top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Oct. 22, 2024




Dear Doc Erwin,


Ako ay 26 years old, at kasalukuyang empleyado sa isang national government agency. Ako ay inyong masugid na tagasubaybay.


Dahil ang aking mga magulang ay parehong may sakit na diabetes ay minabuti ko na regular na magpa-check ng aking blood sugar level. Ang payo ng isang nutritionist ay uminom ako ng kape dahil ito ay makakatulong na mapanatiling mababa ang aking blood sugar. May basehan ba ang payo na ito? May pag-aaral na ba tungkol sa epekto ng kape sa blood sugar?


– Alisandro



Maraming salamat Alisandro, sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Ayon sa pinakabagong pananaliksik, nakakatulong magpababa ng blood sugar level ang kape (coffee), at iba pang inumin na may sangkap na caffeine katulad ng tsaa (tea). Ito ang resulta ng pag-aaral ng mga dalubhasa sa pangunguna ni Dr. Xujia Lu mula sa Suzhou Medical College of Soochow University sa bansang China na inilathala nito lamang September 17, 2024 sa Journal of Clinical Endocrinology and Metabolism.


Sa pag-aaral na nabanggit, ang mga indibidwal na umiinom ng tatlong tasang kape sa isang araw, na may katumbas na 200 milligrams (mg) hanggang 300 mg ng caffeine, ay mas mababa ng mahigit sa 48 porsyento ang risk na magkaroon ng sakit na diabetes, sakit sa puso at stroke kumpara sa mga indibidwal na hindi umiinom ng kape o sa mga umiinom ng isang tasang kape o katumbas ng mas mababa sa 100 mg ng caffeine.


Ayon sa mga dalubhasa, ang pagbaba ng risk na magkaroon ng sakit na diabetes, sakit sa puso at stroke ay dahil sa epekto ng kape (o sa sangkap nito na caffeine) na pagbaba ng blood sugar level. Ito ay dahil sa pinapaigting ng caffeine ang epekto ng insulin sa ating katawan, dahilan kung bakit mas bumababa ang blood sugar level. Dahil dito bumababa ang risk na tayo ay magkaroon ng diabetes.


May anti-inflammatory effect din ang kape kaya’t bumababa ang risk ng mga coffee drinker na magkaroon ng sakit sa puso (coronary heart disease). Bukod dito, sa tulong ng caffeine, na sangkap ng kape, ay mas mahusay ang paggamit ng ating katawan ng taba (fat) bilang source of energy. Ito ay nakakatulong upang maging mas malusog ang ating katawan at bumaba ang posibilidad na magkaroon ng diabetes, sakit sa puso at stroke.


Tandaan lamang na ang mga mabubuting epekto ng kape na nabanggit ay nakikita lamang sa mga “moderate coffee drinkers” o doon sa mga umiinom ng 2 hanggang 3 tasa ng kape. Ito ay katumbas ng 200 mg hanggang 300 mg ng caffeine. 


Ayon sa Food and Drug Administration (FDA) ng bansang Amerika dapat limitahan ang pag- inom ng kape hanggang 4 o 5 tasa lamang sa isang araw upang makaiwas sa mga negative effects ng kape, katulad ng insomnia, depresyon, sakit ng ulo, pagtaas ng blood sugar at pagsakit ng sikmura.


Sana ay nakatulong sa inyo ang mga impormasyon na nabanggit. Kumonsulta sa inyong doktor, kumain ng katamtaman, mag-ehersisyo, at sapat na pagtulog at pahinga ang inyong kailangan upang mapanatili ang kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Mabel Vieron @Health & Life | August 29, 2024



Mpox
File Photo

Tag-ulan na naman kung kaya uso na muli ang sakit na leptospirosis, ang iba sa atin ay ‘di pa rin alam kung ano nga ba ang ibig sabihin nito. Sa artikulong ito ating ipapaliwanag kung ano nga ba ang leptospirosis at paano ito maiiwasan. 


Ang leptospirosis ay isang malubhang impeksyon dulot ng bacteria na inilalabas ng mga hayop sa kanilang pag-ihi. Kadalasang nakukuha ito sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga.


Bukod sa mga daga, maaari ring maging carriers ang mga baka, baboy at aso. 

Mahalagang maging alerto sa sintomas ng leptospirosis kung napasugod sa baha lalo na kapag may sugat sa binti at paa.


Ang sintomas ng leptospirosis ay karaniwang nararamdaman 4 hanggang 14 na araw matapos ma-expose. Ito ang tinatawag na incubation period at sa oras na ito maaaring maramdaman ang mga sumusunod:

  • Lagnat

  • Pag-ubo

  • Panginginig

  • Pagkahilo at pagsusuka

  • Pagkawala ng ganang kumain

  • Pamamantal ng balat

  • Pagsakit ng mga kalamnan lalo na sa hita at likod


Maaaring lumubha ang leptospirosis at maging dahilan ng pagkamatay kapag hindi agad ito naagapan. Ang malubhang karamdaman ng leptospirosis ay tinatawag na Weil’s disease. Ito ang ilan sa mga sintomas:

  • Paninilaw ng balat at ng puting bahagi ng mga mata

  • Pananakit ng dibdib

  • Seizures

  • Pag-ubo ng dugo

  • Kawalan ng gana kumain

  • Pamamantal ng balat

  • Pamumula ng mga mata

  • Pagsakit ng mga kalamnan lalo na sa hita at likod


Ang sakit na ito ay kadalasang naaagapan sa pamamagitan ng leptospirosis prophylaxis o ang pag-inom antibiotics tulad ng penicillin at doxycycline. 


Mahalagang tapusin ang pag-inom ng gamot ayon sa iyong doktor dahil maaaring bumalik ang bacteria kapag itinigil ang medikasyon. 


Umiwas sa mga maruruming tubig at lupa na maaaring kontaminado ng ihi ng mga hayop lalo na kung ikaw ay mayroong sugat. Kung hindi maiwasan ang paglusong sa tubig-baha, magsuot ng bota at maging listo sa mga sintomas ng leptospirosis. 


Kung sa iyong palagay ay posible kang makakuha ng bacteria mula sa iyong alagang hayop, magtanong sa isang veterinarian tungkol sa bakunang ito. Kung kayo ay makararanas ng sintomas ng leptospirosis, agad na pumunta sa inyong doktor upang magpakonsulta at para mabigyan ng tamang lunas ayon sa inyong karamdaman.


Ngayong patuloy pa rin ang pag-ulan, please lang mga ka-BULGAR, alagaan natin ang ating mga sarili. Okie?


 
 

ni Mabel Vieron @Health & Life | August 27, 2024



Mpox
File Photo

Sulit ba ang inyong long weekend mga Ka-BULGAR? Tiyak akong nakapag-unwind at nakapagliwaliw na kayo nyan. Hindi ba? Pero bago tayo patuloy na magsaya, aware na ba kayo sa panganib na kinakaharap natin? 


Sa ngayon, may cases na ng monkeypox (MPOX) ang naitala rito sa ‘Pinas. Nakakatakot hindi ba? O baka naman ‘di ka pa aware kung ano nga ba ito, pero ‘wag kang mag-alala, dahil kasama n’yo ako sa pagtalakay nito. Kaya halina na! 


Ang MPOX ay isang sakit na maaari mong makuha sa hindi inaasahang pangyayari. Ngayon, mas mahalaga na malaman natin ang tungkol dito—mula sa mga sintomas, at paano ito maiiwasan. 


Ang MPOX ay isang viral na sakit, tulad ng smallpox. Nagdudulot ito ng mga sintomas na kinabibilangan ng lagnat, pananakit ng katawan, at isang pantal na maaaring magdulot ng mga maliliit na paltos sa balat.


Ang monkeypox ay maaari pa ring magdulot ng seryosong sakit at komplikasyon, lalo na sa mga taong may mahinang immune system.


PAANO NAKAKAHAWA ANG MONKEYPOX? Ang monkeypox ay maaaring magkalat sa pamamagitan ng direktang kontak sa mga taong may sakit nito. 


Pangalawa, paghawak sa kagamitan, tulad ng mga kumot o damit na ginamit ng taong may sintomas ng MPOX.


Pero paano nga ba natin maiiwasan ang monkeypox? Halina’t alamin natin ito, oki? 

  1. PAGHUHUGAS NG KAMAY. Regular na maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, o gumamit ng alcohol-based hand sanitizer upang maalis ang anumang virus na maaaring nailipat sa iyong mga kamay.

  2. PAG-IWAS SA MGA TAONG MAY MPOX. Iwasan ang direktang kontak sa mga taong may sintomas ng monkeypox, pati na rin ang kanilang mga gamit at kumot.

  3. PALAKASIN ANG IMMUNE SYSTEM. Panatilihing malusog ang katawan sa pamamagitan ng balanseng diyeta, regular na ehersisyo, at sapat na tulog upang mapanatili ang malakas na immune system.

  4. PAGPAPASURI AT PAGGAMOT.  Kung ikaw ay nakaranas ng sintomas ng monkeypox o exposed sa isang taong may sakit, agad na kumonsulta sa isang doktor para sa tamang pagsusuri at paggamot.

  5. PAGGAMIT NG PERSONAL NA PROTEKSYON. Kung ikaw ay nasa mataas na panganib na lugar, gumamit ng mga personal na proteksyon tulad ng mga mask at gloves upang maiwasan ang pagkakahawa.


Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hakbang na ito, maaari mong maprotektahan ang iyong sarili at ang iba mula sa kumakalat na MPOX. Kung may alinmang katanungan o pag-aalala, huwag mag-atubiling kumonsulta sa mga health professional para sa karagdagang impormasyon at gabay. 


Pero ang MPOX ay hindi kasing delikado ng ibang mga sakit tulad ng COVID-19. Mahalaga na manatiling kalmado at magkaroon ng tamang kaalaman upang maiwasan ang pagkalat nito. Huwag mag-panic, mga Ka-BULGAR dahil sa pamamagitan ng pag-aaral at tamang pag-iwas, maaari nating mapanatili ang ating kalusugan at seguridad. Huwag agad maniniwala sa mga chismis na kumakalat. Oks?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page