top of page
Search
  • BULGAR
  • Jan 9, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 9, 2024



ree

Aware si Baninay na mahal na mahal si Princess ng kanyang mga magulang. Kaya naman nagpaawa siya sa harap ng mga ito. Kailangan niya kasing makuha ang kanyang gusto at alam niyang mangyayari lamang iyon kapag pumasok na sa eksena ang mga magulang ni Princess. 


“Bakit, iha?” Gilalas na tanong ng kanyang mama.


“Ano’ng problema?” Tanong naman ng kanyang papa.


Kundi lang niya nakagat ang kanyang dila, tiyak na matatawa siya, napaka-oa naman kasi ng mga ito. Kunsabagay, magri-react talaga ang mga ito lalo na kung bigla na lamang siyang hahagulgol na para bang pasan-pasan ang mundo. 


“Anak…” sabay na bulalas ng mga ito. 


Sa pagkakataong iyon, hindi na siya muling nakangiti, at bigla siyang nakaramdam ng inggit kay Princess. Sa pagbigkas palang kasi ng katagang ‘anak’ ng mga ito, damang-dama na niya ang pagmamahal nito para sa dalaga. Hindi tuloy niya napigilan ang mainggit. Wala kasi siyang ama, ngunit mayroon naman siyang ina. 


Kahit na may kamalditahan siya, hindi niya mapigilan ang mapalunok dahil nagagawa naman ng kanyang ina na ibigay ang pagmamahal na kailangan niya. Pero, hindi niya pinapansin ang mga sakripisyo nito dahil mas gusto niyang tingnan ang mga bagay na wala sa kanya. Tulad na lamang ng isang ama at lalaking mahal na mahal niya. 


Sa pagmamahal na ibinibigay ni Gabriel kay Princess, matinding inggit ang naramdaman niya at mas higit niyang naramdaman iyon ngayon. 


“Hindi na niya yata ako mahal,” kunwa’y sabi niya. 


“Si Gabriel?” Parang hindi makapaniwalang bulalas ng matandang lalaki. 


“Ayaw niya kasi akong pakasalan,” wika niyang pinakadiinan pa ang bawat kataga.


“Imposible naman yata iyon,” wika naman ng matandang babae. 


“Hindi ako nagsisinungaling!” Inis niyang sabi. 


Bigla siyang natigilan. Nakatitiyak kasi siyang hindi kayang pagtaasan ng boses ni Princess ang kanyang mga magulang. 


“Bago ka maaksidente, nagsabi na si Gabriel na pakakasalan ka.”


“Eh, bakit ayaw niya ngayon?”


“Dahil hindi ikaw ang tunay na Princess!” Galit na sabi ng boses na kilala niya. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang tunay na Princess. 

Itutuloy…



 
 
  • BULGAR
  • Jan 8, 2024

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Enero 8, 2024



ree

“Bakit parang ayaw mo na akong pakasalan?” Naiinis na tanong nito.


Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Baninay. Nabubuwisit siya dahil grabeng hirap ang kanyang ginawa para lang makuha niya ang ang pag-ibig ni Gabriel at ngayon ay tatanggihan lang siya nito. 


“Hindi naman sa ganu'n…”


“Ano'ng hindi sa ganu'n?” Seryosong tanong ni Princess.


“Hindi pa ito ang tamang panahon para magpakasal tayo. Kagagaling mo lang sa aksidente.”


“Ito na ang tamang panahon para magpakasal tayo. Mahirap na kasing maulit pa ang nangyari. Mas maiging maikasal na tayo para habambuhay na kitang maangkin.”


“Ano'ng pinagsasabi mo r'yan?” 


Bigla siyang natigilan sa takot na nakita niya sa mukha ni Gabriel, at kitang-kita sa mukha nito na parang ayaw ni Gabriel na makasama siya. 


Marahas na buntong hininga ang pinawalan nito pagkaraan. Hindi kataka-taka kung ayaw nitong makasama siya dahil hindi naman talaga siya ang tunay na mahal nito.


Ngunit, hindi pa naman siya baliw para aminin iyon. 


“Gusto kong maging bongga ang kasal natin.”


“Talaga?” Matabang niyang tanong. 


“Gusto kong ibigay ang best para sa’yo.” Buong diin nitong sabi na para bang sinasabing paniwalaan niya. 


“So, pakakasalan mo na ba ako?” Naghahamong tanong niya. 


“Kapag magaling na magaling ka na.”


“Kahit nandito pa ako sa ospital, gusto na kitang pakasalan. Ayoko kasing magkahiwalay pa tayo.”


“Saka na.”


“Parang ayaw mo na akong pakasalan. May iba ka na bang mahal?” naiiyak pa niyang tanong. 


“Hindi ko alam ang sinasabi mo.”


“Mula nang magising ako, tumabang ka na sa akin.”


Hindi agad ito kumibo. Hindi naman kasi ito makakatanggi pa at sa tingin naman niya ay wala itong balak na tumanggi.


“Hindi mo na ba ako mahal?” Lakas loob niyang tanong kahit alam naman niya kung ano ang isasagot nito. 


“Hindi!”  Buong diin nitong sabi na ikinagulat din niya. Buong akala niya kasi ay hindi nito magagawang saktan si Princess.


“Tandaan mo, ikaw si Baninay,” paalala niya sa sarili. 


Itutuloy…


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Enero 8, 2024


Dear Sister Isabel,


Umiibig ako ngayon sa pinsan ko. Sa katunayan, magkasintahan na kami ngayon.


Pero, lihim lang ito dahil iisang dugo lang ang nananalaytay sa amin. Mahal na mahal namin ang isa’t isa at ikamamatay ko kung hindi kami ang magkakatuluyan.


Balak na naming lumayo at magsama na ng tuluyan dahil kamatayan lamang ang makakapaghiwalay sa amin. Ngunit nitong mga nakaraang araw, nag-aalala ako na baka matuklasan na ng mga parents namin ang namamagitan sa amin. Tiyak na magagalit ang mga magulang namin kapag natuklasan nila ang aming relasyon. 


Ano kaya ang dapat kong gawin? Lagi akong balisa sa kasalukuyan, hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,

Jonathan ng Naga City


Sa iyo, Jonathan,


Hindi mo sinabi kung ilang taon ka na sa kasalukuyan. Sa palagay ko ay bata ka pa at walang kamuwang-muwang sa buhay may asawa at wala ring alam na kapag magpinsang buo ang nagkatuluyan, magiging abnormal o special child ang kanilang magiging anak. Hindi mo marahil alam ang mga nabanggit ko. Gayunman, ang maipapayo ko ay itigil mo na ang pakikipagrelasyon sa pinsan mo. Harapin ang katotohanan na hindi talaga kayo puwedeng magkatuluyan. Kalimutan mo na ang kahibangan mo, at lumagay ka sa ayos. Layuan mo na ang pinsang buo mo. Sa umpisa ay mahirap ngunit kung iisipin mo na magpinsan buo kayo at isang dugo lang ang nananalaytay sa inyo, natitiyak kong unti-unti mong makakayanan na layuan siya, putulin mo na ang inyong relasyon para sa ikabubuti n’yo. Nakatitiyak ko na kung hindi ka na magpapakita sa pinsan mo, unti-unti na rin niyang matatanggap na hindi kayo ang nakatakda para sa isa't isa. Hindi pa ‘yan ang inaakala n’yong totoong pag-ibig, infatuation lang yan. Iwasan mo na siya bago pa mahuli ang lahat.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page