top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 13, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.


Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Sinasabi rin na ang isang Aso ay madalas na nagdadalawang-isip at ito ay nagiging dahilan upang hindi niya maisagawa ang mga bagay na kanyang binabalak.


Ito ang nakakahadlang — ang pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip, kaya ang isang Aso ay minsang napagkakamalang medyo tamad at nagde-day dreaming, pero ang totoo, nalilito lang siya kung ano ba talaga ang dapat gawin. Ang katwiran niya ay hindi niya alam ang dapat gawin at hindi makapagdesisyon nang suwabe, kaya sa bandang huli, hindi na lang siya kumikilos.


Sinasabing kapag naiwasan ng Aso ang pagdadalawang-isip na laging kumukubabaw sa kanyang isipan, sa halip ay pag-aksyon agad ang kanyang inatupag, walang duda na ang pag-unlad, tagumpay at ligaya ay mapapasakanya, hindi lamang sa taong ito kundi maging sa buong buhay niya.


Samantala, sinasabing bukod sa pagiging makatarungan ng Aso, kilala rin sa pagiging matapat at mapagmahal, lalo na sa ilang tunay niyang kaibigan. Kapag nagustuhan ka niya o naging bestfriend ka ng isang Aso, palagi niyang uunahin ang kapakanan mo bago ang kanyang sarili. Ganu’n kamartir at masakripisyong magmahal ang Aso sa kanyang itinuturing na malapit na kaibigan.


Madali ring tumalab sa isang Aso ang kasabihang, “First impression lasts”. Kapag nagustuhan ka ng Aso sa una n’yong pagtatagpo, ito ay marerehistro na sa kanyang memorya at alaala, kaya kapag kinainisan ka niya sa unang pagkikita pa lamang, maaaring hindi na kayo magkasundo kailanman.


Sinasabi ring ang Aso ay mapanuri, kaya sa unang pagkikita ay tinatanong niya na agad ang kanyang sarili kung karapat-dapat bang maging kaibigan o hindi ang tao na kanyang kaharap. Para kasi sa isang Aso, dalawa lang ang tao sa mundo — isang kakampi at kalaban. At tulad ng nasabi na, kapag naging kakampi ka ng Aso, ang lahat ng pagpapahalaga, pag-aaruga at pagmamahal ay talaga namang igaganti o ibabalik niya sa iyo.


Gayundin, sa sandaling natukoy o binigyan ka ng ‘label’ ng isang Aso bilang ‘kalaban’, mahihirapan na siyang alisin sa isip niya ang label na ito.


Mahirap baguhin ang paniniwala ng isang Aso, lalo na kung ang paniniwalang ito ay ibinase niya sa malalim na pagninilay. Ang akala kasi ng Aso ay sadyang matalino at mahusay siya, hindi sinasadyang iniisip niya na ang lahat ng desisyon niya sa buhay ay tama at hindi na dapat pang baguhin.


Dahil matigas ang Aso sa kanyang paniniwala at desisyon, madalas ay ito ang nagbibigay sa kanya ng kabiguan at kalungkutan.



Gayundin, dahil nahihirapan siyang bawiin ang isang maling desisyon kahit alam niyang mali o sablay ang nauna niyang pagpapasya.


Kaya sinasabi na kung magiging lenient, flexible o madulas sa pagbabago ng pasya ng isang Aso, marami pang maligaya at matagumpay na karanasan ang matitikman niya, hindi lamang sa taong ito kundi sa buong buhay niya.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 11, 2023


Sa pagkakataong ito, tatalakayin naman natin ang mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.


Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Ang Year of the Dog ay pinaghaharian din ng impluwensya ng planetang Venus sa Western Astrology at kumakatawan sa zodiac sign na Libra.


Sinasabing higit na matapang, buo ang loob at agresibo ang mga Aso na isinilang sa panahon ng hating gabi kung ikukumpara sa mga Asong tutulog-tulog at bihirang tumahol na isinilang sa umaga o tanghaliang tapat.


Ang isang Aso ay kilala sa pagiging makatarungan at mahilig sumimpatya sa mga inaapi at mahihirap, kaya kadalasan, napagkakamalan silang likas na mabait at may pagka-pulitiko.


Dahil may pagka-pulitiko at mabait, madalas matagpuan ang mga Aso na humahawak ng mga tao at nagiging supervisor o manager ng isang kumpanya.


Minsan ay natatagpuan din ang Aso bilang isang revolutionary leader — nakikipaglaban siya para sa karapatan ng mga inaapi at inaalipin ng umiiral na sistema.


Sa career at propesyon, ang Aso ay kilala sa pagiging tapat at maaasahan, lalo na ng kanilang mga amo o mga taong nakatataas sa kanila. Kaya kapag ikaw ay may tauhan o empleyadong isinilang sa Year of the Dog, umasa ka na dahil sa pagiging tapat, kasipagan, at pagiging dedikado sa trabaho, ang inyong kumpanya ay siguradong uunlad at aasenso.


Ganundin sa pamamahala sa tahanan, kung saan kapag ang misis mo ay isinilang sa animal sign na Dog, mas malamang na ang inyong pamilya ay tuluy-tuloy na uunlad at magiging maligaya, habang ang iyong mga anak o ang inyong tahanan ay inaasikaso ng isang maalaga na inahing Aso.


Sa pagkikipagkaibigan, hindi mo basta-basta makukuha ang simpatya at tiwala ng Aso dahil bago ka niya maging best friend, kikilalanin ka muna niya nang mabuti bago niya i-commit ang loob niya sa iyo. Subalit kapag naging kaibigan mo ang isang Aso o naging kaibigan ka na niya, tulad ng nasabi na, siya naman ay magiging mabuti at tapat sa iyo habambuhay.


Sa panahon namang magkaibigan na kayo, ang ‘wag na ‘wag mo siyang lokohin o paglalangan dahil kapag ginawa mo ito sa isang Aso, tiyak na ikaw ay bigla niyang sasakmalin. At sa kanyang paghihiganti, magugulat ka dahil sa hindi mo inaasahang sandali, higit na magiging mapusok ang gagawin niyang paraan upang habambuhay mong pagsisihan ang ginawa mong pagkakamali sa kanya.


Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 6, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Rooster o Tandang ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Tandang o Rooster ay silang mga isinilang noong taong 1921, 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017, at 2029.


Para sa Tandang na isinilang noong 1945 at 2005, ngayong Year of the Water Rabbit, hindi mo na kailangang hanapin ang kaligayahan sa malayong lugar. Sa ayaw at sa gusto mo, ayon sa mga bituin, ang kaligayahan ay nasa tabi mo lamang. Kung ikaw ay may pamilya, ibig sabihin, sa pagmamahal sa pamilya mo matatagpuan ang kaligayahan.


Habang kung ikaw naman ay may karelasyon, malinaw na sa iyong kasintahan matatagpuan ang wagas na kaligayahan, ang masarap na romansa, maunlad na pamumuhay at maligayang karanasan sa buong 2023. Samantala, kung ikaw ay walang karelasyon, ngayong taon, hindi ka na dapat pang lumayo, luminga-linga ka lang dahil dati mo nang katabi at kakilala ang makakarelasyon mo. Dagdag pa rito, anumang likhang sining ang iyong pagkakaabalahan, tiyak na ngayong 2023 ay aani ka ng malalaking tagumpay at ligaya.


Kung ikaw ay isinilang noong taong 1957 at 2017, kapag hindi mo ibinigay sa iyong kapwa ang serbisyo at pagtulong ngayong Year of the Water Rabbit, tiyak na hindi ka makakatanggap ng mas maraming pagpapala at suwerte. Ibig sabihin, ngayong 2023, inuutusan ka ng langit na tumulong at maglingkod sa iyong kapwa. Gayundin, lumabas ka sa iyong comfort zone at ialay mo ang iyong serbisyo, talent at galing sa iba, may bayad man o wala. Kapag nagawa mo ‘yan, ‘pag nagseserbisyo ka nang hindi naghihintay ng anumang kapalit, langit ang gaganti sa mga kabutihang loob na ginawa mo, bibigyan ka ng langit ng mas marami at malalaking gantimpala sa buong taon.


Para sa mga Tandang na isinilang noong 1969, maraming magagandang surpresa ang ipagkakaloob sa iyo ngayong Year of the Water Rabbit, pero may kundisyon. Kailangang lumabas ka ng bahay at makihalubilo sa lipunan. Gayunman, kapag nasa loob ka ng bahay, may mga biyaya ka ring makakamit, pero hindi gaanong malaki, subalit sinasabi ng langit na sa pakikihalubilo mo sa lipunan, makakamit ang mas maraming suwerte at magagandang kapalaran sa buong 2023.


Samantala, kung ikaw ay isinilang noong 1921 at 1981, sa pamamagitan ng iyong talino at galing, madodoble ng limpak-limpak na halaga ang iyong investment. Ang tanong, may investment ka ba? Kung wala, okey lang dahil ang taong ito ay sadyang magiging paborable sa iyong kapalaran sa aspetong pananalapi at career. Kung wala kang investment o pinagkakakitaan na labas sa regular mong income, ngayong Year of the Water Rabbit, magugulat ka dahil bigla kang magkakaroon.


Dagdag pa rito, anuman ang iyong pinagkakaperahan, ang pasok ng salapi ay magiging bultu-bulto at sobrang dami talaga na halos hindi mo na mabibilang pa ng iyong mga daliri sa kamay at paa.


At upang lalo kang suwertehin, kailangan ding sa taong ito ay marunong kang magpatawad sa mga taong nakakagalit mo at nakakasamaan mo ng loob. Kapag nagawa mo ito, mas marami pang suwerte at biyaya ang darating sa iyo ngayong 2023.


Samantala, pinag-iingat ka rin sa mga nagbabait-baitang kaibigan, dahil ‘pag ikaw ay nakatalikod, ikaw ay pinag-uusapan at sinisiraan.


Kapag hindi ka nag-ingat, may babala na maloloko at mapapahamak ka dahil sa mga akala mo’y malapit na kaibigan.



Para sa Tandang na isinilang noong 1933 at 1993, magiging paborable ang iyong kapalaran sa larangan ng pag-ibig. Ang problema lamang, tutubuan ka ng selos, gayundin ang iyong kapareha.


Isa lang ang dapat mong gawin, kung mahal mo ang iyong kasuyo, sawayin mo ang pagseselos na kumukurot sa iyong dibdib dahil hindi ito makabubuti sa inyong relasyon.


Kung hindi mo naman siya gaanong mahal at handa kang makipagkalas sa kanya, bago tuluyang mag-apoy ang damdamin mo sa kakaselos, mas mainam pang maghanap ka na lang ng ibang kasuyo na hindi mo pagseselosan. Sa ganyang paraan, mas madaling magma-mature ang iyong personlidad. Dagdag pa rito, kahit tapos na ang Bagong Taon o New Year, at ngayon ay panahon ng tag-araw o tag-init, para sa iyo, ito ay panahon pa rin upang pagbutihin at pakinisin ang magagaspang mong ugali.


Kapag ganap ka nang bumuti at naging mabait, maraming surpresa at hindi inaasahang suwerte na may kaugnayan sa salapi at pag-ibig o aspetong pandamdamin ang darating, na magbibigay sa iyo ng malalaking pag-unlad at dagdag na ligaya sa buong 2023.


Itutuloy



 
 
RECOMMENDED
bottom of page