top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | July 22, 2021



Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019 at 2031, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign a Pig o Baboy.


Inaasahang kung noong mga nakaraang buwan ay hindi naging maayos ang mga pangyayari, magugulat ka dahil pagpasok ng buwan ng Agosto hanggang Setyembre, unti-unting gaganda at magiging panatag ang mga pangyayari sa halos lahat ng aspeto ng itong buhay.


Tunay ngang kung sa pagsisimula ng taon, maraming katanungan at pagtataka ang mabubuo sa iyong isipan at medyo naging magulo ang lahat, ang mga kaguluhang ito ay tuluyan nang mawawala. Kaya tulad ng nasabi na, sa pagpasok ng kalagitnaang bahagi ng taon, unti-unting mapapanatag at mapaplantsa ang lahat, higit lalo sa aspetong pag-ibig, pinansiyal, pamomolitika, pakikipagkaibigan, lipunan at pakikipagrelasyon.


Dagdag pa rito, asahan na rin na maraming hindi inaasahang tagumpay at ligaya ang uusbong at ang mga surpresang pangyayari ay isa-isang magaganap, na magkahalong nakagugulat at nakabibigla na sa bandang huli ay magdudulot ng kapanatagan at kaayusan ng iyong buhay sa buong 2021. Sa madaling salita, sa umpisa, akala mo lang na nakagugulat, ngunit sa huli, magiging positibo at maganda rin ang magiging resulta ng nasabing mga hindi inaasahang pangyayari.


Sinasabi ring sa kalagitnaan ng taon, iba’t ibang oportunidad ng pagkakakitaan ang mabubuksan, ngunit hindi mo naman ito dapat sunggaban lahat. Sa halip, piliin mo lang ang iyong mga pagkakakitaan na angkop sa iyong ugali at panlasa. Hindi rin naman masama na humingi ka ng advice o payo sa mga eksperto o ‘yung mga may karanasan sa isang partikular na larangan upang hindi ka magkamali ng pagpapasya. Ibig sabihin, kahit maraming pagkakataon na mapagkakakitaan ang dumating, hindi ka dapat magrunong-runungan o magpabigla-bigla ng pagpapasya. Sa halip, kailangan mo rin ang masinop na pag-iingat upang hindi masayang ang magagandang oportunidad na darating sa mga huling buwan ng 2021.


Marami ring iba’t ibang tulong ang manggagaling kung saan-saan na ikaaangat ng iyong kabuhayan. Kaya naman sa mga tulong na ito na magmumula sa iyong mga kaibigan at kakilala ay hindi mo dapat tanggihan, dahil ang mga ito ay magsisilbing pagkakataon upang lalo mo pang maingatan ang iyong kabuhayan.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sa kabila ng mga pagsubok at manaka-nakang kalungkutan, ang relasyon ay lalo pang titibay at tatatag, lalo na kung babalikan ninyo ang mga nakaraang maiinit na tagpo ng inyong pagmamahalan.


Sa mga Baboy na nagbabalak mag-asawa, ang taong ito ng 2021 ay positibong inirerekomenda, ganundin ang susunod na taong 2022. Habang sa mga may asawa o karelasyon na, tulad ng nasabi na, kahit medyo may lungkot at pagsubok na dumating, umasa kayong sa taong ito, lalo pang titibay ang pagmamahalan at lalo pang iinit ang paglalambingan at ang walang taros na romansahan.


Sa mga single, hindi naman ipinapayo na makipagrelasyon ka agad ngayong taon. Sa halip, ang dapat ay ituloy muna ang pakikipagkaibigan at “getting to know each other” stage nang sa gayun, kung ganap na kayong nagkakapalagayan ng loob sa kasalukuyan, isagawa sa 2022 ang mas seryoso at totohanang ugnayan, upang higit na matiyak ang masaya at panghabambuhay na relasyon.


Sa kabuuan, ang taong ito ng 2021 para sa animal sign na Pig ay magtatala ng iba’t ibang pagbabago sa iyong buhay na ikagugulat mo sa simula. Pero kahit hindi mo inaasahan, ang lahat ng pagbabagong ito na dala ng taong 2021 ay tiyak namang hahantong sa lalo pang ikaliligaya ng iyong karanasan at ikauunlad ng iyong kabuhayan.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | July 20, 2021



Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019 at 2031, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign a Pig o Baboy.

Mahusay ding makisama, magmahal at may malasakit sa kapwa ang Baboy, kaya naman bagay na bagay na trabaho o career sa kanya ang social worker at iba pang gawaing may kaugnayan sa pagtulong sa mga nangangailangan at kapus-palad. Puwede rin sa Baboy ang pamumulitika, kung saan tiyak na nagtataglay siya ng dalisay at tapat na hangaring tumulong sa mga taong nangangailangan.


Sa panahong namumroblema ang bayan o samahan, nakagagawa ng paraan ang Baboy na makapag-isip ng praktikal na solusyon sa anumang suliraning nararanasan ng isang grupo o mga taong kanyang nasasakupan. Ang ikinaganda pa nito, hindi lang magandang solusyon ang naiisip o naipapatupad niya, sa halip, nagagawa rin niyang pasiglahin ang mga taong nasa paligid niya upang tumulong sa kanilang naiisip na proyekto o gawin. Kumbaga, magaling talagang mang-encourage ang Baboy sa kanyang mga kasama at nasasakupan upang gawin nang may sigla at ganda ang isang proyekto ng komunidad o samahan. Hindi lang niya napaniniwala ang mga taong uutusan o papasunirin niya, sa halip, bukod sa sigla at sigasig na naililipat niya sa kanyang nasasakupan, siya ay handa ring magpaluwal ng kanyang oras, effort at pati na rin pera. Kaya lahat ng gawaing may kaugnayan sa pagbuo ng isang organisasyon, pagtulong sa mga tao at pagmamalasakit sa bayan o bansa ay bagay na bagay talaga sa Baboy.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, ang pangunahing katangian ng Baboy pagdating sa pisikal na anyo ay nagtataglay talaga siya ng kahali-halinang at sensuwal na katangian. Ibig sabihin, likas na maganda at mapang-akit ang Baboy kahit siya ay bihira o hindi gaanong nag-aayos. Dagdag pa rito, ang Baboy ay hindi nakapagtatago ng kanyang damdamin. Ibig sabihin, kapag gusto talaga niya ang isang tao, hirap siyang pigilan ang kanyang sarili para hindi ipadama sa taong nakursunadahan niya ang kanyang nararamdaman. Naniniwala kasi ang Baboy na kapag mahal o gusto mo ang isang tao, dapat ito ay hindi na pagdaanin sa isip, sa halip, ‘yung feeling o emosyon mo ay kailangang madama agad ng taong gusto o minamahal mo. Dahil sa ganitong panuntunan sa pag-ibig — hindi nagtatago ng damdamin at hindi pasimple kung magmahal —kadalasan sa Baboy ay nakararanas ng matinding kalungkutan sa pakikipagrelasyon, lalo na kung maaga pa lang ay naramdaman na niyang hindi siya gusto o mahal ng tao na pinag-ukulan niya ng tapat na damdamin at seryosong pagmamahal.


Samantala, sinasabing magiging masaya at very satisfied ang Baboy sa pag-ibig, sex at pakikipagrelasyon kung ang mapapangasawa at makakasama niya ay ang kapwa niya tapat at masarap magmahal tulad ng Tupa o Kambing, ganundin ang eleganteng Kuneho. Bagay na bagay din sa Baboy ang sopistikadong ugali ng Tigre at kapwa niya sensuwal at mahilig ding kapatid niya na Baboy.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | July 15, 2021



Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at sadlakang kapalaran ng animal sign na Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Ox.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019 at 2031, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign a Pig o Baboy.

Ang isa pang nakatutuwa sa kapalaran ng Baboy, matapos niyang maging galante at maglustay ng kabuhayan, kapag naloloko o nauuto siya ng mga taong malalapit sa kanya, hindi siya pinababayaan ng langit. Katangi-tangi sa 12 animal signs ang Baboy dahil palaging pinagpapala kung saan hindi siya nauubusan ng mga biyaya at suwerte na nanggagaling mismo sa itaas. Sa madaling salita, habang nadadaya ng mga taong nakapaligid sa kanya o habang nauuto ang Baboy, lalo siyang sumasagana at pinadadalan ng iba’t ibang uri ng suwerte at magandang kapalaran.


Naniniwala rin ang Baboy na kahit mawala ang kanyang kabuhayan, darating ang araw na ibabalik sa kanya ‘yun ng Maykapal. Dahil para sa kanya, isinilang siya para maging masagana, matagumpay at maligaya, na kadalasang nangyayari sa kapalaran ng Baboy.


Sinasabi ring bagama’t hindi masipag at tamad, tulad ng nasabi na ay palaging pinagpapala at pinagkakalooban ng maraming suwerte at materyal na bagay ng nasa itaas. Kaya masasabing kung ang Baka ay nagpapakasipag pa upang yumaman at umunlad, ang Baboy ay hindi dahil ang totoong nagpapaunlad at magbibigay ng yaman sa kanya ay mismong langit o tadhana.


Kaya tulad ng naipaliwanag na, sa sandaling 100% naniwala ang Baboy na papalarin siya sa kanyang inaaturga, proyekto o sa mismong buhay niya, hindi na niya kailangang magsikap. Bagkus, maniwala lang siya na may malaking suwerteng darating sa buhay niya, tiyak na ang pinaniwalaang ‘yun ng Baboy ay siguradong darating sa kanya. ‘Yun ang kaibahan ng Baboy sa lahat ng uri ng animal signs—basta naniwala ang Baboy sa tadhana, kung ano ang pinaniniwalaan niya, ‘yun ang mangyayari at darating sa kanyang kapalaran.


Sa pakikipagrelasyon, bagama’t matalino at mapagmahal, hindi nakadiin o sobrang seryoso ng Baboy, sa halip, kapag hindi na siya masaya, madaling nagbabago ang kanyang damdamin, isipan at pagpapasya. Magbago man ng isipan at damdamin ang Baboy, ang totoo nito, bago mawala ang kanyang feelings, sadyang niraranas niya nang said o sagad ang anumang uri ng pag-ibig at pakikipagrelasyon na pinapasukan niya. Kaya naman masasabing kahit magbago ang kanyang damdamin, nagiging masaya siya nang todo at labis sa bawat pakikipagrelasyon.


Sapagkat tulad ng nasabi na, sa lahat ng aspeto ng buhay, walang pinalalagpas na ligaya ang Baboy. Dahil para sa kanya, kung hindi rin lang siya magiging masaya at maligaya sa panahong kasama niya ang kanyang minamahal ay hindi niya ito pakikisamahan pa. Sa halip, palagi niyang sinisiguardo na ang kanyang pamilya o anumang bagay na hawak at pag-aari niya ay dapat maging masaya at maligaya sa panahong ‘yun. Kumbaga, ine-enjoy talaga ng Baboy ang bawat karanasan niya, sapagkat batid niyang ang lahat ng bagay, maging tao man o hayop, sandali o panahon, trabaho, gawain o anumang mahahalagang bagay ay talaga namang lumilipas. Kaya ibinibigay ng Baboy ang “the best” sa anumang bagay o pakikipagrelasyon na nararanasan niya sa kasalukuyan, kaya kapag ito ay nawala o lumipas, wala siyang panghihinayangan o pagsisisihan.


Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page