top of page
Search

by Info @Editorial | November 13, 2025



Editorial


Dumarami na naman ang kaso ng panghoholdap sa mga convenience store, restaurant, gas station, at iba pang establisimyento.Halos araw-araw ay may balitang mayroong ninakawan, tinutukan ng baril, o sinaktan.Wala nang takot ang mga holdaper. Wala nang pinipiling oras at lugar.


Ang panghoholdap ay hindi lamang pagnanakaw ng pera — ito ay pagnanakaw din ng kapayapaan at tiwala ng taumbayan. 


Kung patuloy na mamamayagpag ang mga holdaper, unti-unting mawawala ang tiwala ng publiko sa hustisya at sa pamahalaan.Kailangan ng mas mahigpit na seguridad, mabilis na aksyon ng pulisya, at kooperasyon ng publiko.Dapat mag-patrol, maglagay ng CCTV, at bantayan ang mga lugar na madalas pinapasok ng mga kriminal.


Ang kawalan ng agarang aksyon mula sa mga otoridad ay tila nagiging paanyaya sa mga kriminal na ipagpatuloy ang kanilang gawain. Kung walang mahuhuli, walang mapaparusahan — kaya patuloy ang kanilang pamamayagpag.  


Hindi puwedeng tuluyang manaig ang takot. Dapat manaig ang hustisya. Panahon na para ipakita ng pamahalaan na hindi sila natutulog sa pansitan.


 
 

by Info @Editorial | November 12, 2025



Editorial


Matinding pinsala ang iniwan ng mga Bagyong Tino at Uwan sa kabuhayan ng mga Pilipino. 


Maraming magsasaka, mangingisda, at manggagawa ang nawalan ng pinagkakakitaan matapos masira ang kanilang taniman, bangka, at mga pinapasukan. Sa isang iglap, naglaho ang kanilang pinagkukunan ng pang-araw-araw na gastusin.


Hindi sapat ang pansamantalang ayuda gaya ng relief goods. Ang kailangan ng mga binagyo ay tulong para muling makapagsimula — mga programang pangkabuhayan at trabaho. 


Dapat ding may pagsasanay para matutunan ang ibang paraan upang kumita, lalo na kung paulit-ulit na tinatamaan ng kalamidad.


Kasabay nito, dapat pagtuunan ng pansin ang paghahanda bago ang sakuna. Kung maayos ang plano at proteksyon sa kabuhayan, hindi na kailangang magsimula sa wala tuwing may bagyo.


Panahon na para unahin ng pamahalaan ang matatag na kabuhayan, hindi lamang tulong pagkatapos ng trahedya. Sa ganitong paraan, muling makakabangon ang mga binagyo, hindi lang mula sa baha, kundi pati sa kahirapan.


 
 

by Info @Editorial | November 11, 2025



Editorial


Tuwing may bagyo, maraming Pilipino ang nawawalan ng tahanan at kabuhayan. Marami ang gustong tumulong — gobyerno, pribadong sektor, at mga mamamayan. Gayunman, madalas may mga tulong na hindi agad nakakarating sa mga tunay na biktima.


Dapat tiyakin ng mga opisyal na ang bawat donasyon ay makarating sa mga nangangailangan. Hindi dapat gamitin ang kalamidad para sa pansariling interes o pulitika. Kailangang maayos ang sistema ng pamimigay ng tulong — mabilis, tapat, at patas.


Mahalaga ang koordinasyon ng lahat ng ahensya para walang nakakaligtaan. 

Ang tulong ay hindi lang dapat pansamantala. Kailangan ding tulungan ang mga biktima na makabangon at muling makapagsimula.


Ang tunay na malasakit ay nakikita sa maayos na aksyon, hindi sa pangako. Tiyakin nating ang bawat tulong ay makakarating sa tamang kamay hindi sa bulsa ng iilan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page