ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-3 Araw ng Abril, 2024
“Hindi nga ako mahal ni Nhel,” sabi ni Via sa kanyang sarili.
Kung tunay kasi ang pagmamahal nito sa kanya, dapat sana ay pinupuntahan na siya nito sa kanilang tahanan. 24 hours na rin itong hindi nagpapakita o nagpaparamdam man lang.
Umaasa pa rin si Via sa pagmamahal ni Nhel, ngunit kumukontra ang kanyang utak. Sabi pa nito, “Kung pinapahalagahan ka ng lalaking natutunan mong mahalin, dapat sana ay kasama mo na siya ngayon.”
Kumirot lalo ang puso niya na para bang pinipiga. Naisip niya rin kasi na baka kasama na ni Nhel ang babaeng kanyang pinagseselosan, at ‘yun ay walang iba kundi si Mariz.
Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Talaga kasing parang may maliit na tao sa kanyang loob na nagsasabing kung hindi lang siya pumasok sa eksena, baka nagkatuluyan na sina Mariz at Nhel. Isang malakas na pagsinghap ang kanyang pinawalan na kung totoong peke ang kanilang kasal, ibig sabihin, maaari pa rin silang maikasal.
“Ramdam na ramdam ko ang galit niya.”
Sa puntong iyon, napatingin siya sa kanyang Tatay Pedro.
“Kailan?”
“Noong araw na kunin ka niya “
Hindi pa man niya napapakinggan si Nhel, durog na durog na ang kanyang puso. Tiyak naman kasi niyang mas masasaktan lang siya kapag nalaman niya ang katotohanan kaya mas maigi pang paganahin na lang niya ang kanyang utak.
Kung nagtanim nga ng sama ng loob si Nhel sa ama nito, natural lang na gawin nito ang lahat para makapaghiganti. Nasaktan na naman siya sa kaisipang peke ang pagnanasa sa kanya ni Nhel.
“So, tunay nga na pinaglaruan niya lang ako?”
“Anak…”
“Si Nhel ang tunay mong anak.”
“Pero, anak din kita.”
“Hindi mo naman ako kadugo.”
“Kahit kailan ‘di ko naisip ‘yan. Mula nang maging asawa ko ang nanay mo, itinuring na rin kita bilang isang tunay na anak.”
Mas lalong bumigat ang kanyang dibdib. Ibig kasing sabihin noon, may karapatan talagang magalit si Nhel sa kanila.
Itutuloy…