top of page
Search

by Info @Editorial | January 7, 2026



Editoryal, Editorial


Tama lang na bawal na ang pag-epal ng mga pulitiko sa pamimigay ng ayuda. 

Hindi nila pera ang ipinamimigay kundi pera ng taumbayan. Kaya wala silang karapatang makisawsaw, maglagay ng mukha, pangalan, o logo na para bang personal nilang pera ang tulong.


Ang ayuda ay para sa mga nagugutom at naghihirap, hindi para sa mga "epalitiko" na naghahabol ng papuri at boto. 


Sa halip na kamera at tarpulin, ang kailangan ng mamamayan ay mabilis at patas na tulong. 


Nakakainsulto na gawing parang campaign event ang isang serbisyong dapat ay tahimik at tapat.


Tama lang ang utos na anti-epal kasabay ng pagpirma sa national budget. 


Kung tunay ang serbisyo, hindi kailangang ipangalandakan. Ang mga lider na inuuna ang pangalan kaysa kapakanan ng tao ay malinaw na inuuna ang sarili kaysa bayan.


Malinaw ang mensahe: ang ayuda ay karapatan ng mamamayan, hindi pabor ng pulitiko. Panahon na para wakasan ang kultura ng epal at pairalin ang tunay na paglilingkod.

 
 

by Info @Editorial | January 6, 2026



Editoryal, Editorial


Ang paghuli sa mahigit 100 e-trike kaugnay ng pagbabawal sa mga ito sa main road ay patunay ng determinasyon ng mga awtoridad na ipatupad ang batas-trapiko.


Gayunman, sa kabila ng layuning ayusin ang daloy ng kalsada at tiyakin ang kaligtasan ng publiko, mahalagang tandaan na ang mahigpit na pagpapatupad ay dapat laging kaakibat ng tamang proseso at malasakit sa kabuhayan ng mga mamamayan.

Hindi maikakaila na maraming drayber ang umaasa sa e-trike bilang pangunahing pinagkakakitaan. 


Kung ang pagbabawal ay ipinatupad nang biglaan o kulang sa malinaw na abiso, nagiging parusa ito hindi lamang sa paglabag kundi sa mismong kabuhayan.  Nararapat na may sapat na impormasyon, palugit, at alternatibong ruta o solusyon sa ganitong malawakang paghuli.


Higit sa lahat, dapat malinaw ang batayan ng paglabag, maayos ang pakikitungo ng mga enforcer at may malinaw na paraan para sa pag-apela. 


Ang disiplina sa kalsada ay mas epektibong nakakamit kung may tiwala ang publiko sa pagiging patas at makatao ng pagpapatupad.


Sa huli, ang layunin ng batas-trapiko ay kaayusan at kaligtasan—hindi panggigipit. Kung nais ng pamahalaan ang kooperasyon ng mga tsuper, kailangan nitong ipakita na ang pagpapatupad ng batas-trapiko ay makatarungan, malinaw, dumaraan sa tamang proseso at hindi ningas-kugon.


 
 

by Info @Editorial | January 5, 2026



Editoryal, Editorial


Ang Traslacion ay isa sa pinakamalaking pagtitipon ng pananampalataya sa bansa, ngunit kasabay ng debosyon ang hamon ng seguridad. 


Sa dami ng debotong nagtitipon, kailangang maging mas maayos ang lahat upang maiwasan ang aksidente, stampede, at iba pang panganib.


Mahalaga ang papel ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng malinaw na ruta, mahigpit na crowd control, at mabilis na serbisyong medikal. 


Ang presensya ng mga pulis, marshal, at health workers ay hindi upang hadlangan ang debosyon, kundi upang tiyaking ligtas ang bawat isa. 


Ngunit hindi matatamo ang seguridad kung aasa lamang sa pamahalaan. Ang disiplina ng mga deboto—pagsunod sa patakaran, pag-iwas sa tulakan, at paggalang sa kapwa—ang tunay na sandigan ng isang ligtas na Traslacion. 


Ang pananampalataya ay higit na nagiging makahulugan kapag ito’y sinasabayan ng malasakit at responsibilidad.


Sa huli, ang isang ligtas na Traslacion ay bunga ng sama-samang pagkilos. Kapag pinahalagahan ang kaligtasan, mas nagiging makabuluhan ang debosyon at mas tunay ang diwa ng pagkakaisa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page