top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports | Nov. 19, 2024



File photo


Kuminang sa takbuhan si dating Palarong Pambansang distance runner champion Mia MeaGey Niñura upang makuha ang kauna-unahang double gold medal sa 87th season University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Athletics Championships matapos pagreynahan ang women’s 5,000 meters, Lunes ng umaga sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac.


Dinuplika ng graduating senior mula Kapatagan National High School ang unang gold medal sa 10,000 meters nitong Linggo para dominahin ang paligsahan sa oras na 18:47.33, kontra national triathlete Erika Burgos, na tumapos sa 18:54.90 at kay Jessa Mae Roda ng NU para kumpletuhin ang podium finish sa 19:14.50.


“Ngayong season ang ginagawa ko is gusto kong bumabawi ako for the last season ko. Kasi tapos na ko mag-aral, kumbaga giving back na lang sa Unibersidad ng Pilipinas. Ito ‘yung nagpa-aral sa ‘kin eh at dahil sa university, nakapagtapos ako,” pahayag ng Physical Education graduate, na minsang nag-reyna sa Palarong Pambansa.


Hindi nagpahuli ang pambato ng UST nang pumukol ng gold sa women’s javelin throw mula kay Lanie Carpintero sa distansiyang 47.36 metro.


Samantala sa ilalim ng makulimlim na panahon, nagtala ang Ateneo de Manila University at De La Salle University ng record-breaking performances sa New Clark City Aquatic Center sa Day 1 ng UAAP Swimming Championships kung saan namayani ang bawat koponan nila sa men’s at women’s relay events.


Dinomina ng Ateneo’s Ivo Enot, Rian Tirol, Victoriano Tirol IV, at Nathan Sason ang men’s 4×50-meter Medley Relay sa oras na 1:45.31.


Kumolekta ang Blue Eagles ng 4 golds, 2 silvers, at 2 bronzes sa Day 1. Winasak ng Green Tankers ang UAAP record sa Men’s 4×200-meter Freestyle Relay. Naorasan sina Alexander Chu, Josemaria Roldan, Bryce Barraza, at Reiniel Lagman sa 8:00.19.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | Nov. 7, 2024



Pormal nang humarap sa media ang lahat ng bumubuo ng All-Filipino Conference PVL Premier Volleyball League sa Novotel Manila kung saan nagbahagi ng mga impormasyon hinggil sa liga si PNVF at AVC President Ramon "Tats" Suzara kasama si PVL President Richard Palou habang kumpleto rin ang mga opisyal ng 12 koponan. Nakatakdang simulan ang liga sa Nob. 9 sa Philsports Arena, Pasig City. (Reymundo Nillama)


Pormal nang kinilala ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) at Asian Volleyball Confederation (AVC) president Tats Suzara ang Premier Volleyball League (PVL) bilang pangunahin at nag-iisang professional volleyball league sa bansa kasunod ng nalalapit na pagbubukas ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Nob. 9 sa Philsports Arena sa Pasig City.


Inilahad ni Suzara ang pagsuporta sa nag-iisang women’s volleyball league sa bansa sa press conference sa Maynila, na kanyang tinawag bilang nangingibabaw na organisasyon sa bansa.


Binibigyang-diin ng pagkilalang ito ang pag-unlad ng PVL mula nang simulan bilang Shakey's V-League noong 2004 hanggang sa pagiging isang propesyonal na liga noong 2021.


Ang All-Filipino Conference ng liga ang magiging pinakamahabang tournament nito na umaabot sa loob ng 6 na buwan at naaayon sa international FIVB calendar, kung saan nakikitang isa sa pinaka-balanse at unpredictable na season ang next conference. Ang conference ay preparasyon na rin para sa mga pandaigdigang torneo kabilang ang 2024 AVC Champions League sa Seoul, South Korea.


Ang magkakampeon sa All-Pinoy ay kakatawanin ang Pilipinas sa AVC Champions League, kung saan sasagutin lahat ng PVL ang lahat ng gastusin. Nakatakda ring kumuha ng dalawang bigating import ang koponan para mas maging matatag at malaki ang tsansa laban sa matitinding Asian clubs.


“The PVL is committed to fully supporting our representative club in the AVC Champions League,” wika ni Suzara, na hinihimok ang mga koponan na gamitin ang pagkakataong ito upang sumikat sa pandaigdigang estado.


“Thanks to the collaboration with (PVL president) Ricky Palou, all expenses, including travel and logistics for the AVC tournament, will be managed by PVL.” Maglalagay din ng mga international neutral referees sa mga semifinals at finals matches para masigurong patas at sumusunod sa mga pandaigdigang pamantayan.

 
 

ni Gerard Arce @Sports | Nov. 3, 2024



Sports News

Sina Custodio, Co, Palanca at Ramirez nang humakot ng gold, silver at bronze medals sa 2024 JJIF World Championships sa Greec. Photo: (pscpix)


Bumalibag muli ng gintong medalya at ikalawang World title si Pinay jiujiteira Kimberly Anne Custodio matapos ibulsa ang korona sa women’s under-45kgs category laban kay Balqees Abdulkareem Abdoh Abdulla ng United Arab Emirates sa bisa ng advantage point, habang nagbulsa ng silver at bronze medal sina Jollirine Co at Daniella Palanca at may tansong medalya si 2019 World jiu-jitsu champion Annie Ramirez upang umabot na sa apat na medalya ang Pilipinas sa magkahiwalay na dibisyon sa ginaganap na 2024 Jiu-jitsu World Championships sa Heraklion, Crete, Greece.


Naunang nagka-titulo noong 2022 edisyon sa Ulaanbaatar, Mongolia, kung saan tinalo nito si Kacie Pechrada Tan ng Thailand, habang nabawian ng 2018 Asian Championships bronze medalists ang kasalukuyang World No.1 para sa tapatan ng top-two athletes, habang nabawian si Balqees na tumalo sa kanya noong 2023.


Bago makuha ng 2019 Jiu-Jitsu Grand Prix champion ang korona ay nagawa muna nitong pasukuin si Abdyyeva Hurma ng Turkmenistan sa iskor na 15-0 sa Round 1, habang isinunod na pasukuin si World No.3 Aysha Alshamsi ng UAE sa bisa ng submission sa Round 2 ng main Pool.


Muling tumapos ng bronze medal si Palanca sa parehong kategorya nang talunin si Abdyyeva sa bronze medal, matapos daigin ni Balqees sa Round 2. Bigo namang makakuha ng medalya si two-time World champion at World No.1 Meggie Ochoa nang tumapos ito bilang No.7 nang talunin ng Thai grappler sa advantage point, habang pinatapik ni Betty Van Aken ng France sa lower bracket.


Nagawang makatuntong sa finals ng World No.8 na si Co matapos talunin Rachel Shim ng Canada sa 6-0. Kinapos naman sa podium finish si women’s under-52kgs World No.1 at 2023 World Games titlist Kaila Napolis nang hindi makalusot kay Michal Baly ng Israel, na dalawang beses siyang tinalo sa Round 2 at battle-for-bronze para tumapos sa ika-fifth spot. (GA) 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page