- BULGAR
- Feb 1, 2024
ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 1, 2024

Hindi alam ni Gabriel kung bakit hindi niya magawang iwan si Glaiza kahit na mabuti na ang kalagayan nito. Iniisip na lamang niya na naging bahagi rin naman ito ng kanyang buhay.
“Minahal ko ba ito nang todo?” Tanong niya sa kanyang sarili.
Agad siyang napailing sa kanyang katanungan, alam niya kasi sa kanyang sarili na iisang babae lang ang kanyang minahal.
“Princess…?” Mangha niyang bulalas nang maalala niya ito. Dumagundong ang kabog ng kanyang dibdib dahil hindi niya ito makita, at para bang gusto niyang batukan ang kanyang sarili dahil hindi niya ito napansin.
“Hey…”
Biglang kumabog ang kanyang dibdib dahil sa kaba na baka iwanan siya ni Princess, ngunit natigilan naman siya nang marinig niya ang pagtawag ni Glaiza.
“Kumusta na ang pakiramdam mo?” Masuyo niyang tanong sa dalaga, ngunit alam niyang walang ibig sabihin ang pag-aalala niyang iyon.
Ngumiti ito sa kanya at sabay sabing, “Mabuti na dahil nakita na kita. Salamat at ikaw ang una kong nakita.”
Marahan siyang tumango rito. Hindi naman kasi niya alam kung ano ba ang kanyang sasabihin.
“Mahal pa rin kita,” walang pakundangang sambit ng dalaga.
“Salamat,” wika niya.
“Hindi mo ba sasabihin sa akin ang salitang I love you too?” nanunudyong tanong nito sa kanya.
“May girlfriend ako.” paalala niya rito.
“Si Princess?” dudang tanong nito.
Ngumiti muna siya bago ito sinagot. “Yes, at wala ng iba.”
“Mahal mo ba talaga siya?”
Mabilis ang pagsasalita niya ng, “Mahal na mahal.”
“Kahit na ginayuma ka lang niya?”
Kumunot ang kanyang noo sa sinagot ni Glaiza. Kahit na narinig niya na iyon kay Princess.
“Tayo ang tunay na nagmamahalan dito. Bumalik ka na sa akin.”
“Hindi ko alam ang mga sinasabi mo. Basta ang alam ko, mahal na mahal ko si Princess.”
“Pero…”
“Oo, niligawan kita kahit na si Princess ang tunay kong mahal.”
Itutuloy…




