top of page
Search

ni Lucille Galon @Special Article | Dec. 27, 2024



Photo: Denise Julia, BJ Pascual - IG



Kinumpirma na ng kampo ng R&B singer na si Denise Julia na nakikipag-ugnayan na siya sa kanyang legal team para maghain ng kasong defamation laban sa sikat na photographer na si BJ Pascual at vlogger na si Killa Kush. Ito ay kaugnay sa mga pahayag na ginawa ng dalawa sa podcast nilang Bad B*tch Bible na mapapanood sa YouTube (YT).


Ito ay mula sa pahayag na inilabas ni Denise Julia sa social media (socmed) matapos ang kontrobersiyal na pahayag ng celebrity photographer na si BJ, na tinawag siyang “worst” personality na nakatrabaho niya. 


Sa isang podcast, inamin ni Pascual na ang team ni Denise umano ang nagtangkang i-cancel ang photoshoot isang gabi bago ang scheduled date, at siya pa raw ang sumalo ng cancellation fees. Pero hindi ito pinalagpas ni Denise.


Sa kanyang X (dating Twitter) post noong gabi ng Pasko, December 25, nag-upload siya ng screenshots o screen recording ng mga palitan ng mensahe sa pagitan ng kanyang manager na si John Vincent Salcedo at ng manager ni Pascual na si Pearl Acuesta. 


Sa kanyang mensahe kay BJ, sinabi ni Denise na siya at ang kanyang team ay sobrang excited makatrabaho ang sikat na photographer. 


“Nilipat ko pa ang release date ng project ko para lang mag-adjust sa schedule mo, out of respect for your time,” ani Denise. 


Paliwanag pa ng singer, “Tahimik lang ako habang inaayos ng manager ko ang lahat, pero hindi ko na kayang magtimpi. Ang masakit dito, ‘yung pagkatao ko ang pinupuntirya mo nang ganito.” Nag-upload din siya ng screen recording ng text messages nila bilang “full transparency”.


Dagdag pa niya, “Akala ko, mag-uusap tayo ng harapan tungkol dito. Pero dahil nangyari na ang ganito, ini-report na namin ito sa legal team namin para sa posibleng defamation suit.”

Samantala, sumagot naman si BJ Pascual noong Pasko at sinabing ang screenshots na inilabas ni Denise ay “hindi nagpapakita ng buong pag-uusap o full context”. 


Ayon din kay BJ, nag-effort daw ang kanyang team na i-adjust ang budget ng shoot sa P317,000, na aniya’y “below industry standards” na ito.


Samantala, nadamay din si Killa Kush dahil ibinulgar ni Denise ang umano’y mga insidente na hindi professional na pagtrato sa kanya nito, kabilang na ang late na pagbabayad ng kanyang talent fee (TF), pagsasamantala sa paggamit ng kanyang pangalan at imahe para sa promotion, at maging ang diumano’y hindi tamang pag-uugali nito sa kanilang unang mga pagkikita.


Sey ni Denise, “Bottles for me when my name and pics (picture) were overused for engagement in all her events and until now in her brand’s highlights, was paid 3K (P3,000 thousand) for hosting but a table costs 6K (P6,000 thousand), asked to make out with me during the first clubbing night tgt (together), got paid late for a 3K and 10K (P10,000 thousand) TF, trash talks people in front of us but puts a smile on her face when she sees them, talking about love & light after milking my issue for a hate train, I could go on but I’ll save that for court.”


Ngayon, umaasa si BJ Pascual na matapos na ang isyu at mag-focus na lang sila nina Denise Julia at Killa Kush sa pag-i-improve ng kanilang career.


 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 27, 2024



Photo: Aga, Mylene at Nadine - IG Aga Muhlach


Sayang at wala si Star for All Seasons Ms. Vilma Santos-Recto sa ginanap na special screening ng 50th MMFF entry ng Mentorque Productions at Project 8 Projects na Uninvited last Christmas Day sa Gateway Cinema, hindi tuloy niya narinig ang nagkakaisang papuri at positive feedback ng mga press people sa kakaiba at standout na acting nila nina Aga Muhlach at Nadine Lustre. 


Heard na napagod at namamalat na naman si Ate Vi dahil sunud-sunod nga ang promo nila ng Uninvited bago pa nag-Pasko at sumama rin siya sa Parade of Stars, kaya maiintindihan din naman kung ipinahinga na niya ang Araw ng Pasko kasama ang buo niyang pamilya. 


Ganunpaman, tiyak na ikatutuwa ni Ate Vi ang mga komentong wala pa rin talaga siyang kupas sa maemosyonal niyang pagbibitaw ng mga linya bilang inang puno ng galit at naghahanap ng katarungan para sa inabuso at pinatay na anak. 


Maraming aktres ang puwedeng mag-deliver ng mga katulad na linyang binitawan ni Ate Vi sa Uninvited, pero kakaiba talaga ang suntok sa dibdib kapag ang Star for All Seasons na ang nagbitaw. 


Tawa kami nang tawa sa katabi naming si Mareng Karen Martinez na parang batang nagtatakip ng mata at hindi kinaya ‘yung eksenang paulit-ulit-ulit-ulit na pinagsasaksak ni Ate Vi ang isa sa mga tauhan ni Aga. Ngayon lang kasi yata nagkaroon ng ganitong eksena si Ate Vi na talagang marahas at bloody, kaya nga naging R-16 ang rating ng MTRCB. 


In fairness to Nadine Lustre, hindi siya nagpasapaw sa mga eksena nila ni Ate Vi. Ramdam talaga namin ang pag-level-up niya bilang aktres at pati sa pagde-deliver ng English lines, ang linaw magsalita ni Nadine, sosyal at hindi trying hard. 


Medyo nabitin lang kami sa highlight scenes ni Nadine with Ate Vi and Aga respectively, puwede pa sanang mas nabigyan ng impact ‘yun kung nagkaroon ng emphasis sa back story ng relasyon nila ni Aga bilang mag-ama. 


May bago namang ipinakita si Aga Muhlach bilang aktor na puwede rin palang kontrabida na tila may sayad at kung pumatay, parang manok lang ang tinitira. 

Ngayon lang din namin siya narinig na namumutiktik ang bibig sa pagmumura ng P.I. at kung humalik ay hayok na hayok. Hahaha! 


We wonder tuloy kung naka-ilang takes sila ni Mylene Dizon sa eksenang ‘yun kung saan very aggressive na Aga ang nakita namin. And we wonder too kung ano kaya ang magiging reaksiyon ng misis ni Aga na si Charlene Gonzalez at ng kanilang kambal na sina Andres at Atasha kapag napanood nila ang aktor sa mala-demonyong karakter nito.

Acting wise, magaling talaga si Aga. Medyo setback lang niya para sa amin ‘yung boses niyang pambagets pa rin ang tunog at parang ‘di sumabay sa pagtanda niya at sa pagiging dark ng kanyang character.


Magagaling din naman ang mga supporting cast at manggigigil ka kina Ketchup Eusebio, Cholo Barretto at Gio Alvarez na parang gusto mo silang padaanan ng bulldozer o ipakain sa dinosaur sa sobrang galit sa kanila. Hahaha!

Suspense-drama ang Uninvited at ito ‘yung tipo ng pelikula na ayaw mong mag-CR dahil sa bilis ng pacing, baka pagbalik mo ay may na-miss ka na. 


Inamin naman ng Mentorque producer na si Bryan Dy na talagang binilisan nila ang pacing at iniklian ang movie kumpara sa Mallari ni Piolo Pascual last year para mas maraming screening schedule sa isang araw since 10 movies nga ang naghahati-hati sa mga sinehan. 


At dahil may teaser scene sa huli, mukhang may part 2 pa ang Uninvited, ha? 


Well, sayang at ‘di namin natanong tungkol dito si Sir Bryan Dy at maging ang direktor ng film na si Direk Dan Villegas. 


Anyway, showing na ngayon sa mga sinehan at isa sa mga unang pinipilahan ang Uninvited


Kasama rin sa cast sina Gabby Padilla, Elijah Canlas, Lotlot de Leon, RK Bagatsing, Ron Angeles, Lyn Cruz at Tirso Cruz. 



Weder-weder lang talaga…

AGA, TAGILID KAY DENNIS SA PAGKA-BEST ACTOR




Magaling naman si Aga Muhlach sa Uninvited, pero nang mapanood namin ang Green Bones kahapon, diretsahan na naming sinasabi na may tulog si Aga kay Dennis Trillo.

Actually, kahit trailer pa lang ng GB ang napanood namin, na-feel na namin ang husay ni Dennis sa kanyang mga eksena, lalo na ‘yung duguan ang mukha niya sa loob ng kulungan.


Pero lalo kaming napabilib ni Dennis Trillo sa sobrang husay niya sa Green Bones nang mapanood na namin ang kabuuan ng pelikula.


Mata pa lang ng mister ni Jennylyn Mercado, umaarte na. Hindi na kailangang malukot

ang mukha niya para tumawid ang emosyon niya sa manonood.

At in fairness kay Ruru Madrid, ginulat niya kami sa Green Bones dahil hindi siya nagpahuli sa husay ni Dennis.


Kung sa Best Actor category ilalagay ng MMFF jurors si Ruru at hindi sa Best Supporting Actor, malamang na mag-tie pa sila ni Dennis sa 50th MMFF Gabi ng Parangal na gaganapin ngayong gabi, Dec. 27.


Well, tulad ni Ate Vi, wala na rin namang dapat patunayan ang isang Aga Muhlach. Nagkataon lang siguro na mas mabigat at may suntok sa dibdib ang role ni Dennis sa GB kesa sa role ni Aga na in fairness, first time rin naman niyang ginawa sa Uninvited.


Pasado rin naman sa amin ang acting ni Arjo Atayde sa Topakk, pero mas na-focus kasi ang movie sa hard action.


Kakaiba rin ang role ni Bossing Vic Sotto sa The Kingdom pero we'd say hindi pa ito ang right project para mapansin siya bilang Best Dramatic Actor.


‘Di pa namin napanood si Vice Ganda sa And The Breadwinner Is… so curious kami kung may laban siya kay Dennis Trillo. Or baka naman kay Ate Vi bilang Best Actress, ‘di kaya? Hahaha!


Well, ito ay base lang naman sa aming observation matapos naming mapanood ang mga naturang pelikula, kaya for you to have your own judgment, mas mabuting mapanood n'yo rin muna ang mga entries bago kayo humusga.

‘Yun na!



 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 24, 2024



Photo: Atong Ang at Sunshine - Circulated


Maraming nagulat nang finally ay aminin ng rich businessman na si Mr. Atong Ang na may relasyon na nga sila ng super blooming ngayon na si Sunshine Cruz, bagama’t last year pa nakarating sa amin ang bulung-bulungan na ipinagpatayo nga ng bahay ng negosyante ang dating misis ni Cesar Montano sa bandang Alabang.


Dahil sa pagkumpirma ni Atong (Wow, parang close kami, ha? Char!) sa isang interview sa relasyon nila ni Sunshine, naging paborito na tuloy silang topic ngayon sa socmed at bawat kilos nila ay binabantayan ng mga Marites.


Matapos ngang mag-viral ang paghalik ni Sunshine kay Atong, may iba pang kissing video nila ang kumalat sa mga reels kung saan ang negosyante naman ang lumapit at humalik sa labi ni Shine at mukhang proud na proud nga itong idinidispley sa sabungan ang kanyang pagkaganda-ganda at pagka-sexy-sexy naman kasing girlfriend na animo’y hindi nanganak ng tatlong Maria.


At tila nga lucky charm si Sunshine dahil mukhang laging maganda ang mood ni Atong, lalo na siguro kung madalas manalo ang manok nito.

Bukod sa mga kissing videos ng dalawa sa sabungan, viral din ang pagkanta ni Atong


Ang ng Bakit Ngayon Ka Lang sa isang party na hitsurang hinaharana pa ang katabing si Sunshine na kilig-kiligan naman.


Well, may nakapag-chika sa amin na hindi pa annulled si Mr. Atong Ang sa legal wife nito, pero may 15 yrs. na raw silang hiwalay at hindi naman si Sunshine ang unang taga-showbiz na na-link sa super rich businessman.


Pero mukhang inlabey nga talaga si Atong kay Shine dahil sa dami nga ng na-link sa kanya — na ang pinakahuli ay si Gretchen Barretto — ang byuti at flawless na aktres lang ang inamin niya.


“Ang Sunshine ni Atong”, bow!



‘Di na raw mapaghiwalay pero… 

DOMINIC AT SUE, KANI-KANYA SA PASKO





Medyo pumayat si Dominic Roque nang makita namin sa premiere night ng The Kingdom last Friday bilang suporta of course sa ‘apple of the eye’ niya ngayong si Sue Ramirez.


Pawisan pa si Dominic nang lumakad sa red carpet kasama si Marco Gumabao na of course, nandu’n din to support Cristine Reyes na kasama rin sa 50th MMFF official entry nina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual na palabas na simula bukas, Dec. 25, sa mga sinehan nationwide.


Tinanong namin si Dominic kung ‘yung paghalik ba ni Sue sa kanya sa Siargao ay sign na ng ‘yes’ nito kaya ngayon ay magdyowa na sila, pero todo-tanggi pa rin ang ex-fiance ni Bea Alonzo.


Aniya, bagama’t na-shocked din siya at natawa na lang sa biglang pag-kiss ni Sue, hindi pa raw sila, although inamin niyang happy siya na exclusively dating sila ngayon.


At kahit ilang beses na silang nakitang magkasama sa ilang events, this Christmas ay hiwalay daw silang magse-celebrate kasama ang kani-kanilang pamilya.


Pero may kasabihang “Love finds time” kaya ‘wag na tayong magulat kung makita nating bigla na magkasama pa rin sila sa Araw ng Pasko.



Concert, pinilit tapusin kahit ‘di pure ang energy… GARY V., HINALIKAN ANG SAHIG NG ARANETA





Big thanks sa aming sister na si Chuck Gomez sa ibinigay niyang tiket para sa Pure Energy: One More Time concert ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano sa Smart Araneta Coliseum last Sunday night.


Last Friday (Dec. 20) ang unang gabi ng repeat ng concert ni Sir Gary sa Smart Araneta, pero hindi nga nito natapos dahil sumama ang kanyang pakiramdam at isinugod siya sa ospital.


Marami ang nag-worry para kay Gary V. na baka hindi nito kayaning ituloy at tapusin ang concert lalo’t nasa recovery period pa siya.


In fact, sa opening pa lang ng Pure Energy: One More Time kung saan kinanta niya ang Shout for Joy, naramdaman na ng mga nanonood na hindi “pure energy” ang ibinibigay ni Gary dahil hindi ito kasinglikot tulad ng dati sa kanyang mga dance moves. 


Halatang-halata na hindi todo-bigay ang kanyang boses sa pagkanta at nawala rin ang mga pamatay niyang dance moves na kanyang-kanya lang.


Naging emosyonal din si Gary nang kantahin ang The Warrior Is a Child at nahalata namin sa boses nitong medyo nag-crack na teary-eyed na siya. 


But still, sobrang na-appreciate ng mga fans ni Mr. Pure Energy ang matinding effort nito at malaking faith kay Lord na sa kabila ng napaka-challenging niyang pagpe-perform that night, kinaya niyang tapusin ang concert kung saan sa bandang dulo ay parang itinodo na niya ang kanyang natitirang “energy” at humataw pa rin ng sayaw kasama ang A-Team Dancers, The Manoeuvres, anak na si Gab Valenciano, AC Bonifacio at si Darren Espanto.


Sa bandang huli, ang mga fans naman ni Gary ang naging emosyonal — kasama na kami — nang halikan niya ang sahig ng stage bago tuluyang nagpaalam sa mga nanonood na gusto mang humirit ng “More! More!” siguro naman ay naramdaman nila ang pagod at sakripisyo ni Mr. Gary V. para lang matapos nang buo ang concert.


Ang iniwang pangako ni Gary, hindi pa siya magre-retire, pero tiyak na mas magiging maingat siyang lalo ngayon sa kanyang health, kaya baka medyo matagalan pa bago uli masundan ang kanyang concert.


Well, para sa amin, icon na ang isang Gary V. kaya wala na siyang dapat patunayan. Mas dapat niyang pahalagahan ang kanyang kalusugan para magamit pa niya sa ibang bagay at pagkakataon ang kanyang “PURE ENERGY” tulad sa paglilingkod sa Panginoon at pag-discover ng mga potensiyal na sumunod sa kanyang yapak bilang Mr. Pure Energy ng ‘Pinas!



 
 
RECOMMENDED
bottom of page