top of page
Search

by Info @Editorial | January 10, 2026



Editoryal, Editorial


Isang guro ang hinimatay at nabagok sa gitna ng class observation, at kalauna'y binawian ng buhay. 


Ito umano'y malinaw na patunay na ang kalusugan ng mga guro ay matagal nang napapabayaan.


Sa sistema ng edukasyon, laging sinusukat ang galing ng guro—lesson plan, strategy, performance. Ngunit bihirang sukatin kung sapat ba ang kanilang pahinga, kung may sakit na ba silang tinitiis, o kung kaya pa ba ng kanilang katawan ang araw-araw na trabaho. 


Ang kalusugan ay hindi hiwalay sa trabaho. Kapag ang guro ay puyat, stressed, at may karamdaman, tiyak na may hangganan ang kanyang kakayahan. 


Kung seryoso ang sistema sa kalidad ng edukasyon, dapat seryoso rin ito sa kalusugan ng mga guro. Kailangan ng regular na health check-up, mental health support, at mga patakarang nagbibigay-prayoridad sa buhay.


Kapag hindi inuna ang kalusugan ng guro, patuloy na may mawawala.

 
 

by Info @Editorial | January 9, 2026



Editoryal, Editorial


Una sa lahat, pagbati sa 5,594 na mga bagong abogado na pumasa sa 2025 Bar Examinations. 


Ang pagiging abogado ay hindi lisensya para yumaman kundi tungkulin para maglingkod. 


Sa mga bagong abogado, malinaw ang hamon: piliin ang bayan kaysa pansariling interes.


Sa kasalukuyang kalagayan ng bansa, maraming Pilipino ang walang access sa hustisya. Ang mahihirap ay naaapi, ang makapangyarihan ay madalas nakakalusot, at ang batas ay nagiging laruan ng may pera. 


Sa ganitong sistema, mahalaga ang papel ng bagong abogado—hindi bilang kasangkapan ng pang-abuso, kundi bilang panangga laban dito.


Ang panunumpa ng abogado ay pangakong ipagtatanggol ang katotohanan at katarungan kahit mahirap at delikado. 


Ang pagtanggap ng bayad kapalit ng pagbaluktot ng batas ay pagtataksil sa propesyon at sa bayan.


Hindi madali ang landas ng isang abogadong pinipiling maglingkod nang tapat. May kapalit ang integridad: minsan ay pagbagsak, at minsan ay buhay. Ngunit sa huli, ang dangal at tiwala ng bayan ang pinakamataas na gantimpala.


 
 

by Info @Editorial | January 6, 2026



Editoryal, Editorial


Sa gitna ng kakulangan sa silid-aralan, guro, aklat, kuryente, at maayos na pasilidad sa maraming pampublikong paaralan, naglaan ang Department of Education ng P100 milyon para sa AI Center. 


Mahalaga ang teknolohiya pero paano makikinabang ang mga estudyanteng nag-aaral sa siksikang classroom, walang internet, at kulang sa upuan? 


Paano gagamit ng AI ang mga paaralang wala pang computer o maaasahang kuryente?

Hindi problema ang pagtingin sa hinaharap. Ang problema ay ang tila kakulangan ng pagtutok sa kasalukuyan. 


Ayusin muna ang basic: sapat na guro, disenteng pasilidad, aklat, at kalidad ng pagtuturo. 


Kung bagsak ang pundasyon, walang silbi ang high-tech na proyekto.

Kung itutuloy ang AI Center, dapat malinaw kung sino ang makikinabang, paano ito makakarating sa mga pampublikong paaralan sa kanayunan, at paano ito hindi mauuwi sa isa na namang mahal pero hindi nagamit na proyekto.


Sa ngayon, tanggap nating mahalaga ang AI pero dapat ding tanggapin na ang pinakamalaking kakulangan ng DepEd ay basic education.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page