top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-20 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.

 

Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Kuneho o Rabbit. 


Ang Kuneho o Rabbit ay silang mga isinilang noong taong 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011 at 2023


Bukod sa pagiging mabait, taglay din ng Kuneho ang pagiging mahinahon at matagal magalit. Ang magara pa rito, kapag nagagalit sila, sinasirili at kinikimkim lang nila. Kaya kadalasan silang natatagpuan sa isang sulok ng bahay na nagmumukmok at walang kibo. Sa ganitong sitwasyon o pangyayari sa kanilang buhay, sadyang napakahalaga na may makausap silang kaibigan upang gumaan kahit papaano ang kanilang pakiramdam.


Sinasabi ring kung walang gagabay at kakausap sa isang Kuneho sa panahong sila’y nahaharap sa mabigat na problema, maaari silang magkaroon ng psychological illness.


Samantala, tunay ngang bukod sa pagtulong sa kapwa at paglilingkod sa mga mahihirap, natutuwa ang Kuneho sa tuwing nakakatagpo sila ng tapat at panghabambuhay na kaibigan.Ang problema lang sa isang Kuneho, dahil nga siya ay mabait, tahimik at matulungin, minsan tuloy napagbibintangan siya na mabagal kumilos at matagal kung magpatupad ng mga plano sa buhay.


Kumbaga, iniisip at inaakala ng iba na siya ay may weak personality o sadyang mahina ang loob. Ngunit, hindi naman ganu’n, dahil tulad ng nasabi na, taglay ng Kuneho ang ruling planet na Neptune. Sa katunayan, kaya sila mabagal kumilos at magpatupad, dahil sa matalas nilang imahinasyon at taglay na kaisipan. Kaya bago sila kumilos at magpatupad, iniisip muna nilang mabuti kung ano ang plano at dapat nilang gawin.


Pero kung pahabaan naman ng buhay ang pag-uusapan, ayon sa Chinese mythology, “The Rabbit is a symbol o longevity.” Nangyaring ganu’n, humahaba ang buhay ng isang Kuneho dahil alam niya ang pormula o lihim kung paano ipepreserba ang kanilang kalusugan at ang nakaganda pa nito, kahit hindi niya alam, dahil nga sa taglay niyang kabaitan, likas siyang iniiwas ng langit  sa kapahamakan, sakuna at sa iba’t ibang uri ng malulubhang karamdaman.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

 



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-19 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.

 

Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Kuneho o Rabbit. 

 

Ang Kuneho o Rabbit ay silang mga isinilang noong taong 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011 at 2023

 

Sinasabing ang animal sign na Rabbit o Kuneho ay may zodiac sign na Pisces sa Western Astrology na nagtataglay ng ruling planet na Neptune. Ang masuwerte nilang direksyong ay ang silangan higit lalo tuwing sasapit ang alas-5 hanggang alas-7 ng umaga.

 

Pinaniniwalaan din na higit na mapalad ang Kuneho, kung siya ay isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init, kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa panahon ng tag-lamig o tag-ulan.

 

Tunay ngang kung may naghahangad ng kapayapaan, kapanatagan at kampanteng buhay, lalo na sa tahanan o sa pamilya, ang nangunguna rito ay walang iba kundi ang animal sign na Rabbit. Dahil para sa kanila, ang lahat ng ligaya at tagumpay ay makakamit lamang nila sa mapayapa at tahimik na tahanan o pamayanan. Kaya naman kapag magulo ang kanilang paligid, asahan mo na masisira lang din ang diskarte ng isang Kuneho. Pero, kung patitirahin mo sila sa subdivision o lugar na napapaligiran ng mga halaman, punong kahoy at kalikasan, asahan mo ang nasabing Kuneho ay sadyang liligaya, magtatagumpay, makakatanggap ng iba’t ibang uri ng suwerte at magandang kapalaran.

 

Ang isa pang nakakatuwang ugali ng Kuneho ay matulungin at mapagmahal din sila. Kung saan, hindi sila pumapayag na makakita ng pamilya na sobrang naghihirap sa buhay. Dahil sobrang baba ng kanilang loob, madaling nababagabag ang kanilang damdamin. 

 

Sa katunayan, bagay na bagay sa isang Kuneho ang mga propesyong pari, madre, at mga nagmimisyoneryo na ang layunin ay ang tumulong nang tumulong at maghatid ng ayuda para sa mga mahihirap. Kaya nga, ang social worker at community development worker ay bagay na bagay din sa mga Kuneho. Dagdag pa rito, minsan natatagpuan ang Kuneho na hindi na nakakapag-asawa, dahil ang ginawa nilang propesyon o pamilya ay ang mga mahihirap. Kung minsan, ito rin ang nagiging dahilan kung bakit ang mga Kuneho ay kapos din sa personal na tagumpay at achievement sa buhay, dahil karamihan sa kanila mas inuuna pa ang makatulong sa kanilang kapwa, kesa na mag-ipon at magpayaman.

 

Kaya mas mainam kung ang propesyon ng isang Kuneho ay may kaugnayan sa nasabing mga gawain, upang higit siyang magtagumpay at lumigaya. Tulad ng nasabi na, tugma ang social worker, pinuno ng mga charitable institutions at puwede rin naman sa kanila ang pamomolitika na may dalisay na layunin at hangarin na tumulong sa kanilang kapwa. Kung saan, tulad ng nasabi na, sa gawaing iyon mas higit silang magtatagumpay at liligaya.

 

Bukod sa likas na pagiging mabait, taglay din ng isang Kuneho ang pagiging matulungin at madali niyang nararamdaman ang pangangailangan ng ibang tao, lalo na ang mga kapus-palad at mahihirap.

 

Dahil sa pagiging mabait at matulungin ng mga Kuneho. Natutuwa tuloy ang langit sa kanila, kaya palagi silang pinagpapala ng langit nang hindi nila namamalayan. Kaya naman madalas may dumarating sa kanilang malalaki at bultu-bultong suwerte na hindi nila inaasahan at maisip kung bakit sila pinagkalooban ng ganu’ng suwerte.

 

Dahil sa mga nabanggit na likas na ugali ng Kuneho, mabait at matulungin, sinasabing bukod sa Dragon ang Kuneho o Rabbit ay isa rin sa pinakamapalad. 

 

Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

 

 

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-17 Araw ng Abril, 2024


Ipagpatuloy  natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Tigre o Tiger. 


Ang Tigre o Tiger ay silang mga isinilang noong taong 1926, 1938, 1950, 1962, 1974, 1986, 1998, 2010 at 2022. 


Ngayong 2024, aangat nang husto ang enerhiya at kasiglahan ng Tigre. Kasabay nito, masasagupa nila ang iba’t ibang masalimuot na pagbabago at pangyayari. Sa panahong ito, masusubok ang kanilang husay, galing at katatagan sa mga nakakakabang pagdedesisyon. Kung tama ang kanilang pagpapasya, ang mga suliranin at problema ay tiyak na maiko-convert sa positibong kaganapan. Susuwertehin at magtatagumpay ang mga Tigre ngayong 2024. 


Gayunman, alalahanin n’yo na anumang mangyari at maganap, huwag kang masyadong magpapaka-stress sa mga pangyayari. Sapagkat, kung magdedesisyon ka basta-basta, ‘yung mga suwerte at magagandang kapalaran na hawak mo ngayong 2024 ay maaaring mawala. Ibig sabihin, sa pagiging kalmado, mas matitiyak ang tagumpay at ligaya ngayong Green Wood Dragon.


Sinasabing sa first quarter ng taong ito, maraming mga pagsubok at suliranin silang mararanasan. Bagama’t may mga bagong proyekto at oportunidad na darating, kasabay nito ang mga panibagong responsibilidad na magpapairita sa kanilang karanasan. Mas mainam na mag-relax sa panahong ito, kesa sumuong sa malalaking venture na maaaring magdulot ng problemang pangkalusugan.


Sa second quarter naman, unti-unti nang huhupa ang mga negatibong pangyayari na naranasan nila noong nakaraang buwan. Magsisimula na muling umangat ang kanilang kita. Kasabay nito, gaganda na rin ang kanilang career at maraming oportunidad na pangmateryal na bagay ang mabubuksan. Ito ang panahong dapat nilang itago ang malaking halaga ng salapi na darating at mahahawakan nila para hindi masayang at maubos sa walang kabuluhang paggastos. 


Sa panahon ding ito, unti-unti nang ngingiti ang panibagong pag-ibig at masayang pakikipagrelasyon na hindi inaasahan ng Tigre.


Habang sa ikatlo hanggang last quarter ngayong 2024, magkahalong suwerte at saya ang kanilang mararanasan na may sundot ng manaka-nakang pagbabago na magdudulot ng kakaibang suliranin ngunit sa bandang huli ay may malaking sorpresa na pagkakakitaan at pagdoble ng kabuhayan.


Sa business, career at pangangalakal, bagama’t aangat ng bahagya ang kinikita sa aspetong pangkabuhayan ngayong 2024, hindi naman pinapayagan na ang isang Tigre na mag-invest ng malaking halaga, dahil may babala na ma-scam lang sila. Kaya naman kung susubukan nilang magnegosyo o mangalakal, dapat nilang iwasan na maglabas ng malaking puhunan. Sa halip, ang dapat nilang piliin ay ang investment o negosyong maliiit lang ang puhunan. Sa ganyang paraan, maiiwasan nilang mawalan ng malaking halaga ng salapi. 


Samantala, pinapaalala rin na kung sakaling may dumating na biglaang suwerte at halaga ng salapi na hindi inaasahan ngayong 2024, mas mainam na itabi o ipunin na lang ito at gawing savings or security para sa future.


Sa pag-ibig, kung ikaw ay isang single, ngayong taon n’yo na matatagpuan ang bago at mas masayang pag-ibig, higit lalo kung nakalimutan n’yo na nang lubusan ang mga taong nanggulo sa inyong nakaraan. Kaya naman, maging positibo lamang kayo at laging tumingin sa magagandang bahagi ng iyong buhay upang magdatingan ang mga sorpresa at masasayang pag-ibig na tiyak namang  maghahatid ng isang maligaya at nakakakilig na romansa ngayong 2024.


Dagdag dito, sinasabi ring sa buong taon ng Green Wood Dragon, likas at sadyang mapalad ang Tigre, mula sa ika-19 ng Enero hanggang sa ika-28 ng Pebrero, mula sa ika-19 ng Mayo hanggang sa ika-29 ng Hunyo at mula sa ika-19 ng Setyembre hanggang sa ika-19 ng Nobyembre.  


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.

 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page