top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 03, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, ang tatalakayin natin ay ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dragon.


Kung ikaw ay isinilang noong 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000 at 2012, ikaw ay mapabibilang sa animal sign Dragon.


Ang Dragon ay siya ring Aries sa Western Astrology na may ruling planet na Mars.


Sinasabing higit na agresibo at tagumpay sa buhay ang mga Dragon na ipinanganak nang tag-araw at tag-sibol kaysa sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-lamig o tag-ulan.


Likas na mapalad ang mga Dragon tuwing sasapit ang alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, higit lalo sa direksiyong silangan at timog-silangan (east at southeast).


Pinaniniwalaang ang mga nasa ilalim ng animal sign na Dragon ay may nakatakda nang kapalaran, kung saan sila ay susuwertehin at magtatagumpay sa buhay. Ngunit kahit ganito ang nakatakda sa kanila, kadalasan ay hindi naman nila madaling nakakamit ang magandang kapalarang inilaan sa kanila. Sa halip, bago magtagumpay at lumigaya, tila idinadaan muna sila ng langit sa maraming pagsubok at pakikihamok. Kaya naman kung sino ang pinakamatatag at laging bumabangon na Dragon sa panahon ng kanilang pagkadapa, sila ang itinatalang pinakamayaman, pinakamaunlad at pinakamatagumpay.


Ang pagiging malakas, mapag-isa, matatag, may lihim na takot, palaging nakatingin sa sarili at masyadong pinahahalagahan ang kanilang pride o ego, ay ilan lamang sa mga pangunahing ugali ng Dragon.


Bagama’t minsan ay natatakot, madalas na buo ang kanilang loob at may busilak na pagkatao, kung saan hindi mo sila kakikitaan ng pagkukuwari at kaplastikan. At dahil sila ay totoo, sila ay nakapagpapatuloy nang walang anumang hadlang sa kanilang mga ambisyon at balakin sa buhay.


Sa pakikisalamuha sa kapwa, madali nilang nakikilala at nakikilatis ang kanilang mga kasama na may masamang motibo o binabalak sa kanila. Kaya naman kung nagbabalak kang lokohin o utakan ang isang Dragon, malabong mangyari ito dahil alam niya ang iyong motibo o binabalak sa kanya bago mo pa gawin ito. Ganu’n kagaling at katalas ang intuition o pandama ng isang Dragon, na kung gagamitin niya sa pagnenegosyo, career at propesyon, madaling isisilang ang isang matagumpay, maunlad at mayamang Dragon.


Dahil Dragon ang kanyang animal sign, sa Chinese Astrology, mahigpit na pinaniniwalaan na ito rin ang simbolo ng isang Emperor. Take note, hindi lang “Hari” kundi isang “Emperor” at alam mo naman ang pagkakaiba ng dalawang ito. Ang Hari ay may isang kaharian lamang, ngunit ang Emperor ay hari ng maraming bansa, may malawak siyang lugar o kaharian na nasasakupan.


Kung saan, ang pagiging Emperor ay tulad ng nasabi na, “Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon.”


Ganu’n kahusay at kaganda ang kapalaran ng Dragon kung ang kanyang mga positibong katangian ay mapagyayaman niya nang maingat at mahusay.


At dahil ang literal na pakahulugan ay nagiging Emperor o nagiging Hari silang mga isinilang sa Year of the Dragon, sa China, maraming mag-asawa na gumagawa ng baby sa panahon ng Year of Rabbit upang matiyak na ang sanggol ay eksaktong isisilang sa Year of the Dragon.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | February 1, 2022



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong 2022.


Kung ikaw ay isinilang noong 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999 at 2011, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rabbit.\May tatlong mahahalagang kaganapan na posibleng mangyari ngayong 2022 sa animal sign na Rabbit o Kuneho at ito ay ang mga sumusunod: Kung binata o dalaga, malaki ang tsansa na ngayong Year of the Water Tiger, ikaw ay makapag-aasawa at habambuhay na magiging maligaya. Kung ang Rabbit naman ay may asawa na ngunit wala pang anak, siya ay magkakaroon ng maganda at matalinong babaeng anak. Pangatlo, ang Kuneho ay maaaring makabili ng house and lot. Kung may sarili nang bahay, maaaring ma-extend o mapalakihan ang nasabing bahay, makakabili ng magara at mamahaling sasakyan, kikita siya ng malaking halaga ng salapi sa pamamagitan ng komisyon o mga gawaing hindi gaanong pinaghirapan.


Sa aspetong career at kabuhayan, tuluy-tuloy ding sisigla at aangat ang aspetong propesyon o career ng Kuneho, kaya asahan na ang pagtaas ng kita o promosyon sa trabaho.


Gayunman, dahil likas na maganda ang kapalaran ng Kuneho ngayong 2022, hindi naman niya dapat madaliin ang lahat ng bagay, lalo na sa salapi at pagpapayaman. Sa halip, dapat ay nakaplano at hindi dapat maging excited ang kanyang damdamin. Dahil ang dapat niyang isaisip, kung talagang para sa kanya ang isang bagay, hindi naman sa hindi na siya dapat kumilos o magsikap. Sa halip, ang tamang attitude ay kung talagang para sa iyo ang magagandang kapalaran, kaunting kilos lang at isa-isang malalaglag sa sanga ng tadhana ang lahat ng magagandang bunga ng iyong mga pangarap. Kaya tulad ng paulit-ulit na nasabi na, hindi dapat manggiggil o magmadali na makuha ang isang bagay dahil ipagkakaloob sa iyo ‘yan ng langit sa takdang panahon.


Sa pag-ibig, magiging mapalad ang Kuneho. At tulad ng nabanggit, kung ikaw ay binata o dalaga, maaaring ngayon mo na makilala ang taong inilaan sa iyo ng kapalaran. Ang ikinaganda pa nito, siya ay hindi basta-basta, bagkus, ang taong ito ay maaaring manager, supervisor o professional o sadyang may sinasabi sa lipunang kanyang ginagalawan. Kapag nakilala at naging kaibigan mo siya, isa lang ang dapat mong gawin – huwag mo siyang pakawalan dahil siya na ang nilalang na ibinigay sa iyo ng langit upang makasama mo habambuhay.


Ang isa pang maaaring mangyari sa iyong love life ngayong taon, magkakatagpo kayo sa pamamagitan ng long distance relationship (LDR) o blind date. Kung ganyan ang sitwasyon o pangyayari, ito ay malinaw na palatandaan na maaaring ang lalaki o babaeng ito ang iyong makakatuluyan at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.


Mapalad naman ang kulay na blue, green, grey at black, habang mananatiling suwerte ang numerong 2, 17, 26, 34, 43 at 52, higit lalo sa araw ng Lunes, Huwebes at Linggo. Sa buong taong ito, likas at sadyang magiging buwenas ang Kuneho mula sa ika-19 ng Pebrero hanggang sa ika-28 ng Marso, mula sa ika-19 ng Hunyo hanggang sa ika-28 ng Hulyo at mula sa ika-19 ng Oktubre hanggang sa ika-28 ng Disyembre.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | January 29, 2022



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Rabbit o Kuneho ngayong 2022.


Kung ikaw ay isinilang noong 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999 at 2011, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rabbit.


Sa aspetong damdamin at pakikipagrelasyon, sinasabing ang Kuneho ay isa sa pinaka-sensual at romantiko sa 12 Chinese animal signs. Gayunman, dahil sobrang maingat, bago pumasok sa isang relasyon, pinag-iisipang mabuti ng Kuneho ang isang babae o lalaking kanyang mamahalin, kung siya ba ay makapagbibigay sa kanya ng dagdag na comfort, peace of mind at payapang pamumuhay. Ayaw kasi niyang magkamali ng desisyon o pagpili kung saan hindi mapahahalagahan ang kanyang pagmamahal sa katahimikan, kalikasan, sa mapayapa, pribado at kalmanteng pamumuhay, na siya namang mga bagay na pangunahing pinahahalagahan ng mga Kuneho.


Bagama’t madalas na nagpapabagu-bago ng damdamin, ang talagang iniiwasan ng Kuneho ay ang masuong sa magulo at kumplikadong relasyon. Kaya tulad ng nasabi na, dahil sa pagiging sobrang maingat sa pagpili ng mamahalin, kadalasan ay matatagpuan ang Kuneho na matagal bago makapag-asawa o magkaroon ng seryosong commitment, kaya natatagpuan silang tumatandang binata o dalaga.


Minsan, akala ng iba ay palaging umiiwas ang Kuneho, pero ang totoo, sinisigurado niya na ang pagpili ng babae o lalaking mamahalin, kaya medyo mailap siya sa pakikipag-ugnayan o pakikipagkaibigan sa kanyang opposite sex.


Sinasabi rin na ang isang Kuneho ay palaging umiiwas sa pakikisalamuha sa kapwa at ayaw na ayaw niyang nakikipagtalo. Kaya minsan ay napagbibintangan siyang mahiyain, boring kausap at walang kabuhay-buhay. Pero hindi naman ganu’n, sa halip, kapag nahulog ang loob niya sa isang tao, makikitang magiging madaldal at palakuwento ang Kuneho at magagawa na niyang ikuwento at ibunyag ang lahat ng kanyang mga inhibitions, pangarap at ang lahat ng pantasya niya sa buhay sa kanyang napagkatiwalaang kausap.


Bagama’t likas na malapit sa kanyang pamilya, kapag nasa bahay, tahimik lang ang isang Kuneho at parang walang pakialam sa mundo, pero sa totoo lang, ang Kuneho ay sobrang matulungin at mapagmahal sa kanyang pamilya. Kaya naman kapag nakapag-asawa at nagkaroon ng sariling pamilya, tinitiyak ng Kuneho na magiging areglado ang lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya bago siya umupo sa sala na nakataas ang dalawang paa, kumukuya-kuyakoy habang nagbabasa ng dyaryong BULGAR.


Samantala, dahil mas umaandar ang kanyang guni-guni at pangarap kaysa aktuwalidad, minsan ay hindi niya rin naibibigay ang lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya, na lihim niyang ikinalulungkot, kaya naman patuloy siyang nagsisikap at nagpupursigeng paunlarin ang career, business o anumang bagay na kanyang pinagkakakitaan.


Bukod sa masarap na kaibigan at mabuting miyembro ng pamilya, ang Kuneho ay kilala rin bilang romantiko at mapagmahal na asawa, higit lalo kung hindi mo gaanong pinapakialaman ang kanyang privacy. Ang pinakamahalaga sa lahat para sa Kuneho ay pakinggan mo ang lahat ng kanyang ikinukuwento. At kahit malayo ang mga ito sa katotohanan, tiyak na magkakasundo kayo, magsasama nang matagal at habambuhay na magiging maligaya.


Ka-compatible naman ng Kuneho ang isang Sheep o Tupa na tinatawag ding Kambing dahil kapwa sila nagmamahal sa isang tahimik, kampante, masarap at maligayang buhay. Nagiging productive, maligaya at masagana rin ang pagsasama ng Kuneho at ng Aso, ganundin ng Kuneho at Baboy o Boar. Habang ang pagsasama ng Kuneho at Ahas ay itinuturing ding compatible at magiging maligaya.


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page