top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 25, 2022



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong 2022.


Kung ikaw ay isinilang noong 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999 at 2011, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rabbit.


Sinasabing kung pahabaan ang buhay ang labanan, isa ang Kuneho sa 12 animal signs na may pinakamahabang buhay. Dahil bukod sa pinahahalagahan nila ang pagmamahal sa kalikasan, higit din nilang pinahahalagahan ang preserbasyon ng kanilang sarili, hindi lamang ng kalikasan kundi ng sarili nilang buhay.


Kaya naman ang mga Kuneho, bukod sa mahaba ang buhay ay nagkakaroon din sila ng komportable at masayang karanasan, lalo na sa kanilang pagtanda.


Gayundin, kung ang Kuneho lamang ang masusunod at tatanungin, mas nanaisin at pipiliin nila ang komportableng buhay kaysa sa mga kumplikado at maraming pakikipagsapalaran na karanasan. Dahil likas na umiiwas sa mga panganib, tulad ng nasabi na, humahaba at nagiging kalmante at maligaya ang buhay ng Kuneho.


Ito rin ang dahilan kaya likas sa pagkatao ng Kuneho ang pagiging tahimik, walang kibo, palaging kampante at pa-easy-easy lang, na tila walang gaanong mabigat na problemang iniinda o dinadamdam.


At dahil mas pinipili ng Kuneho ang tahimik at kalmanteng pamumuhay, napagkakamalan silang sobrang mapagmahal sa pribadong buhay, takot sa lipunan at hindi masyadong nakikihalubilo sa kanyang mga kasamahan at kapitbahay. Kumbaga, kung hindi mo tatanungin ang tahimik na Kuneho, malamang mapapanisan siya ng laway at hindi talaga magsasalita sa maghapon kayong magkasama.


Bagama’t likas na tahimik at mapag-isa, maaaninag mo naman sa kanilang pagkatao ang kabutihan ng kanilang puso at tunay na mas nagiging maligaya sila kapag nakakatulong sa mga kapus-palad o mga nangangailangan, lalo na sa kanilang inaaruga at minamahal na pamilya.


Sa panahon naman ng may mabigat na problema, palagi pa ring napapanatili ng Kuneho ang kanyang pagiging kalmante, kung saan siya ay palaging relaks at hindi nai-stress. Kaya naman mababakas sa kanya ang malalim na espirituwalidad, sakdal, de-kalidad at dalisay na pagkatao.


Bukod sa likas na matulungin, mabait at tahimik, mahusay din ang Kuneho na mag-ayos ng gulo, kung saan nagagawa niyang pagkasunduin ang dalawang panig na hindi magkaunawaan. Ngunit ang kakaiba sa kanya kapag nag-aayos ng gulo o anumang gusot, sinisigurado niyang ang mga inaapi at less fortunate ang higit na makikinabang.


Dahil likas na mapanuri sa mga likhang sining at may mataas na pagkilatis sa kultura at sinaunang sibilisasyon, bagay na bagay sa Kuneho ang negosyo o career na nangongolekta ng mga antique na gamit at sinaunang panahon na kasangkapan, ganundin ang gawaing may kaugnayan sa arts collector at dealer. Sa gawaing ito, siya ay magtatagumpay, magiging maligaya at yayaman.


Dagdag pa rito, dahil ayaw ng Kuneho ng magulong buhay, maraming stress at iniisip, may mga panahong nalilibang siya sa kanyang maluluhong pangarap at plano, kung saan kahit hindi niya ito isagawa o ikilos, tila kuntento na ang isang Kuneho na nakaupo sa ilalim ng malabay na punong-kahoy na nangangarap at nagpapantasya na tila walang pakialam sa mundo.


Samantala, kung maisasagawa ng Kuneho ang lahat ng kanyang iniisip, pinapangarap, inaambisyon at pinapantasya, mabubuo ang napakatagumpay, napakadakila at napakaligayang Kuneho.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 22, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong taon.



Kung ikaw ay isinilang noong 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999 at 2011, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rabbit.


Ang animal sign na Rabbit o Kuneho ay Pisces sa Western Astrology, na may ruling planet na Neptune. Higit na mapalad at aktibo ang Kuneho na isinilang sa tag-araw kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa tag-ulan.


Likas na mapalad ang mga Kuneho tuwing sasapit ang alas-5:00 ng madaling-araw hanggang alas-7:00 ng umaga, higit lalo sa direksiyong east o silangan.


Sa 12 animal signs, Kuneho ang isa sa mga tunay na nagmamahal sa tahimik na buhay, buhay pamilya at buhay na malapit sa nature o kalikasan. Madalas ding pribado ang kanilang buhay at hindi gaanong mahilig makihalubilo sa lipunan, kung saan karamihan sa mga oras nila ay iginugugol sa kalikasan, ganundin sa mga artistic na bagay o gawain.


Kadasalan, ang mga Kuneho ay nagiging sikat na artista, mananayaw, mang-aawit at entertainer kung saan sa pagpe-perform, nakikita ang kanilang galing at likas na talento at doon sila nagiging maligaya.


Dagdag pa rito, pinaniniwalaan na kung ang Dragon ay isa sa mapalad na animal sign sa Chinese Astrology, ang Kuneho ay pangalawa sa mga masuwerteng animal sign sa lahat ng aspeto ng buhay. Kaya naman sila ay tunay na lapitin ng suwerte at magagandang kapalaran kahit may mga pagkakataong tinatanggihan o inaayawan nila ito.


Bukod sa likas na mabait, kilala rin ang Kuneho bilang magaling na negotiator at diplomatic, kung saan sa pakikipagnegosasyon, madali nilang napapasang-ayon ang kanilang kausap.


Gayunman, dahil mabait at iniiwasan ang pressure at stress sa pakikipagnegosasyon at sa lahat ng bahagi ng buhay, minsan ay napagbibintangan siya na mahina ang loob at tamad. Bagama’t hindi palaging ganu’n, natural lamang sa Kuneho ang palaging umiiwas at ayaw ma-involve sa kahit ano’ng isyu o kaguluhan dahil gusto nila ng tahimik na buhay. Kaya sadyang iniiwasan nila ang gulo, pakikipagdebate o pagtatalo na wala namang katuturan.


Samantala, ang isa sa pinakamagandang katangian ng Kuneho ay kapag binigyan mo siya ng gawain na dapat tapusin sa takdang araw o oras, siya ay sobrang dedikado at masunurin sa gawaing ibinibigay sa kanya ng mga nakatataas. Kaya naman ang Kuneho ay maituturing na isa sa pinakamagaling na empleyado, sundalo o subordinate.


Ngunit saan ba nanggagaling ang pinakamagaling na leader at manager? Siyempre, sa mga tauhan na natutong sumunod at nagsimula sa mabababang ranggo. Ganundin ang kadalasang nagiging buhay at kapalaran ng Kuneho. Magsisimula siya sa rank-and-file na posisyon at magtitiis, ngunit matapos ang ilang taon, mabilis siyang aasenso, magiging supervisor at manager at sa bandang huli, dahil likas na suwerte, yumayaman at nagiging may-ari ng napakalaking kumpanya nang hindi naman nila sinasadya.


Samantala, dahil sa pagiging likas na malalim, minsan ay napakahirap arukin at unawain ng ugali ng Kuneho, maaaring dahil ito sa impluwensiya ng magarang planetang Neptune na palaging kumukubabaw sa kanilang buhay. Kung saan minsan, kahit ang sarili nila ay hindi rin maunawaan ang tunay na udyok, motibasyon at gusto sa buhay.


Sinasabing kapag ang Kuneho ay natutong mag-concentrate sa iisang larangan o bagay, mas madali siyang magtatagumpay at magiging maligaya.


Kadalasan kasi, ang Kuneho ay hindi alam kung ano ang gusto at kahit kaharap na niya ang gusto niyang bagay o gawain, nagiging malikot at magulo pa rin ang kanyang isip, kaya hindi siya mapakali o napipirmi sa iisang gawain.


Ngunit kung alam ng Kuneho na sa gawaing paglalakbay, malapit sa nature, may kaugnayan sa malalim na appreciation ng arts o sining siya napadpad, dapat alam niya na sa mga gawaing ‘yun siya sobrang magtatagumpay at magiging maligaya, kaya hindi na siya dapat umalis sa nasabing mga larangan.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 20, 2022



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at kapalaran ng animal sign na Water Tiger sa taong ito ng 2022.


Kung ikaw ay isinilang sa taong 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Tiger.


Ngayong 2022, aangat nang husto ang iyong enerhiya at kasiglahan. Kasabay nito, masasagupa mo ang iba’t ibang masalimuot na pagbabago at pangyayari, kung saan sa panahong ito, masusubok ang iyong galing sa pagdedesisyon. Kung tama ang iyong mga pagpapasya, ang mga suliranin at problemang darating ay tiyak na maiko-convert mo sa positibong kaganapan.


Gayunman, alalahanin mong anumang kaganapan ang mangyari, ‘wag kang magsayadong magpapa-stress at magpapa-pressure sa mga pangyayari. Sapagkat kung mabibigla ka ng pasya, ang mga suwerte at magagandang kapalarang hawak mo na sana ngayong taon ay maaaring biglang makawala at umalpas nang tuluyan sa iyong mga kamay.


Sinasabing sa first quarter ng taon, maraming mga pagsubok at manaka-nakang suliranin at pagkabagabag ang iyong mararanasan. Bagama’t may mga bagong proyekto at oportunidad na darating, kasabay nito ang mga panibagong responsibilidad na magpapairita sa iyong karanasan.


Mas mainam na mag-relaks-relaks ka sa panahong ito kaysa sumuong sa malalaking venture na maaaring magdulot ng problemang pangkalusugan.


Sa second quarter ng taon, unti-unti nang huhupa ang mga negaibong pangyayari, kung saan kusang aangat ang iyong kita, gaganda ang aspetong career at maraming oportunindad na pangmateryal na bagay ang mabubuksan. Ito ang panahong dapat mong itago ang malalaking halaga ng salapi na biglang darating upang hindi masayang o maubos sa walang kabuluhang paggastos. Sa panahon ding ito, unti-unting ngingiti ang panibagong pag-ibig at masayang pakikipagrelasyon.


Habang sa ikatlo hanggang sa last quarter ng taon, magkahalong suwerte at saya ang iyong mararanasan na may sundot ng manaka-nakang pagbabago na magdudulot ng kakaibang suliranin, ngunit sa bandang huli ay may malaking surpresa ng pagkakakitaan at biglang pagdoble ng kabuhayan ang magaganap.


Sa business, career at pangangalakal, bagama’t aangat nang bahagya ang iyong kinikita sa aspetong pangkabuhayan ngayong 2022, hindi naman pinapayagan ang Tigre na mag-invest ng malalaking halaga dahil may babala na ma-scam o maloko sila. Kaya naman kung susubukang magnegosyo o mangalakal, iwasan mong maglabas ng malaking puhunan, sa halip, piliin mo ang mga investment o negosyong maliit muna ang kailangang puhunan. Sa ganyang paraan, tuluyang maiiwasan ng Tigre ang mawalan ng malaking halaga ng salapi sa taong ito.


Kung sakaling may dumating na biglaang malalaking suwerte at malalaking halaga ng salapi na hindi inaasahan sa isang Tigre, mas makabubuting imbes na i-invest ay itabi o ipunin na lamang niya ito at gawing savings para sa future.


Sa pag-ibig, kung ikaw ay wala pang asawa o karelasyon o kaya’y kabilang ka sa mga Tigre na hiwalay sa asawa at iniwan ng minamahal, ngayong 2022, malaki ang tsansa na makatagpo ka ng bago at mas masayang pag-ibig, lalo na kung kakalimutan mo nang lubusan ang mga taong nanggulo lang noong nakaraang taon sa maayos na takbo ng iyong buhay at pagkatapos ay nawala rin naman sila. Kaya sa taong ito na sarili mo ring taon, maging positibo ka lamang sa pananaw at kaisipan, at palaging tumingin sa magagandang bahagi ng iyong buhay, tunay na darating ang mga surpresa at masasayang romansa sa iyong harapan, na tiyak namang maghahatid ng maligaya at nakakikilig na pag-ibig sa buong 2022.


Samantala, yellow, black, blue at green ang mga buwenas na kulay, habang ang suwerte namang mga numero ay 1, 6, 10, 11, 19, 28, 34, at 45, higit lalo sa mga araw ng Sabado at Linggo. Sa buong 2022, likas at sadyang magiging mapalad ang Tigre mula sa ika-19 ng Enero hanggang sa ika-28 ng Pebrero, mula sa ika-19 ng Mayo hanggang sa ika-29 ng Hunyo at mula sa ika-19 ng Setyembre hanggang sa ika-19 ng Nobyembre.


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page