top of page
Search

ni Gerard Peter / ATD - @Sports | April 18, 2021



ree

Ilang tulog na lang at sasalang na ang Triathlon Olympic aspirants Asian Triathlon Championships na gaganapin sa Hatsukaichi, Japan sa Abril 24-25.


Kahit daraan sa butas ng karayom ay naniniwala si TRAP president Tom Carrasco na lalanding sa top 10 sina Southeast Asian Games gold medalist Kim Mangrobang sa women’s division at Kim Remolino at Fer Casares sa men’s side.


Magtutungo agad si Mangrobang sa Japan upang magkaroon ng oras sa travel protocols at quarantine period.


At saka susunod sina Remolino, Fil-Spanish Casares, coach Ani De Leon-Brown at TRAP Secretary General Ramon Marchan para makasama si Mangrobang sa Japan.


Tig-isang Olympic slot lang sa men's at women's division ang paglalabanan sa Asian Championships. Magiging daan din ang nasabing event para sa selection ng Philippine team na sasabak sa 2021 SEA Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam.


Doble ang pag-iingat ng mga atleta upang manatiling negatibo sa coronavirus (COVID-19) pagsapit ng event.


Samantala, nasungkit ng Dumaguete Warriors ang unang panalo sa Visayas leg ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup nang mapasuko ang Tubigon Bohol Mariners, 88-73, Biyernes ng gabi sa Alcantara Civic Center sa Cebu.


Mula sa pitong puntos na bentahe, 62-55, umarya ng tuluyan ang Warriors sa 79-62 nang sumiklab ang outside shooting nina guards James Regalado at Jaybie Mantilla may 6:21 ang nalalabi sa laro. Naitarak ng Dumaguete ang pinakamalaking bentahe sa 19 puntos, 82-63, mula sa three-pointer ni Regalado . “Tsina-challenge ko lang sarili ko kasi nu'ng first half hindi ako makabutas. Kaya sabi ko sa sarili ko na papasok din ito. Hayun nakabutas naman,” pahayag ni Regalado. “Kumpiyansa andyan naman pero yung timing lang talaga hinahanap ko,” aniya. Nauna rito, nakopo ng KCS Computer Specialist-Mandaue City ang ikatlong panalo sa apat na laro nang pabagsakin ang Tabogon Voyagers, 86-53.

 
 

ni Gerard Peter - @Sports | April 18, 2021



ree

Umaasa ang Philippine national fencing team na mapagtatagumpayan nilang makapagpadala ng kauna-unahang manlalaro sa Summer Olympic Games sa pagsabak ng 6-man hopefuls sa Asia-Oceania Olympic Qualifying Tournament simula Abril 25-26 sa Tashkent, Uzbekistan.


Paglalabanan ng maraming bansa ang nag-iisang pwesto para sa bawat kategorya na bubuuin nina 2019 SEAG gold medalist Jylyn Nicanor at CJ Concepcion sa Sabre event, SEAG Ream epee champion Hanniel Abella at individual epee bronze medalist Noelito Jose para sa paboritong event at biennial meet 2nd runner-up Nathaniel Perez at Penn State University standout at dating UAAP juniors MVP Samantha Catantan na makikipagtagisan sa foil event. Gagabayan sila nina national head coach Roland Canlas at Armand Bernal.


Inamin ni Philippine Fencing Association (PFA) president Dr. Richard Gomez na malaking tulong ang ibinigay na pondo at pag-apruba ng Philippine Sports Commission (PSC) sa ginanap na ‘bubble training camp’ sa Ormoc City, kung saan namalagi ang 20 fencers ng ilang buwan upang magsanay para sa huling qualifying tournament para sa 2021 Tokyo Olympics sa Hulyo 24-Agosto 9 sa Japan.


Sinabi ng 55-anyos na actor, sportsman, director, leader at public-servant na dahil sa paglobo ng COVID-19 sa NCR, ay napilitan silang dalhin ang mga atleta sa Ormoc City at malayo sa distraksyon at panganib.


Hopefully maging maganda yung performance nila roon at ipagdarasal natin sila,” pahayag ni Gomez sa TOPS: Usapang Sports special edition kahapon ng umaga sa Sports on Air via zoom. “Lahat sila naghanda talaga and they tried thir best na makapag-perform nang mabuti. Ang laro kase ng fencing, kung maganda talaga ang gising mo, maganda talaga 'yung laro mo, at posibleng makakuha ng Olympic slot, which we are praying for na pagdating nila ng Tashkent, I’m hoping na makapaglaro sila ng mabuti, dahil matagal na tayong walang napapadalang fencer sa Olympics and I’m hoping this time mayroon tayong maipadala from this batch,” dagdag ni Gomez.

 
 

ni Gerard Peter / VA - @Sports | April 17, 2021



ree

Nagkasundo ang Philippine Sports Commission (PSC) at ang Philippine Olympic Committee (POC) na humingi ng tulong sa mga local government units (LGUs) para sa paghahanda ng Team Philippines sa 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa Vietnam bago matapos ang taon. Naghahangad na maidepensa ang overall championship o kaya'y tumapos sa top 3 sa gitna ng kinakaharap na global health crisis, nahaharap sa matinding hamon ang mga national athletes.

Sa kanilang naging pagpupulong noong nakaraang Huwebes, tinanong ni POC president Rep. Abraham Tolentino ang mga kapwa sports officials kung sasapat ang inilaang P200 milyon para sa preparasyon at partisipasyon ng bansa sa biennial meet. Batay sa tinatayang magiging gastos, kalahati ng nasabing budget ay para sa aktuwal na pagsabak ng halos 700-man Philippine delegation. Pagkaraan ng mga naging diskusyon, nagkasundo ang mga spots officials na hingin ang tulong ng mga LGUs na handang mag-ampon ng teams at tumulong sa ibang aspeto ng gagawin nilang training gaya ng venue, pagkain at tirahan. “Baka may gustong magninong muna sa ating mga atleta, we are very open to this,” ani PSC Commissioner Ramon Fernandez na siya ring Philippine team’s Chef de Mission sa SEAGames. Ayon kay Tolentino, kinakailangan nilang hilingin ang tulong ng Department of the Interior and Local Government upang mag-isyu ng direktiba hinggil sa “godfather-LGU program.” Nagboluntaryo rin si Tolentino na ampunin ang mga national cyclists at skateboarders sa kanyang distrito sa Cavite. “The joint secretariat for the SEAG is carefully working on the SEAG plan,” wika pa ni Fernandez.

Puntirya ang petsang Hulyo 1 para simulan ang training, may panahon pa umano para makipag- usap sa mga LGUs ayon pa kay Fernandez. Umaasa aniya sila na magiging positibo ang pagtugon ng mga tao sa programa bilang pagpapakita ng kanilang pagiging makabayan dahil para naman ito sa bansa.

Kabilang sa mga dumalo sa pulong kasama nina Tolentino at Fernandez sina POC Secretary-General Edwin Gastanes, POC Deputy Secretary-General Karen Caballero, PSC Executive Director Guillermo Iroy Jr., PSC Deputy Executive Directors Queenie Evangelista at Merlita Ibay at PSC National Training Director Marc Velasco.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page