top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 7, 2023



ree

Ang pangarap ni Maritoni ay maging isang mahusay na agent ng The Dragons, pero sa tuwing niyayakap at hinahalikan siya ni Mark Ferrer, nakakalimutan niya iyon, maging ang kanyang misyon. Ang nais lang kasi niya ay maramdaman at maipadama kay Mark ang kanyang pag-ibig.


“I love you,” wika ni Mark.


Agad siyang tumayo buhat sa kanyang kinahihigaan saka tinakpan ang sarili. Hindi naman dahil sa nagsisisi siya kaya parang gusto niyang tumakbo palayo rito. Kung maaari lang ay magpakulong na siya sa bisig nito habambuhay. Mahal niya si Mark ngunit hindi niya maiwasan ang ma-disappoint sa kanyang sarili dahil mas inuna niya ang kanyang damdamin kaysa sa kanyang misyon.


“Huwag mong sabihin na pinagsisisihan mo ang nangyari?” Hindi makapaniwalang tanong ni Mark.


“No! Kaya lang…”


“Kaya lang ano?”


“Hindi pa tapos ang misyon ko” Malalim na buntong hininga naman ang kanyang pinawalan. Pakiramdam niya kasi ay nabigo siya.


“Gusto kong malaman kung sino ang tunay na serial killer,” wika niya.


Nanlaki ang mga mata niya pagkatapos. Hindi siya makapaniwalang nasabi niya ‘yun gayung dapat ay classified information iyon.


“Tutulungan kita”


“At bakit kailangan mong gawin ito?” Hindi makapaniwalang tanong niya.


“Tulad mo, may misyon din ako.”


Parang sumakit ang ulo niya sa sinabi ni Mark. “Ano’ng misyon?”


“Mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng tunay kong ina,” wika nitong titig na titig sa kanya na para bang maraming gustong sabihin.


“Sinong ina?”


“Si Sister Luna.”


Gilalas siyang napatingin dito, at hindi niya iyon mapaniwalaan.


“Ngayon ang tanong ko sa’yo, kaya mo pa ba akong tanggapin kahit alam mo na pagkatao ko. Anak ako ng…”


Ayaw na niyang makita ang sakit sa mga mata ni Mark. Ang nais niya ay mapawi ang sakit kaya pinatahimik niya ito sa pamamagitan ng kanyang maalab na halik.


Itutuloy…



 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 6, 2023



ree

Anak ng madre si Mark. Gilalas na sabi ni David nang halukayin nila ang background nito.


Dahil du’n, dumagundong ang kanyang dibdib, hindi niya mahagilap ang mga ito at nakatitiyak siyang magkasama ito.


Nang maisip niya ang kanyang partner na si Maritoni. Hindi niya mapigilan ang makaramdam ng panggigigil. Sobra kasing nagpabaya si Maritoni sa kanyang misyon na unusual dito dahil mahal nito ang kanilang samahan.


‘Di niya alam kung saan nito nailagay ang kanyang utak. Para kasing tumakas iyon sa sistema nito.


Dati, mas inuuna nito ang kanyang tungkulin bago ang ibang bagay, pero ngayon ano’ng nangyari?


Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Sa palagay niya ay masyado ng inlab si Maritoni sa lalaking iyon.


Ano bang mayroon ang buwisit na iyon at nawala ang amor ni Maritoni sa kanya? Ilang beses na siyang nag-chat dito pero dedma lang. Kung sakaling mag-message ito ay awtomatikong malalaman niya kung nasaan ito dahil naglagay siya sa cellphone nito ng tracking device.


Sa palagay nga niya ay naka-off ang cellphone nito. Marahas na buntong hininga tuloy ang kanyang pinawalan. Para kasing sinasabi noon na walang pakialam si Maritoni sa ibang tao, maliban kay Mark.


“Sobra kung protektahan ng partner mo ang Mark Ferrer na ‘yun,” sabi ng kanilang chief.

Ginayuma ata?”


“Inlab kamo”


“Hindi puwede!” inis niyang sagot.


“Wala ka nang magagawa, binasted ka na.”


“Hindi totoo ‘yan”


“Kung hindi totoo ‘yun, dapat nandito siya pero mas pinili ng partner mo ang Mark Ferrer na iyon, kaya sorry ka.”


“Mababawi ko rin siya.” Aniyang naniningkit ang mga mata. Pakiramdam niya may bolang apoy na naglalaro ru’n at nagpapahiwatig ng matinding galit na maaaring makapatay.

Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | December 5, 2023



ree

Matapos siyang halikan ni Mark. Gusto sana niyang tanungin ito kung bakit niya ito ginawa, pero para siyang nahulog sa napakalalim na tunnel na kahit gusto niyang umahon ay wala siyang makapitan.


“Okey ka lang?” Tanong ni Mark.


Narinig niya ito, pero parang nasa ibang dimensyon ang kanyang utak. Para kasing mayroong kakaibang nilalang sa kanyang paligid.


“Umikot ka.”


Hindi niya gustong gawin iyon, pero ‘di niya namalayan na ginawa rin niya pala. Parang gusto niyang maiyak dahil hindi niya makontrol ang kanyang sarili.


“‘Di dapat malaman ng iba kung ano ang nangyayari sa atin,” wika ng babae.


“Gusto ko nang ipagsigawan sa buong mundo na ikaw talaga ang mahal ko na ipaglalaban ko ang pagmamahalan natin kahit na marami pa ang kumontra.” matigas na sabi ng isang tinig.


Dama niya ang sobrang pagmamahal nito kaya humanga siya rito.


“Isang malaking kalokohan kapag ginawa mo ‘yun. Hindi lang ako ang masisira, kundi pati na rin ikaw at ang mga taong mahalaga sa atin.”


“Siya lang ang mahalaga sa akin.”


Nawala ang mga salitaan sa kanyang panaginip pero makaraan naman ng ilang sandali ay ang mapupusok na halikan naman ang kanyang nakita. Malabo ang histura ng mga ito, pero ramdam niya ang bigat ng kanyang damdamin. Pakiwari niya tuloy kilala niya ang mga ito.


Maya-maya may naramdaman na namang siyang galit sa kanyang dibdib. Ang tanong na nais niyang masagot ay para kanino ‘yun? Kahit ano’ng isip ang kanyang gawin hindi niya ito maalala pero pamilyar sa kanya ang mga boses na para bang palagi niyang nakakasalamuha.


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page