top of page
Search

by Info @Editorial | November 15, 2025



Editorial


Nakatanggap ng reklamo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa umano’y pagkakaltas sa cash assistance na ibinibigay sa mga biktima ng kalamidad. Mariin itong kinondena ng ahensya at agad na nagpahayag na hindi nito kinukonsinti ang anumang uri ng katiwalian sa pamamahagi ng ayuda.


Mahalagang hakbang ang mabilis na pagtugon ng DSWD sa nasabing isyu. 


Sa panahon ng krisis, ang tulong pinansyal mula sa gobyerno ay nagiging sandigan ng mga nawalan ng tirahan, kabuhayan, at pag-asa. Kaya naman, anumang reklamo ng pang-aabuso, pananamantala o korupsiyon ay dapat seryosohin, sapagkat ang bawat piso na galing sa buwis ay may katumbas na dugo't pawis ng mamamayan. 


Kaya nararapat ding ipaalam sa publiko ang mga hakbang upang maiwasan ang ganitong insidente. 


Kung totoo man na may indibidwal o opisyal na nagsasamantala, tungkulin ng DSWD na tukuyin at papanagutin ang mga ito. 


Dapat tiyakin ng ahensya na dumadaan sa maayos at tapat na proseso ang pamamahagi ng ayuda — walang kaltas, walang palakasan, at walang pamumulitika.


 
 

by Info @Editorial | November 14, 2025



Editorial


Ang mga pulis ay dapat na simbolo ng kaayusan. Sila ang unang tinatakbuhan ng publiko sa oras ng panganib, at ang kanilang uniporme ay tanda ng tiwala at kapangyarihan. 


Subalit sa mga nagdaang araw, tila nababahiran ng dungis ang imahen ng kapulisan dahil sa mga ulat ng ilang alagad ng batas na nasasangkot sa iba’t ibang uri ng krimen — mula sa pagnanakaw, pang-aabuso, hanggang sa mas mabibigat na kasong kriminal.


Nakababahala ang ganitong mga pangyayari. Kung ang mga taong dapat magpatupad ng batas ang siyang lumalabag dito, paano na? 


Hindi sapat na sabihing “iilan lang naman” ang gumagawa ng mali, sapagkat ang bawat kasong kinasasangkutan ng pulis ay may bigat na nakasisira sa kredibilidad ng buong institusyon.Dapat maging mahigpit ang PNP at ang pamahalaan sa pagpapanagot.

Hindi maaaring palampasin ang mga tiwaling pulis. Kailangang makasuhan at maparusahan nang naaayon sa batas. 


Dapat ding bigyang halaga ang reform programs at values formation sa kapulisan.Sa kabilang banda, hindi rin dapat kaligtaan ang mga matitinong pulis na patuloy na nagsisilbi nang tapat at marangal. Sila ang dapat gawing huwaran at inspirasyon ng iba. 


Ngunit para tuluyang mawala ang katiwalian, kailangang tutukan ang buong sistema—mula sa liderato hanggang sa mga bagong recruit.


Kailangang maunawaan ng bawat pulis na ang kapangyarihang tangan ay hindi lisensya sa pang-aabuso, kundi tungkulin upang maglingkod.

 
 
  • BULGAR
  • Nov 13, 2025

by Info @Editorial | November 13, 2025



Editorial


Dumarami na naman ang kaso ng panghoholdap sa mga convenience store, restaurant, gas station, at iba pang establisimyento.Halos araw-araw ay may balitang mayroong ninakawan, tinutukan ng baril, o sinaktan.Wala nang takot ang mga holdaper. Wala nang pinipiling oras at lugar.


Ang panghoholdap ay hindi lamang pagnanakaw ng pera — ito ay pagnanakaw din ng kapayapaan at tiwala ng taumbayan. 


Kung patuloy na mamamayagpag ang mga holdaper, unti-unting mawawala ang tiwala ng publiko sa hustisya at sa pamahalaan.Kailangan ng mas mahigpit na seguridad, mabilis na aksyon ng pulisya, at kooperasyon ng publiko.Dapat mag-patrol, maglagay ng CCTV, at bantayan ang mga lugar na madalas pinapasok ng mga kriminal.


Ang kawalan ng agarang aksyon mula sa mga otoridad ay tila nagiging paanyaya sa mga kriminal na ipagpatuloy ang kanilang gawain. Kung walang mahuhuli, walang mapaparusahan — kaya patuloy ang kanilang pamamayagpag.  


Hindi puwedeng tuluyang manaig ang takot. Dapat manaig ang hustisya. Panahon na para ipakita ng pamahalaan na hindi sila natutulog sa pansitan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page