top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports News | Jan. 23, 2025



Photo: Premier Volleyball League (PVL)


Mga laro ngayong Huwebes

(Philsports Arena)

4 n.h. – Akari vs NXLed

6:30 n.g. – Choco Mucho vs PLDT


Asahan na ang matinding paluan at hampasan sa pagitan ng 4 na koponan na magtatagisan ngayong Huwebes ng hapon upang makuha ang kani-kanilang panalo sa pagpapatuloy ng aksyon sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.


Tatangkain ng Akari Chargers na hindi pahabain ang losing skid laban sa  sister-team na NXLed Chameleons na  susundan ng birahan ng 2-time finalists na Choco Mucho Flying Titans at kokonektang PLDT High Speed Hitters. 


Nais ng Akari na makabawi sa pangwawalis na naranasan kontra PLDT sa 22-25, 16-25, 15-25 noong Sabado, tanging si Faith Nisperos ang tumapos ng doble pigura sa 11 puntos habang may ambag sina Ivy Lacsina, Erika Raagas at Princess Madrigal ng 6,5,4 puntos. 


Bumagsak sa 3-4 rekord ang Chargers na inaabangan ang pagbabalik sa laro nina Gretchel Soltones at Ced Domingo. Nablangko ang Chameleons na galing sa pambobokya ng Farm Fresh Foxies noong Sabado na nasayang ang doble pigura ni Jaila Atienza sa 11 pts, mas matatag ang opensa ng koponan kina EJ Laure, gayundin ang tulong nina Lycha Ebon, Kirch Macaslang at Chiara Permentilla.


Hindi man makakasama ng Choco Mucho sa koponan si Kat Tolentino na naoperahan sa appendix, sasandalan sina Cherry Ann “Sisi” Rondina, Dindin Manabat, Isa Molde, ace playmaker Deanna Wong, floor defender Thang Ponce at rookie middle blocker Lorraine Pecan na natakasan ang batang Zus Coffee Thunderbelles sa reverse sweep sa bisa ng 20-25, 20-25, 25-22, 25-19, 15-9 sa huling laro nito.  


Patuloy naman babanat para sa High Speed Hitters si Fil-Canadian Savi Davison katulong sina Majoy Baron, Erika Santos, Dell Palomata, Fiola Ceballos, playmaker Angelica Alcantara, ace libero Kath Arado at beteranong si Mika Reyes. 


 
 

ni Gerard Arce @Sports News | Jan. 9, 2025



Photo: Petecio at Villegas



Gagawaran ng espesyal na pagkilala ang dalawang boksingera na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas matapos magbulsa ng dalawang tansong medalya sa 2024 Paris Olympics sa 2024 San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa Enero 27 sa Grand Ballroom ng Manila Hotel sa Maynila.


Kikilalanin ang matatapang na boksingera sa pagbibigay ng President’s Award ng pinakamatandang media organization ng bansa sa pagkakaroon ng tradisyonal na parangal para dagdagan ang dalawang maningning na gintong medalya ni gymnast Carlo Edriel “Caloy” Yulo para siguraduhin ang pinakagamandang performance ng Team Philippines sa 100 taong partisipasyon ng bansa sa quadrennial games. Tatanghaling 2024 Athlete of the Year si Yulo.


“They may have missed the biggest prize in the 2024 Olympics, but nonetheless deserve high accolades with their own bright moments in the Paris Games, providing extra push in the glorious Philippine performance – a great highlight in the country’s centennial year of participation in the Summer Games,” pahayag ni PSA President Nelson Beltran, tungkol sa natatanging pagkilala sa dalawang boksingera.


Nakamit ni Petecio ang ikalawang medalya sa Summer Olympic Games matapos mapanalunan ang silver medal sa 2020+1 Tokyo Olympics, habang kinapos lang itong makabalik sa finals sa paboritong women’s under-57kgs division, kung saan nagwagi rin siya ng korona sa 2019 World Championship.


Tanging ang 32-anyos mula Santa Cruz, Davao del Sur ang naging kauna-unahang Filipino na boksingera na nagbulsa ng magkasunod na podium finishes sa Summer Games.


Ito naman ang kauna-unahang sabak sa Olympiad ng 29-anyos na tubong Tacloban, Leyte na nakuha ang tansong medalya sa women’s under-50kgs matapos magkuwalipika sa flyweight category sa 2024 World Olympic Qualification sa Busto Arsizio sa Italy. Ito pa lang ang ikalawang medalya ni Villegas nang maka-bronze sa 2019 SEAG sa Maynila, habang sumabak din ito sa Hangzhou Asian Games noong Setyembre 2023.

 
 

ni Gerard Arce @Sports News | Jan. 9, 2025



Photo: Katarungan ang isinisigaw ng mga national athletes maging ng buong Obstacle Course members sa trahedyang sinapit ng beteranong atleta at SEA Games multi-medalist at isang Airman First Class sa Philippine Air Force na si Mervin Guarte. Nakikiramay ang Bulgar Sports sa lahat ng nagmamahal at sumusuporta kay Mervin na minsan nang naging bahagi ng Bulgar Sports Beat podcast interview noong 2023. (ocrpix)



Nagluksan ang iba’t ibang miyembro ng Philippine national team nang paslangin ang beteranong atleta at Southeast Asian Games multi-medalist na si Mervin Guarte habang ito’y natutulog nitong Martes sa Calapan City, Oriental Mindoro ng hindi pa nakikilalang salarin.


Patuloy na iniimbestigahan ng PNP Provincial Regional Office ng MIMAROPA ang pagpaslang sa biktima na natutulog umano sa sala ng tahanan ng isang barangay konsehal matapos na pumasok ang umatake sa 2023 at 2019 SEAG gold medalist bandang 4:30 ng madaling araw nang pagsasaksakin ito sa dibdib gamit ang isang patalim.


Agad umanong tumakas ang suspek. Ang 33-anyos na dating miyembro ng national athletics team ay naka-2 pilak na medalya noong 2011 SEAG sa Jakarta sa men’s 800-meter at 1,500-meter event. Ikinalungkot ito nina 2-time Olympian at No.4 World pole vaulter Ernest “EJ” Obiena at 2-time Olympic medalist boxer Nesthy Petecio sa nangyari sa kanilang kaibigan, at humihingi ng katarungan sa sinapit nito.


Naghahanap din ng katarungan sina dating athletics member Kath Kay Santos, Olympian Mary Joy Tabal, Olympian Henry Dagmil, at ang Philippine Sports Commission.


“I just learned the devastating news of the shocking death of my friend and National Teammate Kuya Mervin Guarte. May his soul rest in peace, and I am sending my deepest condolences to his family and loved ones. What a tragedy. Only 33 years old,” wika ni Obiena sa social media post. “This is another poignant reminder to us all, that we must embrace every day as a gift; as tomorrow is never guaranteed. Blessed to have shared the track with you. Rest well my friend."


Matapos magsilbi sa athletics ang Airman First Class sa PHL Air Force, sa 2013 Myanmar Games, 2015 Singapore meet at 2017 Kuala Lumpur competition, tumalon ito sa Obstacle Course racing Team at nakaginto sa men’s 5km sa 2019 Manila SEAG at Team Relay gold sa 2023 Cambodia Games, nagkampeon din sa 2024 Spartan Asia Pacific Champion, Men's Beast 21 km.


“RIP boss, my brother... shocking, we national athletes who are your colleagues are sad for what happened. You always mini-message me every time I win. #justice for you Meg Guarte Guartz,” pahayag ni Petecio sa hiwalay na post sa social media.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page