging reaksiyon niya?


At kung sakali namang wala pang lumalapit, ano ang gagawin niya if one day ay may mag-claim na anak niya sa ibang babae?


Mas unang sinagot ni Sen. Bong ang pangalawang tanong namin, bagama’t napansin namin ang pagbuka ng bibig niya at pagsabi ng “Ohhh!” na parang nagulat sa unang tanong namin.


Aniya, kapag may lumapit, siyempre, ang unang itatanong niya ay sino ang nanay, and then, siyempre ay ipapa-DNA raw niya.


“Dahil kung talagang anak ko siya, dapat panagutan ko,” katwiran ni Sen. Bong.

Inulit namin ang tanong, “So, so far, Sen., wala pa naman?”


At du’n na nga bumigay si Sen. Bong na napangiti sa tanong namin sabay pagsingkit ng mga mata, “Alam ni Lani ‘yun, meron, meron. Pero makikilala n’yo rin ‘yun kung sino SILA.” 


Dugtong nito, “At hindi mo puwedeng itago ‘yun, ah? Unfair para sa mga bata, dugo mo ‘yun, anak mo ‘yun, at hindi ko ikinakahiya ‘yun,” na umani ng palakpakan mula sa mga press people na present sa event.


Eh, ano nga naman kung may iba pang mga anak si Sen. Bong bukod sa misis niyang si Congw. Lani, shocking pa ba ‘yun, eh, ang namayapang ama nga niya na si Don Ramon Revilla, Sr. na dati ring aktor-pulitiko ay bukas na libro naman sa lahat ang pagkakaroon ng napakaraming anak sa iba’t ibang babae.


Kaya nga sa one-on-one interview, nang tinanong si Sen. Bong kung ilan na ba lahat ang anak niya, pabirong sagot lang ng super-guwapo pa rin naman kasing aktor, “Konti lang, totoo ‘yun, sa akin, kasya pa sa jeep, eh,” sabay tawa nang malakas, “‘yung sa tatay ko, pang-LRT,” hirit pa nito, kaya pati kami ay ang dami naming tawa.


Kinumpirma rin ni Sen. Bong na hindi lang open sa publiko itong inamin niyang mga anak niya pero tanggap na raw ni Congw. Lani at ng kanyang mga anak sa misis.


Well, du’n ka naman bibilib kay Sen. Bong, may paninindigan at kayang harapin ang kanyang ginawa. No wonder na love na love talaga siya ng press dahil sa kanyang pagiging honest at sincere.


Anyway, kaabang-abang ang Season 3 ng Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis dahil para ka ngang nanonood ng pelikula sa ganda ng mga action scenes na talagang ginastusan at hindi tinipid.


May eksena rin du’n na tumalon sina Sen. Bong at Beauty sa ilog at nakakaaliw ang pag-amin ni Beauty na kahit nasa ilalim na sila ng tubig, not just once but twice pa siyang sumigaw ng “Tolomeeeeeeeee!” Hahaha!


Bukod kay Jillian Ward, kasama rin sa bagong cast si Boss Toyo at may special participation din si Ms. Gloria Diaz. 


Nandiyan pa rin at kasama sa cast sina Carmi Martin, Leo Martinez, Jestoni Alarcon, Liezel Lopez, Raphael Landicho, Jeff Tan, Maey Bautista, Nino Muhlach, Joko Diaz at marami pang iba, mula sa direksiyon ni Enzo Williams.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page