top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 21, 2023


Sa pagkakataong ito, tatalakayin naman natin ang katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Snake o Ahas ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.


Ang Snake o Ahas ay silang mga isinilang noong taong 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013, at 2025.


Ang Year of the Snake ay pinaghaharian din ng impluwensiya ng planetang Venus. Habang sa Western Astrology, ang Year of the Snake ay siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Taurus.


Sinasabing higit na makamandag ang Ahas na isinilang sa panahon ng tagsibol at tag-araw, habang ang mga Ahas na isinilang sa panahon ng taglamig at tag-ulan ay iwas, gumagapang palayo at sila rin ang Snake na tinatawag na ‘ahas-tulog’.


Malalim at mahiwaga ang katalinuhan ng Ahas sa kumbinasyon ng pagiging malambing, sensual at masarap magmahal. Kung paanong napaghahalo at napaghihiwalay ng Ahas habang siya ay nakikisalamuha ang pagiging tuso at may malalim na simpatya sa kanyang kapwa, kumplikadong larong-palaisipan na mahirap tuusin ang kasagutan.


Ito rin ang dahilan kaya ang mga Ahas ay may mahiwagang pagkatao at may misteryosong personalidad na mahirap maarok. Ang misteryosong outlook na ito ng Ahas ang lalong nakakaakit sa dati nang taglay na magnetismo ng kanyang personalidad.


Masarap kasama ang Ahas dahil tulad ng nasabi na, siya ay mahiwaga, matalino, mapagmahal, sensual, malambing at mahiwaga. Ang Ahas ay parang laging may lihim sa loob ng kanyang pagkatao at kung bago mo siyang kakilala ay parang nais mong tuklasin ang lihim niyang ito hangggang sa unti-unti kang mabighani at tuluyang mahipnotismo ng taglay niyang karisma at kakaibang pagkatao.


Si Jacob ay isang Snake, consistent honor mula elementary hanggang kolehiyo. Si Jen ay isang Snake, pinakasikat at hinahangaan sa kanilang opisina dahil sa taglay niyang tagong landi, ngunit lantad na tahimik at sobrang kagandahan. Si Madelyn ay isang Snake na nakapag-abroad nang maraming beses at nakipagrelasyon sa kung kani-kaninong kalalakihan. Kung paanong may pitong kulay ang bahaghari, ganundin naging sobrang makulay ang kanyang karanasan sa pag-ibig. Sila ay ilan lamang sa mga ehemplo ng mga taong nananalaytay sa kanilang dugo at kapalaran ang pagiging tipikal na Ahas.


Masasabing hindi sila pangkaraniwan, sapagkat ang pagiging popular, mapang-akit, katalinuhan, at mahiwagang pagkatao ay mga katangiang nangingibabaw at kusang nagdadala sa kanila sa mataas na pedestal ng lipunan.


Dahil dito, sila ay sisikat at hahangaan nang todo sa lipunan na kanilang ginagalawan, kaya dapat ay matuto silang magkaroon ng kongkretong layunin sa buhay upang hindi sila matulad sa kaisa-isang pulang bulaklak sa gitna ng gubat na napaliligiran ng mga berdeng halaman. Ngunit matapos umusbong, bumuka at mamukadkad ang pulang bulaklak na nagsabog ng kanyang bango at kagandahan sa gitna ng kagubatan, ilang araw lang ang lumipas ay nanguluntoy, nalanta, nahulog sa lupa, tinangay ng hangin at nawala na. Nakakapanghinayang kung ganu’n dahil ang dating magandang bulaklak ay tuluyang naglaho at nabura.


Kung ikaw ay Ahas, habang sumisikat o nakikilala ka sa lipunan at habang tumatanggap ka ng maraming papuri at karangalan, dapat ay mayroon kang layunin, gustong gawin at pangarap na kailangan mong abutin. Sa ganu’ng paraan, kapag hindi ka na sikat, kapag matanda ka na o sabihin na nating kapag dumating ang iyong retirement period, kumbaga sa artista ay kapag nalaos ka at kapag hindi ka na makapag-perform sa tanghalan ng buhay, dapat ay nakamit mo na ang malaon mo nang pangarap o ang dulong ambisyon na matagal mong pinlano at hinangad.


Sa ganu’ng paraan, sa panahong naghunos na ang balat ng Ahas dahil sa katandaan, mananatili siyang maligaya at may masarap na buhay dahil sa panahon ng pagtanda, nakuha at ganap na niyang nakamit ang kanyang ‘ultimate goal’.


Ibig sabihin, habang ikaw ay bata, sikat at malakas, dapat may layunin ka. Ang ‘ultimate goal’ na ito ay pilitin mong maabot upang pagdating ng dapit-hapon sa iyong buhay ay wala kang panghihinayangan, sa halip ay magkakaroon ka ng masarap at maligayang pagtanda.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 19, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga pangunahing katangian at kapalaran ng animal sign na Dragon.


Ang Dragon ay silang mga isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012 at 2024.


Kung ikaw ay Dragon na isinilang noong 1964, ngayong 2023, maraming kakaiba at magagarang suwerte na patuloy na darating sa buhay mo mula sa mga taong nakapaligid sa iyo. Ngunit may babala na madadaya ka ng malalapit mong kaibigan, gayundin ang mga bagong kakilala. Kaya naman hindi ka dapat basta magtiwala sa mga taong makakausap mo. Tulad ng nasabi na, bagama’t may mga problemang darating, pabugso-bugso lamang ang mga suliraning ito, pero agad mong malalagpasan at kung titimbangin, mas marami pa rin ang suwerte at magagandang kapalaran na darating sa iyo ngayong Year of the Water Rabbit. Gayunman, pinag-iingat ka naman ng kapalaran sa kasulugan dahil kapag ikaw ay may malusog na pangangatawan, mas ma-e-enjoy mo ang mga suwerte na nakapila at paparating sa buong 2023.


Para sa mga Dragon na isinilang noong 1976, dapat bawasan mo ang iyong ugali na nagdadalawang-isip. Bagama’t itutulak ka ng Year of the Water Rabbit sa pamamahinga at katamaran, hindi mo naman ito dapat kalakalin o kampihan. Sa halip, ang ipinapagawa sa iyo ng langit para tuloy-tuloy na umunlad ang iyong buhay at career ay dapat kang maglakas-loob na umalis sa iyong comfort zone. Kapag nagawa mo ‘yan o nag-iba ka ng landas o mga ginagawa sa buhay, mag-iiba rin ang iyong kapalaran. Kung dating pangit, ito ay tiyak na gaganda at kung dati nang maganda, kapag nag-iba ka ng landas o tinatahak, lalo pa itong gaganda. Tandaan, ang Dragon ay bumubuga lamang ng apoy sa kanyang ilong (hindi kapag natutulog tulad ng kadalasang ginagawa mo ngayon) kung siya ay tatayo sa kanyang kinahihigaan at magagalit. Dapat kang magalit, hindi sa iyong sarili o sa mga taong nasa paligid mo kundi dahil matagal na ang panahong hindi nagbabago ang buhay mo, pero patuloy kang nakukuntento. Oo, dapat kang magalit sa kasalukuyan mong sitwasyon. Baguhin mo ‘yan ngayon at tiyak na magiging maganda ang resulta at magiging masuwerte ka ngayong 2023.


Kung ikaw ay isang Dragon na isinilang noong 1928 at 1988, ikaw ay tingin nang tingin sa iyong paligid at nakikita mo kung paano umuunlad at nagiging maligaya ang iba, pero ang sarili mong buhay ay hindi mo mapaunlad at mapaligaya dahil may kaduwagan ka. Kaya alam mo na ang susi ng tagumpay at magandang kapalaran ngayong 2023 – maging matapang ka! Sabi nga ng palasak na Latin proverb, “Audentes fortuna iuvat”, na nangangahulugang “Fortune favors the brave.” Kaya kung hindi ka magiging matapang, tulad ng dati, walang mangyayari sa iyong kapalaran. Baliktarin mo naman ngayon, magmatapang ka, sumugod ka at huwag kang matakot na gawin ang mga gustong-gusto mong gawin noon. Kapag nagawa mo ‘yan, sa taong ito ng Water Rabbit, papaboran ka ng suwerte at magagandang kapalaran.


Para sa mga Dragon na isinilang noong 1940 at 2000, ikaw ang isa sa mga Dragon na kahit walang gaanong gawing pagsisikap, palagi kang hahandugan ng magagandang kapalaran. “Hahandugan” talaga ang salita dahil para kang may waiter na nagsisilbi sa iyo. Kumbaga, kahit nananahimik ka sa bahay, kakawayan ka ng mga suwerte. Pero ang ikinaganda pa nito, kahit papaano ay nagsisikap ka naman o sabihin na nating ginagawa mo ang dapat mong gawin o kung ano ang inatas o ipinapagawa sa iyo ng kapalaran o langit ay talaga namang ginagawa mo nang natural. Ang nakakatuwa pa nito, bukod sa kahit hindi ka kumilos ay papaboran ka ng magagandang kapalaran, ngunit dahil kumikilos ka nang natural, bibigyan ka pa ng dagdag na suwerte ng langit. Kaya ang magagandang kapalaran ng mga taong nasa paligid mo lang na ayaw kumilos at tatamad-tamad, magugulat ka pa dahil sa iyo pa rin lahat mapupunta ang mga ‘yun ngayong Year of the Water Rabbit.

Kung ikaw ay Dragon na isinilang noong 1952 at 2012, alam mo na dati ka nang magaling, may sinasabi at matalino. Ang kulang na lang sa iyo ngayon ay utakan mo ang kapalaran. Ano ang ibig sabihin nito? Dapat ngayon pa lang ay iprayoridad mo ulit ang iyong buhay. Sa madaling salita, isa-isa mong ihanay, mula sa mahalaga hanggang sa hindi gaanong mahalaga ang dapat mong gawin ngayong Year of the Water Rabbit. Kapag naiprayoridad mo muli ang iyong araw-araw na schedule at lahat ng aktibidad o mga gusto mong gawin at makamit ngayong 2023, mamamangha ka sa magiging resulta dahil sa kapag natapos ang taon at nirebyu mo ang mga isinulat o ipinrayoridad mo sa buong taon, matutuklasan mo na ang lahat ng plano at ambisyon mo ay ipinagkaloob sa iyo ng langit nang may sobra at dagdag pa.


Pero baliktarin mo naman, dahil ikaw ay Dragon na likas na suwerte at minamalas kung minsan dahil ‘yun ang itinakda sa iyo ng tadhana. Tulad ng nabanggit, kapag hindi mo ipinrayoridad ang buhay mo mula ngayong Enero, sa pagtatapos ng taon, isa-isa at patong-patong na kabiguan ang bibilangin mo at maaari ring humina pa ang iyong kalusugan at habang nagaganap ang mga negatibong pangyayaring ito, at ang petsa ay nasa 4th quarter pa lang ng 2023, wala sa loob na masasabi mo sa iyong sarili, “Nakakainis naman, kailan kaya matatapos ang Year of the Water Rabbit na ito?”


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | January 17, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga pangunahing katangian at kapalaran ng animal sign na Dragon.


Ang Dragon ay silang mga isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012 at 2024.


Sa 12 animal signs na naglakbay sa palasyo ni Lord Buddha, sinasabing Dragon ang isa sa mga pinakapopular, kamangha-mangha ang pagkatao at sobrang maraga at malakas ang dating. Tandaan din na ang mga Dragon ay isa sa pinakamapalad at masuwerte sa lahat ng animal signs.


Kaya sa taong ito ng 2023 o Year of the Water Rabbit, walang duda na ang mga taong isinilang sa animal sign na Dragon ay siguradong ngingitian ng maraming suwerte at magagandang kapalaran, lalo na sa pinansyal at pag-ibig.


Kung noong nakaraang taon ay madamot ang kapalaran sa mga Dragon, ngayong 2023, ang magandang kapalaran ay galante at bulto-bultong darating sa mga Dragon. Kung may mga suwerteng kapalaran na dumating sa Dragon noong nakaraang taon, sa taong ito, mas marami pang buwenas at magagandang oportunidad ng pagkakakitaan ang sabay-sabay at hindi matapos-tapos na darating sa kanya.


Kaya ang mga Dragon na iniiwasan ang lipunan noong nakaraang taon at hindi masyadong lumalabas ng bahay ay dapat nang maglalabas ngayong 2023 dahil tulad ng nasabi na, maraming nagkalat na suwerte sa daan at madali lang nilang pupulutin ang mga ito, kung saan matagal nang inilaan sa kanila nang langit.


Tunay nga na kung noong nakaraang taon ay hindi makakilos ang Dragon, ngayong Year of the Water Rabbit o Kuneho, tuloy-tuloy at malaya na niyang maipapatupad ang lahat ng kanyang mga balak at pangarap sa buhay. Gayundin, ang mga pangarap na ito ay madali naman niyang maisasakatuparan bago matapos ang 2023.


Gayunman, hindi lang sa mga proyekto at pangarap magtatagumpay at sisigla ang buhay ng Dragon ngayong 2023. Bagkus, kung tameme o matamlay at walang kabuhay-buhay ang love life ng Dragon sa nakaraang taon, sa taong ito, sisigla ang romansa at masasarap na karanasan sa pag-ibig ang siguradong malalasahan at matitikman ng naglalaway na Dragon.


Kaya sa pag-ibig, kung medyo hindi masaya noong 2022, ngayong 2023 ay tunay na magiging masaya at romantiko ang mga karanasang panseksuwal at aspetong pag-ibig ang dadating sa isang Dragon. Kung may mga nakaraang pagtatalusira, ang mga nakaraang kabiguan ay magiging simula ng mas masaya at bagong pakikipagkaibigan ngayong 2023, na sigurado namang magbubunga ng ligaya at tagumpay.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, magiging maligaya naman ang karanasan ng Dragon sa taong ito ng 2023. Kaya mainam ding mag-asawa o magpakasal ngayong Year of the Water Rabbit ang mga Dragon, lalo na kung ang kanyang makakaisang-dibdib ay kapwa niya Dragon, Unggoy, Tandang o Daga.


Paborable namang mag-asawa, magpakasal o mag-honeymoon ngayong 2023 ang Dragon, higit lalo kung ang pulot-gata ay isasagawa sa buwan ng Abril, Agosto, Setyembre at Disyembre.


Sa buong taong ito ng Water Rabbit, ang magiging paborableng panahon naman ng Dragon ay mula sa ika-4 ng Abril hanggang sa ika-10 ng Mayo, mula sa ika-1 ng Agosto hanggang sa ika-31 ng Agosto, mula sa ika-1 ng Setyembre hanggang sa ika-28 ng Setyembre at mula sa ika-25 ng Nobyembre hanggang sa ika-28 ng Disyembre.


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page