top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 8, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Unggoy o Monkey ay silang mga isinilang noong taong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016, at 2028.


Sa 12 animal signs na ipinatawag sa palasyo ni Lord Buddha, Unggoy ang isa sa may pinakamalakas na intuition o malakas na kutob sa mga bagay na mangyayari pa lamang.


Kaya kapag pinairal ng Unggoy ang kanyang intuition, bago pa siya malagay sa panganib, tiyak na siya ay makakaligtas agad.


Ganundin sa negosyo, hindi siya basta-basta malulugi ng malaking halaga dahil kapag malapit nang malugi ang kanyang kalakal, maaamoy niya agad ito kaya tiyak na makaiiwas siya sa mabilis na pagkabangkarote ng kabuhayan.


Bukod sa talas ng intuition, sinasabi ring ang Unggoy ay sobrang praktikal, kung saan ito ang kadalasang naghahatid sa kanya sa pag-asenso ng kabuhayan at tiyak na pagyaman.


Ngayong 2023, bagama’t magkakaroon ng ups and downs sa kapalaran ng mga Unggoy, tinitiyak namang hindi magpapatuloy o pipirmi ang mga negatibong pangyayari dahil anumang pagsubok ang dumating sa buhay ng Unggoy, tiyak na poproteksyunan at ililigtas siya ng langit.


Kaya ngayong Year of the Water Rabbit, mapadpad man ang Unggoy sa dagat na may malalakas na unos at panganib, hindi siya magtatagal du’n, dahil sa payapang dalampasigan na may mabunga at masaganang ani, tiyak na siya ay dadalhin at bubuhatin ng langit.


Itinakda rin ngayong 2023 na ang Unggoy ay maraming masasagupa at masasagap na bagong aktibidades o gawain, kung saan makadarama ang Unggoy ng panibagong kasiglahan at pag-asenso.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, kung hindi naging masaya ang taong 2022, tiyak na kayang-kaya ng Unggoy na pasiglahin at pag-ibayuhin ang alab ng pagmamahalan ng kanilang kasuyo ngayong taon, na kapag hindi dumistansya, puwedeng mauwi sa hindi pinaghandaang pagkakaroon ng sanggol o ng biglaang pag-aasawa.


Sa eksaktong paglalarawan, ang kapalaran ng Unggoy ngayong 2023, kumbaga sa naglalaro ng tong-its o pusoy dos, sinasabing ilalagay ng langit ang lahat ng magagandang baraha sa kamay ng Unggoy.


Sa ganitong paraan, siya na ngayon ang binibigyang kalayaan ng tadhana na dumiskarte kung paano niya ipapanalo ang bawat baba, tapon, bunot, at salansan ng mga baraha sa hamon ng buhay sa taong ito ng Water Rabbit.


Kaya kung mahusay siyang dumiskarte, ang malaking pag-unlad, bonggang suwerte, tagumpay at kasaganaan ay masayang makakabig ng Unggoy sa buong taon.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 7, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Unggoy o Monkey ay silang mga isinilang noong taong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016, at 2028.


Sa negosyo, kalakalan, career at pakikipagtransaksyon, ang mga Unggoy ay sinasabing mahilig makipagsapalaran. At dahil sa likas nilang pagiging tuso at matalino, kayang-kaya nilang mapalago nang napakasimple ang kanilang produkto at kinikita. Kaya sa 12 animal signs na humarap sa palasyo ni Lord Buddha, Unggoy ang isa sa pinakamapalad kung larangan ng negosyo at pagkakaperahan ang pag-uusapan.


Ang dapat lamang na paghandaan ng Unggoy ay ang mabibilis na pagbabagong magaganap sa kanyang career at negosyo ngayong Year of the Water Rabbit. Kaya mahalaga na maging matatag ang Unggoy sa anumang hamon ng kapalaran sa kanyang career at propesyon sa taong ito.


Nangyari, dahil ang mga pagbabagong magaganap kapag nagkamali ng desisyon ay maaaring ikalugi ng negosyo. Ngunit kung tama naman ng pasya o sabihin na nating muli siyang magpapakatuso at magiging matalino at materyoso, ang mga pagbabagong darating ay maico-convert upang lalo pang umunlad ang kabuhayan ng isang Unggoy.


May mga paninira at intriga ring mararanasan ang Unggoy pagdating sa kumpanya o workplace na kanyang ginagalawan. Sa umpisa, ang mga negatibong pangyayari na ipupukol sa kanya ng mga taong toxic sa kanyang buhay ay aakalain niyang makakaapekto sa kanyang propesyon.


Ngunit sa bandang huli, kung hindi niya gaanong papatulan o papansinin ang nasabing mga intriga, ang mga paninirang ito ay magiging blessing in disguise na maghahatid sa kanya sa mas malaking suwerte at malaking tagumpay ngayong 2023.


Sinasabing maganda ring magsimula ng bagong career o pagkakakitaan ang Unggoy dahil tiyak na sa panahong ito, lalo na kung may bagong career o negosyong inilunsad, sobrang laki ng tsansa na siya ay umani ng mas mabunga at masaganang kabuhayan.


Hindi naman iminumungkahing mangutang o manghiram ng malaking halaga ng salapi ang Unggoy ngayong 2023 para lamang makapagbukas o makapagsimula ng bagong negosyo. Kung mangungutang ang Unggoy ngayong Year of the Water Rabbit, malamang na hindi siya madaling makakabayad, sa halip, maaaring mabaon lamang siya sa pagkakautang.


Hindi rin iminumungkahing makipagsosyo ang Unggoy ngayong taon. Sa halip, mas angkop na magsikap siyang mag-isa upang lalong mapabuti at mapalago ang kanyang kabuhayan.


Sa hindi inaasahang mga pangyayari, may mga inihanda rin ang langit na natatagong suwerte at kayamanan para sa mga Unggoy ngayong taon. Ang kailangan lamang ay maging mapagmatyag at gamitin niya ang matalas na intuition o kutob. Kahit nakatago at nakabaon ang naturang suwerte o kayamanan, tiyak na ang mga ito ay matatagpuan sa takdang panahon, kung kailan langit mismo ang magbubukas ng baul ng kayamanan na ito.


Matapos mabuksan, tatambad sa kanya ang bulto-bultong suwerte na may kaugnayan sa salapi at materyal na bagay. Ang mga ito ay darating sa buhay ng Unggoy nang hindi niya inaasahan.



Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 4, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong Year of the Water Rabbit.


Bukod sa pagiging masayahin at mapagbiro, ang Unggoy ay sinasabi ring may katalinuhan at pagkatuso, alam niya kung paano huhusgahan at babasahin ang motibo ng kanyang kapwa. Kaya kung pag-iisipan mo ng masama ang isang Unggoy, ito ay malabo mong maipatupad. Ang totoo, bago mo siya tuluyang maloko, mauuna ka niyang malamangan.


Dahil may pagkatuso at matalino, sakali mang mautakan mo ang isang Unggoy o naihulog mo siya sa isang patibong o naitulak sa isang kumunoy ng mga suliranin at matinding panganib, habang tinatawanan mo siya, hindi mo alam na pagtalikod mo ay makakatakas at makakaligtas siya agad sa kanyang kinahulugan. Sapagkat tulad ng nasabi na, sa anumang sitwasyon ng buhay o gaanuman kapanganib ang pangyayari ay nalulusutan niya ito. Kumbaga, siguradong makakaisip at makakatuklas siya ng epektibong daan at tamang paraan upang siya ay makatakas at makaahon nang ligtas.


Ganu’n kagaling ang mga Unggoy, kayang-kaya nilang makaahon nang suwabe sa anumang mabibigat na suliranin sa kanyang buhay. Pagkatapos makaahon, tatawanan lamang niya ang mga problema at muli siyang magiging maligaya.


Sinasabing likas na matuwid at makatarungan ang isang Unggoy, kaya mahihirapan kang yayain o kumbinsihin sila agad na gumawa ng pagkakamali dahil likas sa mga Unggoy ang matuwid at laging nakasandig sa katarungan, sapagkat ito ang kanilang ipinaglalaban. Ibig sabihin, kung nais mong lokohin ang Unggoy na gumawa ng hindi makatarungang mga bagay, malabo mo siyang mayaya o makumbinse.


Bagama’t may katalinuhan, sinasabing ang Unggoy ay maikli ang pasensya at kapasidad na mag-analisa ng mga problema. Kaya hindi sa kanya tugma ang mga bagay na may mahabang isipan.


Halimbawa, ang paglalaro ng Chess, kung saan malabong maging grand master o dalubhasa ang isang Unggoy sa nasabing larangan dahil sobra silang naiinip kapag may mahahabang inaanalisa.


Kaya kapag nagdesisyon sa buhay ang isang Unggoy, umasa kang mabilis at agad niya itong ginagawa. At dahil sa ganitong naturalesa ng kanyang pagkatao, posibleng hindi siya makinig sa kanyang mga kaibigan o mahal sa buhay na nagkukuwento ng mahahaba at kung anu-anong mga problema dahil nababagot siyang pakinggan ito.


Kumbaga, hindi mo na kailangang dramahan pa ang isang Unggoy kung halimbawang mangungutang o hihingi ka ng pera sa kanya, dahil kapag mahabang pasakalye ang binigkas mo sa kanya, malabo ka niyang mapagbigyan. Sa halip, ang tamang diskarte ay sabihin mo na agad ang iyong sadya nang sa gayun, ang walang tiyagang Unggoy na makinig sa mahahabang kuwento ng problema ay mapagbigyan ka agad.


Gayundin sa pag-ibig, kung ikaw ay may karelasyon o asawang Unggoy, hindi siya nangangailangan ng madetalye at mahabang kuwento. Sa halip, ang kaunting usapan, pero makabuluhan at ‘yung pakiramdam na magkasama lang kayo, magkasandal sa lilim ng isang malaking punong kahoy na napaliligiran ng kulay berdeng damuhan, ay sapat na para sa kanya upang lalong mag-alab ang inyong pagmamahalan.


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page