top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 15, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas.


Kung ikaw ay isinilang noong 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001 at 2013, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Snake o Ahas.


Sinasabing bukod sa taglay na katalinuhan, ang Ahas ay nagtataglay din ng malalim na pang-unawa sa mundo, kaya naman kahit may suliranin ay hindi sila gaanong naaapektuhan dahil nakikita nila ang mga dahilan sa kabila ng aktuwal na mga pangyayari.


Sa ganu’ng paraan, malalim mag-isip at nagtataglay ng malalim na pagkatao at pang-unawa, mas madaling nakakamit ng Ahas ang inner peace of mind sa panahong lubhang nababagabag ang mga tao sa mundo. Dahil tulad ng nasabi, iba ang tingin nila sa mga nagaganap kaysa sa tingin ng mga pangkaraniwang tao.


Dagdag pa rito, sinasabi ring may kakaibang leadership ability ang Ahas, kung saan kaya niyang gumawa ng isang sitwasyon na napaliligiran siya ng maraming mahuhusay at magagaling na tao.


At habang napaliligiran siya ng mahuhusay na tao, madali niyang nagagawa na siya ang taga-isip at taga-utos sa mga pangyayaring nangangailangan ng magmamando. Sa ganitong paraan, naipamamalas ng Ahas ang kakaibang husay niya sa pamumuno, mas madaling umuunlad at nagtatagumpay ang anumang samahan o organisasyon na kanyang pinamumunuan.


Kadalasan, makikitang buo rin ang loob ng Ahas sa anumang pagharap sa mga problema at suliranin at tinitiyak niya na sa anumang pakikihamok o labanan, ang mga kapanalig, nasasakupan at mga mahal niya sa buhay ang siguradong wagi, magtatagumpay at makikinabang.


Bukod sa pagiging mahusay na leader, ang ahas ay may taglay ding malalim na espirituwalidad, kaya naman maraming Ahas ang nagiging very religious o humahantong sa mistisismo at iba pang mga kakaibang ritwal na panrelihiyon.


Sinasabing bagay na bagay sa isang Ahas ang mga propesyon na may kaugnayan sa pulitika, artist o manlilikha, kung saan nai-express nila ang kanilang malalim na pagkilatis sa iba’t ibang uri ng likhang sining. Du’n naman naipamamalas niya ang kanyang pagiging malikhain ay tunay ngang nagtatagumpay at nagiging maligaya ang Ahas. Dagdag pa rito, tugma at bagay din sa Ahas ang pagiging religious leader o organizer. May tendency na kung magtatayo ng sariling kulto, paniniwala o relihiyon ang Ahas, tiyak na ang nasabing kongregasyon ay magkakaroon ng napakaraming miyembro o disipolo, hanggang ito ay mapabantog at sumikat nang sumikat sa iba’t ibang panig ng mundo.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 12, 2022



Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali at ang magiging kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas.


Kung ikaw ay isinilang noong 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001 at 2013, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Snake o Ahas.


Ang Ahas o Snake ay siya ring Taurus sa Western Astrology, na may ruling planet na Venus.


Sinasabing higit na makamandag at agresibo ang mga Ahas na ipinanganak sa tag-araw at tag-sibol kaysa sa kapatid niyang Ahas na tutulog-tulog na isinilang naman sa panahon ng tag-lamig o tag-ulan.


Likas na mapalad ang Ahas tuwing sasapit ang alas-9:00 hanggang alas-11:00 ng umaga, higit lalo sa direksiyong timog at timog-silangan (south at southeast).


Kilala sa pagiging mapang-akit, tuso at may itinatagong kakaibang talino at taglay na mataas na karunungang wala sa ibang animal sign ang isang Ahas.


Bagama’t may praktikalidad at materyoso, kilala rin ang Ahas sa pagiging relihiyoso at kung hindi masasawata, magiging panatiko sa isang relihiyon o sobrang malululong sa pag-aaral at pagsasaliksik ng mga kakaibang karunungang lihim at mistisismo.


Sa kabila nito na may pagkarelihiyoso, higit din nilang binibigyang-prayoridad ang pagpapasarap ng katawan, saya at lahat ng gawaing sensuwal. Kaya naman ang Ahas ay itinuturing ding masarap kasama at magmahal dahil ini-express niya talaga nang todo ang lahat ng kasarapan at ikaliligayang pangkatawan.


Kilala ang Ahas sa pagiging masarap kumain, nangangarap ng magara at napakagandang bahay.


Mahilig din siya sa mamahalin at branded na kasuotan, nagpupundar ng magagara at mamahaling alahas. Basta lahat ng maganda, masarap, makulay at malasa, magara at kahanga-hanga at nakakahalina sa mga mata at five senses ay talaga namang kinahuhumalingan ng Ahas.


Dahil sa mga katangiang nabanggit, hindi naman binibigo ng langit ang kanilang layaw na pangkatawan dahil ang nasa itaas mismo ang nagbibigay sa kanila ng masuwerteng buhay sa larangan ng materyal na bagay upang matustusan nila ang kanilang mga gustong pagpapasarap sa buhay.


Kumbaga, likas na pinagpapala ang Ahas sa larangan ng career, negosyo at mga gawaing pagkakaperahan upang ma-satisfy nila ang kanilang mga luho at pagpapasarap sa buhay.


Dahil dito, siya ay maaaring malulong sa sugal, alak at lahat ng uri ng bisyo, na dapat iwasan upang hindi maubos ang kanilang kabuhayan at upang tuloy-tuloy na mapanuto, manatiling buo, maging matagumpay at maging maligaya ang itatayo nilang pamilya.


Dagdag pa rito, dahil matalas ang isip at likas na matalino ang Ahas, malayo pa lang ang panganib ay nasasagap at naiiwasan na nila ito, higit lalo kung halimbawang may mga taong may masamang motibo o binabalak sa kanila. Tunay ngang madali nila itong nakikilala, kaya sa anumang uri ng panganib na may kaugnayan sa panloloko, kahit na utakan at lamangan mo ang Ahas, hindi mo siya maiisahan dahil higit siyang matalino at tuso kaysa sa mga dalubhasang manloloko sa buong mundo.


Dagdag pa rito, bagama’t maraming lihim sa buhay na ayaw ikuwento sa iba, kapansin-pansin naman ang kakaibang misteryosong ganda ng Ahas. Kaya kapag pumasok na siya sa isang silid, hindi maitatangging ang lahat ng nakakita sa kanya ay lihim na humahanga at nahahalina sa taglay niyang kakaibang personalidad.


Dahil dito, ang Snake ay itinuturing ding isa sa may pinakamalakas na karisma, sex appeal o pang-akit na wala sa ibang animal signs. At dahil sa kakaibang karisma at pang-akit na ito, ang mga Ahas din ang pinagkakalooban ng langit ng masasalimuot at kakaibang pakikipagrelasyon at makukulay na pag-ibig, na kung hindi nila ito iiwasan, ang mga kakaibang relasyon ding ito ang maaaring magpahamak sa kanila.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | Febuary 10, 2022



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dragon ngayong 2022.


Kung ikaw ay isinilang noong 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000 at 2012, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Dragon.


Higit na magiging maganda ang takbo ng career ng Dragon ngayong Year of the Water Tiger, ganundin sa larangan ng business o pangangalakal. Kung noong nakaraang taon ay medyo hindi masyadong maganda ang kinita, ngayong 2022, tiyak na aangat ang graph ng pag-unlad sa larangan ng pagkakaperahan at kabuhayan.


Kung ikaw ay negosyante, umasa kang maraming oportunidad ng bagong pagkakakitaan ang mabubuksan. Kung ang Dragon ay isa namang tipikal na empleyado, maaari ring tumaas ang posisyon o suweldo sa kumpanyang pinaglilingkuran. Mag-ingat lamang sa mga taong lihim na naiinggit sa iyo at nais kang pabagsakin dahil gagawa sila ng paraan upang mapurnada ang maganda mong kapalaran. Kapag nakikita nilang namumunga nang hitik at maganda ang punong-kahoy, tiyak na ito ay pupukulin nila hanggang sa maglaglagan ang mga bunga. Hindi mo naman sila dapat pansinin dahil ngayong 2022, poproteksiyunan ka ng langit. At dahil ang nasa itaas mismo ang nagpoprotekta sa iyo, ang mga taong pumupula at naiinggit sa iyo ang mapapahamak.


Dagdag pa rito, ngayong Year of the Water Tiger, marami ring papasok na kakaibang ideya, pangarap o mga gustong gawin sa buong taon. Ibig sabihin, magiging masigla ka o mataas ang iyong energy, at dahil dito, hindi naman ito dapat masayang sa mga walang direksiyong gawain.


Sa halip, tandaan mo na anuman ang puntahan ng iyong lakas at panahon, kailangang sa taong ito ng 2022, siguraduhin mong ito ay nakatuon sa iisang layunin lamang. Ibig sabihin, ang lahat ng gawain mo ay dapat nakatuon sa pagkakaperahan o pagtaas ng iyong ipon o kita. Kumbaga, anuman ang ginagawa mo, kailangang madagdagan ang iyong kinikita, pero hindi sinasabing dagdagan mo rin ang iyong gastusin, sa halip, ang dapat mong dagdagan ay ang ipon. Sa ganyang paraan, ang taon ng Tigre ay ang tanging pagkakataon mo sa buhay na madodoble ang iyong kabuhayan hanggang ikaw ay tuluyan nang yumaman.


Samantala, sa pag-ibig, kung ikaw ay dalaga o binata, bagama’t maraming makukulay na relasyon ang darating, ito ay hindi magiging seryoso, sa halip, ito ay pansamantala lamang.


Kumbaga, ang mga relasyong mararanasan mo ngayong 2022 ay pampalipas-oras lamang at pampawala ng stress. Kaya kung may bago ka mang makilala o magkaroon ka man ng love interest sa taong ito ng Water Tiger, hindi mo ito dapat seryosohin. Ang dapat mong maging attitude ay ganito, “Dumating siya nang bigla, hayaan mo rin siyang mawala nang kusa.”


Habang ikaw naman ay hindi nawalan dahil batid mo na sa umpisa pa lang ng taon, ang prayoridad mo ay ang mga bagay na pagkakaperahan. Tutal sa susunod na taon ng Kuneho (2023), tiyak namang may darating sa iyong bagong pakikipagrelasyon at higit na masayang pag-ibig na hahantong sa panghabambuhay na pag-aasawa ang dapat mong paghandaan ngayon.



Samantala, mapalad na kulay ang yellow at green, puwede ring gamitin ang black at red, habang mananatili namang suwerte ang mga numerong 1, 6 at 9, at bukod sa nasabing numero, mapalad din ang 3, 18, 27, 33, 36 at 45, higit lalo sa araw ng Martes, Huwebes at Linggo. Sa buong 2022, likas na lalakas ang kapangyarihan at panghatak mo ng buwenas mula sa ika-18 ng Marso hanggang ika-27 ng Abril, mula sa ika-18 ng Hulyo hanggang sa ika-27 ng Agosto at mula sa ika-18 ng Nobyembre hanggang sa ika-27 ng Disyembre.


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page