top of page
Search

by Info @Editorial | November 12, 2025



Editorial


Matinding pinsala ang iniwan ng mga Bagyong Tino at Uwan sa kabuhayan ng mga Pilipino. 


Maraming magsasaka, mangingisda, at manggagawa ang nawalan ng pinagkakakitaan matapos masira ang kanilang taniman, bangka, at mga pinapasukan. Sa isang iglap, naglaho ang kanilang pinagkukunan ng pang-araw-araw na gastusin.


Hindi sapat ang pansamantalang ayuda gaya ng relief goods. Ang kailangan ng mga binagyo ay tulong para muling makapagsimula — mga programang pangkabuhayan at trabaho. 


Dapat ding may pagsasanay para matutunan ang ibang paraan upang kumita, lalo na kung paulit-ulit na tinatamaan ng kalamidad.


Kasabay nito, dapat pagtuunan ng pansin ang paghahanda bago ang sakuna. Kung maayos ang plano at proteksyon sa kabuhayan, hindi na kailangang magsimula sa wala tuwing may bagyo.


Panahon na para unahin ng pamahalaan ang matatag na kabuhayan, hindi lamang tulong pagkatapos ng trahedya. Sa ganitong paraan, muling makakabangon ang mga binagyo, hindi lang mula sa baha, kundi pati sa kahirapan.


 
 

by Info @Editorial | November 11, 2025



Editorial


Tuwing may bagyo, maraming Pilipino ang nawawalan ng tahanan at kabuhayan. Marami ang gustong tumulong — gobyerno, pribadong sektor, at mga mamamayan. Gayunman, madalas may mga tulong na hindi agad nakakarating sa mga tunay na biktima.


Dapat tiyakin ng mga opisyal na ang bawat donasyon ay makarating sa mga nangangailangan. Hindi dapat gamitin ang kalamidad para sa pansariling interes o pulitika. Kailangang maayos ang sistema ng pamimigay ng tulong — mabilis, tapat, at patas.


Mahalaga ang koordinasyon ng lahat ng ahensya para walang nakakaligtaan. 

Ang tulong ay hindi lang dapat pansamantala. Kailangan ding tulungan ang mga biktima na makabangon at muling makapagsimula.


Ang tunay na malasakit ay nakikita sa maayos na aksyon, hindi sa pangako. Tiyakin nating ang bawat tulong ay makakarating sa tamang kamay hindi sa bulsa ng iilan.


 
 

by Info @Editorial | November 10, 2025



Editorial


Sa tuwing may kalamidad, tila hindi rin nawawala ang isa pang uri ng delubyo: ang pagbaha ng fake news. 


Sa halip na makatulong, may mga indibidwal at grupo na sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon sa social media, na nagdudulot ng takot, kalituhan, at minsan pa’y panganib sa buhay.Nakababahala na sa panahon ng krisis, imbes na pagkakaisa at tamang impormasyon ang manaig, ay kasinungalingan at panlilinlang ang lumalaganap.


May mga nagpo-post ng pekeng balita — bilang ng namatay, video ng pinsala ng bagyo, kanselasyon ng klase, trabaho — mga bagay na dapat lamang manggaling sa mga opisyal na ahensya tulad ng PAGASA, NDRRMC, o lokal na pamahalaan. 


Ang mga ganitong gawa ay hindi simpleng kalokohan, ito ay krimen na maaaring magdulot ng panic at maling desisyon ng publiko.Bilang mamamayan, may pananagutan tayong maging mapanuri. 


Sa panahon ngayon, ang pag-share ng hindi beripikadong post ay maaaring kasing delikado ng bagyong ating kinatatakutan. Bago magbahagi ng impormasyon, suriin muna ang pinagmulan. Kung walang kumpirmasyon mula sa mga awtoridad, mas mabuting manahimik.


Panahon na upang managot ang mga nagpapakalat ng fake news. Dapat ding paigtingin ng mga ahensya ng gobyerno ang kampanya kontra-fake news.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page