top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Marso 11, 2024



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.



Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso. 


Ang Dog o Aso ay silang mga isinilang noong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030.


Ang isa pang pangunahing ugali ng Aso ay ang pagiging maramdamin at masikreto lalo na kapag ramdam niyang hindi dapat pagkatiwalaan ang mga taong nasa paligid niya. 


Hinggil naman sa pagiging maramdamin, sa kabila ng mga halakhak at ngiti na ipinapakita niya sa kanyang mga kasama, bihira lang na may nakakapansin na ang Aso ay nade-depress din.  


Kaya kadalasan, kapag naiinis siya sa mundo at nararamdaman niyang walang dapat pagkatiwalaan, nagmumukmok na lamang siya sa isang sulok upang maproteksiyunan ang kanyang pribadong buhay. Ngunit, bihira lang ito gawin ng Aso dahil ayaw na ayaw din niyang nakikipag-away dahil alam niyang sa paraang ito ay bumababa ang kanyang pagkatao. 


Kapag ang Aso ay nakipag-away o nakipagdiskusyon, hindi niya talaga ito gusto, sa halip ay napilitan lamang siya dahil sa hindi maiwasang sitwasyon. Ngunit pagkatapos nito, sa kanyang pag-iisa ay pinagsisisihan din ng Aso kung bakit siya pumasok sa nasabing gulo at kung siya lang ang masusunod ay hindi na niya ito uulitin. Sapagkat tulad ng nasabi na, mahalaga sa isang Aso ang pribado at masayang pamumuhay kapiling ang kanyang mga mahal sa buhay. 


Kaya napakahalaga sa Aso na maipakita sa kanya ang tunay na pagmamahal at pagkalinga dahil kapag ganitong environment ang pinaramdam mo sa kanya, tiyak na magiging masigla, productive at successful ang magiging buhay at karanasan niya.


Ang isa pang ikinaganda sa ugali ng Aso, kung sakaling magalit siya sa iyo o nagkaroon kayo ng tampuhan, ito ay hindi naman panghabambuhay dahil bukas ang puso niya sa pagpapatawad, basta iparamdam mo lang sa kanya na kinakalinga mo siya at hindi nawawala ang pagmamahal mo sa kanya.


Gayunman, bukod sa pagiging malihim at paghahangad ng magmamahal, kilala rin ang Aso sa pagiging makuwento. Kumbaga, mahilig siyang magbida at habang ibinibida niya ang kung anu-anong bagay, doon siya nakakaramdam ng pagluwag ng kanyang damdamin at lihim na ligaya. Sa parte mo naman, bilang kaibigan ng Aso, wala kang dapat gawin kundi pakinggan at i-encourage siya para magkuwento siya nang magkuwento. Kapag ganu’n ang sitwasyon, tiyak na magiging maligaya siya at habambuhay kayong magiging mag-best friend.


Dagdag pa rito, ang isa pang pangunahing ugali ng Aso na hindi mo mauunawaan kung maganda ba ito o hindi ay hindi sila materialistic, kaya bihira sa kanila ang yumayaman nang todo. Likas sa kanila ang pagiging mapagbigay kaya imbes na mag-ipon, ang kadalasang nangyayari, kapag hindi nakakapagbayad ang mga taong pinagkakatiwalaan nila, tulad ng pangkaraniwang tao ay sumasama ang loob ng isang Aso sa nasabing kaibigan o kakilala na hindi nakabayad ng utang.


Gayunman, ang pinagkaiba ng Aso sa mga taong nagpapautang na hindi nababayaran, paglipas ng panahon, bola-bohalin at purihin mo lang ang taglay niyang ganda at kabaitan, kahit na may utang ka sa kanya, malamang na muli ka niyang pauutangin. 


Tunay ngang ganu’n kabait at kadalisay ang puso at kalooban ng Aso, kaya minsan ay nasasabihan siya ng mga taong malalapit sa kanya na madali siyang mauto at maloko ng mga taong mapagsamantala.


Hindi rin alam ng Aso ang sagot, pero isa lang ang alam niya — siya ay tunay na maawain at mapagmahal sa mga taong alam niyang walang maaasahan at labis na nangangailangan.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024. 


Itutuloy….


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Marso 10, 2024



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.



Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso. 


Ang Dog o Aso ay silang mga isinilang noong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030.


Madalas pinaghihinalaan ng aso ang kanyang kapwa.  Dahil dito, mahirap paniwalain ang isang mapagmatyag at laging nagmamarunong na Aso. Pero,  madali lang naman silang mainlab. Subalit, kahit sabihin na napamahal na siya sa iyo, patuloy pa rin ang kanyang pagdududa at paghihinala. 


Dagdag dito, ang Aso ay kilala rin sa pagiging malambing at mapagmahal, ang problema nga lang ay kapag nakagawa ka sa kanya ng pagkakamali, tiyak na mag-iingay agad siya.


Nangyaring ganu’n dahil kilala ang isang tipikal na Aso sa tahol nang tahol o pagiging madakdak, at tila nais niyang ibalita sa buong barangay ang mga pagkakamaling ginawa mo sa kanya. Kahit pigilan mo pa siya, tunay ngang lalong siyang manggigigil na ipagkalat at ipamalita ang iyong kapalpakan.


Dahil likas na matalino at mapag-isip, sinasabi ring madaling nayayamot ang isang Aso sa mga taong mahihina, walang tiwala sa sarili, mabagal magpasya at laging nagdadalawang isip dahil para sa isang mapag-isip at malikhaing Aso, madali lang naman magdesisyon higit lalo kung ang pagpapasya sa anumang gagawin ay nakabatay sa kabutihan.


Para sa isang Aso, hindi niya papayagan ang kanyang sarili na mabitin sa anumang iniisip at ginagawa, dahil ang hinahangad-hangad ng kanyang puso ay nangyayari na. Kung saan para sa isang Aso, ang tama, maganda at masarap na desisyon ang higit na pinakamahalaga dahil dito nakasalalay ang kanyang tagumpay.


Madalas pa ngang sabihin ng isang Aso sa kanyang sarili at sa kanyang mga kaibigan na ang buhay ng tao ay nahahati lamang sa pinagputul-putol na pagpapasya. Kaya nga para sa isang Aso, kapag mabagal ka sa bawal pagdedesisyon na iyong ginagawa, paniguradong lungkot at kabiguan ang iyong mapapala.


Ngunit kung nasasabayan mo ang bawat tiklado ng kamay ng orasan, dito nakasalalay ang lihim ng iyong suwerte at magandang kapalaran. 


Tulad ng nasabi na para sa isang Aso,  nakasalalay sa mabilisang pagdedesisyon at pagpapasya, ang lahat ng uri ng tagumpay at panghabamuhay na kaligayahan.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024. 


Itutuloy….

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Marso 9, 2024


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.


Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso. 


Ang Dog o Aso ay silang mga isinilang noong 1922, 1934, 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006, 2018 at 2030.


Ang Dog ay may zodiac sign na Libra sa Western Astrology na may ruling planet na Venus. Likas na mapalad ang Aso mula alas-7 hanggang alas-9 ng gabi, habang ang mapalad naman nilang direksyon ay ang kanluran at hilagang-kanluran. 


Sinasabing higit na matapang, buo ang loob at agresibo ang Aso na isinilang sa gabi kung ikukumpara sa kapatid niyang isinilang sa araw.


Kung pagiging patas at makatarungan ang pag-uusapan, nangunguna rito ang Aso.


Kung sila lang ang mamumuno, tiyak na paiiralin nila ang hustisya at katarungan dahil para sa Aso, ayaw na ayaw niyang nakakakita ng taong inaargabyado, inaapi at pinagkakaitan ng katarungan. Kaya naman, bagay na bagay sa kanila ang pagiging judge, abogado o politiko kung saan siguradong mapapairal nila ang batas at walang kinikilingan pamamahala.


Kilala rin ang Aso sa pagiging tapat, prangka at may malalim na kaisipan. Para sa isang Aso, hindi puwede ang simpleng solusyon dahil ang pinakamagandang solusyon sa anumang problema ay nilulutas nang may puso, damdamin, pag-aaruga at pagmamahal sa mga taong namomroblema.


Kilala rin ang Aso sa kabaitan at simpatya sa kanyang kapwa, lalo na sa mga inaapi ng tadhana at lipunan. Kapag ganito ang sitwasyon, makikitang may isang nagmamalasakit talaga sa kapakanan ng mga inaapi at pinagkaitan ng katarungan, kung saan hindi lang malasakit kundi ipinaglalaban din ng Aso ang karapatan ng mahihirap, inaapi at pinagkakaitan ng hustisya.


Kaya naman sa aspetong pamumuno, kung sadyang bulok ang gobyerno o sistemang kinamulatan ng Aso, napu-frustrate siya sa ganu’ng sitwasyon, kaya naman gustung-gusto niya itong baguhin agad. Ngunit dahil ang bulok na sistema ng pamahalaan ay matagal nang umiiral sa bansa, pipilitin niya itong itama, baguhin at pairalin ang pagkakapantay-pantay. Ngunit kadalasan, nabibigo ang Aso na baguhin ang sistema, kaya naman siya ay nasasadlak sa frustration at kalungkutan dahil hindi niya lubos maisip na nakikita at nararanasan ng mga tao ang mali at hindi makatarungang sistema, ngunit imbes na baguhin ay sinasakyan lamang nila ito at patuloy na pinaiiral.


Dahil dito, kadalasan ay makikitang nag-iisang nakikipaglaban ang Aso sa mga maling umiiral na sistema. Ngunit kahit nag-iisa patuloy pa rin siyang naninindigan, hanggang sa lumaon, karamihan sa mga Aso ay itinatanghal na martir, human rights leader at bayani.


Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.


Itutuloy….


 
 
RECOMMENDED
bottom of page