ni Alvin Olivar - @Sports | June 25, 2020
Nagpakita ng suporta ang ilan sa mga player ng PBA sa balak nitong bumalik sa ensayo para sa paghahanda sa pagpapatuloy ng 2020 season ng liga.
Ito ang ipinahayag ng liga matapos ang miting kasama ng mga kinatawan ng 12 koponan sa PBA kung saan “unanimous” ang mga ito na bumalik na sa ensayo.
Sa kasalukuyan ay hinihintay pa rin ng PBA ang tugon mula sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease sa kanilang kagustuhang makabalik na sa ensayo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kinumusta ni Marcial ang mga manlalarong nakasama sa miting pati na rin ang kanilang mga pamilya, kakampi, at mga coaches.
Ayon sa press release ng PBA ay ipinahayag ni commissioner Willie Marcial ang mga planong protocols ng liga sakaling payagan na silang bumalik sa ensayo.
Nagpakita ng kagalakan si Marcial sa naging tugon ng players sa kanilang nais na makabalik sa praktis. Ayon sa PBA ay plano nilang magsagawa ng mga protocols katulad ng page-ensayo na may apat lamang na player kasama ang isang trainer at isang health officer.