top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 12, 2024


ree

"Matapang," nakangising sabi ng big boss na si Nhel Zamora.

 

Hindi niya akalain na ang mismong anak-anakan na tina-target niya ang nagnanais na makausap siya. 


Ang ini-expect kasi niya ay tatakbo at magtatago ito. Ang gusto kasi sana niyang mangyari ay iwanan ng dalaga si Pedro Pedral, gusto niya kasing iparanas sa lalaking iyon kung paano maiwanan. 


Alam niyang kahit hindi nito kadugo si Olivia Castro, mahal nito ang babae at iyon ang nagpapatindi sa galit na kanyang nararamdaman. 


Dahil sa kapabayaan nito sa kanyang ina, ibang lalaki ang kinailangan niyang kilalaning ama dahil sa pagtakas nito sa responsibilidad. 


Ayon sa kanyang stepdad na si Manuel Miranda, kailangan niyang maging matapang sa hamon ng buhay. 


Kahit na ibinigay ni Manuel ang lahat ng pangangailangan at gusto niya, hindi pa rin mababago ang katotohanan na masamang gawain ang tinuturo nito sa kanya. Malaking bahagi ng kanyang isipan ang nagsasabi na hindi niya gusto iyon pero sakit ng katawan ang matatamo niya kapag hindi siya rito sumunod. 


Dahil wala itong kakayahan na magkaroon ng anak, inangkin siya nito na para na ring isang anak. Kung ang iba ay sinasabing suwerte siya, puwes para sa kanya hindi niya iyon nararamdaman. 


Kung talaga kasing bukal sa loob nito ang sinasabi niya dapat sana ay binago nito ang kanyang apelyido gayung ikinasal naman ito sa kanyang ina. 


Gayunman, palagi nitong sinasabi na siya ang magmamana ng kanilang negosyo. 'Di niya lang alam kung paano siya matutuwa kung masama rin naman ang ipapamana nito sa kanya - ang pasugalan at pagpapautang. 


Ang mga taong umuutang sa kanila na wala ng kakayahang magbayad, ang ginagawa nilang solusyon ay kuhain ang ari-arian o 'di kaya kitilin ang buhay ng mga ito. 


“Mag-usap tayo,” mariing sabi ng isang babae na nasa harapan na pala niya – si Olivia Castro. 


Nanlilisik ang mga mata nito at para bang dambuhalang pusa na gusto siyang kalmutin. 


Itutuloy…



 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 11, 2024


ree

Pakiramdam ni Via, mayroong granadang ibinato sa kanya at para bang nagkapira-piraso siya nang mga sandaling iyon. Ngunit, buong-buo pa siya at malinaw niyang narinig ang mga sinabi ng kanyang stepfather.


“Ako?” Naninigurado nitong tanong.


“Oo, ikaw nga. Ang sabi ni Big Boss, buburahin lang niya ang utang ko kapag binigay na kita sa kanya. Hindi lang ako nagsalita sa harap niya, pero hindi ako sumasang-ayon. Kaya, kailangan na nating umalis ngayon. Hindi ko itatakas ang sarili ko, ang gusto ko lang ay maligtas ka sa kapahamakan.”


Ramdam na ramdam niya ang katapatan sa boses ng kanyang stepfather, kaya parang gusto niyang umiyak. Kahit kasi hindi niya ito tunay na ama, tinrato pa rin siya nitong kadugo. Samantalang ang tunay niyang tatay ay hindi siya nakasisigurado kung alam nga ba nito ang kanyang presensya.


“Kahit na umalis tayo, maaari niya pa rin tayong sundan. Paano kung masyadong masama ang Big Boss na tinutukoy mo? Tiyak na ‘di niya magugustuhan ang binabalak mo. Baka hindi lang ikaw ang singilin niya, paano kung madamay din ang iyong mga kapatid? Mahinang tanong niya.


“Nakahanda ako, ako ang may kasalanan kaya ako lang ang dapat na magdusa.”


“Hindi ko rin gugustuhin na mapahamak ka. Hindi mo man ako kadugo, pero minahal mo ako nang higit pa sa tunay na anak kaya hindi ko rin hahayaan na may masamang mangyari sa iyo.”


“Ano’ng ibig mong sabihin?” Manghang tanong nito.


“Haharapin ko ang sinasabi n’yong Big Boss,” desidido niyang sabi.


“Para?”


“Tatanggapin ko ang gusto niya. Tiyak naman kasi na kahit saan tayo magtago hindi niya pa rin tayo tatantanan, kaya mas maigi pang gawin natin kung ano ang gusto niya.” Mariin nitong sabi.


“Hindi mo alam ang sinasabi mo.”


“Alam ko ho.”


“Mapapahamak ka.”


“Umalis man tayo o hindi mapapahamak pa rin tayo, kaya maigi pang piliin ko na lang na iligtas kayo,” mariin niyang sabi dahil ibig niyang ipakita sa kanyang stepfather na buong-buo ang kanyang loob.


Itutuloy…



 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 10, 2024


ree

Buong akala ni Pedro, makakalimutan niya na ang sakit na kanyang nararamdaman kung mayroon siyang bagay na pagkakaabalahan. 


Mula nang mamatay ang kanyang pinakamamahal na babae, pakiramdam niya mayroon ding bahagi ng kanyang katawan na namatay. Kundi lang siya nagkasakit noong araw na iyon, baka nasamahan niya pa ito. 


“Limang milyon?” Hindi makapaniwalang tanong ng kanyang stepdaughter. 


Nakaramdam siya ng guilt ng mga sandaling iyon. Ipinangako niya kasi sa kanyang misis na magiging mabuti siyang ama kay Via, pero paano na mangyayari iyon kung mayroon siyang kinakaharap na problema ngayon at malaki ang posibilidad na madamay pa ito. 


“Bakit kayo nagkautang ng ganu'ng kalaking halaga?” Nagpa-panic na tanong nito. 


Hindi alam ni Via kung paniniwalaan ba niya ang sinasabi ng kanyang tatay. 


Dati, 'di rin naman gusto ni Pedro ang magkaroon ng utang, dahil aware siyang sasakit lang ang kanyang ulo kapag hindi niya ito nabayaran.  


“Gusto ko lang naman kasing makalimot kaya…” matagal muna siyang nag-pause bago siya muling sumagot na, “sinugal ko ang perang inutang ko.”


“At kanino ka naman nangutang?”  Pagtatanong ni Via. 


Muli, hindi nakakibo si Pedro sa katanungang ibinato sa kanya ni Via. 


“Tay…” inip na bulalas ng dalaga.


“Hindi ko alam. May lumapit lang sa akin at inalukan niya ako ng pera. Dahil gusto kong makabawi sa sugal, agad ko itong tinanggap.”


“Maryosep.”


“Ayoko sanang malaman mo ang ginawa ko, kaya ginusto kong makabawi. Kaya lang, lagi akong inaalat, eh.”


“Pero, hindi solusyon ang pagtatago.”


Bigla siyang natigilan sa determinasyon na naaninag niya sa kanyang stepdaughter

“At hindi mo rin naman dapat isuhestiyon na bayaran ang utang ko, dahil alam mong hindi agad tayo makakahagilap ng milyones.”


Ako ang makikiusap sa pinagkakautangan mo. Babayaran ko siya.”


“Pero, hindi pera ang gusto niyang kabayaran.”


Maang itong napatingin sa kanya, gusto sana niyang iwasan ang mata ni Via, pero mas maigi na ring may alam ito. 


“Ano?


Sinalubong niya ang tingin ng dalaga at sabay sabing, “Ikaw.” 

Itutuloy…



 
 
RECOMMENDED
bottom of page