top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | February 14, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga isinilang sa animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Rabbit.

Ang Horse o Kabayo ay silang mga isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014, at 2026.

Kung ikaw ay Kabayo na isinilang noong 1954 at 2014, ngayong 2023 ay malalaki at magagarang biglaang suwerte ang darating sa iyong buhay, lalo na sa kalagitnaan ng taon. Dagdag pa rito, sa umpisa ay aakalain mong may mabibigat na problemang dumarating, ngunit ang problemang ito ay agad mong masosolusyunan. Sa sandaling nalutas ang problema, bultong suwerte at magagandang kapalaran ang magiging kapalit, higit lalo sa larangan ng career, negosyo at pananalapi. Bibigyan ka rin ng kapangyarihan ng langit ngayong Year of the Water Rabbit na makontrol ang lahat ng sitwasyon sa iyong buhay, na magdudulot sa iyo ng grabeng ligaya sa larangan ng pag-ibig at damdamin. Higit ka ring makakaranas ng mas masarap, kapana-panabik at mas mainit na romansa sa buong taon.


Para sa mga Kabayo na isinilang noong 1966, lalong gaganda ang iyong kapalaran at mas maraming suwerte ang darating sa iyo ngayong 2023, basta ipagpatuloy mo ang iyong pagiging matulungin. Ngunit tandaan na kahit tumutulong, kailangang maging maingat ka rin sa mga manloloko at mapagsamantala na maglilipana sa iyong paligid ngayong Year of the Water Rabbit. Huwag mong paniwalaan agad ang unang ganda na iyong makikita dahil may mga taong maganda lamang sa panlabas, ngunit may masamang intensyon at binabalak. Gayundin, huwag mong masyadong paiiralin ang ugaling bait-baitan dahil ngayong Year of the Water Rabbit, may babala rin na maloko ka ng malaking halaga ng salapi at hindi mo na ito mababawi. Gayunman, maging maingat ka at tandaan mo na ang tagumpay, pag-unlad at pagyaman ay hindi nakukuha sa mabilisan at sa madaliang paraan.


Kung ikaw naman ay Kabayo na isinilang noong 1978, ngayong 2023, kailangang mahusay mong masolusyunan agad ang anumang lilitaw na problema upang ito ay hindi na lumaki o lumala.


Kapag maagap at maaga mong nalalapatan ng solusyon o lunas ang mga problema, tuloy-tuloy na aangat at lalago ang iyong kabuhayan, hanggang sa dumami at madoble ang iyong pera at mga ari-arian. Sa sandaling nakapitas ka ng malaking tagumpay ngayong Year of the Rabbit, na talaga namang ipagkakaloob sa iyo ng langit, panatilihin mo ang pagpapakumbaba at iwasan ang pagmamalabis at pagmamayabang upang magtuloy-tuloy ang pagdating ng mga positibo at magagandang kapalaran sa buong 2023. Samantala, ipinapayo na lihim ka ring magbigay ng tulong sa mga taong labis mong kinaaawaan o charitable institution, simbahan o relihiyon na iyong kinaaaniban upang magtuloy-tuloy ang paglago ng iyong suwerte at magagandang kapalaran.

Ang mga Kabayo na isinilang noong 1930 at 1990 ay maraming pagdedesisyong haharapin ngayong taon. Dahil dito, kailangan mong maging maingat at mahusay sa anumang pagpapasya.


Kapag nagpasya ka agad at hindi na nagdalawang-isip, mas madali mong mapipitas ang suwerte at magandang kapalaran. May mga kakilala kang darating upang bigyan ka ng pabor at suporta, may mga mag-aabot din ng materyal na bagay na hindi mo naman dapat ubusin agad. Sa halip, sa taong ito ng 2023, anumang makuha mong kapakinabangang pangmateryal, malaki man o maliit ang halaga nito, mas maganda kung matututo kang magtipid at mag-ipon dahil ang mga savings na ito ay posible mong kailanganin upang lalo mo pang mapalago ang iyong kabuhayan.


Kung ikaw ay Kabayo na isinilang noong 1942 at 2002, iwasan mong maging emosyunal ngayong Year of the Water Rabbit, sapagkat ang pagiging praktikal ang magdadala sa iyo sa napakalaking suwerte at tagumpay na hindi mo inaasahan. Ang mga negatibong pangyayari ay hindi mo dapat indahin nang labis, sa halip, kahit may sugat at nalulungkot ang iyong puso, tuluy-tuloy ka lang na mag-move on. Sa ganyang attitude, ‘pag hindi mo na binabalikan ang mga pangit na nakaraan, sa buong taong ito ng Water Rabbit, mapasasaiyo ang walang kahulilip na ligaya, pag-unlad at malaking tagumpay na matagal nang inilalaan sa iyo ng langit. Samantala, sa pag-ibig, may pangako ng masarap at nakakakilig na romansa, ngunit tulad ng nasabi na, hindi ka dapat magmadali at maging mapusok, bagkus, palagi mong pairalin ang pagiging praktikal. Sa ganyang paraan, tuluy-tuloy ang matagumpay at maligayang karanasan sa lahat ng aspeto ng iyong buhay, lalo na sa pag-ibig at pakikipagrelasyon ngayong 2023.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | February 9, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga isinilang sa animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Rabbit.

Ang Horse o Kabayo ay silang mga isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014, at 2026.


Sa negosyo at pakikipagtransaksyon, sinasabing matalas ang pang-amoy ng Kabayo, lalo na kapag may panganib. Kaya bago malugi ang isang transaksyon, madali na niyang nawi-withdraw ang kanyang puhunan, at kadalasan, imbes na masimot ang puhunan o tuluyang mabangkarote ang kanyang negosyo, hindi ito nangyayari dahil tulad ng nasabi na, madali niyang naiiwasan ang sobrang pagkalugi.


Samantala, ngayong Year of the Water Rabbit, maraming mga surpresang mangyayari sa Kabayo, kung saan sa mga hindi niya inaasahang sandali, tataas ang kanyang kinikita.


Maaaring may biglang magbigay sa kanya ng malaking halaga o may bentahan ng ari-arian, na siya pala ang makikinabang dahil ‘yun ay ibibigay o ipapamana sa kanya.


May mga paglalakbay ding itatala sa kapalaran ng Kabayo ngayong 2023, na makakatulong sa kanya upang lalong mapreskuhan at marelaks ang mayaman niyang kaispan.


Bukod sa paglalakbay, may mga leisure at panlibangang aktibidades na mangyayari ngayong Year of the Water Rabbit para sa mga Kabayo, na magbibigay sa kanya ng pagkilala sa lipunan na kanyang ginagalawan.


Gayundin, dapat siyang maging mulat sa mga pangyayari dahil may babala na dahil sobrang malilibang ang Kabayo, hindi lamang sa mga mahal sa buhay, kaibigan at lipunan kundi dahil sa sobrang paglilibang ay hindi niya mamamalayang nauubos na ang kanyang ipon dahil sa kakagastos. Kaya ang posibleng mangyari, bago matapos ang 2023, madidiskubre niya na naubos na ang kanyang ipon dahil sa mga pagpapasarap sa buhay.


Kaya kung ikaw ay Kabayo, ang pinakamabuti mong magagawa ngayong Year of the Water Rabbit ay habang nalilibang ka, gumagala at nagpapakasaya, dapat ay bantayan mo rin ang aspetong kabuhayan o pananalapi.


Oo, dapat ay palagi mong tingnan o bantayan ang iyong savings, na sa halip na madagdagan ay paubos na pala nang hindi mo pa namamalayan. Sa ganyang paraan, ‘pag naging maingat ka sa paglabas ng pera at paggastos ngayong taon, mas magiging masagana, produktibo at kasiya-siya ang magiging karanasan mo sa buong 2023.


Sa pag-ibig, damdamin at pakikipagrelasyon, sinasabing higit na matatagpuan ng Kabayo ang kaligayahan sa piling ng Tigre, Aso, Tupa o Kambing.


Gayunman, tugma ang Kabayo at Aso, ganundin ang Tigre at Kabayo dahil laging mababantayan ng Aso ang pagiging lakwatsera ng Kabayo, habang lalong sisigla ang isip at imahinasyon ng Kabayo sa mausisang Tigre.


Makakaramdam naman ang Kabayo ng masarap na pag-aalaga, pagkalinga at pagmamahal sa Tupa o Kambing dahil babalewalain lang ng Kambing o Tupa ang ugali ng Kabayo na pagala-gala.


Paborable rin ang relasyong Kabayo at Dragon dahil malaki ang maitutulong ng Kabayo sa Dragon upang makapagdesisyon nang tama at mahusay.


Magiging maayos din ang pakikipagrelasyon ng Kabayo sa Ahas, Unggoy, Kuneho, Tandang at Baboy dahil ang pagiging malaya na gustong-gustong gawin ng Kabayo ay hindi naman pipigilan ng nasabing mga animal signs.


Dagdag pa rito, upang mapanatili ang masaya at panghabambuhay na relasyon, sinasabing kailangang i-maintain ng Kabayo ang dati niyang ugali na pagiging matulungin at mapagbigay sa kapwa. Sapagkat habang nagbibigay, lalo namang gaganda ang kanyang kapalaran, lalo na sa pag-ibig at pakikipagrelasyon.


Sa negosyo at kabuhayan, tuloy-tuloy na aani ang Kabayo ng mga biyaya at pagpapala ngayong Year of the Water Rabbit, higit lalo sa mga buwan ng Mayo hanggang Hunyo, Setyembre hanggang Nobyembre.


Ang pakikiumpok at pakikilahok sa mga grupo ng tao at pulitikal na gawain ay makakatulong din sa Kabayo upang madagdagan ang kanyang income sa buong taon.


Habang ang mga problemang hindi nasolusyunan ng Kabayo noong nakaraang taon, sa wakas ay mareresolba na ngayon nang may kalakip na gantimpala at kakaibang suwerte na hindi mo inaasahang matanggap.


Higit na magiging mapalad at marami pang mga surpresang suwerte at magagandang kapalaran ang darating sa Kabayo sa taong ito ng 2023, mula sa ika-2 ng Marso hanggang sa ika-28 ng Marso, mula sa ika-2 ng Hunyo hanggang sa ika-7 ng Hulyo, mula sa ika-3 ng Hulyo hanggang sa ika-31 ng Hulyo at mula sa ika-25 ng Setyembre hanggang sa ika-29 ng Oktubre.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | February 7, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga isinilang sa animal sign na Horse o Kabayo ngayong Year of the Water Rabbit.

Ang Horse o Kabayo ay silang mga isinilang noong taong 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014, at 2026.


Sinasabing sa 12 animal signs, Kabayo ang pinaka-busy sa lahat. Masyadong hectic ang kanilang schedule, palaging nagmamadali at akala mo ay aligagang-aligaga sa bawat araw ng kanilang sinisimulan.


Bukod sa aligaga o palaging nagmamadali, ang Kabayo ay sinasabing may kakayahan din sa pagmu-multitask, kung saan napagsasabay-sabay niya ang maraming gawain sa isang tumpok na sandali. Puwedeng habang may kausap siya sa cellphone ay nagtitipa sa computer ang kanang kamay, naghahalo ng kape ang kaliwang kamay, habang nagbabasa ng dyaryo at nangunguyakoy pa. Ganu’n kahusay ang mga Kabayo, kaya kadalasan ay hindi nila namamalayan na nawawalan sila ng konsentrasyon sa isang gawain lamang.


Dahil maangas at palaging maraming ginagawa, kailangang-kailangan ng Kabayo ang pamamasyal, gala o gimmick. Sapagkat ang mga pamamasyal na ito ay nakakatulong sa kanya upang hindi lamang marelaks ang kanyang katawan, kundi para makapagpahinga rin ang kanyang kaluluwa at isipan. Kapag nakapag-recharge ang Kabayo, kung saan nakapamasyal na siya malapit sa kalikasan, bumabalik ang kanyang lakas at suwerte, habang ang magagandang kapalaran ay lalo pang dumarami.


Kabaligtaran naman nito, kapag ang Kabayo ay nasanay sa kakatrabaho at nakalimutang mamahinga at maglibang, sa halip ay puro paghahanapbuhay na ang inatupag at pinagkaabalahan, ang ganitong style ng pamumuhay ang tiyak na maghahatid sa Kabayo sa pagkakasakit, kalungkutan at kamalasan.


Kaya tulad ng nasabi na, kung ikaw ay tipikal na Kabayo, mahalaga na mayroon kang regular na gimmick, gala o pamamasyal, kahit dalawang beses lamang sa loob ng isang taon o isang beses kada buwan.


Bagama’t hindi mahusay na tagapayo dahil laging dinadagdagan at kinukulayan ang mga pangyayari at sitwasyon, ang Kabayo ay marami ring palabok kung magsalita, kung saan sinasabing masarap siyang kasama dahil malilibang ka talaga sa kanya, hindi lamang sa mga sinasabi niya kundi pati sa kanyang mga ginagawa. At tulad ng nabanggit, masaya siyang kasama kaya kahit maikling panahon lang, dahil kapag kasama mo ang Kabayo, pansamantala mong makakalimutan ang lahat ng iyong problema sa buhay.


Kaya sa 12 animal signs na humarap sa palasyo ni Lord Buddha, matatagpuan ang Kabayo na isa sa may pinakamaraming kaibigan dahil bukod sa siya ay masaya at masarap kasama, siya rin ay mapagbigay at matulungin sa kanyang mga kaibigan.


Dahil dito, sobrang palakaibigan at bihira sa mga Kabayo ang napipirmi sa bahay.


Gayundin, dahil tulad ng nasabi na, bukod sa gimmick at pamamasyal, gustong-gusto ng Kabayo na siya ay nasa galaan kasama ang tulad niyang easy go lucky na mga kaibigan.


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page