top of page
Search

by Info @Brand Zone | Nov. 15, 2024



Alagang PhilHealth

Milyun-milyon ang apektado ng diabetes sa buong  mundo. Marami ang nakararanas ng distress o pagkabalisa dahil sa kundisyong ito, habang ang iba  naman ay nangangambang magdulot ito ng kumplikasyon, kaya’t  hirap silang maging masaya dahil sa kanilang karamdaman.


Sa Pilipinas, tinatayang higit sa 4 milyong Pilipino ang may diabetes, at maaaring umabot pa ito sa 7.5 milyon sa taong 2045. Ang ilan sa posibleng kumplikasyon ng diabetes ay pagkabulag, kidney failure, at amputation ng ilang bahagi ng katawan. Kaya naman, sino nga ba ang hindi mababalisa sa pagdating ng diabetes?


Huwag mag-alala! Maaaring agapan at i-manage ang diabetes. Una, mahalagang mapanatili ang malakas na kalusugan sa pamamagitan ng pag-iwas sa matatamis at matatabang pagkain, at regular na ehersisyo. Nariyan ang PhilHealth bilang katuwang sa pangangalaga sa kalusugan. Sa pamamagitan ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta), lahat tayo ay may benepisyo para sa mga laboratory test tulad ng fasting blood sugar para ma-monitor ang ating blood sugar level. Mahalaga ring magkaroon ng tamang kaalaman tungkol sa diabetes para mapangalagaan ang

kalusugan at makaiwas sa mga kumplikasyon nito.


Kabilang sa Konsulta ang librengn konsultasyon sa doktor, na makatutulong upang mabantayan ang mga sintomas ng diabetes tulad ng palaging pagkagutom, pagkauhaw, madalas na pag-ihi lalo na sa gabi, at biglaang pagbaba ng timbang. Ang inyong napiling Konsulta provider ang may kakayahang magbigay ng sapat na kaalamang pangkalusugan para sa epektibong pag-iwas o pamamahala ng diabetes.


Mayroon ding libreng gamot tulad ng metformin at gliclazide na maaaring makuha basta nirekomenda ng inyong Konsulta Provider. Kaya hanapin ang Konsulta provider na malapit sa inyo at magparehistro na para makamtan ang mga serbisyong ito.


Para sa mga pasyenteng kinakailangang ma-confine dahil sa diabetes, may benepisyong aabot sa P20,540 depende sa kundisyon. Tumaas ito ng 30% dahil sa mga adjustments na ipinatupad ng PhilHealth para sa All Case Rates packages noong Pebrero 1, 2024. Pangako ni PhilHealth President and CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. na

lalo pang pagbubutihin ang mga benepisyo nito para sa mga Pilipino, “Huwag matakot magpagamot dahil sagot kayo ng PhilHealth!”



Para sa detalye, tumawag sa 24/7 (02) 8662-2588

PhilHealth Your Partner in Health / BAGONG PILIPINAS

PhilHealth



 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Nov. 5, 2024




Dear Doc Erwin,


Ako ay kasalukuyang empleyado sa isang pribadong kumpanya. Sa aming kumpanya ay may taunang physical examination ng mga empleyado. Dahil dito ay napag-alaman ko na ang timbang ko pala ay nasa obese range na at sa paglipas ng mga taon ay patuloy na nadadagdagan pa. Bukod sa aking timbang ay tumataas na rin ang aking blood sugar, triglyceride, at aking blood pressure. Bumaba na ang aking good cholesterol level.


Makakatulong ba sa akin ang operasyon na liposuction? O mga weight loss drugs? Ito ang payo ng aking kaibigan. Mayroon bang makabagong paraan na natural upang magpapayat?


— Michael Andre



Maraming salamat Michael Andre sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Base sa mga resulta ng iyong taunang physical examination ay maaaring may kondisyon ka na tinatawag na “metabolic syndrome”. Ang kondisyon na ito ay resulta ng accumulation ng fat sa iyong katawan. Dahil dito ang sensitivity ng iyong katawan sa insulin ay nababawasan na nagresulta sa pagtaas ng iyong blood sugar at pagtaas din ng blood pressure.


Kung hindi ito matutugunan, sa paglipas ng panahon ay lalong lalala ang kondisyon ng iyong katawan, at magkakaroon ka ng diabetes. Dahil sa taas ng blood sugar at blood pressure ay maapektuhan ang iyong puso, mata, kidneys at mga ugat (blood vessels at nerves). Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa Archives of Internal Medicine (Volume 168, No. 3) noong 2008 ang mga indibidwal na mataba at may metabolic syndrome ay may 44 percent na likelihood na maagang mamatay at ‘yung may diabetes ay may mortality risk na 86 percent. Kaya’t kinakailangan na mapigilan ang iyong patuloy na pagtaba. Mas makakabuti rin na magpapayat upang maibaba ang iyong blood sugar at blood pressure. Ngunit importante ang paraan kung paano ka magpapayat.


Ang mga surgical na operasyon katulad ng liposuction at mga prescription weight loss drugs na iyong binanggit ay mabilis na makakabawas ng taba at timbang, ngunit may mga kaakibat itong risks at side effects. At hindi rin mawawala ang iyong metabolic syndrome kung hindi ka kakain ng healthy foods. 


Mabilis ang pag-inog ng mundo, gayon din ang siyensya. May mga pag-aaral na nagmulat sa mga siyentipiko sa mga makabagong paraan upang mabawasan ng taba ang ating katawan o pagpapapayat.


May dalawang uri ng taba sa ating katawan -- brown fat at white fat. Maraming ginagawa ang white fat sa ating katawan, at isa na rito ang pag-imbak ng taba upang magamit ng ating katawan bilang enerhiya. Ang brown fat naman ay nagpapainit (thermogenesis) ng ating katawan at ginagamit nito ang white fat bilang enerhiya sa pagpapainit ng ating katawan. Ang paniwala noon ng mga dalubhasa ay nawawala na ang brown fat sa ating katawan pagdating ng edad na 10. Ngunit ayon sa pinakabagong pananaliksik ng mga dalubhasa mula sa Harvard Medical School, marami pang brown fat sa ating katawan hanggang sa ating pagtanda. At ayon sa pananaliksik sa Sweden at Finland nagiging aktibo ang mga ito kapag malamig ang panahon -- upang painitin ang ating katawan.


Dahil sa mga pag-aaral na nabanggit, kung saan ginagamit na fuel source ng brown fat ang white fat upang painitin ang ating katawan ay nakita ng dalubhasa na maaaring mabawasan ang taba (white fat) sa ating katawan sa pamamagitan ng pagiging aktibo ng brown fat. Naging dahilan ito upang pag-aralan ng mga scientist ang mga natural na paraan upang ma-activate ang brown fat at gamitin nito ang taba (white) sa ating katawan -- isang natural na paraan upang mabawasan ang taba at pumayat. 


Ayon kay Dr. William Li, isang Amerikanong dalubhasa, sa kanyang aklat na “Eat to Beat your Diet”, may mga pagkain o sangkap sa ating mga kinakain na maaaring maka-activate sa ating mga brown fat at sa gayon ay magamit natin upang pumayat sa natural na pamamaraan. Sa pag-aaral ng mga mananaliksik sa University of Maryland, ang sili o chili peppers ay may mga “capsaicin” at “capsinoids” na nakaka-activate ng brown fat at nakakabawas ng visceral fat sa ating tiyan.


Pahayag ni Dr. Li, may mga ibang sangkap pa ng mga pagkain na maaaring kainin o inumin upang ma-activate ang brown fat at pumayat. Isa rito ay ang sangkap na “resveratrol” na makikita sa red wine, grapes, blueberries, cranberries at peanuts (mani). 


Isa pang sangkap na makaka-activate ng brown fat ay ang “epigallocathechin-3-gallate” o EGCG na mayroon sa green tea. Mayroon ding EGCG sa apples, lemons at cherries. May mga herbs at spices din na maaaring makapagpapayat sa parehong pamamaraan, katulad ng menthol (na makikita sa peppermint) at curcumin (na mayroon sa turmeric).


Ang mga pagkain, inumin, at herbs na nabanggit ay makakatulong upang tayo ay pumayat sa pamamagitan ng natural na paraan. Kasama ang pagkain ng tamang pagkain, pag-eehersisyo at tamang pagtulog at pamamahinga, magiging malusog ang ating pangangatawan.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Oct. 29, 2024




Dear Doc Erwin,


Nabasa ko ang inyong nakaraang artikulo tungkol sa kape at sa magandang epekto nito sa mga moderate coffee drinkers, katulad ng pagbaba ng blood sugar level at pagbaba ng risk na magkaroon ng diabetes, sakit sa puso at stroke. Maraming salamat sa impormasyon na ito, makakatulong ito sa akin. 


Regular akong nagpapa-check ng aking blood sugar level at sa nakaraang mga buwan ay tumataas na ito. Dahil dito ay minabuti ng aking doktor na regular ako na painumin ng gamot upang bumaba ang aking blood sugar.


Nais ko sana na maitigil ang pag-inom ng gamot na ito at natural na mapababa ang aking blood sugar level. Makakatulong ba na bawasan ko ang pagkain ng matatamis, ng mga pagkain na mayaman sa carbohydrates? Sapat ba ito upang mapababa ang blood sugar level ko? 

— Dominador



Maraming salamat Dominador sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Ang sagot sa iyong mga katanungan ay mababasa sa isang scientific article sa Journal of Clinical Endocrinology & Metabolism. Sa pananaliksik na ito na isinagawa at pinangunahan ng Department of Nutrition Sciences ng University of Alabama sa bansang Amerika ay pinag-aralan ng mga dalubhasa ang epekto ng pagkain ng low carbohydrate diet sa insulin level at blood sugar level ng may mild diabetes (Type 2 diabetes). Inilathala ang resulta ng pag-aaral na ito nito lamang October 22, 2024.


Sa mga indibidwal na may mild Type 2 diabetes na kumain ng mga pagkain na mababa ang carbohydrate content ay nakitaan ng pagtaas ng insulin level at pagbaba ng blood sugar level. Ang ibig sabihin ay naging mas aktibo ang mga beta cells ng kanilang katawan na mag-produce ng insulin. Dahil sa pagtaas ng insulin level, naging mas epektibo ang paggamit ng glucose ng kanilang katawan, dahilan kung bakit bumababa ang blood sugar level.


Ang ibig sabihin ng resulta ng clinical trial na nabanggit ay maaaring ma-recover ang function na mag-produce ng insulin ng mga beta cells sa ating katawan sa pamamagitan ng natural na paraan na pagbabawas ng pagkain ng carbohydrates. Ang isang popular na paraan upang gawin ito ay ang pagkain ng ketogenic (“keto”) diet. Ang keto diet ay hindi lamang isang uso o popular na slimming diet kundi isa ring mabisang diet na ginagamit ng mga dalubhasa upang gamutin ang mga cancer patient.


Paalala lamang na ang pag-aaral na nabanggit ay isinagawa sa mga may mild na diabetes lamang at isinagawa ang pagtigil sa pag-inom ng gamot at pagkain ng low carbohydrate diet ng may supervision at monitoring ng doktor. Kung ninanais na itigil ang pag-inom ng gamot na pampababa ng blood sugar at natural na pababain ang blood sugar level sa pamamagitan ng pagkain ng low carbohydrate diet, mas makakabuti na isangguni ito sa iyong doktor.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page