top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-1 Araw ng Abril, 2024


ree


“Tunay ang kasal namin!” buong diing sabi ni Nhel. 


Wala na siyang pakialam kung mapahiya siya sa kanyang ex-fiancée, ang importante sa kanya ay  huwag lang masaktan si Via. 


“Bakit nga ba ayaw mong masaktan si Via?” Naghahamon niyang tanong sa sarili. Ipinilig niya ang kanyang ulo sa kaisipang mahal na niya ito dahil hindi iyon ang nararamdaman niya rito, kundi guilt. Tiyak niya kasing mahal na mahal na siya nito.


“Hindi ‘yan ang sinabi mo sa akin,” gulat na sabi ni Mariz. 


Nanlaki ang mata nito na para bang hindi malaman kung sasakyan lang ba niya ang sinasabi ni Nhel o maniniwala na lang ito. 


“Nagsinungaling ako.” 


Nang sabihin niya ang mga salitang iyon, diretso pa siyang tumingin sa mga mata nito. 


“Alam ba niya na parte lang siya ng paghihiganti mo?” Buwisit nitong tanong sa kanya. 


“Shut up!” Galit na sagot ni Nhel. 


Ngunit hindi tumigil si Mariz sa pagsasalita. “Ang rason lang naman kaya ka niya pinakasalan ay para saktan ang ama niya na kinilala mo ring ama,” nakangisi pang sabi nito. 


Umiinit na ang ulo niya kay Mariz kaya hindi na niya napigilan ang singhalan ito, “Tumigil ka na!” 


Nakita ni Nhel na labis na nasaktan si Via. Pakiwari niya ay may punyal na ibinato rito kaya sobrang sakit ng ekspresyon ni Via. 


“Totoo ba?” 


“No,” wika niya. 


Sanay naman siyang magsinungaling kaya mabilis niyang nasabi ang mga katagang iyon. Pagkaraan, gusto niyang yakapin si Via dahil gusto niyang iparamdam dito na hindi niya ito iiwanan kahit kailan. Ngunit, tinulak siya nito. 


“Nagsisinungaling ka lang sa akin,” wika nito. 


“No,” wika niya, pero mahina ang kanyang boses. 


“Kaya ba ayaw mong magpunta kay Tatay Pedro dahil ginagamit mo lang ako para pasakitan siya?” Wika nito sabay agos ng luha. 


“Via…” wika ni Nhel. 


Ngunit, biglang hinubad ni Via ang kanilang wedding ring at iniabot kay Nhel. 


Mahal kita. Mahal na mahal, ngunit hindi ‘ko hahayaan na gamitin mo ako, para lamang saktan ang Tatay Pedro ko,” madiing sabi nito.


Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 28, 2024


ree


Parang bombang sumabog ang dibdib ni Via nang marinig niya ang sinabi ni Mariz, Ngunit, hindi naman siya ganu’n kaemosyonal para mas pairalin ang kanyang nararamdaman.


“Sa palagay mo maniniwala ako sa’yo?” Sarkastikong tanong niya sabay pamewang.

 

Ayaw niyang ipakita rito na sobra siyang naaapektuhan, kahit na sa totoo ay nasaktan din siya at para bang may malaking kamay na lumamutak ng kanyang puso.


“Paghihiganti lang ang dahilan kaya pinaniwala ka ng fiancé ko na tunay ang kasal n’yo.


Dahil gusto niyang masaktan ang walang kuwenta niyang ama na nagpalaki sa….” 


Hindi na nagawang patapusin ni Via ang sinasabi ni Mariz, dahil hindi na niya mapigilan ang kanyang sarili na sampalin ito.


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan dahil ayaw na niyang magtuluy-tuloy pa ang galit na kanyang nararamdaman. 


“Olivia!”


Bigla siyang lumingon nang marinig ang boses ni Nhel. Kahit gusto niyang maging kakampi ito ng mga oras na iyon, ibig pa rin niyang malinawan sa sinabi ni Mariz.


“My love,” wika ni Mariz sabay yakap kay Nhel.


Bigla namang nandilim ang paningin ni Via, kaya agad niyang hinagilap ang buhok nito sabay sabunot. Hindi niya iyon binitawan hangga’t hindi rin ito bumibitaw sa pagkakayakap kay Nhel.


“Oh my God, oh my God!” Maarteng sigaw ni Mariz.


Nanlilisik pa rin ang mga mata ni Via, at sabay sabing, “Ang kapal ng mukha mong banggitin si God, samantalang para kang sawa kung makalingkis sa asawa ko!”


“Via, tama na ‘yan,” wika ni Nhel, sa mahinahong salita.


“Asawa mo?” Sarkastikong sabi ng babae sabay baling kay Nhel.


“Sabihin mo nga sa kanya na peke lang ang kasal n’yo.” Dagdag pa ni Mariz.


Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Marso 27, 2024


ree


“Gugustuhin mo bang maagaw si Nhel ng babaeng iyon?” Tanong ni Mariz sa kanyang sarili. 


Kahit pa sabihing hindi naman sila tunay na nagmamahalan, masakit pa rin ito lalo na iba ang natutunan nitong mahalin. Ngunit, mahal nga ba talaga ni Nhel si Via?


“Imposible,” sigaw niya sa kanyang isip. Para kasi sa kanya, napakaimposible noon. Hindi naman kasi talaga marunong magmahal si Nhel, at mahilig lang itong makipagtalik.


Alam niya iyon dahil sa tuwing nagkikita sila ay laging may nangyayari sa kanila. Kaya, hindi rin imposible na ganu’n lang din ang nararamdaman ni Nhel sa babaeng iyon.


Hindi dapat niya hayaan na magkatuluyan ang dalawa dahil paniguradong masasaktan nang husto ang kanyang pride. Gusto rin niya kasing iligtas si Nhel. 


Ang ibig naman kasi nito ay makapaghiganti sa ama niya at hindi nito magagawang maisakatuparan iyon, kung mas paiiralin niya ang kanyang puso.


“Talaga nga bang iyon ang dahilan?” Nanunuksong tanong niya sa sarili.


“Hello,” wika niya nang harangin ang babaeng kahit sa picture lang niya nakita ay kilalang-kilala na niya ito.


Kumunot ang noo nito nang makita siya. Hindi man lang siya nakakita ng pagkagulat sa aura nito. Sa tingin nga niya ay mas nakaramdam ito ng pagkairita dahil naawat niya ang paghakbang nito.


“Kilala ba kita?”


“No.”


Lumalim lalo ang kunot ng noo nito. Dahilan para makaramdam siya ng pagkairita.

“Hindi naman pala kita kilala, bakit iniistorbo mo ‘ko?”


“Kilala kasi kita.”


“Hindi ako artista.”


“Matindi ang self-confidence mo ha?.”


“May tiwala kasi ako sa sarili ko,” may kayabangan sagot nito.


“Magkakaroon ka pa ba ng tiwala sa sarili kung sasabihin kong hihiwalayan ka rin ni Nhel at magpapakasal kami?”


“Walang divorce rito sa Pilipinas.”


“Peke ang kasal n’yo,” pambubuwisit niya rito.


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page