top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 16, 2023


Sa pagkakataong ito, tatalakayin natin ang mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Tandang o Rooster ay silang mga isinilang noong taong 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017, at 2029.


Ang Year of the Rooster o Tandang ay pinaghaharian ng impluwensya ng planetang Mercury sa Western Astrology at siya ring kumakatawan sa zodiac sign na Virgo.


Sinasabing ayaw na ayaw ng mga Tandang ang hindi organisado at may magulong buhay, kaya pinipilit nilang maging maayos ang lahat.


Bukod sa pagiging maayos at organisado, gustung-gusto rin ng mga Tandang na nakaplano ang lahat ng bagay at matapos planuhin, sinisikap niya talaga na masunod kung anuman ang nakapalano sa kanyang mga pangunahing gawain at ambisyon sa buhay.


Kapag wala sa plano, wala siyang balak gawin o tapusin ito dahil para sa Tandang, ang buhay ay isang napakalaking plano. Dahil sa ugaling ito ng Tandang, maraming magaganda at masasayang oportunidad ang nakakalagpas sa kanyang buhay dahil para sa kanya, hindi puwedeng gawin, aturgahin o sunggaban agad ang mga bagay na hindi nakapalano.


Gayundin, ang Tandang ay galit sa surpresa dahil para sa kanya, walang surpresa sa buhay na ito dahil ang lahat ay pinagpaplanuhan bago mangyari o matupad.


Dagdag pa rito, inaakala rin ng Tandang na siya ay napakahusay sa pamamahala at kung siya lang ang masusunod, nais niyang sumunod sa kanya ang lahat ng kanyang nasasakupan nang pikit-mata. Para sa kanya, batid niyang huhusay at bubuti ang buhay o pangyayari sa sandaling siya ang nasunod at namahala.


Namamahala man o hindi, sa halip ay nanonood at tumitingin-tingin lang, madaling nakakapansin ang Tandang ng mga simpleng pagkakamali at kapangitan o kakulangan.


Sa sandaling napansin niya ito, tiyak na ito ay sasabihin at ipagkakalat niya agad dahil naniniwala siya na bawal ang magkamali, pangit, mahina, at ang lahat ay dapat perpektong nasa ayos at magandang-maganda.


Dahil sa pagiging sobrang kritiko at pintasero, kadalasan ay hindi niya namamalayan na naaasar at nilalayuan na siya ng kanyang mga kaibigan dahil animo’y napakagaling ng Tandang na ito, kahit sa totoo lang ay hindi naman.


‘Yun kasi ang nararamdaman ng Tandang —siya ay akala mong napakatalino at napakagaling.


Kaso lamang, sa tuwing ipapakita o ipadadama niya ang pagiging matalino at magaling, hindi sinasadyang pinapalutang niya ang pagkakamali at kapangitan ng mga taong nakapaligid sa kanya, kung saan halos sukdulan at lantaran na niyang pinipintasan ang mga maling ginagawa ng kanyang mga kasama.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 14, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Unggoy o Monkey ay silang mga isinilang noong taong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016, at 2028.


Kung ikaw ay isang Unggoy na isinilang noong 2004, pagtapos ng malaking tagumpay at mga achievement na iyong makakamit, sa panahong ito ng iyong buhay, kailangang-kailangan mo ang pahinga. Ang pamamahinga at pagrerelaks ang paraan upang lalong ma-recharge ang iyong kasiglahan at enerhiya. Pagkatapos nito, tiyak na ang dagdag na tagumpay at pagpapala na naman ang iyong aahinin. Mas masarap at matamis na romansa ang ipinapangako ng Year of the Water Rabbit.


Para sa Monkey na isinilang noong 1956, ang pagtulong sa kapwa at kaibigang nangangailangan ang dapat mong isagawa ngayong 2023. Piliin mo ang mga taong nararapat tulungan dahil sa ganyang paraan, habang ikaw ay tumutulong sa mga taong karapat-dapat tulungan, dobleng biyaya ang ibabalik sa iyo ng langit sa buong Year of the Rabbit.


Kung ikaw ay Unggoy na isinilang noong 1968, ang mga dating achievement o karangalan at karagdagang kita na hindi mo nakuha noong nakaraang taon ay tiyak na mapasasaiyo ngayong 2023. Panatilihin mo lamang ang dati mong ginagawang pagtitipid at pag-iipon, upang kapag may dumating na bultong biyaya, hindi mo agad ito maubos. Sa halip, nakapag-ipon ka para sa future. Tandaan mo na para sa Unggoy na isinilang sa taong 1968, future ang higit na mahalaga, kaysa ang kasalukuyan.


Para sa mga Unggoy na isinilang noong 1920 at 1980, tuluy-tuloy na lalago ang kabuhayan mo at makakatanggap ka ng biglaang suwerte at pakinabang na hindi mo inaasahan. ‘Yun nga lang, sa taong ito ng Kuneho, may mga kakilala na magkukunwaring tapat at totoong kaibigan, pero sa bandang huli, iisahan at lolokohin ka lamang. Kaya dapat mag-ingat ka sa mga kakilalang mapagsamantala dahil sa taong ito, may babala na madadaya ka ng malaking halaga.


Samantala, ang mga Unggoy na isinilang noong 1932 at 1992 ay higit na magiging malapit sa iyong pamilya at minamahal. Habang nagiging malapit ka sa iyong pamilya at minamahal, maaaring may dumating na bigla at bagong relasyon na sadyang magpapaligaya sa iyo. Gamitin mo ito bilang inspirasyon at pampasuwerte. Ngunit dapat mo pa ring iwasang magkasala. Sa pinansyal na aspeto, tuluy-tuloy ang pagdating ng pera, basta patuloy ka na magiging positibo at masayahin ang attitude sa buhay sa buong taon. Gayundin, tandaan mo na hindi dapat malungkot upang ang buong taon ay lalo pang suwertehin at mas maging maligaya. Itapon mo na ang mga kalungkutan, habang panatilihin ang pagsasaya at paglilibang sa malalayong lugar. Sa malalayong lugar, mas maraming suwerte at magagandang kapalaran ang naghihintay sa iyo ngayong Year of the Water Rabbit.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 9, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Unggoy o Monkey ay silang mga isinilang noong taong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016, at 2028.


Sa aspetong pagpapamilya, may babala na may panganib na makaligtaan ng Unggoy ang mga bagay na may kaugnayan sa pamilya at relasyon. Kung mangyayari ‘yun, magkakaroon ng bahagyang problema sa nasabing larangan ang Unggoy.


Kaya kung ikaw ay Unggoy, anumang proyekto ang iyong pagkaabalahan, maaaring sa lipunan, negosyo, paglalakbay o saan ka man mapadpad, upang mapanatiling buo at matatag ang pamilya at pakikipagrelasyon sa iyong minamahal, mas mainam kung lagi mo silang alalahanin at bigyang-halaga sa bawat sandali ng iyong buhay ngayong 2023.


Dagdag pa rito, sinasabi na kung palagi mong bibigyang-halaga ang iyong pamilya, gayundin ang mga taong nagmamahal sa iyo at minamahal mo, sila ang aalalay at magtutulak sa iyo upang lalo mong mapalago at mapaunlad ang iyong career at kabuhayan ngayong Year of the Water Rabbit.


Tunay ngang sa tulong ng mga mahal mo sa buhay, maraming recognition o pagkilala ng lipunan ang iyong matatanggap sa buong taon.


Ang isa pang maaaring maganap ngayong Year of the Water Rabbit, kaya kailangang-kailangan ng Unggoy ang suporta at alalay ng kanyang pamilya at mahal niya sa buhay ay maaari siyang mahulog at masuong sa mga kontrobersya at intriga.


Kaya sa panahong maraming lihim at lantarang naiinggit at naninira sa Unggoy, ang pamilya at mga mahal niya sa buhay ang tiyak na aalalay, dedepensa at magtatanggol sa kanya sa buong 2023.


Sa aspetong pampinansyal, sinasabing malalaki at biglaang kita ang mahahawakan ng Unggoy sa taong ito ng Water Rabbit, ang problema lamang, may tendency na malibang ang Unggoy sa maraming gawain at tagumpay na kayang matatamo.


At ang posibleng mangyari, habang siya ay nalilibang sa tagumpay, ang mga pinagkakautangan niya ay posibleng hindi na niya mapansin o mabigyan ng sapat na atensyon, kaya sa huli, makikita na lamang ng Unggoy na lumalaki ang interes o tubo ng kanyang mga utang, habang ang mga taong nakaligtaan niyang bayaran ay sunod-sunod at biglaang maniningil sa kanya.


Kaya kahit sabihin pang sumagana at umunlad ang kabuhayan ng Unggoy, kung magiging pabaya siya sa mga pinagkakautangan, sa halip na kasaganaan ay maaaring legal battle o suliraning panghukuman ang masadlakan niya ngayong 2023.


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page