top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 17, 2024


ree

“Hindi naman natin kailangan ikasal,”  nahagilap niyang tugon.


Para kasi sa kanya, ang kasal ay para lamang sa dalawang taong nagmamahalan. Hindi niya ito mahal at nakakatiyak siyang wala rin itong pagtinggin sa kanya.


“Mas gusto mo bang mag-angkin ako nang mang-angkin na walang pinanghahawakan?” Nanunubok na tanong ng binata. 


“Ang kasal ay para lamang sa mga taong nagmamahalan.”


Kesa na sumagot ito, halakhak ang ginawang tugon ng binata. Dapat sana ay mabuwisit ang dalaga sa pagtawa nito, pero hindi niya iyon nagawa dahil maski siya ay nasiyahan din sa pagkahalakhak ng binata, bigla niya ring napagtanto na guwapo pala ito at kamukhang-kamukha niya si Jake Cuenca. 


Sa kaisipang iyon ay ipinilig niya ang kanyang ulo. Kailangan niyang itaboy sa isipan ang ideyang guwapo ito dahil kahit na mukha pa itong artista, masamang tao pa rin ito. 


“Hindi 'yan mabuting tao!” Buong diin niyang sabi sa kanyang sarili. 


Hindi man siya tunay na anak ni Pedro Pedral, nakakasiguro naman siyang ayaw din nitong mapahamak siya.


Pero, kailangan din niyang gawin ang kanyang responsibilidad bilang anak, at iyon ay ang isalba ito sa kapahamakan na maaari nitong kaharapin. 


“Hindi na importante ang sinasabi mo.”


“Importante ang pag-ibig.”


“Pera ang importante! Kung wala kang pera 'di ka magiging maligaya.” 


“May pera ka nga, pero nananapak ka lang naman ng ibang tao. Paano ka nakakaramdam ng tuwa sa kasamaang ginagawa mo? ” Marami pa sana siyang gustong sabihin, pero nang mapatingin siya sa binata, ang talim ng tingin nito sa kanya at para bang gusto siyang tirisin.


“Pakakasalan mo ako o ipapakulong ko si Pero Pedral?” Gigil nitong tanong sa kanya.


Itutuloy…



 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 16, 2024


ree

“Gusto mong pakasalan kita?” Naniniguradong tanong ni Via sa lalaking hindi niya alam ang pangalan. 


“Yes,” nakangising sagot nito.


“Why?”


“Para mabayaran mo utang ng ama-amahan mo.”


Sa pagkakatitig niya sa lalaki, parang nakikita niya roon ang kanyang Tatay Pedro, ngunit ipinilig niya ang kanyang ulo. Nakatitiyak naman kasi siyang hindi ito magkaanu-ano.


“Paano ka nakakasiguro?” Tanong niya sa kanyang sarili. 


Bahagya siyang umiling dahil hindi naman niya talaga alam ang sagot, at hindi rin niya ganu’n kakilala ang kanyang Tatay Pedro. Basta ang alam niya, bigla na lamang itong dumating sa buhay nilang mag-ina noong 8-anyos siya.


“Wala ka ng ibang pagpipilian kundi sumang-ayon. Kunsabagay, maaari ko pa namang makuha ang bahay at lupa n’yo.”


“Huwag.”


“Kung ayaw mong kunin ko ang bahay n’yo bilang kabayaran sa utang ng tatay mo, magpakasal ka sa akin,” matapang nitong sabi sa nakakapangilabot na tinig.


Noon, laging pinapaalala ng ina ni Via sa kanya na, huwag niya umanong papabayaan ang kanilang bahay. Tanging ito lang daw kasi ang maipapamana nito sa kanya at sa kanyang magiging apo. 


“Pag-ibig ang dahilan kaya nagpapakasal ang dalawang tao. Hindi natin mahal ang isa’t isa. Kaya bakit ako magpapakasal sa’yo?” Naghahamong tanong niya rito, at dito na nagsimulang uminit ang kanyang ulo.


“Hindi ko na kailangan pang sabihin sa’yo ang dahilan kung bakit, pero kung tatanggihan mo ang alok kong kasal, hindi naman kita pipilitin. Kaya lang mapapahamak ang ama mo.”


“Papatay ka dahil sa pera?” 


Sa halip na sagutin siya nito, halakhak na nakapangingilabot ang pinawalan ng lalaki. Pakiwari niya tuloy ay kamatayan ang sasapitin ng kanyang stepfather kapag hindi siya pumayag sa gusto nito.


“Kung sa tingin mo ganyan ako kasama, may pagpipilian ka pa ba?” Nakangisi nitong tanong sa kanya na para bang sinasabing magagawa nga nito ang kanyang hinala at hindi niya iyon hahayaan.


Ngunit, may magagawa ba siya kung buhay ng stepfather niya ang kapalit?


Itutuloy…



 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Pebrero 14, 2024


ree

“Ano'ng pag-uusapan natin?” 


Natigilan si Via sa pagtatanong ng binata. Ang lapad kasi ng pagkakangiti nito sa kanya at para bang nagpapahiwatig na isa itong mabuting tao. 


“Mabuting tao?” Sarkastikong tanong niya sa kanyang sarili. Bigla niya kasing naalala ang dahilan kung bakit siya naroon. Kailangan niya itong komprontahin dahil bina-blackmail nito ang kanyang stepfather. 


“Babayaran ko ang utang ng tatay ko,” mariin niyang sabi pagkaraan. 


“Cash? Paalala ko lang sa iyo, anim na milyon ang utang niya.”


“Limang milyon lang, hindi ba?”


“Hangga’t hindi niya nababayaran ang kanyang inutang, tutubo ito nang tutubo.”


Kahit tuloy nag-aalala siya sa kanyang ama-amahan, biglang naningkit ang kanyang mga mata sa pagkakatingin niya rito. “Yung limang milyon nga hindi niya mabayaran, tapos dadagdagan mo pa? Para kang sira…” inis niyang sabi pero bigla siyang natigilan. 


Hindi naman kasi niya ito kilala kaya bigla siyang nag-alala na baka patulan siya nito. 


Hindi niya napigilan ang mapasinghap nang maalala niyang nasa opisina nga pala siya nito. Kung gugustuhin nitong sampalin siya ay madali lang magagawa ng binata. Paano kung bigla na lang siya nitong halayin?


Naningkit bigla ang kanyang mata nang maalala niya ang sinabi ng kanyang Tatay Pedro, na siya umano ang hinihingi nitong kabayaran. 


“Hindi ako for sale.”


“What?” 


“Sabi ng Tatay Pedro, ako raw ang hinihingi mong kabayaran.”


“That’s true.”


“Hindi ko ibinibenta ang sarili ko sa kahit na sinong lalaki. Babayaran ko lang ang utang ng tatay ko, buwan-buwan, walang tubo. Two thousand monthly.”


“At sa palagay mo kailan ka matatapos magbayad?”


Bigla siyang natigilan. Sa tingin niya kahit na pumuti na ang kanyang buhok hindi pa rin niya iyon mababayaran. 


“Pero, hindi ko gusto ibigay ang virginity ko sa’yo”


“Marry me,” buong diing sabi nito na nagpa-nganga sa kanya. 

Itutuloy…



 
 
RECOMMENDED
bottom of page