top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Jan. 11, 2025



Photo: Gerald Santos - FB


Muli naming nakaharap ang Pinoy pride bilang Thuy sa Miss Saigon at balladeer na si Gerald Santos sa ginanap na mediacon kahapon para sa kanyang upcoming concert sa SM North EDSA Skydome on January 24, 2025 titled Courage.


Courage ang title ng concert dahil kasabay nito ang launching ng advocacy ni Gerald na Courage Movement na tutulong sa mga biktima ng rape na tulad niya.


Kung matatandaan, last year ay matapang na humarap sa Senate hearing si Gerald Santos para isiwalat ang naranasang panggagahasa umano sa kanya ng dating musical director ng GMA-7 na si Mr. Danny Tan nu’ng year 2005 kung saan 15 yrs. old lang siya.


Matagal bago nagkaroon ng lakas ng loob si Gerald na ibulgar ang nangyari sa kanya dahil na rin sa takot at pangamba, lalo’t that time ay hindi naman daw nabigyang-pansin ng GMA-7 ang kanilang reklamo ng manager niyang si Doc Rommel Ramilo.

Pero nang lumabas nga si Sandro Muhlach at nag-file ng kaso laban sa dalawang contractual ng GMA-7, na-inspire si Gerald na magsalita na rin at maghanap ng katarungan sa nangyari sa kanya.


Kaya naman after ng Senate hearing, itinuloy na ni Gerald ang pagsasampa ng kaso laban kay Mr. Danny Tan at sabi nga ng singer, hindi lang para sa kanya ang ginawa niyang ito kundi para na rin sa mga iba pang naging biktima umano ng dating musical director.


Matapos nga kasing lumabas ni Gerald, nalaman niyang hindi pala siya nag-iisa dahil naglabasan din ang iba pang nagke-claim na nabiktima rin ni Mr. Danny Tan tulad na lang ni Enzo Almario na mas bata pa raw kesa sa kanya nu’ng ito’y maabuso.


Tinanong namin si Gerald kung nag-reach out o nakipag-communicate ba sa kanya si Mr. Danny Tan mula nang magsalita siya, pero umiling ang singer, at hanggang ngayon daw, wala silang komunikasyon nito.


Hindi pa rin daw sila nagkikita sa korte pero kung sakaling magkita sila, taas-noo naman daw siyang makakaharap dito dahil malinis ang kanyang kunsensiya na nagsasabi siya nang totoo lalo’t kahit magdadalawang dekada nang nangyari ang diumano’y pang-aabuso sa kanya ay malinaw na malinaw pa rin ito sa kanyang alaala.


When asked kung sakaling humingi ng apology sa kanya si Mr. Tan, patatawarin ba niya, ang sagot ni Gerald ay kaya niyang magpatawad pero itutuloy pa rin daw niya ang kaso para mabigyang-hustisya ang nangyari sa kanya at sa iba pang biktima.


Sa ngayon, unti-unti nang bumabalik sa normal si Gerald mula sa trauma na inabot at mabuti na lang at buo ang suporta sa kanya ng kanyang pamilya, ng manager na si Doc Rommel at ng mga taong personal na nagme-message sa kanya para mag-share rin ng mga katulad nilang naranasang pang-aabuso kaya nai-inspire si Gerald na ipagpatuloy ang kanyang Courage Movement advocacy.


Bukod sa kanyang Courage concert, may bagong single rin si Gerald titled Hubad na nasa Spotify na ngayon at may aabangan ding pelikula niya, ang Ayaw Matulog ng Gabi kung saan mas mature at mas sexy na Gerald Santos na ang mapapanood.

Bongga ang 2025 ni Gerald, ang daming projects!!!


Anyway, ang Courage concert ay mula sa concept, script and direction ni Doc Rommel Ramilo at produced ng EchoJam at Visionary Productions.


Kitakits sa January 24 sa SM North EDSA Skydome para sa Courage concert.



PAGPASOK pa lang ng 2025, may heartfelt message na ang mga hosts ng Cayetano in Action (CIA) with BA na sina Senators Alan Peter, Pia Cayetano at Boy Abunda sa mga manonood nila sa first episode ngayong taon ng programa na umere nu’ng Sunday, January 5.


“Sa lahat sa inyo na naging mahirap, masakit, masaklap ang mga pangyayari noong 2024, it’s a new season. Say, ‘Goodbye!’” sabi ni Sen. Alan. “Lahat din sa inyo na naging maganda ang 2024, [it’s] time to look forward to even better times.”


“Kung ano mang mali, from the bottom of our hearts, just apologize, say, ‘Sorry.’ Kung ano mang tama, [let’s] do better, do our best,” dagdag niya.


Binigyang-importansiya naman ni Sen. Pia ang gratitude even during challenging times.


“We’ve been through so many trials in life. Some years, masasabing itong taon na ‘to, napakahirap, or last year [mas] mahirap. [But] even during those hardest times, there are always things to be grateful for,” aniya.


“That’s what I’d like to share with everyone — na pigain n’yo, hanapin n’yo what you can be grateful about. ‘Yung kakayahan natin na makahanap ng joy even in the midst of pain,” dagdag pa niya.


Si Tito Boy naman ay nag-focus sa transformative power of love.


“Ang natutunan ko at patuloy na natututunan ay nothing can survive love—no bashing, no negativity, walang pangungutya, walang kasinungalingan ang puwedeng mabuhay amidst love. Kahit ano pa ang mangyari sa atin, just love,” aniya.

Relate ba kayo d’yan? 


Sa mga may pinagdaraanan pa rin kahit kasisimula lang ng 2025, watch CIA with BA this Sunday at 11:00 PM on GMA-7, with replays on GTV the following Saturday at 10:30 PM para ma-inspire sa mga topics na pinag-uusapan ng tatlong hosts.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Jan. 9, 2025



Photo: Vic Sotto at Darrl Yap - IG


Maling akala pala kami sa huling naisulat namin dito sa aming column na dedma na lang ang bida ng 50th MMFF entry na The Kingdom at Eat… Bulaga! host na si Bossing Vic Sotto sa pag-iingay ng director ng The Rapists of Pepsi Paloma na si Direk Darryl Yap.


Nag-trending nga kasi sa X ang teaser ng naturang movie ni Direk Darryl matapos na tuwirang idawit ang name ni Bossing Vic na nang-rape umano sa dating sexy star na si Pepsi Paloma.


Hindi naglabas ng reaksiyon o sagot sa social media si Bossing Vic kahit pa pinagpiyestahan ang issue at may mga nanghusga sa kanya base lang sa lumabas na movie teaser.


Pero, heto na nga, nagising na ang ‘sleeping dragon’ at bubuga na ng apoy — hindi nga lang papatulan ang pag-iingay ng controversial director sa socmed kundi idadaan ni Bossing Vic sa proper venue ang paglilinis ng kanyang pangalan — ang pagsasampa ng kaso sa korte!


Ang catch dito, mukhang hindi nagkakape si Direk Darryl, dahil ni wala yata itong takot at palaban pa rin, to the point na siya pa mismo ang nag-repost sa kanyang Facebook account ng balitang idedemanda na nga siya ni Bossing Vic Sotto dahil sa pagdawit niya sa name nito sa rape issue ni Pepsi.


Ngayong umaga, January 9, nakatakdang magsampa ng kaso si Bossing Vic sa Muntinlupa City Regional Trial Court kasama ang kanyang legal counsel.


Well, kilala si Bossing Vic sa showbiz na tahimik na tao kahit pa komedyante ito at hindi pumapatol sa mga intriga kahit pa nga pinagpipiyestahan ang kanyang makulay na love life noon bago pa niya piniling pakasalan si Pauleen Luna.


Pero iba na ang sitwasyon ngayon, bukod sa hindi simpleng issue na puwedeng ipagkibit-balikat na lang ang inaakusa kay Bossing Vic, may mga menor-de-edad itong anak na kailangang protektahan.


Hindi kaya naisip ni Direk Darryl Yap bago niya diretsahang binanggit ang name ni Bossing Vic Sotto sa teaser ng kanyang movie na hindi lang basta endorser ang komedyante na puwedeng masira ang pangalan at mawalan ng projects kundi ama rin ito na kailangang protektahan ang mga anak na maaaring ma-bully dahil sa akusasyong rapist ang tatay nila?


Tsk, tsk, tsk!!! Hanggang dito na lang muna kami at hahayaan na naming ang husgado ang humatol sa controversial issue na ito sa pagitan nina Bossing Vic Sotto at Direk Darryl Yap.



Pareho naman daw single… WILBERT, NAGSALITA NA SA NAGING SCANDAL NINA HERLENE AT ROB 



Ang laki ng ipinayat ng dating talent manager-turned vlogger at ngayon ay aspiring congressman na si Wilbert Tolentino nang makapanayam namin sa turnover ceremony ng mga idinoneyt niyang 21 units ng e-trike sa iba’t ibang barangay ng Malabon last Monday.


Tumatakbong Ahon Mahirap Partylist representative ang dating manager ni “Hipon Girl” Herlene Budol na si Wilbert para sa 2025 midterm elections. At dahil every day, 5 events daw ang pinupuntahan nila ng kanyang Ahon Mahirap team, malaki na talaga ang ipinayat niya. 


Pero no regrets naman daw dahil nakakataba ng puso kapag nakikita niyang marami silang natutulungan, at kasa-kasama rin nga niya minsan si Herlene bilang advocate ng kanyang Ahon Mahirap Partylist. 


Idol ni Herlene si Wilbert dahil ang ex-manager ang dahilan kaya siya nakaahon sa hirap. Ito ang nagbigay ng inspirasyon sa kanya para magsikap at tumulong para magkaroon ng mga shows sa GMA-7.


Kaya ngayong papasok na rin sa pulitika si Wilbert, tinanong namin ang vlogger kung kinumbinse rin ba niya si Herlene na mag-pulitika rin.


Aniya, mas gusto niyang mag-focus si Herlene sa showbiz career nito sa ngayon lalo't maraming offers dito at may bago ngang serye sa GMA-7.


Ito rin ang dahilan kaya hindi muna niya pinasali uli si Hipon Girl sa mga beauty pageants.


Naalala namin ang iskandalong pinagdaanan ni Herlene last year nang ma-link ito romantically kay Rob Gomez, kaya tinanong namin si Wilbert kung hindi ba magiging disadvantage para sa kanyang pagtakbo ang pag-eendorso sa kanya ng dating alaga?


Sagot ni Wilbert, advocate ng Ahon Mahirap si Herlene dahil ito mismo ang makakapagpatunay na galing siya sa hirap bago sumikat at umangat, kaya wala naman daw kinalaman ang personal na buhay nito sa pagsuporta sa kanilang partylist na layuning makatulong sa pagpapataas ng kabuhayan ng mga Pinoy.


Ang nakakatuwa kay Wilbert, hindi lang basta talent ang turing niya kay Herlene, kundi parang anak-anakan na rin niya.


Tinanong kasi namin ang kanyang naging payo kay Herlene nang mag-trending nga ito sa iskandalo nila ni Rob Gomez, at ani Wilbert, during that time, walang ibang mapupuntahan ang alaga kundi siya lang, kaya never din niyang iniwan ito.


“Sabi ko lang sa kanya, ‘Magsabi ka nang totoo, ‘Nak, and then, maglabas ka ng statement. Kung ano ‘yung katotohanan, titingnan ko.’ So, nu’ng tiningnan ko naman ‘yung mga conversation, hindi naman lahat ng screenshot, sa kanya ‘yun, halu-halo ng iba.”


Depensa pa niya kay Herlene, sana ay naging responsible ang mga netizens sa ipino-post ng mga ito at hindi nagkakalat ng fake news kung saan ang dami na raw mga gatung-gatong para magkaroon ng mataas na views at engagement, kaya nadadagdagan ang issue.


“Ako na po ang magsasabi, ‘yang sitwasyon na ‘yan na kontrobersiyal kay Herlene ay wala po dahil ako po mismo na manager niya ay nakita ko ang mga conversation po.”


Hindi naman daw kinailangang magkaroon ng damage control o mag-public apology dahil single naman that time si Rob Gomez at maging si Herlene, kaya naglabas lang sila ng statement at ‘yun na ‘yun.


Samantala, bukod kina Herlene at Madam Inutz na mga alaga ni Wilbert, marami rin daw kaibigang celebs ang tumutulong sa first nominee ng Ahon Mahirap Partylist kaya hindi na sila gumagastos para sa mga milyong billboards at ads, instead, itutulong na lang daw nila ito sa mga tao para mas marami pa ang makinabang.


Tiniyak din ni Wilbert Tolentino na manalo o matalo man siya sa kanyang unang subok sa pulitika, tuluy-tuloy lang siya sa kanyang pagba-vlog dahil masaya siya sa ginagawa at marami siyang natutulungan dito.


That time raw na lumabas ang issue kina Herlene at Rob, pinaamin niya ang dating alaga kung ano ang totoo at sinabi raw nitong marami na lang nanggatong sa issue.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Jan. 5, 2025



Photo: Vic Sotto, VinCentiments - IG


Obviously, ayaw magamit at magpagamit ni Bossing Vic Sotto sa pag-iingay ngayon ng pelikula ni Direk Darryl Yap na The Rapists of Pepsi Paloma.


Kesehodang gamit na gamit ang Eat… Bulaga! host sa teaser ng movie kung saan “oo” ang isinagot ng bidang si Rhed Bustamante na gumaganap bilang si Pepsi Paloma sa pelikula nang tanungin ni Gina Alajar bilang si Charito Solis kung ni-rape ba ito ni Vic Sotto, hanggang ngayon, dedma lang si Bossing Vic at tila hindi bothered sa binuhay na namang issue laban sa kanya na matagal na panahon nang pinag-usapan.


At kahit nga ang misis niyang si Pauleen Luna-Sotto, pati ang kapatid na si Sen. Tito Sotto at mga anak na sina Danica, Oyo, Mayor Vico at Paulina ay pare-pareho ring “no comment” sa nag-trending na issue sa X.


Oo nga naman, bakit ba kailangan pang bigyang-pansin ang isyung ito, na kung totoo ngang may rape na nangyari sa dating sexy star na isa sa mga nakilalang Softdrinks Beauties nu’ng ‘80’s, dapat ay sa korte dinala at pinag-usapan at hindi sa pelikula na obyus namang gusto lang kumuha ng atensiyon para panoorin.


At pati naman kasi ang timing ng paglalabas ng pelikula — na ewan kung ano’ng gustong patunayan — ay talagang makukuwestiyon mo at mapag-iisipang itinaon sa papalapit na midterm elections sa May, 2025.


Hindi naman kaila na muling tatakbong senador si Tito Sen, habang pagka-mayor uli sa Pasig ang tatakbuhin ng anak ni Bossing Vic na si Vico Sotto. 


So, sa mga netizens na umariba na naman ang pagka-Marites at sumakay-kumagat sa pag-iingay ni Direk Darryl at ng kanyang pelikula, well, eh, di salamat sa inyo at na-achieve ni direk ang goal niya.


Ang siste, pati ang GMA-7 anchor na si Arnold “Igan” Clavio, eh, mukhang “nabudol” din nitong si Direk Darryl dahil ayan nga’t nakisawsaw sa rape issue nina Bossing Vic at Pepsi.


Nag-post ito sa kanyang Instagram account ng take niya tungkol sa lumabas na teaser ng movie, na kung iintindihing mabuti, tila sinasabi niyang may dapat panagutan si Direk Darryl sa batas dahil sa inilabas nitong teaser ng pelikula na malinaw ngang idinadawit si Bossing Vic Sotto sa rape issue kay Pepsi Paloma.


Kaso teka, mukhang may nakalimutan si Igan sa pakikisawsaw sa issue dahil na-“back to you” siya ng ilang woke na netizens.


Ilan sa mga nabasa naming comments sa isang entertainment site ay ang sumusunod:


"Norms and ethics" kamo, Igan? Look in the mirror, hahaha.”


“The audacity of Arnold Clavio.”


“Hello daw sabi ni Sarah. Gawan ka din kaya ng pelikula about du’n, ‘noh?”


“Nakakasuka ka Igan! Talaga ba? Coming from you? Let’s ask Sarah B.”


Ayan, pati tuloy ang nananahimik nang si Sarah Balabagan — na nu’ng year 2020 ay umaming naanakan ni Arnold Clavio — ay bigla tuloy nadawit sa issue.


Dapat yata, gayahin na lang ni Igan ang motto ni Bossing Vic, “Less talk, less mistake.”


Todo-announce ng yaman in public… 

IVANA, BAGONG KRIS 



SI Ivana Alawi na nga ba ang pumalit sa trono ni Kris Aquino in terms of usaping laki ng kinikita at tamang pagbabayad ng buwis sa BIR?


Bigla kasi naming naalala si Kris nu’ng height ng kasikatan niya bilang TV host at endorser, tuwing lumalabas ang report ng BIR sa top taxpayers among celebrities, nangunguna lagi ang pangalan ng mommy nina Joshua at Bimby, at proud na proud naman si Kris na honest siya sa pagbabayad ng tamang buwis.


Ngayong si Ivana Alawi ang ginagawan ng issue at kinukuwestiyong bigay lang umano ng isang sikat na personality ang P400 million mansion niya, naungkat tuloy kung gaano kalakas kumita ang isa sa mga top vloggers sa bansa.


At take note, ‘yung sinasabing kita ni Ivana na P1 million per day na lumabas sa kanyang YouTube vlog ay taong 2023 pa, eh, 2025 na ngayon, so baka doble na ‘yan, ‘di ba?


Well, kung may 18.5 million subscribers si Ivana sa kanyang YouTube channel, hindi nga nakakapagtaka na kaya niyang kumita ng P1 or P2 million per day sa vlog niya at bukod pa riyan ang kita niya sa pagla-live selling ng kanyang mga beauty products na nauubusan nga raw ng stocks sa dami ng gustong bumili sa kanya.


So, kung may P400 M na mansion man ngayon si Ivana, deserve naman siguro niya ‘yan dahil pinaghihirapan niya at nagse-share rin naman siya ng blessings sa kanyang mga vlogs.


Siya nga ang nagreregalo, so kailangan pa ba niya ng magreregalo sa kanya?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page