top of page
Search

ni Gerard Peter / VA - @Sports | May 24, 2021



ree

Kasunod ng pag-apruba ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na maisama sa mga prayoridad ang national athletes at coaches na sasabak sa Tokyo Olympics at 31st SEAG na mabigyan ng bakuna, hindi na magpapatumpik-tumpik pa ang Philippine Olympic Committee (POC) na gawin agad ang hakbang para sa parehong delegasyon.


Inanunsiyo ni POC President Abraham “Bambol” Tolentino na isasagawa na ang agarang pagbabakuna sa lahat ng Olympics at SEA Games bound na athletes, coaches, officials, media at lahat ng kasama sa dalawang malaking kompetisyon sa Biyernes sa Manila Prince Hotel sa San Marcelino sa Ermita, Manila.


Inaprubahan na rin ang ating vaccination day sa Friday, exclusive for Olympic (bound) at SEAG (bound) delegates, maghapon iyon, kasama ang lahat ng coaches, athletes, officials, media, journalists, lahat ng bound for Tokyo and SEA Games na nandito sa Manila within that day,” pahayag ni Tolentino, kahapon ng umaga sa weekly PSA Forum webcast. “Kailangang makipag-coordinate na sa POC para maibigay na namin iyong total persons na darating sa Biyernes,” dagdag ng sports official, matapos maaprubahan ang ipinadalang sulat ng national Olympic body noong Mayo 18 sa IATF na gawing prayoridad ang mga Tokyo at SEAG bound delegates.

Tugon ang hakbang na ito sa ipinalabas na kautusan ng Vietnam Southeast Asian Games Organizing Committee na magpapatupad sila ng “No vaccine, No participation” policy sa lahat ng delegasyon ng 11 bansa sa darating na biennial meet.


Karugtong ito ng announcement ng Vietnam na “No Vaccine, no Participation” Policy, so pasalamat po tayo sa national government na inapronahan iyon, iyong request na mabakunahan na. So with that, yung Olympic bound, kakaunti lang naman iyon, all Vietnam bound, maybe less than a thousand or more, definitely sasabak tayo sa Vietnam because of that vaccination policy,” paglalahad ng 57-anyos na pinuno rin ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling).

 
 

ni Gerard Peter - @Sports | May 24, 2021



ree

Hindi pa rin mapipigilan sa pagkamit ng pangarap na makuha ang lahat ng titulo sa bantamweight division ang 4-division world champion na si “Filipino Flash” Nonito Donaire na matindi ang paghahanda para sa championship fight laban kay WBC title holder Nordine Oubaali ng France sa Mayo 29 sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.


Pursigido pa rin ang 38-anyos mula Talibon, Bohol na makulekta ang lahat ng 115-pound belt, habang nakikinita pa nitong tatagal pa siya sa mundo ng boksing ng mula 5 hanggang 10 taon. “I have a dream which is to be the undisputed bantamweight champion, and at 38-years-old I think I am capable of doing it,” pahayag ni Donaire sa Boxingscene.com.


Mabibigyan muli ng pagkakataon ang dating bantamweight king na lumaban para sa titulo bilang mandatory challenger kontra sa 34-anyos na dating 2007 World Championships bronze medalist, na minsang nang naudlot ang pagtatapat noong isang taon matapos magka-COVID-19.


Bukod sa pagnanais na hubaran ng korona ang Frenchman southpaw, ang daan para sa inaasam na undisputed kingpin ay pupuntiryahin ni Donaire sa isang rematch kina WBC/WBA/The Ring titlist “The Monster” Naoya Inoue ng Japan na idedepensa ang titulo kay Filipino Michael “Hot and Spicy Dasmarinas sa Hunyo; at WBA (regular) champ “The Jackal” Guillermo Rigondeaux ng Cuba na makikipag-unify ng titulo kay WBO Johnriel “Quadro Alas” Casimero sa Agosto. “The first step is on May 29 against Nordine Oubaali, a good fighter, but he's never faced an opponent like me, and then we are definitely going to pursue a rematch with Inoue and gather the rest of the belts," saad ni Donaire.


Nauna ng ipinag-utos ni WBC President Maurico Sulaiman na idepensa ni Oubaali (17-0, 12KOs) ang titulo laban kay Donaire (40-6, 26KOs) para ipagpatuloy ang naunsyaming laban, matapos parehong tamaan ng COVID-19 ang dalawang boksingero noong isang taon.



 
 

ni Gerard Peter - @Sports | May 22, 2021



ree

Positibo ang pananaw ni 2015 ASEAN Para Games double gold medalist Jerrold Pete Mangliwan na makababawi ito sa darating na 2021 Tokyo Paralympics sa oras na mapormalisa ang pagbabalik sa Summer Paralympic Games sa Agosto, kasunod ng panalo sa standard Paralympic time sa T52 wheelchair racing.


Sakaling makumpirma sa World Para Athletics, ang international governing body nito, sa iba’t ibang National Paralympic Committee sa Hunyo 23, muling makababalik sa ikalawang sunod na pagkakataon ang 41-anyos na San Jose del Monte, Bulacan-native at pursigidong mahigitan ang nakamit na 7th place finish sa T52 400m event sa official time niya na 1:04.93 minuto.


Nakahanda naman akong ibigay yung 100% ko, kung talagang papalarin naman tayo, why not. Yung opportunity andyan lang eh. Positive lang ako,” pahayag ni Mangliwan, Huwebes ng umaga sa weekly TOPS: Usapang Sports sa Sports on Air. “Kaya may possible na kakayanin basta tuloy tuloy lang ang pagte-training at saka maniwala tayo sa ginagawa, siguro mag-payoff yun basta nasa tamang high track yung ginagawa. Positive ako na magperform ako ng mabuti,” dagdag ni Mangliwan sa programang suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusement Board (GAB) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).


Matagumpay na nakamit ng 2014 Asian Para Games ang Paralympic qualifying time sa 400-meter T52 wheelchair race sa oras na 1:2.17 sa 2021 World Para Athletics Grand Prix sa Nottwil, Switzerland nitong nagdaang linggo.


“Ang kinakailangan na lang po namin ay yung confirmation or invitation na talagang pasok na. may in-explain kase sa akin (ng coach) kung paano yung sistema dun na parang may time frame ata dun para automatic na makuha mo yung entry,” paliwanag ni Mangliwan “Ang sabi nga sa akin ng coach ko na 75-80% na qualified na ako, aantayin na lang yung advice, na-hit naman yung standard time, so positive naman ako sana na magkaroon ng kaliwanagan ito.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page