top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | February 9, 2021



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa magiging kapalaran ng animal sign na Ox o Baka ngayong Year of the Metal Ox.


Sinasabing sa pagpasok pa lang ng buwan ng Pebrero, marami nang kakaibang surpresa at hindi inaasahang magagandang kapalaran ang magaganap sa iyong buhay. Iba’t ibang uri ng oportunidad ang parating, kaya dapat magpakatalino ka sa pagsunggab upang ang mga pagkakataong ito ay mai-convert mo sa pagkakaperahan at dagdag pang pagkamal ng mga materyal na bagay. At sa taong ito, tandaan ding ang tapang at lakas ng loob na may kasamang talino ang lalo pang magpapaunlad at magdadala sa iyo sa isang wagas at tunay na kaligayahan.


Sa career at hanapbuhay, maraming mga intriga, paninira at lihim na naiingit sa iyo ang lulutang nang paisa-isa sa unang hati o 1st quarter ng 2021. Ngunit ‘wag kang mabahala, kung ang iba ay nagkakampihan sa laban, sa iyo ay may iisang matitirang kakampi at ito ay ang langit. Sino ba naman ang makagagabi sa isang tao na ang kakampi ay langit?


Kaya sa buong 2021, anumang sagabal at pagsubok ang iyong kaharapin, partikular sa career at hanapbuhay, sigurado na ang iyong pagtatagumpay.


Gayunman, kahit masigurado ang tagumpay sa career, hindi mo naman dapat pairalin ang sobrang tiwala sa sarili at kayabangan dahil sinasabi ring ngayong Year of the Metal Ox, habang nagpapakumbaba ka at hindi mo ipinakikitang ikaw ay pinakamahusay at pinakamagaling, lalo kang pagpapalain ng nasa itaas.


Dagdag pa rito, ang mahusay, diplomasya at kunwaring pakiusap, sa halip na pagtataas ng boses at pagiging dominante ay higit na mabisa. Kaya sinuman ang kakausapin mo, lalo na ang mga taong nakatataas sa iyo, kaunting diplomasya at pakiusap ang dapat. Sa ganyang paraan, tulad ng nasabi na, tuluy-tuloy kang aani ng pag-unlad at kasaganaan sa larangan ng career, negosyo, pangangalakal at hanapbuhay, na magdudulot sa iyo ng tuluy-tuloy na pagtaas ng kita at paglago ng kabuhayan.


Sa aspeto ng pakikipagkapwa-tao at pamilya, maraming mga balakin ang maaantala, lalo na sa mga gawaing may kaugnayan sa kaibigan at pamilya, ngunit ang pagkaantalang ito ay pansamantala lamang. Hindi ka dapat ma-stress o mainis sa nasabing mga pangyayari dahil wala ka namang magagawa sa mga ito dahil tiyak na ganu’n ang magaganap. Sa halip, asahan mo na ito upang hindi ka gaanong ma-stress. Gayunman, ang ibang mga bagay na inaasahan mong mangyayari na maaantala ay mas mainam na balewalain mo na lang kaysa ma-stress ka pa dahil may pangako naman ang langit na sa taong ito, sa aspetong pangkaibigan, panlipunan at pampamilya, hindi man mangyari ang inaasahan, higit pa rito ang magaganap at mas maganda o bongga pa ang magiging kaganapan.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, habang in love ka, kasama ang iyong kasuyo, siya ang magiging suwerte mo sa larangan ng salapi ang pagkakaperahan ngayong 2021, lalo na sa buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre. Sa madaling salita, ang aktuwal na mangyayari sa iyo ay may pera na, may bonus pang masarap na romansa.


Samantala, kung ikaw naman ay single o wala pang asawa, mapapansin mong lalakas nang husto ang iyong pang-akit at karisma. Dahil sa lumulutang at humahalimuyak mong kakaibang ganda at pang-akit, walang duda na kung ikaw ay lalaki, ikaw ay magkaka-girlfriend na at kung ikaw naman ay babae, bigla kang magkaka-boyfriend kahit nagdadalawang-isip at aayaw-ayaw ka pa.


Samantalahin mo ang pagkakataong ito dahil minsan lang ngingiti sa iyong puso at kapalaran ang totoong pag-ibig, kaya kapag dumating ito ngayong 2021, wala kang dapat gawin kundi sumunggab agad. Sa ganyang paraan, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | February 6, 2021



Ang tatalakayin natin ngayon ay ang magiging kapalaran ngayong taon ng mga Year of the Metal Ox o silang mga isinilang noong 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009 at 2021.


Totoo ba na kapag “year mo” ang “year ngayon”, tulad ng taon ng Ox at Ox din ang animal sign mo ay susuwertehin ka?


Ganito 'yan, dahil ang taon ngayon ay “taon mo”, mas malamang na magiging paborable sa iyo ang mga kaganapan, higit lalo kung ang katulad mong Ox na nagtataglay ng natural at likas na elementong lupa ay palaging makikisama sa mga animal signs na ka-tugma o ka-compatible upang maganap ang “balance at harmony” sa iyong buhay.


Tulad ng tinalakay natin noong mga nakaraang araw, ang ka-compatible ng Ox ay ang water type animal na tulad ng Pig o silang mga isinilang noong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007 at 2019. Bukod sa Pig, ang water type sign na Rat o silang mga isinilang noong 1936, 1948, 1960, 1972, 1984, 1996, 2008 at 2020 ay sadyang ka-compatible rin ng Ox o Baka.


Ngunit ang pinaka-perfect na ka-compatible ng Ox ay ang tinatawag na “triangle of compatibility” kung saan ang magkakasama sa tatsulok na ito ay ang Ox, Snake (silang mga isinilang noong 1917, 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013 at 2025); at Rooster, (silang isinilang noong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017).


Kaya naman kung ikaw ay isinilang sa animal sign na Ox o Baka at ang palagi mong kasama ay ang animal na ka-compatible mo tulad Snake at Rooster, tiyak ang magaganap, makakaranas ka ng isang matagumpay, maunlad at maligayang karanasan sa buong 2021.


Gayunman, kung ikaw ay Ox, 'yun ang unang diskarte o teknik upang ikaw ay suwertehin ngayong 2021, muli, ang palagi lang makisama sa mga animal signs na ka-compatible mo.


Habang ang pangalawang paraan o teknik upang suwertehin ay palagi kang gumamit ng iyong lucky color na dilaw, partikular ang ochre yellow o dilaw na hinango sa kulay ng lupa at ang kulay ng water o tubig na black.


Palagi ka ring magdispley ng mga bagay na yari sa metal (dahil ang 2021 ay year of metal) at mga bagay na yari o hinugis mula sa putik at lupa (dahil ang lupa ang likas na elementng Ox) sa inyong tahanan, opisina o business site, upang mas madali mong maakit ang suwerte at magagandang kapalaran na may kaugnayan sa materyal na bagay sa buong 2021.


Dagdag pa rito, ikaw din ay lubhang magiging mapalad sa buwan ng Abril hanggang Mayo, ganundin sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre, lalo na sa mga araw ng Sabado, Lunes at Linggo, sa mga piling petsang 5, 14, 23, 4, 13, 22, 31, 8, 17 at 26.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | February 4, 2021



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa pangunahing katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Ox o silang mga isinilang noong 1949, 1961, 1973, 1985, 1997, 2009 at 2021 ngayong Year of the Metal Ox.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, bagama’t may pagkapihikan at bihirang makaranas ng tinatawag na love at first sight, mali namang isiping hindi sila romantiko at hindi rin totoong hindi sila na-in love nang todo at seryosohan.


Tunay ngang bagama’t may pagka-naive o halos walang gaanong pakiramdam, masasabing umiibig pa rin at totoong nai-in love ang isang Ox. Ang problema lamang ay mabagal siyang kumilos at umibig, kaya ang akala ng marami ay hindi gaanong masarap magmahal ang Ox, pero ang totoo, praktikal lang siya talaga at may pagkatuso.


Ang magara sa isang Ox, kahit medyo mabagal siyang umibig at magmahal, kapag naman na-in love siya ay talaga namang totohanan at seryoso at hindi siya papayag na hindi niya mabigyan ng magandang buhay at masaganang kinabukasan ang kanyang iibigin at pakakasalan.


Gayunman, may mga sandali na ang Ox ay madali ring mag-init ang ulo o magalit, at kapag nagalit mo siya, ito ay matagal niyang kikimkimin. Kaya sinasabing, mabagal siyang magmahal at umibig, at mabagal niya ring napagagaling ang kanyang hinanakit at sama ng loob.


Dagdag pa rito, tulad ng nasabi na sa itaas, bagama’t mabagal ma-in love ang isang Ox o Baka, kapag siya ay na-in love, bukod sa seryoso at totoo, nagiging tapat siya sa babae o lalaking kanyang napapangasawa, kaya naman sila ay nakakabuo rin ng maligaya, maunlad at panghabambuhay na pakikipagrelasyon, lalo na sa mga animal sign na ka-compatible ng Ox, tulad ng Rooster at Snake.


Sa sandaling nagkaroon ng relasyon ang Ox at Rooster, agad silang magkakasundo at magkakaunawaan nang todo dahil sila ay kapwa masipag, praktikal at dedikado sa kanilang mga gawain. Kapag ang Rooster at Ox ay nagkatuluyan, tiyak na sila ay yayaman at uunlad nang uunlad ang kanilang kabuhayan.


Habang ang relasyon Ox at Snake ay magiging mapalad din dahil aalagaan at palaging kakarinyohin ng Ahas ang Ox sa panahong siya ay nahahapo at napapagod. Ang mahiwagang haplos ng isang Ahas, ang siya lalo pang magpapasigla at bubuhay sa imahinasyon at pagnanasa ng Baka.


Ang Rat at Ox ay sinasabing compatible rin dahil ang Rat, tulad ng Snake ay tunay ngang maaruga at mapagkalinga, na gustung-gusto namang maranasan ng isang Baka o Ox.


Ang nasabing mga relasyon, Ox at Rooster, Ox at Snake at ganundin ang Ox at Rat, tulad ng naipaliwanag na ay sadyang magiging mapalad at maligaya, higit lalo kung ito ay mabubuo ngayong 2021, sa panahong umiiral ang Year of the Metal Ox, na patuloy na maghahatid ng suwerte at kasaganaan sa buhay ng nasabing mga animal signs.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page