top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | October 22, 2020



Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, at sa pagkakataong ito, tatalakayin natin ang ugali at kapalaran ng Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Rat at sa 2021 o Year of the Metal Ox.

Kung ikaw ay isinilang noong 1923, 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007 at 2019, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Pig o Baboy.


Sinasabing bukod sa mahilig sa kasiyahan, parties, celebrations, gimmick at galaan, ang isa pang pangunahing katangian ng Baboy ay ang mahilig sa barkada at lipunan. Sa sandaling kasama niya ang kanyang mga kaibigan o barkada, masayang-masaya siya at parang ‘yun na ang lahat-lahat sa buhay nya. Dahil dito, kadalasan ay napagbibintangan siyang kulang sa ambisyon at walang responsabilidad sa buhay, sa halip ay laging pa-easy-easy at ang tanging nais at layunin ay magsaya.


Sa kabila ng pagiging mahilig sa kaibigan at kasiyahan, ang hindi alam ng mga taong nakapaligid sa kanya, kaya ganu’n ang Baboy ay dahil walang nakaaalam na may malalim siyang kalungkutan at hinanakit sa kanyang pamilya at magulang. Bagama’t ganito ang kalimitang nagiging sitwasyon, hindi ito ipinahahalata ng Baboy. Sa halip, kabaligtaran pa ang nakikita sa kanya dahil sa panahong successful ang Baboy sa kanyang buhay, hinding-hindi nawawala sa kanyang ugali ang pagtulong sa pamilya. Kadalasan, akala ng iba ay ginagawa niya ito upang siya ay purihin at parangalan ng kanyang mga kapamilya, lalo na ng kanyang mga magulang, pero ang totoo, hindi ganito ang kanyang intensiyon dahil likas lamang talagang mabait at matulungin ang isang Baboy.


Dahil likas na mabait at galante, ganundin ang ugali na ipinadarama niya sa kanyang mga kaibigan kung saan lagi siyang mabait at mapagbigay hanggang sa sukdulang maubos na lahat ang kanyang pera o resources, mapasaya lamang ang mga taong nasa paligid niya. Kaya naman hindi kataka-taka na may isang panahon sa buhay ng Baboy na nasisimot at nauubos talaga ang kanyang kabuhayan, pero ang nakapagtataka, balewala ito sa kanya. Ang nangyayari kasi, kahit bigay siya nang bigay, palagi naman siyang pinagpapala ng nasa itaas dahil kahit ubos na ang kabuhayan o resources ng Baboy, dating naman nang dating sa kanya ang mas maraming blessing, na tila walang tigil na buhos ng ulan mula sa langit. Ibig sabihin, kahit sobrang galante at mapagbigay ang isang Baboy, ang totoo, hindi lang natin nakikita, doble-dobleng biyaya at pagpapala ang natatanggap niyang gantimpala mula sa langit.


Samantala, sa kabila ng lahat ng pagiging mabait at galante, hindi alam ng mga nakapaligid sa kanya na dahil may malalim na kalungkutan sa puso ng Baboy, minsan ay hindi siya naiintindihan ng kanyang mga kaibigan, at hindi rin niya nauunawaan ang kanyang mga kaibigan. Bagama’t sa simula ay masayang-masaya ang barkada, sa bandang huli ay lihim at tahimik na umiiwas ang Baboy sa kanyang mga kaibigan nang walang nakaaalam na may lihim pala siyang hinanakit at tampo sa mga dating naging matalik niyang kaibigan.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | October 20, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Pig o Baboy ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.

Kung ikaw ay isinilang noong 1923, 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007 at 2019, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Pig o Baboy.


Ang Pig ay panghuli sa 12 animal signs sa Chinese Astrology kung saan siya rin ang zodiac sign na Scorpio sa Western Astrology na may kaakibat na planetang Mars.


Ang mapalad na oras para sa Baboy ay mula alas-9:00 hanggang sa alas-11:00 ng gabi, sa mapalad na direksiyong north (hilaga) at north-west (hilagang-kanluran).


Sinasabing higit na nagiging marahas at sobrang mahilig sa sarap at layaw ng katawan ang mga Baboy na isinilang sa panahon ng tag-araw o tag-init kaysa sa mga baboy na isinilang sa panahon ng taglamig o tag-ulan.


Kilala sa pagiging easygoing, masiyahin, masarap ang buhay ang Baboy. Dahil dito, siya ay itinuturing ding isa sa pinakamasarap at pinakamasayang kasama dahil tiyak na aayain ka niya sa gawaing masarap at maligaya.


Dahil ang pangunahing hangad niya ay sarap at ligaya, madalas ay natatagpuan din ng Baboy ang hinahanap niya – masarap na karanasan, hihila-hilata at hayahay na buhay, na kahit lumipas ang buong maghapon ay tila wala siyang problema sa buhay o alalahaning iniinda.


Gayunman, kung hindi matututunan ng Baboy na mag-ipon o mag-invest para sa future, bagama’t magiging masaya, panatag at kampante ang buhay niya ngayon, kinabukasan ay may babala namang maghihikahos, maghihirap at masasadlak siya sa kaawa-awang kalagayan.


Kung mayaman at masikap sa buhay ang mapapangasawa ng isang Baboy at tinuruan siyang magtipid at mag-ipon para sa future, wala nang pinakasasarap pang buhay kundi ang buhay ng Baboy, na nagawang mag-invest at magtabi ng kabuhayan ngayon upang magamit niyang pampasarap ng buhay sa future, lalo na sa panahon ng kanyang pagtanda.


Dagdag pa rito, bukod sa pagiging galante at matulungin, kilala rin ang Baboy sa pagiging mahilig sa lipunan at magmayabang. Kadalasan pa nga, nag-iipon ang isang Baboy ng kabuhayan o maraming pera, hindi para sa future kundi para ipagmayabang sa mga kakilala at kaibigan niya. Dahil dito, kung hindi magiging masinop, madaling nauubos ang kabuhayan ng isang Baboy sa pakikisalamuha sa kaibigan, hanggang matagpuan na lang niya ang kanyang sarili na wala nang laman ang kanyang bulsa.


Samantala, ang ugali namang ito ng Baboy ang hinahangaan ng kanyang mga kaibigan, kaya ang pamomolitika ay kusang dumarating sa buhay niya. Nagiging leader siya ng malalaking pangkat at grupo hanggang sa bandang huli ay siya na ang “Big Boss” ng samahan at maaabot niya ang pinakamataas na posisyon.


Ang problema, kapag nasa napakataas nang posisyon ang Baboy, marami naman ang naiinggit at hindi nasisiyahan sa istilo ng kanyang pamamahala, kaya ang kadalasang nangyayari ay pinipilit ibagsak at siraan ang Baboy, na nagiging daan upang hindi magtagal ang pamumuno niya sa anumang napakataas na posisyon. At dahil ayaw na ayaw ng Baboy na namumroblema at talaga namang pagpapasarap sa buhay ang hangad niya, kapag na-pressure ay madaling nagre-resign at umaayaw na sa panunungkulan ang Baboy.

Itutuloy

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | October 17, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang ugali at magiging kapalaran ng Dog o Aso ngayong Year of the Metal Rat hanggang sa 2021 o Year of the Metal Ox.

Alalahaning ang Dog o Aso ay nahahati sa limang uri o klase, batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:

  • Metal Dog o Bakal na Aso - silang mga isinilang noong 1970 at 2030

  • Water Dog o Tubig na Aso - silang mga isinilang noong 1982

  • Wood Dog o Kahoy na Aso - silang mga isinilang noong 1934 at 1994

  • Fire Dog o Apoy na Aso - silang mga isinilang noong 1946 at 2006

  • Earth Dog o Lupa na Aso - silang mga isinilang noong 1958 at 2018

Sa nakaraang mga isyu, tinalakay natin ang kapalaran ng Metal Dog, Water Dog, Wood Dog, ganundin ang Fire Dog, kaya sa pagkakataong ito, pag-usapan naman natin ang huling uri ng Dog ayon sa taglay niyang elemento, ito ay ang Earth Dog o Lupa na Aso.


Kung ikaw ay isinilang noong 1958 at 2018, ikaw ay mapabibilang sa impluwensiya at kapangyarihan ng Earth Dog at ito ang iyong magiging sadlakang kapalaran ngayong 2020 hanggang 2021.


Sa sandaling nag-concentrate sa iisang depenido at solidong layunin ang Earth Dog, anuman ang layunin niya at kahit gaano katayog ang inaabot niya, ito ay siguradong kanyang makakamit. Kumbaga, basta itinuon ng Asong Lupa ang kanyang dedikasyon sa tiyak na layunin, walang duda, isandaang porsiyentong makakamit niya ito.


Kaya mahalaga para sa Earth Dog na hindi magpabagu-bago ang lagay ng kanyang isipan upang matiyak ang tagumpay at ligaya sa anumang binabalak niyang gawain, hindi lamang ngayong 2020 hanggang 2021, bagkus ay maging sa buong buhay niya.


At dahil may pagkaseryoso sa kanyang ginagawa, kumbaga, nakatutok lang sa kanyang pinagkakaabalahang gawain, minsan ay napagbibintangan siyang masungit at walang pakialam sa kapwa. Pero hindi naman talaga ganu’n ang isang Earth Dog, sa halip, nangyayari lamang ito dahil gustung-gusto niyang matapos agad ang isang bagay upang maikamada na niya ang isa pang accomplishment sa napakataas ng hirera o bunton ng kanyang mga natamong tagumpay.


Samantala, higit na nagiging matagumpay at maligaya ang Earth Dog sa mga accomplishment na kanyang ginagawa at nagawa sa mga bagay na may kaugnayan sa salapi at materyal na bagay. Kaya naman karamihan sa mga Earth Dog ay yumayaman at nagiging matagumpay sa aspetong pinansiyal at materyal na bagay.


Sa pangkalahatan, bagama’t may mga itatalang pag-unlad ang Earth Dog, hindi rin maaalis ang manaka-nakang pagbaba ng graph ng pag-unlad sa aspetong negosyo at pananalapi. Ibig sabihin, bagama’t kikita ng malaking halaga, hindi naman gaanong itatala ito dahil may mga pagkalugi o pagkawala rin ng salapi na mararamdaman. Ibig sabihin, ang taong ito para sa isang Lupang Aso ay “breakeven” lang na nangangahulugang hindi masyadong nalugi pero hindi rin naman masyadong kumita.


Sa kabila nito, asahan naman na mas magiging maganda at mabiyaya ang buhay at karanasan ng Earth Dog sa 2021, hindi lamang sa materyal na bagay, bagkus, may naghihintay ding kakaibang ligaya sa larangan ng pag-ibig at aspetong emosyon, partikular sa susunod na taon ng Metal Ox.

Itutuloy

 
 
RECOMMENDED
bottom of page