top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 7, 2022


Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali, katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Tiger.


Kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.


Dahil mahilig mamintas at pumula sa mga kahinaan at pagkakamali ng kanilang kapwa, kadalasan, hindi masaya ang Tandang na makisalamuha sa mga kaibigan o lipunang kanilang ginagalawan dahil mas nauuna nilang makita ang pagkakamali ng kanilang kapwa kaysa sa mga tama nitong nagawa.


Dahil dito, minsan ay nagiging mailap ang Tandang sa kanyang mga kaibigan at kasamahan. Isang halimbawa nito ay sa trabaho o saanmang institusyon siya kabilang. Gusto man niya o hindi, ‘ika nga ay aloof at may pagka-loner ang Tandang, at minsan ay ‘yun pa rin ang nangyayari sa panahong siya ay nakikisalamuha sa lipunan.


Ang nakatutuwa pa sa Tandang, bagama’t aloof at loner siya, patuloy niyang iniisip na siya ay matalino, magaling at sikat, kaya kapag may pinapapurihan o pinaparangalan, halimbawa sa katalinuhan, habang nasa isang sulok at ‘yung pinaparangalan ay umaakyat na sa stage, bumubulong-bulong ang Tandang sa kanyang sarili at sasabihing, “Paano kaya naparangalan si Mr. Egoy, eh samantalang mas magaling pa ako r’yan?”


Ganu’n lagi ang attitude ng Tandang sa halos lahat ng larangan ng buhay. Palagi niyang naiisip na mas magaling siya sa kanyang kapwa at akala naman niya ay totoong-totoo ito.


Samantala, kapag naman siya ang mapaparangalan o bibigyan ng recognition, ang nasa isip niya naman ay, “Kulang pa ang karangalang ito sa sobrang galing at kakayahan ko.”


Ganu’n kayabang ang Tandang, pero hindi niya ito ipinagsasabi at ipinahahalata dahil hindi naman siya maboka o makuwento dahil likas siyang aloof at inis sa lipunang kanyang ginagalawan.


At dahil sa ugali niyang ito, hindi nahahalata na sa loob ng natatago niyang katawan o unconscious self (na siya lang talaga ang nakakaalam at minsan ay hindi niya pa ito alam), talaga namang ang mga Tandang, bukod sa sobrang bilib sa kanyang kakayahan ay sobrang yabang at akala mo ngang magaling na magaling siya sa lahat ng kanyang kakilala.


Dagdag pa rito, isinilang ang mga Tandang upang ayusin ang lahat ng bagay. Kaya kapag may problema sa opisina o may mga pagtatalo sa umpukang kanyang kinabibilangan, walang duda, isang tao lamang ang may kakayahang makaayos ng lahat ng gulong ito at ito ay walang iba kundi ang Tandang. Tunay ngang ang isa sa natatagong galing at husay niya ay ayusin ang lahat ng gusot at gulo sa mahusay, mabilis at mahusay na paraan.

Dahil magaling siyang mag-ayos at mag-manage, puwedeng-puwede sa kanya na maging supervisor o manager, kung saan nagagawa niyang pakilusin at pagalingin ang mga taong kanyang nasasakupan.


At ‘yun naman talaga ang nangyayari kung ikaw ay may boss o guro na Tandang, siguradong ikaw ay magiging mahusay na empleyado at estudyante dahil sobrang mapalad ka dahil ang nangangasiwa at nagtuturo sa iyo ay napakayabang, ngunit napakahusay ding Tandang.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 5, 2022


Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at ang magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Tiger.


Kung ikaw ay isinilang noong 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005 at 2017, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Rooster o Tandang.


Pinaniniwalaang ang Year of the Rooster ay pinaghaharian din ng impluwensiya ng planetang Mercury sa Western Astrology at ang Year of the Rooster ay siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Virgo.


Sinasabing ayaw ng mga Tandang ang hindi organisado at may magulong buhay, kaya pinipilit nilang maging maayos ang lahat. Bukod sa pagiging maayos, gustong-gusto rin ng mga Tandang na nakaplano ang lahat ng bagay at matapos planuhin, sinisikap niya na masunod ang anumang plano sa kanyang mga pangunahing gawain at ambisyon sa buhay.


Dagdag pa rito, inaakala rin ng Tandang na siya ay napakahusay sa pamamahala at kung siya lang ang tatanungin, nais niyang sumunod sa kanya ang lahat ng kanyang nasasakupan dahil para sa kanya, batid niyang mapaghusay ang buhay o pangyayari sa sandaling siya ang namahala.


Habang namamahala o kahit hindi, sa halip ay nanonood at tumitingin-tingin lang, madaling nakakapansin ang Tandang ng mga simpleng pagkakamali at kapangitan. Sa sandaling napansin niya, tiyak na ito ay ipagkakalat niya agad dahil para sa kanya, bawal magkamali at ang lahat ay dapat perpektong nasa ayos.


Dahil sa pagiging sobrang kritiko at pintasero, hindi rin niya namamalayan, naaasar at nilalayuan na siya ng kanyang mga kaibigan dahil lumalabas na akala mong napakagaling ng Tandang kahit sa totoo lang ay hindi naman.


Pakiramdam kasi ng Tandang, siya ang matalino at magaling. Ang kaso lamang, tuwing ipapakita o ipapadama niya ang pagiging matalino at magaling niya, hindi sinasadyang pinapalutang niya ang pagkakamali, kapangitan at kahinaan ng mga taong nakapaligid sa kanya.


Hindi lang palapintas at perpeksiyunista ang pangunahing ugali ng Tandang, dagdag pa rito, mahilig din siyang makipagdebate at makipagtalo. Habang siya ay nagpapaliwanag, tunay ngang magaling siya, kaya halos lahat ay napapabilib niya.


Ang problema lamang, kapag may nakadebate na, asahan mo na ang Tandang, kahit mali ay hindi siya aamin, sa halip ay maghahanap siya ng palusot upang hindi mo mapangalandakan ang kanyang pagkakamali.


At dahil perpeksiyonistang nilalang ang Tandang, ayaw niyang makakakita ng pagkakamali at ayaw niya ring nagkakamali siya.


Subalit kapag obvious o lantad na nagkamali siya at napansin niyang ganu’n ang nangyari, tulad ng nasabi na, tatawanan niya lang ito, pero tiyak na hinding-hindi siya aamin sa pagkakamali.


Kaya kung ikaw ay may karelasyon na Tandang, mas mainam pang iwasan mong makipagtalo o makipagdebate sa kanya dahil tiyak na hindi ka mananalo sa pilosopo at mahilig magpalusot kahit sukol na sukol na Tandang.


Kung ikaw naman ay nagkataong nakapag-asawa ng Tandang, kailangang maging handa kang makinig sa mga katwiran niya at habaan mo ang iyong pasensiya upang lalo pang lumawig at lumigaya ang inyong pagmamahalan habambuhay.


Dagdag pa rito, ang isa pang nakatutuwa sa ugali at buhay ng Tandang, kahit siya ay bigong-bigo o sabihin nating siya ay laos na Tandang, hindi niya ito pinaniniwalaan dahil tulad ng nasabi na, kahit siya ay ilagay ng langit sa sobrang baba na kalagayan, iisipin pa rin niya na siya ay nasa ibabaw ng bundok o mataas na paltok, na masaya, may angas at mayabang na tumitilaok.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 2, 2022


Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin naman natin ang pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy.


Kung ikaw ay isinilang noong 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Monkey o Unggoy.


Sa taong ito, magkakaroon ng masalimuot na kapalaran ang mga Unggoy, kung saan magkahalong suwerte at hindi gaanong kagandahang pangyayari ang magaganap.


Sa career o propesyon at maging sa aspetong pagkakaperahan, tinatayang parang lagay ng panahon, pababago-bago – gaganda ang pagpasok ng pera, ngunit muling tutumal ang benta. Kaya dapat kapag nakikita mong mabili ang iyong kalakal o tumataas ang iyong income o pasok ng pera, sabayan mo ng pag-iipon dahil tiyak na ang kasunod ng maganda at mabungang income o kabuhayan ay tag-alat o malas naman. At dahil alam mo ang “season” o panahon sa iyong buhay na kapag masagana ang ani ay nakapag-iimpok o nakapagtatabi ka, pagdating ng kahirapan ay hindi ka gaanong maaapektuhan dahil tulad ng nasabi na, ang tag-alat ay matagal mo nang napaghandaan.


Ganu’n nang ganu’n ang mangyayari sa buong 2022, hindi lang sa career at aspetong pangkabuhayan kundi maging sa aspetong pag-ibig at pandamdamin. Sa mga mangingibig, magkakaroon ng tampuhan o hindi pagkakaunawaan, ngunit pagkatapos nito, muling iinit at magiging masarap ang pagmamahalan. Ngunit habang nagiging masarap ang pagmamahalan, hindi ka dapat makampante dahil maaaring bukas-makalawa, ang kasunod naman nito ay manaka-nakang tampuhan na mauuwi sa pag-aaway. Pero matalino ka dahil alam mong matapos magkaroon ng tampuhan, magpasensiya, magtiis at maghintay ka lang dahil pagkatapos ng mga negatibong mga pangyayari, muling sasaya at magiging maligaya ang relasyon sa buong taon.


At siyempre, sa panahon ng pagsubok na talaga namang mangyayari sa mga Unggoy ngayong 2022, tulad ng nasabi at naipaliwanag na, dapat magpakatatag ang mga Unggoy dahil pagkatapos naman ng mga pagsubok, isang maganda at mapalad na kapalaran ang magiging kasunod.


Kasabay nito, kakaiba at maraming surpresa ang magaganap sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre, kung saan sa panahong ito, tuluyan nang mahahawi ang mga problema at ulap ng alinlangan at negatibong kaisipan. Kaya sa huling hati o last quarter ng 2022, tiyak ang magaganap— higit na magiging maunlad at maligaya ang kabuhayan at pakikipagrelasyon sa buong taong ito ng Water Tiger.


Sa buong 2022, likas namang magiging masuwerte ang Unggoy sa kulay na blue, yellow at orange. Habang mananatili naman sa Unggoy na pampabuwenas ang kumbinasyon ng numerong 1, 19, 22, 28, 31 at 40, ganundin ang 4, 8, 10, 26, 37 at 49, higit lalo sa mga araw ng Lunes at Linggo. Gayundin, kusang iigting ang mabuting kapalaran sa lahat ng aspeto ng buhay mula sa ika-19 ng Marso hanggang sa ika-28 ng Abril, mula sa ika-19 ng Hulyo hanggang sa ika-28 ng Agosto, at mula sa ika-19 ng Nobyembre hanggang sa ika-28 ng Disyembre.


Itutuloy



 
 
RECOMMENDED
bottom of page