top of page
Search

by Info @Editorial | November 1, 2025



Editorial


Kung may ‘multo’ na kinatatakutan at kinamumuhian ngayon, ‘yan ay ang mga flood control project na kung hindi palpak ay ‘di naman nakikita pero nakamamatay.

Kaya tama ang hakbang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagbuo ng Technical Working Group (TWG) na susuri sa mga flood control project bago pa man itayo. 


Layunin din ng TWG na maiwasan ang proyektong walang maayos na engineering plan.

Sa pamamagitan ng pagsusuri bago simulan ang proyekto, masisiguro na ang bawat gagawin ay makatutulong talaga sa mga residente at hindi basta-basta lang para magamit ang pondo. 


Isa rin itong paraan upang mapanatili ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pera ng bayan.Gayunman, kailangang tiyakin ng ahensya na ang grupo ay tapat, mahusay, at walang pinapanigan. Dapat ding makilahok ang mga lokal na pamahalaan at mamamayan sa pagmo-monitor ng mga proyekto.Kung magiging maayos ang pagpapatupad nito, malaking tulong ito sa pag-iwas sa baha at sa pagsasaayos ng tiwala ng publiko. 


Sa tamang pagsusuri at tapat na pamumuno, masisiguro na ang bawat flood control project ay tunay na para sa tao, hindi para sa bulsa ng iilan.

 
 

by Info @Editorial | October 31, 2025



Editorial


Maraming buhay ang nakasalalay sa bawat biyahe ng pampasaherong sasakyan. 

Kaya’t nararapat lamang na maging regular at mahigpit ang pagpapatupad ng random drug testing sa mga PUV driver. 


Hindi ito simpleng patakaran, kundi isang kinakailangang hakbang upang matiyak na ang mga nagmamaneho ay nasa maayos na kondisyon sa pag-iisip at katawan.Hindi na bago ang mga ulat ng aksidente na dulot ng mga drayber na gumagamit ng ilegal na droga. 


Ang paggamit ng drugs upang manatiling gising o alerto ay isang maling paraan na nagdudulot ng kapahamakan sa mga pasahero at sa ibang motorista. 


Kung may regular na random drug testing sa mga drayber, mababawasan ang tukso na gumamit ng bawal na gamot dahil alam nilang anumang oras ay maaari silang mahuli.Kaya dapat tiyakin ng mga ahensya ng gobyerno na ang mga pagsusuri ay ginagawa nang patas, mabilis, at may respeto sa karapatan ng mga tsuper. 


Ang layunin ay hindi upang parusahan, kundi upang mapanatili ang tiwala ng publiko at protektahan ang kanilang kaligtasan.


Sa dulo, malinaw ang mensahe, ang kaligtasan ng bawat pasahero ay nakasalalay sa disiplina ng drayber. 

 
 

by Info @Editorial | October 30, 2025



Editorial


Sa gitna ng pangakong mas maayos na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino, nakalulungkot marinig ang mga sumbong tungkol sa mga Super Health Center na iniwang nakatengga — mga gusaling halos tapos na, ngunit walang serbisyong naibibigay. Ang dapat sana’y takbuhan sa panahon ng karamdaman ay naging simbolo ng kapabayaan at korupsiyon.


Ayon sa mga reklamo, may mga Super Health Center na ilang buwan o taon nang nakatayo ngunit wala pa ring kagamitan, doktor, o kahit staff. 


Kung tutuusin, maganda ang layunin ng proyekto — mailapit ang serbisyong medikal sa bawat sulok ng bansa. Ngunit kung mananatiling nakatiwangwang, hindi ito magiging tulong kundi paalala ng sistemang walang malasakit at walang pananagutan. 


Ang bawat araw na lumilipas nang hindi nagagamit ang mga health center ay katumbas ng mga buhay na napapabayaan.Kailangan ng masusing imbestigasyon. Ang mga ahensyang sangkot sa pagpapatayo at pagpapatakbo ng mga Super Health Center ay dapat managot at magpaliwanag kung bakit natengga ang mga proyekto. 

 
 
RECOMMENDED
bottom of page