top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 4, 2023



ree

“Bakit nandito tayo?” Nagtatakang tanong ni Mark.


“Sa tingin ko, mas safe tayo rito,” sagot ni Maritoni, pero kumunot ang kanyang noo. Sa katunayan, hindi niya rin alam kung bakit iyon ang napili niyang lugar. Hindi pa nga niya napupuntahan iyon. Pero pagkaraan ng ilang sandali, napagtanto niyang parang imposible dahil pamilyar na pamilyar sa kanya ang lugar na ‘yun.


“Hindi ko rin alam basta ang alam ko, ligtas tayo rito.”


“Sure ka?”


“Yes.”


‘Di niya alam kung bakit pakiramdam niya ay safe na safe siya ru’n. Pero hindi niya matandaan kung paano ito nangyari. Hindi niya masabing nagkataon lamang dahil may pamilyaridad siyang nakikita rito.


“Huwag mo na pilitin ang sarili mo na balikan ang nakaraan kung wala ka namang maalala,” mariing sabi niya rito.


“Baka may nangyari sa nakaraan mo na gusto mo nang kalimutan.” Dagdag pa ni Mark.


May punto si Mark, ngunit bakit kahit gusto niyang maalala ang nangyari noon, hindi niya ito magawang maalala ngayon?


“Masakit na ang ulo ko sa kakaisip,” wika niya saka hinaplos ang kanyang ulo na sobrang nasasaktan.


“Huwag mo na kasi pilitin pa ang sarili mo.”


Gustung-gusto ni Maritoni malaman ang dahilan kaya ayaw sana niyang sundin ang sinabi ni Mark. Pumikit pa siya at pilit na inaalala ang nangyari.


“Ang kulit mo talaga,” wika nito.


Nang dumilat si Maritoni, nabigla siya nang yakapin at angkinin ni Mark ang kanyang labi.


Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 3, 2023



ree

“Ano ba ang nangyayari sa’yo?”


Sa halip na sagutin ni Maritoni ang tanong ni Mark, tinutop niya ang kanyang ulo. ‘Di kasi mawala sa kanyang isipan ang boses na paulit-ulit niyang naririnig.


“Gusto mo bang dalhin na kita sa doktor?” nag-aalalang tanong ni Mark.


Ang marahas na paghinga niya kanina ay unti-unting napawi, at para bang mayroong mapagpalang kamay si Mark, at maya-maya ay naging okey na rin siya.


“Sa bahay na tayo dumiretso,” sabi ni Mark kay Maritoni.


“Huwag,” gilalas namang sabi ni Maritoni.


Napatingin sa kanya si Mark, at halatang naguguluhan sa kanyang sinabi. Sasagutin pa sana niya ang tanong nito ngunit biglang napahinto si Mark sa kabilang kanto. May mga tao kasing nasa harapan ng bahay nito.


“'Yan ang sinasabi ko,” mariin niyang sabi. “Talagang hindi titigil si David hangga’t ‘di ka madiing kriminal.”


Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Mark at sabay sabing, “mahal ka kasi niya.”


“Ano ba ang sinasabi mo?”


“Kapag mahal mo ang isang tao, lahat gagawin mo para hindi siya mawala sa’yo. At iyon ang ginagawa ni David. Handa niyang gawin ang lahat para ‘di ka lang mawala sa kanya. Kahit pa siraan niya ako sa’yo. Nasa sa iyo na kung maniniwala ka ba sa kanya o hindi.”


“Siyempre hindi,” sambit niya.


Kahit kasi kakakilala palang niya rito buong-buo na ang tiwala niya kay Mark. Samantalang kahit kilalang-kilala niya si David, ‘di niya ito kayang pagkatiwalaan.


Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 2, 2023



ree

Agad tinawagan ni Maritoni si David. Alam niya kasing matutulungan siya ng kanyang partner. Nakahinga naman siya nang maluwag nang makaligtas sa kamatayan ang mga madre. May mga saksak ang mga ito dahil sa biglang pagsulpot ng isang lalaking nakamaskara.


“Hindi ba dapat nandu’n ka? Alam mo naman nag-iimpake pa lang ako.” Inis na sabi niya kay David.

“Bigla akong pinatawag ni Boss Chief. Hindi ko naman puwedeng sabihing, sorry, boss nandito kasi ako sa misyon ng aking partner.”

Napabuntong hininga na lang siya dahil may kat’wiran naman si David. ‘Di niya lang alam kung bakit binigyan sila ng magkahiwalay na trabaho sa panahon na ito.

“Magpasalamat na lang tayo at ligtas ang lahat. Pero, hindi ka puwedeng laging suwertehin.” Pagkaraan ay binalingan naman nito si Mark.

Buong sarkastikong sabi niya, “mabuti naman nabuhay ka pa?”

“Masamang damo yata ako eh,” wika naman ni Mark. Kahit na kinabahan siya para sa kanyang kaligtasan.

“Talagang masamang damo ka, nasasangkot ka nga sa mga krimen….”. Matabang nitong sabi.

“Wala siyang kasalanan,” sagot naman ni Maritoni rito.

Hindi muna niya nagawang ituloy ang sasabihin dahil binalingan siya ni David ng nagbabagang tingin. Bigla tuloy siyang napaatras dahil parang mayroong alaalang pumasok sa kanyang isipan.

“Mamamatay ka rin,” wika ng boses na kilala niya, pero kahit ano’ng isip niya ay hindi niya maalala kung sino ang nagsalita.

Itutuloy…



 
 
RECOMMENDED
bottom of page