top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 22, 2024



Photo: Yen Santos at Paolo Contis - IG


Nagkabalikan kaya sina Paolo Contis at Yen Santos?


May umiikot kasing kuwento na nanganak na raw si Yen last month lang sa baby nila ni Paolo, gayung ang tanda namin ay may ilang buwan (o baka nga isang taon na?) nang hiwalay ang dalawa.


Year 2021 nang unang mapabalitang buntis si Yen kay Paolo nu'ng makita silang nagbakasyon sa Boracay na medyo malaki ang tiyan ng aktres sa suot na loose polo.


Parang nakakapagtaka lang na kung kelan napabalitang break na sila at after 3 yrs. mula nang matsismis na buntis ay ngayon lang nanganak si Yen?! ‘Kalerkey, devah?!


Pero ang mas nakakalokah pang chika ng ilang netizens na pinagpipiyestahan nila sa socmed ay hindi naman daw ito ang first time na nanganak ang aktres, dahil may panganay na diumano ito courtesy ng isang dating rich politician na naugnay sa kanya ilang taon na ang nakararaan.


Well, ‘di natin masisisi ang mga Marites na mag-isip at magduda na baka nabuntis nga si Yen dahil matagal na rin siyang nagpahinga sa showbiz. 


Kaya mas maganda sigurong siya na mismo ang magsalita para mabigyang-linaw na ang isyung ‘yan.



Komedyante, may ibubuga pala…

VIC, NAKIPAGSABAYAN KAY CRISTINE SA DRAMA





Grabe ang suporta kay Bossing Vic Sotto ng kanyang pamilya, all-out na dumating si Sen. Tito at ang mga anak na sina MTRCB Chair Lala Sotto, Ciara Sotto at Gian Sotto, isa pang kapatid na si Val Sotto, mag-inang Pauleen Luna-Sotto at Tali, mga anak na sina Danica, Oyo at Pasig Mayor Vico Sotto sa premiere night ng The Kingdom, ang 50th Metro Manila Film Festival entry nila ni Piolo Pascual na mapapanood na sa Dec. 25.

Sa side naman ni Piolo, nakita namin si Iñigo Pascual at nagyakap ang mag-ama nang magkita sa loob ng sinehan.


Dumating din si Comedy Queen Ai Ai delas Alas na nakasabay pa namin sa elevator habang game na game sa fans sa pagpapa-selfie mula sa elevator hanggang sa pagrampa sa red carpet.


Nakita rin namin si Ara Mina kasama ang anak na si Amanda at pamangkin kay Cristine Reyes na si Amarah bilang suporta sa younger sister na gumaganap na anak ni Lakan Makisig (Vic) na si Matimyas).


Of course, nandu'n din sina Marco Gumabao at Dominic Roque bilang suporta naman kina Cristine at Sue Ramirez respectively. In fairness, ‘di sila umagaw ng eksena sa red-carpet dahil ‘di sila sumabay sa kani-kanilang dyowa sa pagpasok sa sinehan.


Nag-motor lang daw si Dominic kaya pawisan itong lumakad sa red carpet kasama ni Marco at mukhang pumayat ngayon si Dom kesa nu'ng sila pa ni Bea Alonzo ang magdyowa.





Dumating din si Mr. Manny V. Pangilinan ng TV5 at MQuest Ventures, Inc. bilang co-producer ng M-ZET TV Productions ni Bossing Vic at APT Entertainment ng mga Tuviera.


Niyakap pa ni MVP si Bossing after watching the film. May cameo rin sa The Kingdom ang may-ari ng TV5, at uso na yata talaga ‘yan.


Solo namang dumating ang kakakasal lang na si Jose Manalo para suportahan si Bossing Vic.


Kumpleto siyempre ang buong cast ng movie sa pangunguna nina Bossing Vic, Papa P. Piolo Pascual, Sid Lucero, Cristine Reyes, Sue Ramirez, Cedrick Juan at iba pa, maging ang direktor na si Mike Tuviera.


Tiyak na maninibago ang mga manonood na sanay na nagpapatawa si Vic dahil seryoso siya rito sa kabuuan ng pelikula, istrikto at mukhang masungit.


Hindi namin sukat-akalain na mapapaiyak kami ni Bossing sa eksena nila ni Cristine. In fairness, hindi man hysterical acting si Bossing Vic bilang dramatic actor, may suntok sa puso ang sagutan nila ni Cristine na tiyak na makaka-relate lalo na ang mga anak na naghahanap ng pagmamahal ng ama.


Habang si Piolo naman, ramdam talaga naming iniwan na ang pagiging heartthrob dahil tapos na siya sa stage na kaguwapuhan ang puhunan niya. Sa The Kingdom, kahit ang dungis ng hitsura niya, mamahalin mo pa rin siya dahil sa galing niyang umarte at pasado na ring action star.


Gandang-ganda naman kami kay Sue na parang Hollywood actress ang datingan. Pansin lang namin na parang ilang beses tumagal sa dibdib niya ang kuha ng camera, we wonder tuloy kung part kaya ng script ‘yun?


Acting wise, walang nagpakabog kina Cristine at Sue sa kani-kanilang eksena.

Medyo maikli ang role nina Sid at last year's MMFF Best Actor Cedrick Juan pero markado pa rin naman.


Medyo dragging sa simula ng movie pero ilang beses pinalakpakan ang ilang eksena, na dapat panoorin ng mga fans at moviegoers para malaman kung aling part du'n ang umani ng palakpakan ng manonood.


Showing na ang The Kingdom on Dec. 25 as part of the 50th MMFF.



Balik-‘Pinas ang Pinay pero American-based singer na si Ms. Rozz Daniels at dito raw sila magpa-Pasko ng kanyang asawa ngayong taon.


Minsan nang umingay ang pangalan ni Ms. Rozz nang magsampa siya ng kaso sa dating singer na si Ms. Ivy Violan na nangako raw na tutulong para sa kanyang debut album na mai-release rito sa ‘Pinas, pero wala ngang nangyari kahit ginastusan na ito nang malaki ni Ms. Rozz kaya idinemanda niya ito.


Hiningan namin ng update si Ms. Rozz nang magpa-Christmas party siya with the press recently sa Music Box tungkol dito at aniya, forgive and forget na lang kahit pa hindi pumabor sa kanya ang desisyon ng US court dahil sa issue ng jurisdiction.


Ayaw na raw niya ng stress kaya ‘di na siya umapela pa. Lesson learned na lang daw ito sa kanya na mas mag-ingat next time.


Sa ngayon, balak niyang i-pursue ang singing career sa ‘Pinas at this 2025, gagawa raw siya ng revival ng kanta ni Renz Verano.


Dahil husky ang boses ni Ms. Rozz, bagay sa kanya ang mag-revive ng song ni Renz dahil pareho silang husky voice.


Dream naman daw niyang maka-collab ang Concert King na si Martin Nievera.


Well, good luck, Ms. Rozz Daniels and abang-abang na lang tayo ‘pag na-release na ang revival niya ng kanta ni Renz Verano.


 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 20, 2024



Photo: Vilma, Kathryn at Alden - Instagram KathDen


Hindi na lang basta director ang tinaguriang “Box Office Director” na si Direk Cathy Garcia-Sampana kundi isa na rin siyang star builder dahil finally, pinasok na nga niya ang pagdi-discover at pagma-manage ng mga baguhan at wannabe stars.


Kahapon ay ginanap ang grand launch at contract signing ng pool of talents ng Clnjk (pronounced as Clinic) na talent arm ng Nickl Entertainment ni Direk Cathy sa Uhaw Resto Bar sa Sumulong Highway, Antipolo at present du’n ang mga talents na hindi lang gustong maging aktor at aktres kundi may rapper, singer at songwriter din.


At maging ang sikat nang singer na si Frenchie Dy ay under na rin pala ng Clnjk at kasabay na ring pumirma ng kontrata kahapon.


Sa opening speech pa lang ni Direk Cathy, nilinaw na niyang hindi personality ang unang hanap niya sa mga kinukuha niyang talents kundi ATTITUDE. 

Yes, 90% attitude at 10% pleasing personality ang requirement ni Direk Cathy sa mga nag-a-apply sa kanyang talents.


Katwiran kasi ng magaling na director, nai-improve ang looks at even ang talent ng isang tao, pero kapag may bad attitude, ‘yun ang masakit sa ulo at siyempre, ayaw ng stress ni Direk Cathy.


Tinanong nga namin si Direk Cathy kung ano’ng attitude ng isang talent o artista ang pinakaayaw niya at bilang prangka siyang tao, inamin niyang ayaw na ayaw niya ‘yung HINDI NAKIKINIG at LAGING LATE.


Ayaw daw niya ‘yung binibigyan niya ng instruction tapos paulit-ulit at hindi makuha dahil hindi nakinig. Sayang nga naman ang oras at lahat ng nasa production ay maaabala.


At du’n nga niya nabanggit kung paano niya pinagsabihan at ‘pinaghiwalay’ sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla nang una niyang ma-meet sa storycon ng Got To Believe

First time raw nilang magkikita-kita at habang nagbibigay ng instruction, napansin niya ang dalawa na bulungan nang bulungan kaya sinutsutan at sinabihan niya ang mga ito na maghiwalay muna.


Sumunod naman daw sina Kathryn at Daniel at in fairness ay marunong namang makinig kaya wala siyang naging problema sa mga ito.


Isa pang ayaw ni Direk Cathy ay laging late. Kung minsan lang daw ay mapagbibigyan pa niya, pero kung pinagalitan na niya at paulit-ulit pa rin, ‘yun na talaga ang tinatanggihan niyang makatrabaho.


Kinantiyawan nga namin siya kung sino ba ang tinutukoy niya pero tawa lang nang tawa ang magaling na director at hindi na nag-name names para tahimik ang buhay niya. Hahaha!


Samantala, inamin ni Direk Cathy na talagang in-expect niyang magba-box office ang Hello, Love, Again na huling movie na ginawa niya na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Alden Richards, dahil alam daw niyang may captured audience na ang part 2 ng Hello, Love, Goodbye.


At very thankful si Direk Cathy dahil kung ang pagbabasehan ay hindi kung magkano ang kinita ng movie kundi ang number of tickets sold, pangalawa raw ang HLA sa Anak movie ni Star for All Seasons Vilma Santos-Recto among all Filipino films na naipalabas.


Ang ikinagulat lang namin ay ang inamin ni Direk Cathy na ilang beses na raw may offer sa kanya para idirek si Star for All Seasons Vilma Santos sa isang movie pero tinanggihan niya dahil hindi raw niya kaya at hiyang-hiya siya kung paano sasabihin sa isang napakalaking artista na tulad ni Ate Vi na mag-take 2 sa eksena. 


Na-overcome naman daw niya ang fear na ito kina Vice Ganda at Megastar Sharon Cuneta, pero kay Ate Vi ay hindi raw talaga niya kaya.

Oh, ‘di ba, kahit kilalang napakaprangka ni Direk Cathy, very honest din siya sa kanyang mga fears and insecurities. 

Tao lang naman. 



Makabuluhan ang naging topic sa CIA with BA hosted by Sen. Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano at Boy Abunda last Sunday (Dec. 15).


Pinag-usapan kasi nila kung okay lang ba at tamang tumanggap ang isang kawani ng gobyerno ng regalo mula sa mga private individuals since magpa-Pasko naman.


Tiyak na may natutunan ang mga govt. employees sa sinabi ni Sen. Alan na may umiiral na batas ukol sa pagtanggap ng regalo at bribery.


Aniya, ang mga regulasyong ito ay naglalayong protektahan hindi lamang ang publiko kundi pati ang mga empleyado ng gobyerno. Ang pagtanggap ng mga mamahaling regalo ay ipinagbabawal upang maiwasan ang mga sitwasyong maaaring magmukhang suhol o bribery.


“Halimbawa, birthday mo o Pasko, may magbibigay ng pagkain, ‘yan puwede ‘yan,” paliwanag niya. 


Pero kung tulad daw ng cellphone o iba pang mga mamahaling regalo, bawal na ‘yun dahil puwede nang isiping ito ay isang suhol para sa hinihinging pabor sa govt. employee.


Ang segment ay nagbigay ng mahalagang paalala sa mga empleyado ng gobyerno tungkol sa tamang asal at pagsunod sa batas, lalo na ngayong Kapaskuhan kung kailan karaniwan ang pagbibigayan ng regalo. 


Sa pamamagitan ng ganitong mga diskusyon, patuloy na nagbibigay-kaalaman ang CIA with BA upang gabayan ang mga manonood sa tamang pagsunod sa mga etikal na pamantayan sa pamahalaan.


Ang CIA with BA ay umeere tuwing Linggo, 11:00 PM sa GMA-7, may replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 PM.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 19, 2024



Photo: Maris Racal, Anthony Jennings at Sen. Imee Marcos - FB


Inamin ni Sen. Imee Marcos na sobrang busy na siya ngayon, hindi lang sa paggawa ng mga batas para makatulong sa mga lolo’t lola at mga kabataan at sa ikabubuti ng film and TV industry kundi maging sa paghahanda para sa paparating na kampanya sa 2025 mid-term elections kung saan muli siyang tatakbong senador.


Ito ang dahilan kaya hindi muna itinuloy ang dapat na sequel o part 3 ng Maid in Malacañang at Martyr or Murderer movie na tungkol sa pamilya Marcos.


Dati ring producer ng mga pelikula si Sen. Imee tulad nga ng classic film na Himala ni Superstar Nora Aunor, kaya malapit ang puso niya sa mga taga-industriya at marami siyang bills na ipinasa sa Senado para makatulong sa mga artista, producers, manggagawa at iba pa.


Sa ginanap na Pandesal Forum kahapon sa Kamuning Bakery sa pangunguna ng owner nitong si Wilson Flores, tinanong naman namin si Sen. Imee sa update sa napabalitang ipapatawag daw ng Senado ang controversial couple na sina Maris Racal at Anthony Jennings dahil sa pagkakadawit umano nila sa issue ng paggamit ng illegal drugs na nag-ugat nga sa ibinulgar ng ex-GF ng aktor na si Jamella Villanueva.


Reaksiyon ng senadora na kilala sa pagiging “Imeesolusyon”, dapat talaga ang mga artista, ingatan ang kanilang imahe dahil malaking impluwensiya sila sa mga kabataan.


“Ang problema kasi, sila ang ginagaya ng kabataan, sila ang iniidolo, tapos sila pa ang nagkakalat. ‘Wag naman sana,” bungad niya.


Nabalitaan nga rin daw niya na magkakaroon ng iba’t ibang imbestigasyon kaugnay ng isyung ito sa showbiz.


“Unang-una, parati kong sinasabihan ang ating mga law enforcement, ‘wag kayong pasisindak kahit artista ‘yan na sikat, imbestigahan ninyo at talagang patawan ng sapat na parusa. Hindi naman dapat inaareglo. Palibhasa, may kaya, may abogado, natatakot sa may hawak, ‘wag ganu’n. Dapat talaga, tuluy-tuloy. Dapat, istrikto nga kung tutuusin,” hirit niya.


Ang problema nga lang daw, tila nagagamit ang mga ganitong isyu sa grandstanding ng mga kapwa niya senador kaya ‘yung “in aid of legislation”, nagiging “in aid of reelection” na.


“Mapapansin ninyo, parati akong absent sa imbestigasyon, tinatamad ako d’yan sa imbestigasyon, sa totoo lang. Masipag ako sa ibang bagay pero ‘pag imbestigasyon, para sa akin, kapag nag-imbestiga na at nakita na may ebidensiya na, tigil na, tama na. I-turnover na sa imbestigador na totoo, ‘yung CIDG, NBI, ibigay n’yo sa mga professional. Higit sa lahat, patawan na ng kaso, dalhin na ‘yan, kaladkarin na ‘yan sa korte, kung may sala, parusahan na, wala nang ekse-eksena,” dire-diretsong pahayag niya.


Hindi naman daw kasi sila ang magpapataw ng parusa at magkukulong sa mga may sala, kaya hiling lang niya na idaan din sa tamang proseso ang lahat.



Comedy Queen, lucky girl pa rin… 

GERALD, WALANG NAKUHANG YAMAN NI AI AI NANG MAGHIWALAY





Mukhang mas magaan at positive na ang aura ngayon ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas matapos ang hiwalayan nila ng 10-year husband niyang si Gerald Sibayan.

Special guest si Ai Ai last Sunday sa ginanap na launching ng bagong binuksang negosyo ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, ang VBank, isang digital banking app na makakatulong sa usaping pinansiyal ng maraming Pilipino dahil sa mga services na hatid nito.


Ninong pala sa kasal nina Ai Ai at Gerald si Manong Chavit, kaya ang Comedy Queen na rin ang kinuhang endorser ng bagong negosyong ito ng tumatakbo rin bilang senatorial candidate sa 2025 elections.


Although halata pa rin ang lungkot sa mga mata ni Ms. Ai Ai, makikita mong agpapakatatag ito at life goes on, ‘ika nga, dahil wala namang mangyayari kung magmumukmok lang siya sa pag-iwan sa kanya ng batang mister.


Ayaw na ring pag-usapan ni Ai Ai ang isyung ito dahil ‘di nga naman makakatulong sa kanyang pagmu-move on. 


Ang mahalaga, kahit naghiwalay sila ni Gerald at nasaktan man siya, at least, hindi ‘natangay’ ang mga naipundar ni Ai Ai dahil noon pa man, sinabi na ng Comedy Queen na may prenuptial agreement sila ng mister, na si Gerald na rin mismo ang nag-suggest para ‘di isiping pera lang ng Comedy Queen ang habol niya.


At lucky girl talaga si Ms. Ai dahil sa kabila ng marami nang artistang bago at mas sikat ngayon, may kumukuha at nagtitiwala pa rin sa kanya bilang endorser.

Bongga!



Kaya nangayayat… ARA, NAGSALITA NA SA HIWALAYAN DAW NILA NI DAVE





BAGAMA’T medyo nagulat, napangiti lang si Ara Mina nang biruin namin na baka iturong dahil sa isyung hiwalayan nila ng mister na si Dave Almarinez kaya ang laki ng ipinayat niya ngayon.


Nakita namin si Ara Mina last week sa birthday ni Mareng Caren Martinez, mother dear ng dating aktor na si Raphael Martinez.


May isyu nga kasing umiikot na on the rocks na raw ang relasyon ng mag-asawa, pero sabi naman ni Ara, pareho lang silang busy ni Dave sa kani-kanilang career at negosyo kaya sa gabi na lang sila nagkikita at nagkakausap. 


Ang mister kasi ni Ara ang founder ng Peek-up, ang first-ever ride-hailing app na 100% Pinoy-owned na ini-launch ngayong taon at kasalukuyang nakikipagsabayan sa iba pang ride-hailing apps sa bansa. 


Dito tutok na tutok ngayon si Dave lalo’t layunin niyang sa pagpasok ng 2025 ay mas mapabilis at maging simple ang sistema ng pagpapa-book ng mga pasahero sa pamamagitan ng PIN-based Rides.


Ang nasabing booking system ay sa pamamagitan ng streamlining kung saan ang mga pasahero ay makakatanggap ng PIN kapag magre-request ng kanilang rides. Kung hindi pa available ang ibinu-book na driver at sasakyan, ise-share lang nila ang naturang PIN sa susunod na driver at sasakyan na nasa designated pick-up areas na. May nakaabang naman kaagad na ride kaya hassle-free na sa paghihintay ang mga pasahero at wala nang waiting time.


Samantala, ngayong ilang araw na lang ay Pasko na, maglalaan na raw ang mag-asawa ng time para makapag-break sa busy sched at makapag-bonding.


Baka babawi na rin sila sa isa’t isa lalo’t umiingay nga ang isyung ‘on the rocks’ ang marriage nila.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page