top of page
Search

ni Chit Luna @News | May 23, 2024



vaping vs cigar

Isang grupo sa United Kingdom ang nagpakita ng mga siyentipikong ebidensya at opinyon ng mga eksperto na nagpapatunay na ang paggamit ng vape ay mas mababang panganib na dulot kumpara sa paninigarilyo.


Ayon sa UK Vaping Industry Association (UKVIA), ang vaping ay higit na hindi gaanong nakakapinsala tulad ng paninigarilyo na kumikitil ng halos 80,000 buhay bawat taon sa UK.


Ang UKVIA ay isang nangungunang organisasyong nagtatanggol sa mga benepisyo ng paglipat mula sa paninigarilyo tungo sa vaping. Nilabas nito ang pahayag matapos ang industriya ng vaping at mga vapers ay hindi isinama sa talakayan ng Tobacco and Vapes Bill sa parliamentary committee.


Ang Office for Health Improvement and Disparities (OHID), isang ahensya ng gobyerno, ang nagsabing ang pinsalang dulot ng vaping ay mahigit 95 porsiyento na mas mababa kaysa sa mga sigarilyo.


Idinagdag ng UKVIA na ang vaping ay nagdudulot ng maliit na bahagi lamang ng panganib ng paninigarilyo. Ang ganap na paglipat mula sa paninigarilyo patungo sa vaping ay may malaking benepisyo sa kalusugan, dagdag nito.


Kinumpirma sa publiko ni Sir Chris Whitty, Chief Medical Officer ng England, na ang vaping ay mas ligtas kaysa sa paninigarilyo, at ang paglipat ay isang positibong hakbang sa kalusugan.


Natuklasan naman ng isang pag-aaral ng Brunel University London na ang National Health Service ay makakatipid ng higit sa kalahating bilyong pounds kada taon kung kalahati ng mga naninigarilyong nasa wastong edad sa England ang lilipat sa vaping.


Nalaman ng isang pagsisiyasat noong 2019 na ang sinasabing sakit sa baga sa U.S. ay nagmula sa mga kontaminado at ilegal na produkto na naglalaman ng THC, ang psychoactive component sa cannabis, at hindi sa mga legal na produktong nicotine vaping.


Sinabi ni Alice Davies, isang opisyal ng impormasyon sa kalusugan sa Cancer Research UK, na nakakalito ang mga naglabasang headline dahil ang mga kasong ito ay hindi dapat maiugnay sa regular na nicotine vaping.


Sinabi ni Davies na walang mga naitalang kaso sa UK ng paggamit ng mga pinagbawal na kemikal katulad sa US.


Sinabi naman ng OHID Nicotine Vaping sa England na ang maling ulat sa EVALI o electronic cigarette or vape associated lung injury outbreak sa United States ay dapat ihiwalay sa nicotine vaping.


Kinumpirma ng Cancer Research UK na walang kumpirmadong kaso ng popcorn lung na iniulat sa mga taong gumagamit ng mga e-cigarette sa UK, at ang mga vape ay hindi nagdudulot ng ganitong pinsala sa baga.


Binanggit din ng UKVIA ang pinakabagong datos mula sa Action on Smoking and Health (ASH), isang public health charity, na nagpapakita na halos 4.5 milyong matatanda sa Great Britain ang gumamit ng vaping para bawasan o ganap na ihinto ang paninigarilyo.


Itinuturing ng National Health Service (NHS) ang vaping bilang isa sa mga pinakaepektibong paraan para huminto sa paninigarilyo, habang ang Office for Health Improvement and Disparities ay nag-ulat na ang vaping ay karaniwang tulong na ginagamit ng mga tao para tumigil sa paninigarilyo.


Si James Tucker, pinuno ng pagsusuri sa kalusugan sa Office for National Statistics (ONS) ay nagsabi na ang vaping ay may pangunahing papel sa pagbabawas sa antas ng paninigarilyo sa buong UK.


Ang isang komprehensibong pagsusuri ng Cochrane, isang pandaigdigang network ng mga mananaliksik sa kalusugan, na tumingin sa datos mula sa mahigit 300 klinikal na pagsubok at kinasangkutan ng higit sa 150,000 katao, ay nagpapakita na ang e-cigarette ay kabilang sa mga pinakaepektibong tulong na magagamit para huminto ang mga naninigarilyo.


Itinanggi din ng UKVIA ang ugnayan sa pagitan ng regular na vaping at paninigarilyo. Ayon sa isang report ng ASH UK, ang vaping ay napatunayang hindi isang "gateway” sa paninigarilyo.


Nabanggit sa nasabing ulat na habang ang paggamit ng e-cigarette ay tumaas sa England sa pagitan ng 2010 at 2021, ang antas ng paninigarilyo ng mga kabataan ay patuloy na bumaba sa parehong panahon.


Sinabi ng ASH UK na ito ay hindi sumusuporta sa gateway hypothesis sa antas ng populasyon.


 
 

ni Mabel G. Vieron @Special Article | May 7, 2024



File photo: Coughing

 

Sa sobrang init ng panahon, uso na naman ang iba’t ibang karamdaman, at isa na rito ang tuberculosis o mas kilala sa tawag na TB.


Ang tuberculosis ay nakakahawang impeksyon sa ating baga na maaaring kumalat sa iba’t ibang bahagi ng ating katawan.


Kamakailan, mahigit 400 PDL’s ang nagkaroon ng sintomas nito na agad na kinabahala ng iba.


Sa panahon ngayon, pag-iingat ang dapat nating gawin upang maiwasan ang patuloy na pagkalat nito. Dahil ito ay isang malubha at nakakahawang sakit. Makakatulong sa pag-iwas nito ang pagiging mapanuri tungkol sa kondisyong ito. 


Ang sintomas na maaaring maranasan ay nakabatay kung ano’ng parte ng katawan ang tinablan ng impeksyon.


Ilan sa mga karaniwang sign ng tuberculosis ay ang mga sumusunod:


- Ubo na tumatagal nang mahigit tatlong linggo

- Pag-ubo na may kasamang dugo

- Pagkahapo

- Pananakit ng dibdib

- Pagpapawis sa gabi

- Panginginig

- Lagnat

- Pagbagsak ng timbang

- Kawalan ng ganang kumain


Ilan lamang ito sa mga sintomas, at alam ko gusto n’yo na ring malaman kung ano nga ba ang paraan upang ‘di kayo matablan ng ganitong kondisyon.


Ang TB ay isang airborne disease, kaya naman kagaya ng cold at flu virus, nalilipat ang bacteria at germs sa ibang tao sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing, pakikipag-usap, pagtalsik ng laway, at maging ang simpleng paglanghap ng hanging inilabas ng isang pasyenteng may active TB.


But, wait lang besh! Alam ko na nag-o-overthink na rin kayo ngayon, pero huwag kayong mag-alala dahil hindi naman ganu’n kadali mahawa sa TB.


Ang mga taong nahahawa sa ganitong kondisyon ay ang mga taong may matagal na na-expose sa taong may TB, gaya ng mga kapamilya, kaibigan, at katrabaho.


Hindi ito nakukuha sa paghawak ng kamay ng pasyente o sa paggamit ng mga bagay na kanilang hinawakan dahil hindi tumatagal ang TB germs sa mga surface. Oki?


Ngayong natalakay na natin ang mga sintomas at paraan kung paano ito nakakahawa, alamin naman natin ngayon kung paano ito mapipigilan.


Dapat muna nating kilalanin ang ating mga nakakasalamuha lalung-lalo na sa mga taong exposed sa mga pasyente na mayroong active TB, mga galing sa bansang may TB outbreak, at maging ang mga taong naninirahan malapit sa ospital ay may risk din sa pagkakaroon nito.


Kaya naman lagi tayong mag-ingat, palakasin ang ating immune system, at kumain ng mga pagkaing mayaman sa Vitamin C at antioxidants. 


Mga Ka-BULGAR, ugaliin din nating maghugas ng kamay. Gumamit ng face mask at tissue, may TB man o wala, importante ang paggamit ng face mask at tissue lalo na kapag mayroong ubo at sipon. Oki? 


Inirerekomenda pa rin ang regular na pagpapatingin sa doktor lalo na kung may mahal sa buhay na nakakaranas ng TB. Huwag mahiyang magpakonsulta at sumailalim sa mga test upang ‘di na rin natin natin mailagay sa kapahamakan ang buhay ng ating pamilya. Gets?

 
 

ni Chit Luna @News | May 1, 2024



Sinuportahan ng mga grupo ng konsyumer sa Pilipinas ang komentaryo ng U.S. Food and Drug Administration Center for Tobacco Products (FDA-CTP) na nagsabing ang mga produktong Smoke-free ay may mas mababang panganib sa kalusugan kaysa sa sigarilyo.


Ang komentaryo ng FDA-CTP, na may pamagat na "Nicotine e-cigarettes: Considerations for healthcare providers," ay nagsabi na ang mga smoke-free alternatives tulad ng e-cigarettes, ay karaniwang may mas mababang panganib sa kalusugan.


Binanggit nito ang datos ng U.S. National Academies of Sciences, Engineering and Medicine (NASEM) na naghayag ng katibayan na ang paglipat mula sa sigarilyo sa e-cigarette ay makakabawas sa pagkakalantad ng isang tao sa nakakalasong carcinogens na matatagpuan sa usok ng tabako.


Si FDA-CTP Director Brian King, ang isa sa may akda ng komentaryo, ay inilathala ng Nature Medicine, isang peer-reviewed medical journal.


Ikinumpara nito ang mga panganib ng iba't ibang produktong tabako.


Ang iba pang may-akda ay sina Dr. Benjamin A. Toll ng Medical University of South Carolina Department of Public Health Sciences at Dr. Tracy T. Smith ng Department of Psychiatry and Behavioral Sciences.


Nabanggit ng komentaryo ang mga maling pananaw ng mga manggagamot at iba pang mga propesyonal sa kalusugan ay maaaring humantong sa pagpapayo ng mali sa mga pasyente.


Sinabi nito na ang maling pang-unawa ng mga doctor ay maaaring makapigil sa mga naninigarilyo na ganap na lumipat sa e-cigarette.


Ayon sa komentaryo, dapat isaalang-alang ng mga medikal na propesyonal ang pagtuturo sa mga pasyente tungkol sa panganib ng mga produkto ng tabako at ang potensyal na benepisyo sa kalusugan ng ganap na paglipat sa may mababang panganib na produkto.


Ayon kay Anton Israel, presidente ng Nicotine Consumers Union of the Philippines (NCUP), ang komentaryo na isinulat mismo ng FDA-CTP chief ay nagpapatunay na ang mga smoke-free products tulad ng vape, heated tobacco at nicotine pouch ay nagdadala ng mas mababang panganib kaysa sa tradisyonal na mga sigarilyo.


Sinabi ni Israel na ang mga smoke-free alternatives na ito ay hindi nagdudulot ng usok na naglalaman ng libu-libong nakakapinsala at potensyal na nakakapinsalang kemikal.

Sinabi naman ni Joey Dulay, presidente ng Philippine E-Cigarette Industry Association (PECIA), na ang mga tobacco harm reduction (THR) products ay maaaring makatulong sa milyun-milyong Pilipinong naninigarilyo na nasa hustong gulang na talikuran na ang sigarilyo.


Halos isang milyong dating naninigarilyo sa Pilipinas ang huminto na sa paninigarilyo, ani Dulay.


Sinabi pa niya na ang Kongreso ng Pilipinas mismo ang kumikilala sa papel ng mga smoke0free products sa pagbibigay ng mga alternatibo sa mga Pilipinong naninigarilyo sa ilalim ng Vape Law na ipinasa noong 2022.


Si Dr. Lorenzo Mata Jr., isang doktor, ay nanawagan din sa mga kapwa medikal na propesyonal na isaalang-alang ang bigat ng pinakabagong komentaryo ng FDA-CTC.


Aniya, dapat tingnan ang mga siyentipikong katotohanan tungkol sa THR at pag-aralan kung paano ito makatutulong sa milyun-milyong Pilipino na huminto sa paninigarilyo.


Binigyang-diin ng komentaryo na hindi dapat gumamit ng anumang uri ng produktong tabako ang kabataan.


Sa mga nasa hustong gulang na naninigarilyo, binanggit nito ang kahalagahan ng paggamit ng mga pamamaraan ng pagtigil na nakabatay sa ebidensya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page