top of page
Search

by Info @Editorial | January 24, 2026



Editoryal, Editorial


Ina prubahan na ang P800 dagdag-sahod para sa mga kasambahay sa Metro Manila—isang mahalagang hakbang tungo sa pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa lipunan. 


Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, ang desisyong ito ay nagsisilbing tugon sa matagal nang panawagan para sa makatarungan pasahod.


Hindi maikakaila ang sakripisyo ng mga kasambahay. Sila ang nagbabantay sa ating mga anak, nag-aalaga sa matatanda, at tumutulong upang manatiling maayos ang ating mga tahanan. 


Gayunpaman, sila ay kabilang sa mga manggagawang mababa pa rin ang sahod at

kulang sa proteksyon. 


Umaasa tayo na ang pag-apruba ng dagdag-sahod ay patunay na unti-unti nang kinikilala ng pamahalaan at lipunan ang kanilang dignidad bilang manggagawa.


Higit sa pag-apruba, mas mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad nito upang matiyak na tunay na makikinabang ang mga kasambahay. 


Kinakailangan ang kooperasyon ng mga amo, ahensya, at ng pamahalaan upang masiguro na nasusunod ang batas at naipagkakaloob ang nararapat na sahod at benepisyo.


Sa huli, ang dagdag-sahod sa kasambahay ay hindi lamang usapin ng pera, ito ay usapin ng respeto, katarungan, at malasakit.

 
 

by Info @Editorial | January 23, 2026



Editoryal, Editorial


Hindi na dapat palampasin ang lumalalang karahasan sa mga eskwelahan. Sa halip na maging ligtas na lugar para sa pagkatuto, nagiging sanhi ito ng takot, pananakit, at trauma sa mga mag-aaral. Bullying, pisikal na pananakit, at pananakot ay araw-araw nang nararanasan ng marami, ngunit madalas ay tila binabalewala o pinagtatakpan.


May mga mag-aaral na mas pinipiling manahimik dahil walang agarang aksyon mula sa paaralan o mga nakatatanda. Mali ito. Kapag pinabayaan ang karahasan, lalo itong lalala.


Responsibilidad ng paaralan na magpatupad ng mahigpit na patakaran at agarang parusa. 


Tungkulin naman ng mga magulang na bantayan ang asal ng mga anak. 

Dapat ding kumilos ang pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan sa loob ng mga kampus. Hindi sapat ang salita—kailangan ng malinaw na aksyon.


Ang karahasan sa eskwelahan ay hindi normal at hindi dapat tinatanggap. Kung nais natin ng maayos na kinabukasan, simulan natin sa pagtiyak na ligtas ang mga paaralan ngayon.


 
 

by Info @Editorial | January 22, 2026



Editoryal, Editorial


Lumabas sa nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na laganap talaga ang katiwalian sa mga flood control projects ng pamahalaan. 


Hindi iisang proyekto o iilang tao lamang ang sangkot—marami pang kaso ang iniimbestigahan. Ibig sabihin, bilyun-bilyong pondo na dapat panlaban sa baha ang ninakaw o sinayang.


Dahil dito, posible raw na tapos na ang kasalukuyang administrasyon pero ang imbestigasyon ay hindi pa.


Kaya kailangan ang mas mabilis at seryosong aksyon. Habang mabagal ang imbestigasyon, patuloy ding binabaha ang mga komunidad at patuloy na nagdurusa ang mamamayan. 


Tukuyin agad ang mga opisyal at kontratistang sangkot, ihain ang mga kaso, at panagutin sila—malaki man o maliit ang pangalan. Walang dapat protektado. Kung may ebidensiya, kumilos agad.


Kung walang mapaparusahan, walang saysay ang imbestigasyon. 


Ang taumbayan ay naghihintay ng resulta, hindi palusot. Panahon na para ipakita ng pamahalaan na seryoso itong labanan ang katiwalian, lalo na kung ang nakataya ay buhay at kaligtasan ng mamamayan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page