top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 20, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.

Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, Aso ang isa sa pinaka-sympathetic at pinakamatalino. Ngunit sa kabila ng katalinuhan at pagiging mapagmahal, may dalawang batayan lamang ang Aso sa anumang kanyang ginagawa o desisyon sa buhay, kung saan para sa kanya, itim at puti lang ang lahat ng kulay sa mundo. Nangangahulugan ito na para sa mga Aso, dalawang nilalang lang ang nabubuhay sa mundo — isang mabuti at masama.


Kaya kapag minamahal mo ang isang aso o naging matalik mo siyang kaibigan, tiyak na mamahalin ka niya nang todo at habambuhay dahil para sa kanya, kabilang ka sa mga taong mabubuti at may malinis na kalooban.


Ito rin ang dahilan, kaya kapag nagalit ang isang Aso, sobrang galit talaga siya sa iyo, lalo na’t ituturing ka niyang isang masamang uri ng tao.


Sa pag-aanalisa ng kanyang takdang kapalaran ngayong Year of the Water Rabbit, ang Aso ay makikita mong abalang-abala sa kanyang buhay. Maraming kakaibang gawain ang bubuksan sa kanya ng kapalaran at marami ring importanteng lakad at okasyon ang nakatakda niyang daluhan sa buong taong ito. Ibig sabihin, magiging “busy at hectic” ang schedule ng Aso sa buong 2023, kaya ang taong ito ay sadya at lubhang magiging abala na magdudulot naman sa isang Aso ng wagas at maliligayang karanasan.


Kapag nasa bahay naman, tiyak na sa taong ito ng Water Rabbit, maipapatupad na ng Aso ang malaon niyang pangarap na gawin sa kanyang munti pero magandang bahay ang mga sumusunod.


Una, baguhin o lalo pang pagandahin ang interior design ng kanyang bahay, kuwarto o bakuran ng kanilang bahay. Puwede ring kabilang sa mga listahan ng gagawin ng Aso sa taong ito ay ang pag-aayos ng bagong biling muwebles at pagre-redesign ng sala at buong kabahayan. Maaari ring ngayon taon ay makapag-garden o makapagluto ng masarap na recipe ang isang Aso na matagal na rin niyang binabalak na ipatikim sa mga mahal niya sa buhay.


Samantala, tunay nga na ang taong ito ng Water Rabbit ay magdadala sa isang Aso sa mga gawaing magdudulot ng inner happiness sa kumakawag-kawag na buntot..


Sa taong ito, inaasahan ding maraming mga pagkakakitaang matutuklasan ang Aso kahit siya ay nasa bahay lang, habang kung siya naman ay lalabas ng kanyang bakuran, sinasabing malaki ang posiblidad na matalisod ng Aso na wala pang boyfriend o girlfriend o commitment, ang kanyang magiging future husband o wife sa taong ito ng Water Rabbit.

Itutuloy


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 18, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.

Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Sa career at hanapbuhay, bagay na bagay sa isang Aso ang propesyong may kaugnayan sa lawyer, labor leader, union organizers, social worker at iba pang mga gawaing may kaugnayan sa lipunan. Ang mga naturang propesyon ay sadyang ikakatagumpay at ikaliligaya ng Aso habang kanyang inaaturga ang mga gawaing ito. Dahil sa taglay na pagiging mabuti at prayoridad ang moralidad, ang mga Aso ay sinasabing pangunahing kandidato rin sa pagiging bayani, martir at santo, na kadalasang binabaril sa Luneta o pinapako sa krus nang hindi naman niya talaga sinasadya.


Sa pakikipagrelasyon at pakikisalamuha sa pamilya, gustung-gusto ng Aso ang pagiging independent o malaya. Kaya kadalasan, hindi mo siya matatagpuan sa bahay, sa halip, ang ikinaliligaya niya nang tunay ang maglakbay at mamasyal sa magaganda at kaakit-akit na lugar, lalo na ang mga lugar na malapit sa nature.


Sinasabing kapag umiibig ang isinilang sa Year of the Dog, sobra kung magmahal at minsan ay nagiging dahilan upang siya ay mabulag sa pag-ibig, magpaka-martir o magpakabayani, alang-alang sa kanyang minamahal.


Dagdag pa rito, bagama’t sobra kung magmahal, hindi naman siya masyadong showy, kaya ang pag-ibig niya, minsan ay hindi gaanong napapahalagahan ng kanyang minamahal dahil muli, hindi naman niya ito gaanong ipinapakita o ipinadarama. Dahil dito, pinaniniwalaan na kung magiging showy o demonstrative lamang ang Aso sa kanyang nararamdaman, lalo na sa kanyang minamahal, walang pagdududa na sa pakikipagrelasyon, mas madali niyang makakamit ang isang panghabambuhay na sarap at ligaya.


Sa pag-ibig, hindi siya mandaraya. Kumbaga, kung gaano nagiging tapat at totoo ang kanyang kasintahan, higit pa ru’n ang igaganti niyang pagmamahal sa naturang karelasyon. ‘Yun lamang, ang problema, baka hindi niya ito masyadong ipakita o ipadama sa kanyang kasintahan, kaya posibleng masayang lang din ang pagiging sobrang tapat at mapagmahal niya. Kaya kung ikaw ay isang Aso, dapat ay umpisahan mo na ngayong ipakita at ipadama ang pag-ibig at pagmamahal mo sa iyong kasuyo upang kapwa kayo masarapan at habambuhay na lumigaya.


Bagay na bagay naman sa Aso ang isang Tigre at Kabayo. Ang ganitong relasyon ay tiyak na magiging maligaya at panghabambuhay dahil pare-pareho silang tapat at masarap magmahal.


Bukod sa Tigre at Kabayo, tugma rin sa Aso ang Daga, Ahas, Unggoy, Baboy at kapwa niya Aso, ang ganitong relasyon ay babalutin naman ng walang kahulilip na lambingan, at sila rin ang itatala bilang masaya at panghabambuhay na magkakasama.


Habang, ang madalas namang matagpuang habambuhay na nagmamahalan at itinatala ang relasyon na walang iwanan ay ang Aso at Kuneho. Ang nangyayari, lihim na palang hinahangaan ng Kuneho ang Aso, at noon niya pa pinapangarap makasama, habang ang Aso naman ay hangang-hanga rin sa pagiging tahimik, pino at may malalim na pagkatao, pero matalino, laging mapag-isa at ambisyosong Kuneho.

Itutuloy



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | April 15, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong 2023 o Year of the Water Rabbit.

Ang Aso o Dog ay silang mga isinilang noong taong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018, at 2030.


Pagdating sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, ang Aso ay sadyang masarap magmahal. Sa katunayan, tulad ng pagmamahal niya sa kanyang amo, sa sandaling minahal ka niya, sa lahat ng sitwasyon at pagkakataon, poprotektahan at aalagaan ka niya.


Ang pagiging tapat at mapagmahal ng Aso ay isa sa mga kahanga-hanga niyang katangian dahil tulad ng nasabi na, anumang laban at sitwasyon na inyong masuotan, dahil siya ay loyal at faithful sa kanyang minamahal o kaibigan, anuman ang mangyari, ang kaibigan o minamahal niyang ito ay hinding-hindi niya iiwanan.


Ang problema lamang, minsan, ang tipikal na Aso ay madaldal at matuusin. Dahil dito, kung ibig mo sa matahimik na buhay tulad ng buhay ng Baka na bihirang magsalita, at ang gusto niya palagi ay walang magulo o maingay, hindi magiging maligaya ang buhay ng Baka sa piling ng isang makuwento at palabida na Aso.


Kung nakakita ka ng nakikipag-away sa kalye na walang tigil at patuloy sa kakadakdak kahit may mga pulis at barangay tanod nang dumating, walang duda na siya ay isinilang noong 1982, 1994, 2006, 2018 dahil ang walang preno at matabil na dilang ito ay tiyak na pag-aari ng isang tipikal na Aso.


Samantala, ang maganda sa isang Aso, matapos mailabas ang kanyang galit at katarayan sa pamamagitan ng salita, hindi naman siya habambuhay na nagtatanim ng sama ng loob. Tunay nga na ang galit o tampo niya sa iyo, dahil nailabas na niya, madali ka na niyang mapapatawad at makakalimutan ang mga pangyayaring hindi n’yo pinagkasunduan. Ibig sabihin, sa kabila ng katarayan, may natitira pa ring bait at pusong mapagmahal sa kaibuturan ng pagkatao ng isang isinilang sa Year of the Dog.


Dahil dito, hindi nakakapagtakang masabi na ang isang Aso ay likas na maawain at mapagmahal sa kanyang kapwa na nasa mababang kalagayan. Isang halimbawa nito ay pinoproblema niya rin ang magandang susuotin kung may birthday siyang dadaluhan.


Pero sa kabila nito, hindi rin maalis sa isip niya ang awa at habag sa nadaanan niyang matandang pulubi na namamalimos sa lansangan.


Kumbaga, madali siyang sumisimpatya at naaawa sa mga taong inaapi at kapus-palad, kaya ang isa pa sa kalikasan at ikinaganda sa ugali ng Aso, siya ay likas na maawain at matulungin, lalo sa mga taong alam niya na walang tutulong at maaasahan pa sa buhay.


Pagdating sa sex at pakikipaglandian, kung ang Kabayo ay madaling kiligin at palaging excited kapag nakikita niya ang kanyang crush, habang ang Baboy o Pig ay sobrang sensual, dikit nang dikit at nag-iinit agad, ang Aso ay higit na hindi makapaghintay.


Kumbaga sa naiihi, kaya pa namang pigilan ang sarili, bagama’t laging nananabik at magaslaw, ginagawa niya lamang ito kapag kayo ay nasa pribadong lugar o kapag kayong dalawa lang at wala namang nakakakita.


Samantala, bagay na bagay ang minsang narinig ko sa aking kausap na isang tipikal na Aso, sabi niya, “Noong dinala ako ng boyfriend ko sa motel, mahaba ang pila, sa waiting area pa lang ay sobrang gigil na ako dahil sa kasabikan.”


Itutuloy


 
 
RECOMMENDED
bottom of page